Pages - Menu

Thursday, April 22, 2010

Balota ng Pagbabago

Babala: Kung maka-Villar ka o lalo na kung maka-Noynoy ka, maaari mo ng iwanan ang pahinang ito. Pero kung isa kang makabagong Pinoy na marunong makinig at makiusisa sa opinyon ng iba, halika tuloy ka.

Ito ang kauna-unahang boto ko sa buong buhay ko, hindi kasama ang botohan sa eskwela at botohan kung sinong gagawa ng ganito at ganon. Maging botohan sa barangay hindi pa ako nakakaboto.

Napakahalaga para sa akin ng unang boto ko. Gusto ko ang iboboto ko, karapat-dapat talaga. Lahat naman ng boto mahalaga at dapat pahalagahan.

2009 pa lang maugong na ang mga balita tungkol sa eleksyon sa taong 2010 at lalo itong umingay habang lumalapit ang mga araw. Sunud-sunod na ang mga balita kung sinu-sino ang mga tatakbo. Tulad ng isang pangkaraniwang kabataan, hindi ko ito pinapansin noong una hanggang sa dumating ang araw ng pormal na pagpoproklama ng mga kandidato. Naglabasan na ang mga kulay at mukha ng bawat partido. Una kong napansin si Noynoy, napanood ko ang pagpoproklama n'ya sa telebisyon. Kinilabutan ako sa mga eksenang nasaksihan ko, ang mga taong andun lahat nagkakaisa, lahat naka-dilaw, lahat nakikisimpatya. Ibinulong ko sa sarili ko, "Kay Noynoy ako!", akala ko hindi na mababago ang desisyon kong ihalal si Noynoy sa pagkapangulo. Hindi naman kasi p'wedeng basta ako bumoto dahil lang sa ang mga magulang n'ya ay si Ninoy at Cory. Gumawa ako ng paraan para mas makilala ko pa si Noynoy.  Si Noynoy na nga siguro ang tipo ng tao na hindi magagawang magnakaw, ikaw man ang nasa katayuan n'ya, hahayaan mo bang masira ang pangalang hindi naman ikaw ang gumawa, ku'ndi ang mga magulang mo na itinuturing na bayani ng mga Pilipino.

Sa kasamaang palad, hindi sapat ang kakayahan n'ya para pamunuan ang buong bansa. Hindi nakitaan ng gilas at sipag sa senado si Noynoy. Ayoko man sabihin 'to, pero kung hindi pa pumanaw ang dating Pangulong Cory, hindi tatakbo si Noynoy sa pagkapangulo.  Ang inaakala ko rin na isang malinis na laban na maaari n'yang ibigay sa kalaban, eto s'ya ngayon at namumulitika na rin at nagbibitaw na rin ng mga patutsada sa mga kalaban.  Nakakapanibago. Hindi sapat na puso lang ang batayan, oo mahal ng lahat ng Pilipino si Ninoy, mahal ng lahat ng Pilipino si Cory, pero hindi lahat bilib kay Noynoy.

Wala namang kaso kung galing sa mahirap o sa mayamang angkan ang isang kandidato. Kakayahan naman ang dapat gawing batayan at hindi ang pinagmulan. Si Villar? Bakit n'ya laging pinagdidiinan na galing s'ya sa hirap? Para makuha ang simpatya ng mas nakararaming mga Pinoy na mahihirap? Tama naman si Villar na sa sipag at tyaga aasenso ang isang tao. Ang nakakapagtaka lang, bakit ganito s'ya kadesperado maging pangulo? Bakit balewala sa kanya ang bilyun-bilyong perang ginagastos n'ya sa kampanya? Hindi na 'to paglilingkod, ambisyon na 'to.

Si Noynoy at Villar. Sila ang mga nangunguna sa mga survey-survey. Kung sino ang nangunguna, s'ya na lang ang pinagtutuunan ng pansin. Naging bukas ang isip ko para makilala pa ang ibang mga kandidato. Marami pang magagaling, pero sa lahat ng kandidato, isa lang ang nagningning ng husto ang kulay. Berde po. Tama! Si GIBO po.


Si Gilbert "Gibo" Teodoro Jr., s'ya ang aking pangulo. Galing at Talino. Sa lahat ng kandidato, s'ya ang tingin kong may kapasidad na magawa ang mga tungkulin n'ya sa bayan. Isang taong may malakas na personalidad. Isang taong pinahahalagahan ang edukasyon. Kitang kita kay Gibo ang mataas na pinag-aralan, hindi man paulit ulit na lumalabas sa telebisyon ang mga komersyal n'ya tulad ng ibang kandidato, bumabawi naman ito sa mga debate at iba pang talakayan sa telebisyon. Kapansin-pansin na sa lahat ng kandidato, natatanging si Gibo lang  ang kayang sumagot ng tama at may sapat na impormasyon sa bawat katanungan.

Kampanya na siguro ang pinakamaingay na panahon sa lahat, and'yan mga rumorondang mga sasakyan na nagpapatugtog ng kung anu-ano. Ok lang naman ito, parte ito ng kampanya. Pero higit sa lahat ng ito, mas nakakabingi at mas nakakasakit ng ulo ang paulit-ulit na tirahan at bangayan ng mga kandidato. Siraan dito, siraan doon. Mas iniintindi ang mga ilalabas na baho ng kalaban. Dito rin ako mas lalong humanga kay Gibo. Wala akong nabasang kahit anong artikulo o napanood na video na nakipagsiraan si Gibo laban sa mga kalaban n'ya. Isang tunay na lalaki.

Balitang balita ang pagbaligtad ng ilang kaalyado ni Gibo. Hindi ko alam ang dahilan, dahil sa pera? O dahil sa alam nila na malakas ang kabila? Sa ginawa nilang pagbaligtad, ngayon pa lang maituturing ko na silang talunan. Muli't muli, pinahanga ako ni Gibo. Sa napanood ko sa isang maikling panayam, sinabi n'ya na hindi s'ya susuko  at lalaban s'ya hanggang sa huli.

Mas nararapat na alamin ang plataporma ng bawat kandidato. Alamin ang kakayahan nito. Alamin ang kayang magawa sa bayan. Alamin kung gaano kabuo ang loob sa tawag ng paglilingkod. Lahat ng 'yan, solido na kay GIBO!

Isa na siguro ang pagboto sa mga bagay na lahat ng tao nagkakapantay-pantay. Pero sana huwag kang basta bumoto sa isang kandidato kasi pakiramdam mo s'ya ang mananalo. Bumoto tayo ng tama, iboto natin ang alam nating karapat dapat at naaayon sa paniniwala mo. Hindi mahalaga kung matalo o manalo ang iboboto mo, ang mahalaga ibinoto mo ang isinisigaw ng puso at isipan mo kahit na marami ang nakasalungat sayo.

Matatapos din itong halalan na 'to at sana manalo si GIBO dahil s'ya ang alam kong karapat-dapat na maging sunod na pangulo ng bansa.

Huling salita na... Bilang isang Pilipino, kung sino man ang manalo sa eleksyon na ito ay irerespeto ko. Susunod ako at susuporta sa susunod na pangulo ng bansa para sa sama sama nating pag-asenso.

9 comments:

  1. "Pero sana huwag kang basta bumoto sa isang kandidato kasi pakiramdam mo sya ang mananalo."

    soo true..angree-ng agree ako dito..undecided pa ako kung si GIBO or GORDON ang iboboto ko..parehong pareho kasi sila halos ng kakayahan at iba pa. but anyway, kaya ko inulit yung sinabi mo kasi may naalala ako. ^_^ may time kasi na nagtanungan kami ng bf ko kung sino ang iboboto ng isatisa,nung sinabo ko na si gordon or gibo ako, ang sabi nya sa akin, "bakit yun ang iboboto mo?sayang lang ang boto mo nyan!di naman sila mananalo."

    ayun..hehehe pero kahit diniscourage nya ako di ako natinag dahil tulad nga ng sinabo mo, di natin dapat iboto ang isang kandidato dahil yung ang mananalo kundi dapat natin siyang iboto kasi naniniwala tayo sa kanyang kakayahan na paunlarin ang pilipinas. ^_^

    weeew!ang haba ng komento ko..tsk wahahaha

    ReplyDelete
  2. nakatago kasi ang post a comment nahirapan akong hanapin haha!

    gusto ko yung last part na sinabi mo tama naman khit sino pa manalo! suprtahan natin kasi in the end, lahat naman sila sigurado may mithiing paunlarin ang bansa natin!!

    cheers para sa bagong bontante!!!!

    ReplyDelete
  3. pareho lang kami ni superjaid, undecided pa kay GIBO at GORDON. Hindi ako naniniwalang masasayang ang boto ko dahil karapatan ko naman pumili kung sino sa tingin ko ang nararapat na mamuno sa bansa. Mas masasabi pa ngang sayang ang boto ng isang botante kapag hindi pinagisipan at nagpadala na lang sa pulso ng karamihan.

    Good Luck sa pagboto. Sana lang hindi magkaroon ng aberya sa bagong proseso.

    ReplyDelete
  4. gibo ako. gibooooooo!
    apir tayo dyan.

    pero kung hindi man siya pinalad, okas lang.

    basta ang gusto ko, malinis na halalan. yun lungs...

    ReplyDelete
  5. offtopic..di ko alam kung san ilalagay e..followed and link added na po :P

    ReplyDelete
  6. Ang mahalaga bumoto ka kasi alam mong hindi masasayang ang boto mo...

    ReplyDelete
  7. droppin in your blog...politics is in the air na talaga dito!!!heheheh

    ReplyDelete
  8. pareho kmi ni jaid, gibo or gordon din ako! sana nman maging malinis ang halalan ngayon. tsk.

    ReplyDelete
  9. apir..im for gibo because of the same reasons u said in this entry...YEAH! mabuhay sa mga matitino't marunong mag-isip hehe....

    ReplyDelete