Pages - Menu

Friday, January 8, 2010

Ewan I

Paunawa: Ito ay isang kwentong pang-TV. Patnubay ng magulang ay kailangan.

Ang pag-ibig parang "ewan". Ewan kasi ang hirap ipaliwanag. Para bang napakaraming anggulo, ang daming twist sa bawat kwento, samu't saring pagsubok at kung anu-ano pang nagpapaikot sa istorya. Sabagay, hindi naman kailangan ng paliwanag ang pag-ibig, basta totoo ang nararamdaman. Ngayong araw na ito, tunghayan po natin ang isang kwento ng pag-ibig, poot at pagnanasa na pinamagatang: EWAN.

Laking probinsya si Artur. Pagsasaka ang pangunahing ikinabubuhay ng kanyang pamilya. Laking Maynila ang Ama nya, pero dahil sa mahal na mahal nito ang ina ni Artur, mas pinili nito na iwan ang mga kamag-anak sa syudad at mamuhay na lang ng tahimik sa probinsya. (Isipin mo nanonood ka ng t.v, naalala 'yung mga nangyari. Parang ganun).

Napakabilis lumipas ng panahon, eto ang Ama ni Artur, hawak hawak ang diploma ng anak matapos tapusin ang kursong Engineering. Dahil sa Maynila naman kadalasan lahat nagrereview at kumukuha ng board exam para maging propesyunal, napagdesisyunan ng pamilya na paluwasin ng Maynila si Artur. Excited ang binata, pormado na hindi naman magpapahuli sa uso, lumuwas ng Maynila.

Ngingiti-ngiti ang binata na sinasalubong ng malamig na hangin sa bintana ng sinasakyang bus patungong Cubao. Higit 9 na oras ang byahe. Sukbit ang mga pangarap patungong Maynila, nakangiti pa rin ang binata kahit na mahimbing na natutulog sa byahe. Sa laki ng ngiti ng binata, 'di maiwasan na tumulo ang laway nito, na s'ya namang naging dahilan ng pag-gising. Pupungas-pungas na bumaba ang binata sa bus pagdating sa terminal. Kinuha ang maliit na papel na naglalaman ng instruction sa pupuntahang lugar at mga tila nagdadramang paalala at habilin ng ama. Sa Sampaloc, Manila ang tungo n'ya, sa isang boardinghouse na pag-aari ng kanyang tiya. Dito sya pinatuloy ng ama dahil sa bukod sa malapit na sa Review Center, sigurado pa ang kaligtasan n'ya at libre na ang pabahay dahil sadyang dinesenyo ang bahay para sa mga kapwa reviewee at mga istudyante.

Napansin niya ang magandang building sa Cubao, Gateway Mall. Naisipan n'ya na magpalamig muna dito at mamasyal. Unang beses ni Artur sa Gateway, dahil promdi ay manghang-mangha s'ya hindi sa mga bagay na makikita sa mall, kundi sa mga taong nakakasalubong n'ya. Tila ba lahat ng babaeng makita ay maganda sa paningin n'ya. Pakiramdam pa n'ya, s'ya na ang pinakamadungis na tao sa mall kahit na may mas madudungis pa talaga. Kahit malamig sa loob, hindi maiwasan na pagpawisan pa rin si Artur. Para bang ayaw n'yang magreview para sa board exam, parang mas gusto na lang n'yang tumunganga at maghanap ng babaeng mamahalin at pakakasalan. Naalala n'ya kasi na sa probinsya nila, asawa lang ata ng mayor ang marunong mag-make-up. Magaganda naman ang mga babae dun, pero hindi tulad sa Maynila na kahit 'di maganda, mapapatingin ka at mapapalingon sa galing nilang mag-ayos at magdala ng sarili.

Parang pampelikula na sa katangahan ni Artur, nabunggo n'ya ang kasalubong na babae at natapunan ng iniinom na shake. Aksidente lang ang lahat, dahil wala naman s'yang idea sa itsura ng babaeng 'yun hanggang sa mapatingin ito sa kanya na tila yamot dahil sa mantsang dulot nito sa pang-nurse n'yang damit. Hihingi na sana ng paumanhin ang binata pero natigilan s'ya.

(Pause. Pasukin natin ang isip ni Kumag) S'ya na ba ang babaeng hinahanap at pinapangarap ko? Sobrang ganda n'ya, mapupulang labi, makinis at maputing mukha, bahid ng mapusyaw na rosas sa mga pisngi... ang bango n'ya, kinakilabutan ako, para akong nagliliyab, parang sa sandaling segundong ito, nahuhulog at natutunaw ako sa kanya. Minsan lang 'to darating sa buhay ko, ang makakita ng taong hindi ko pa man lubos na kilala ay natututunan ko ng mahalin...

"Binibini paumanhin, sorry hindi ako naging maingat.." ngiti at pinong "walang anuman" lang ang iginanti ng dalaga at patuloy na naglakad palabas ng mall. Hindi na nakapagreact sa nangyari ang katawan ni Artur, parang bulang naglaho ang dalaga. Parang bulang naglaho ang sandaling ligayang dulot nito sa kanya. Sa pag-aakalang makikita n'yang muli ang dalaga, naglibot-libot pa s'ya sa loob ng mall. Hindi n'ya talaga napansin na lumabas na ito, at pinipilit kumbinsihin ang sarili na nasa loob pa din ito.

Dumidilim na, dapat kaninang tanghali pa s'ya nakarating ng Sampaloc. Napalitan ng lungkot ang ngiti sa mukha ng binata, ang kaninang sabik na sabik sa pagpunta ng Maynila, ngayon e daig pa ang nabigo sa board exam. Nagpasya ang binata na maghanap na ng masasakyan patungong Sampaloc. Madali naman n'ya itong narating, maging ang boardinghouse na pag-aari umano ng tiyahin ay madali din n'yang natunton. Pagkaayos ng gamit sa itinurong kwarto, nagkwentuhan ang mag-tiya, kwentuhan na umabot din ng ilang oras, mga kwento na halos ay puro tungkol sa ama n'ya noong sa Maynila pa 'to nagtitigil. Sa paglipas ng oras, nagpaalam na ang tiyahin n'ya na magpapahinga na. Ilang kabataang babae rin ang pabalik-balik at labas pasok sa tinutuluyan nila, mga istudyante ng iba't ibang paaralan, meron ding mga reviewee tulad nya. Magaganda rin ang mga dumadaan, pero unang araw pa lang may pumunan na agad sa puso ng binata. Ilang sandali pa, isang babae ang pumasok na naka-puti, "hindi ako maaaring magkamali, s'ya yun!". Tanda n'ya sa damit nito na may bahid ng mantsa na s'ya ang may kagagawan. Para s'yang kinikiliti sa tuwa, ang babae na ang kusang humanap sa kanya sa di inaasahang pagkakataon. Ang liit ng mundo sa isip isip nya. Lumakad ng matulin ang babae, paakyat sa silid nito, na alam din n'ya at napansin din n'ya ang lalaki na nakabangga sa mall ay muli n'yang nakita. 'Di man bumakas sa muka n'ya ang ngiti kanina, sa loob naman n'ya ay masaya rin ang puso n'ya. Hindi alam ng dalaga kung bababa pa ba s'ya kahit na naiihi ito sa tagal ng byahe n'ya kanina galing ospital, dala ng hiya, nagpalipas pa ang dalaga bago nagpasyang bumaba. Sa pag-aakalang wala na ang lalaki sa salas, bumaba ito. Wala s'yang nakitang ibang tao kundi mga kadalagahan na kapwa n'ya istudyante sa nasabing paupahan. "Hayyss, buti na lang wala sya" isip ng dalaga.

Sa kabilang silid, hindi mapakali ang bagong saltang Maynila na si Artur, nag-iisip kung pa'no didiskarte at magpapakilala sa babae, naisip n'ya na humingi ng tulong sa Tiyahin. "Tama! Hihingi ako ng tulong kay tiya bukas na bukas din!" naibulong n'ya sa isip n'ya. Sa gitna ng pag-iisip ng binata, pumasok sa isip n'ya kung pa'no kaya matulog ang dalaga, kung mas maamo kaya ang mukha nito kapag tulog? o malikot kaya s'ya? kung anu-anong naiisip n'ya, maging pag-iisip na isang araw makakasama n'ya 'tong matulog sa silid n'ya ay pumasok na rin sa isip n'ya. Nakatulugan na ni Artur ang pag-iisip ng kung anu-ano, nakatulog ang binata na ngiting aso, ang isang kamay ay nakapasok sa short at ang isa sa dibdib.

Kinaumagahan ay maagang nagising ang binata, bumaba agad para maligo. Para presko raw kung sakali man na makasabay n'ya itong kumain ng almusal. Matagal sa banyo ang binata, todo ligo at bate.

Habang nagbibihis, planadong planado na ang mga sasabihin n'ya sa dalaga at sa kanyang tiyahin na gagamitin n'ya para makilala ang magandang dilag. "Artur! Artur! Bumaba ka na d'yan at kakain na tayo." mabilis na bumaba ang binata na namamango pa sa Daily Scent ng Bench na binili n'ya sa Mall kahapon. "Aba, mukhang maganda ang gising mo ah. Mukhang may popormahan ka sa mga dalaga dito ah. Kabago-bago mo e..." kasabay nun, nagbabaan na rin ang ibang mga boarders. Parang may mini canteen sa loob ng paupahan ng t'yahin n'ya, kaya halos lahat ng tao dun e nagkakasabay-sabay mag-umagahan. Nakita na ng binata ang pakay n'ya, ang dalaga na kaygandang pagmasdan sa hapit nitong t-shirt at manipis na pajama. Parang bulaklak na kaybango ang halimuyak ng aura ng dalaga. "Ang sarap..." bulong ni Artur, "Ang sarap ng ulam natin tiya ah" biglang palusot ng binata sa pag-aakalang narinig s'ya ng dalaga.

"O gising ka na pala Lisel, akala ko mamayang alas-10 ka pa babangon. Alam ko kasi pagod ka galing duty, halika na at sabay sabay na tayong kumain ng pinsang buo mong si Artur, para magkakilala na rin kayo"  bulalas ng tiyahin ni Artur.

Itutuloy...

5 comments:

  1. seryoso ba to goyo? na may price? haha sali ako!

    ReplyDelete
  2. bench hhahahahaha!

    ReplyDelete
  3. HAHAHA!

    @Jamie, seryoso yan. kasi wala naman mananalo.. LOLs! =)
    ~ano bang hula mo sa title? :)

    @Hindi nagpakilala
    bench ba sagot mo? bakit naman? :))

    ReplyDelete
  4. IDOLO kita GOYO... Madalas kong binibisita ang blog mo sa tuwing nalalagi ako sa harap ng kompyuter at humahanap ng INSPIRASYON sa pagsulat... salamat. :D GoDbless

    ReplyDelete
  5. @jem, maraming salamat. dapat ko na sigurong sundan ang kwentong ito. hindi ko pa natatapos e. hehe.

    ReplyDelete