Pages - Menu

Saturday, January 16, 2010

Mercury Drug

Kakagaling ko lang sa McDo, Boni, Mandaluyong. Humiram ako ng pera sa kapatid ko. Hindi ko inaasahan na itong pagkikita namin na 'to ng kapatid ko ay magpapamulat sa'ken ng husto tungkol sa mga bagay bagay sa mundo. Pagka-order ng dalawang Sundae, sibat agad ako pabalik dito sa Sampaloc, bumaba ng Acacia Lane, sakay ulit ng jeep diretsong Quiapo.

Sa kalagitnaan ng byahe, normal ang mga pasahero na pumapara para sumakay at para bumaba. Busog ang mata ko sa mga kasakay na bebot, pero ang isang taong 'to ang bumuhay ng dugo sa loob ko. Isang lalaki ang pumara, pagtigil ng jeep lumapit sa unahan. Hindi ko narinig ng husto kung ano 'yung sinabi, akala ko "pasabit" ang sinabi n'ya, at akala ko tama ako, kasi sa likod lang s'ya ng jeep pumuwesto. Natigilan ako nung nagsalita na s'ya, hindi ko alam kung narinig mo na ang ganitong boses, tinig na bukal hanggang ilalim ng puso, tinig na kasama pati buong kaluluwa, tinig na pigil ang luha pero ayaw ipahalata, tinig na ibinaba ang sarili sayad hanggang lupa para lang mabigkas ang mga salita na nais sabihin.


Isang lalaki na katamtaman ang laki, medyo maputi, may katabaan pero hindi mo masasabi na tamad, tipikal na hitsura ng isang ama ang dating n'ya. Isang lalaki na may dalang supot ng Mercury Drug ang humihingi ng tulong para sa asawa n'ya na may kanser sa matres. Naantig ako ng husto, hindi ko inisip na gimik lang 'to, at ayokong isipin na raket n'ya lang 'yun dahil ramdam na ramdam ko ang pagnanais n'ya na mailigtas ang asawa. Pagpasok na pagpasok ng tinig n'ya sa tenga ko, hindi ako nagdalawang isip na bumunot sa pitaka ko na ang tanging laman ay perang inutang ko sa kapatid ko, nangutang ako dahil gastador ako at matakaw kaya naubos ang pera ko. Para akong tanga na gustong lumuha, naisip ko kung ako ang nasa kalagayan n'ya. Napailing na lang ako para sa sarili ko at napapikit para sa lalaki. Hanga ako sa dedikasyon n'ya, hanga ako sa pagmamahal n'ya sa asawa n'ya. Bumaba s'ya sa jeep, tangan ang barya na alam kong makakatulong sa asawa n'ya. Muli ko s'yang tiningnan habang papalayo ang jeep, mas nagulat ako nung makita ko ang mga mata n'ya. Hindi ko maipaliwanag kung anong meron dun, ang tanging alam ko lang, isa s'yang mabuting ama sa mga anak n'ya, mabuting asawa  sa misis n'ya at makakaligtas ang asawa n'ya.

Bro, Ikaw na ang bahala sa kaibigan natin. Ngayon alam ko nasa lansangan pa s'ya, gabayan Nyo sya.

Minsan talaga may punto sa buhay mo na malulungkot ka't maaantig sa mga taong nasa palagid mo. Pero mas lamang ang awa sa sarili dahil sa mga kababuyang pinagagawa natin. Tapos biglang sa huli, babanat na lang tayo na mas swerte pa rin tayo.

No comments:

Post a Comment