Pages - Menu

Sunday, August 15, 2010

Piso oh!

Tulad ng mga nakaraang gabi, mainit pa rin sa kwarto sa bagong boardinghouse na tinutuluyan namin sa Mandaluyong. Walang electric fan na pwedeng gamitin, meron nga sira naman. Ilang beses na naming ipinaayos ito at ilang beses ko na ring nasaksihan ang pag-alingasaw ng amoy ng nasusunog na motor nito. Tuwing umaga'y gumigising akong pawisan ang likod lalo sa parteng ulunan, mababakas sa unan at kobre kama ko ang mantikang pinagpawisan ko ng buong gabi. Madalas tuloy akong badtrip sa umaga lalo na kapag sa parteng nagbibihis na pagkatapos maligo. Hindi kasi ako sanay ng pinagpapawisan habang nagbibihis, gusto ko nakatapat sa bentilador para presko. Nakakairata ang pakiramdam na parang ang asim mo na agad kahit katatapos mo pa lang maligo. Buong araw mo sira na.

Ganitong-ganito ang eksena ko kaninang umaga. Mainit na nga ang panahon, mainit pa ang ulo ko dahil sa hindi komportableng pakiramdam dahil sa bwisit na sobrang banas sa kwarto. Lalo pang uminit ang ulo ko dahil wala na naman akong pera. Lagi naman.

Buti medyo naibsan ang pagka-badtrip ko noong nasa jeep na ako papunta sa school, kahit mainit hindi ko ipinahalata sa mga chikas na kasabay ko na 'di komportable ang pakiramdam ko, relax lang kumbaga. Matagal tagal na rin akong hindi kinikilig ng ganito. Si Ate kasi na maputi, makinis ang balat, umaalingasaw ang bango na alam mong fresh na fresh at bagong ligo. Si Ate na simple ang pananamit pero sexy at maganda, higit sa lahat na-turn-on talaga ako sa mga mahahaba pero sobrang ninipis na balahibo n'ya sa makinis n'yang braso. Gusto ko sanang pansinin at sabihing, "ang cute naman ng mga balahibo mo, pwede pahaplos?", hindi ko na lang itinuloy. Wala talaga akong lakas ng loob magbukas ng usapan sa isang estranghero lalo sa ganung pagkakataon. Tulad ng dati, ligaw tingin lang ang nangyari sa amin. Maikling panahong nagbigay sa akin ng ngiti at kilig kapag nagtatama ang mga mata namin.

Pagdating sa classroom, late ako ng isang oras. Normal lang ito sa prof namin tuwing sabado. Nasanay na kami pati s'ya na lahat kami late pumapasok, kasama na din s'ya sa mga late. May quiz pala kami, pero relax lang, petiks! Hintay ng sagot, kopya, kwentuhan muna saglit, kopya na naman ng sagot kapag meron na, kwentuhan na naman at daldalan. Balewala lang sa prof, natapos ang klase ng ganun lang ang ginagawa, pati quiz tapos!

Nakaramdam ng gutom, sakto uwian na. Napahiwalay kami ni mongoLloyd sa iba naming kaklase pagkain, dun kami sa dati na naming kinakainan. Tantsado na kasi namin ang gastos dun. 'Yung iba kasi ay balak atang maghanap ng ibang makakainan. Full tank ako sa kinain ko, buti pinautang ako ng P50 ng kaklase ko, kaya ako nakakain. Pagkatapos kumain sakto na lang ang pamasahe ko pauwi. Dito na nagsimula ang kwento ng buong maghapon ko. Ang haba ng intro. Akalain mong hindi pa pala nagsisimula.

Ewan ko ba kung bakit bilang ako ng bilang at kwenta ng kwenta sa pamasahe ko pauwi. Alam ko na naman kung magkano na lang ang pera ko at kung magkano ang pamasahe, bilang pa rin ako ng bilang. Hindi ko rin alam kung bakit ang sarap magyosi 'pag busog na busog. Chillax na chillax ang pakiramdam. Parang gusto mong humiga na lang at matulog. Pagkaubos ng isang istik, deretso sa computer shop. Sabi ko magpapalamig lang kami at magpapalipas saglit ng oras. Bigla namang nagdatingan ang iba ko pang kaklase na ikinasira ng budget at plano kong pag-uwi. Dahil nakakaengganyong mag-dota kapag maraming kaklase ang naglalaro, umutang ako sa kaklase ko ng P50 ulit. Dota Dota Dota. Natapos ang Dota, P60 ang binayaran ko. Binilang ko na naman ang pamasahe ko.

Isang daan at dalawang piso na lang ang pera ko. Kapag nag-LRT ako pauwi, syete pesos sa jeep papuntang LRT, kinse ang LRT, dose papuntang Junction, kwarenta pa-Tanay, at sa huling sakay, bente'y nuebe pa-Jalajala. Isang daan at tatlong piso lahat?

TANG INA, KULANG NG PISO!!!

Kung magko-Crossing naman ako at jeep lahat ng sasakyan ko mula Recto ay disi-otso, Crossing to Tanay ay singkwenta'y tres, tapos pa-Jalajala ay bente'y nuebe. Isang daang piso lahat, pwede! May matitira pa akong dalawang piso. Nagdesisyon ako na sa Crossing na lang dadaan. Pagkababa ng computer shop bandang alas 5 ng hapon, naisipan kong magyosi muna. Pamparelax! Masarap din kasing magyosi kapag matagal kang busy sa kung ano mang ginawa mo. Nagbigay ako ng 3 piso sa Ale, Marl Lights at isang candy. Noong nag-aabang na ako ng jeep, tsaka ko lang naalala na dos lang pala ang pasobra ko sa pera ko. Pagsakay ng jeep, 17 lang ang ibinayad ko. Lusot ako. Sa loob ng jeep, hindi ko rin alam kung bakit ang hilig kong makinig sa kwentuhan ng iba. Cute kasi 'yung isa sa mga nagku-kwento, at tulad kaninang umaga, nakapatay na naman ako ng tao. Tinunaw ko na naman sa tingin ang pobreng dalaga.

Pagbaba sa Crossing, naalala ko ang P25 load ko na hindi pumasok noong isang araw. Dala na rin siguro ng gutom at uhaw na uhaw na lalamunan, parang naisipan ko na resbakan 'yung nagload saken at komprontahin na hindi pumasok ang load ko at sayang ang P25 ko! Matatandaan pa kaya ako nun? Dahil sa takot na mapahiya lang sa sangkatauhan, ipinagpasa-Dyos ko na lang ang nagloload na 'yun. Amen.

Sumakay sa Jeep, ang init grabe, tang inang shit. Ang asim ko. Wala na akong pake, pare-pareho lang kaming maaasim. Bahala na kung sino ang unang magrereact. Traffic. Pagdating sa Morong, tsaka lang nagsipag-abutan ng bayad ang mga pasahero. Ako, todo kapa sa bulsa ko, maya’t maya kong tsine-check kung nasa bulsa ko pa ang pitaka kong may lamang saktong pamasahe. Nasa Baras na ng mag-abot ako ng pasahe ko, isang bente at isang sikwenta. May sukli pa akong disi-syeta sa singkwenta’y tres na pamasahe. Nakakainis lang na mas nauna akong nagbayad sa kanila pero mas nauna pa silang nasuklian. At mas nakakainis pa ng iabot na sa akin ang sukli ko, kulang ng PISO! Maya maya na raw ang kulang, walang barya at magpapapalit pa ang kundoktor na simpleng nag-iipon ng dagdag kita sa simpleng 'di pagbabalik ng sukli. Style, bulok. Alam kong malabong iabot pa sa akin ang piso ko, kukunin ko pa sana ang piso ko bago ako bumaba pero nakakahiya. Piso na nga lang kukunin ko pa, baka maisip ng kundoktor. Pero bakit ang mga kundoktor kapag kulang ang bayad mo ng piso, kukunin pa rin nila. Naisip ko man ito pero huli na, naunahan na naman ako ng hiya.

Bente otso na lang ang pera ko, kulang ng piso para makauwi sa amin. Sana may makita akong kakilala, hihingi ako ng piso. Pero wala. Kahit sabihin mo pang piso lang 'yun, mahalaga 'yun, at nakakahiya kapag inabot ko ang bayad ko at sisingilin ako ng driver sa kulang na piso at wala akong maiaabot. Nag-isip na ako ng mga palusot bago tuluyang sumakay, sasabihin ko na lang na "Ma, walang barya e, BUONG ISANG LIBO!". Tama ganun na lang nga siguro. Hindi na naman siguro ako susuklian nun ng P999.oo. Sa jeep, ang hirap makakuha ng tamang timing sa pagbabayad, nasa dulo kasi ako. Dalawang minuto na lang na byahe ay nasa bahay na ako, hindi pa rin ako nagbabayad. Hingang malalim, "Ma bayad". Isinakto ko sa pagbabayad ng dalawang pasahero, hindi umimik ang driver. LUSOT!

Sabi nga ng isa kong Prof, hindi mo maiisip ang kahalagahan ng piso kung may 100 pesos ka. Pero kung syete lang ang pera mo at nawala ang piso, mag-aalala ka sa pagkawala ng piso dahil wala kang pamasahe at hindi ka makakauwi. Mawala man ang piso sa isang daan, hindi mo ito mararamdaman, makakauwi ka pa rin.

Parang sa buhay, maraming bagay ang hindi natin napapansin ang importansya kasi marami tayo nito. Sige lang tayo ng sige, lalo sa pera. Pero oras na maubos ito at malapit na tayong magipit, lagi na lang nasa huli ang pagsisisi.

Habang naglalakad sa madilim na kalye pauwi sa bahay, halos isumpa ko ang pagiging gastador ko. Ayoko ng magipit kahit kailan. Ang hirap maging hampaslupa. Ang hirap ng laging nag-aalala na baka kulangin ka. Ang hirap ng dinanas ko sa byahe, torture ang mga katabi kong masayang umiinom ng C2, softdrinks at mineral water habang bumabyahe. Samantalang ako, tuyong tuyo ang lalamunan.  Mas lalong torture nang umalingasaw ang pamilyar na amoy ng Jollibee. Pinilit kong makatulog sa byahe para hindi maramdaman ng husto ang gutom. Parang pagod na pagod ako.

Pag-uwi sa bahay, masaya akong naghapunan, kahit anong ulam kakainin ko! Masaya kong ninamnam ang lamig ng tubig na iniinom ko. Ang sarap maghubad ng sapatos at medyas pagkatapos ng napakahabang araw. Parang natanggal ang mabibigat na bolang bakal sa mga paa ko. Ang sarap ilapat ng pagod na katawan sa kama. Ang sarap mag-inat! Ang sarap huminga ng malalim. Ang sarap mabuhay! Ang sarap mabuhay kahit maraming pagsubok na maaaring daanan, kasi sa huli basta may pagsisikap at tamang diskarte, alam mong makakaluwag ka rin at makakapagpahinga ng walang iniisip na problema. Ngayon ko lang naramdaman ang ganitong pakiramdam, mga simpleng mga bagay na sobra ang ligayang ibinigay sa akin.

Akalain mong ng dahil sa piso, kung anu-anong shit na naman ang pinagsasabi ko.


25 comments:

  1. mahirap pag kulang ng piso sa pamasahe pero pag sa jeep, pag kulang sila ng piso, parang walang puso :D

    ReplyDelete
  2. dapat sa school pa lang kwentahin mo na agad ang pamasahe mo. para nakahingi ka ng piso sa klasm8 mo dava? hehehe... miz yah goyo!

    ReplyDelete
  3. ayus... haba ng kinahinatnan ng storya ng piso. at laging nagkukulang ng piso lang, dapat nilubos lubos mo na. dos na yung kinulang mo sa manong driver. para sa bandang huli may piso ka pa. saktong sakto sa taytol.

    ReplyDelete
  4. Lesson learned:
    Wag magDOTA

    Pag ako sumasakay ng jip minsan palabas palang ng school bilang ko na pamasahe ko at hawak ko na.. mahirap nang makulangan hehehe..

    ReplyDelete
  5. Moral Lesson:

    Wag na mag yosi!
    Napakahirap nung saktong sakto ang pera pero mas mahirap kung ZERO. ^_^

    ReplyDelete
  6. naranasan ko na rin kulangin ng PISO last week,
    dahil lang sa piso, di ko nabili yung mascara (cosmetic) kaya kahapon binalikan ko at binili ko na :)


    mahirap talaga makulangan ng piso.

    ReplyDelete
  7. pag kulang pamasahe mo, try mo wan tu tri, di ka naman makikilala ng drayber eh. patigasan na lang ng mukha. :D

    ReplyDelete
  8. Alam mo batang Goyo, ganyan din ako noong college. Tama ka ang hirap maging hampas lupa. Dati nga candy nalang at libreng mineral water sa school ang ginagawa ko para mairaos lang ang isang araw. Naranasan ko naring bumili ng half rice at humingi ng sabaw. Nagalit pa ung ateng nag titinda tatlong piso lang ung rice tapos gagamit pa daw ako ng plato huhugasan pa daw nya. Naiyak ako noon sabi ko ayoko ng maging hampas lupa. Ibinili ko kasi ng tulips ung nililigawan ko kaya naubus ung allowance ahahahha

    ReplyDelete
  9. Sige lang parekoy! Ganun talaga ang buhay estudyante...aanihin mo din yang sikap at tamang diskarte pagdating ng panahon...

    may natutunan ako sa post na ito...salamat!

    ReplyDelete
  10. e sinu naman di maiinis sa ganyang sitwasyun---sa subrang summer feeling plus humidity plus usok at alikabok ng Manila tapos walang electric fan? anu yan Baguio? buti nga ganyan lang ginawa mo e---kung ako siguro nasa kantio ako buong magdamag nagsisigaw at nang-aaway ng mga taong dadaan.lol

    ReplyDelete
  11. mahalaga ang piso. yun lang. :D
    napadaan lang matapos ang napakatagal na panahon. :)

    ReplyDelete
  12. heheh pag minsan ganun din naman ang mga pasahero pag kulang ang sukli galit na galit pero kapag sobra hindi naman maibalik :)) QUITS lang!

    ReplyDelete
  13. hahaha. eh kasi nagdota ka pa..sana umuwi ka na lang ng maaga diba? tara, GG na sir! :)

    ReplyDelete
  14. parang ako lang dati. tinakasan ko yung sasakyan dahil kulang ng piso :) hirap talaga maging hampaslupa, kaya hindi na ako lumalabas ng bahay kapag walang budget.

    ReplyDelete
  15. Taribong: Ayos! Salamat sa pagbabahagi ng iyong piso adventure. Sana hindi ka na maubusan ng piso sa mga darating pang araw... Amen.

    ReplyDelete
  16. maraming beses na nangyari sa akin yung sakto ang pera.. pero di pa nangyayari yung mawalan ng piso upang di na ako makauwi.. hehehehe pero pag alam kong sakto lang ang pera ko, talagang di ako bumibili ng mga bagay na di ko kailangan.. siguro yun ang lesson na iniwan sa yo.. matutong gumastos sa mga bagay na kailangan lang lalo pa't sakto lang ang pera mo.. ;)

    ReplyDelete
  17. Nice post… very informative… one more thing. Be my VIRAL POSTER! and Win Exciting Prizes Weekly from Sulit… Please vote for me end lets both win… thanks...

    My Online Computer Tips
    Marvz Anime Blog
    Every Rhose...

    ReplyDelete
  18. Haha, I had the same experience nung nag-aaral pa ako sa PUP haha... kulang na lang mag"1-2-3" ako kaso malupit magbantay yung kundoktor. Mabuti na lang at may kakilala akong nakasabay ko sa jeep kaya ayun nakautang ako haha XD

    Lesson Learned:
    Every Piso counts. Hindi mo mabubuo ang 1000 kung kulang ka ng piso XD

    ReplyDelete
  19. hello. tama ka jan. pero sa panahon ngaun, mahirap maghanap ng piso... puro tag limang piso na ang nasa bulsa ng ibang tao.

    ReplyDelete
  20. sinabi mo pa....mahirap talaga kapag kulang ka ng piso....noong asa pinas pa ako, kapag kulang ka ng pamasahe sa jeep ang mga konductor akala mo kung sino pero kapag sila naman ang kulang ng sukli sau, okei lang....

    sa susunod wag ka ng mag yosi para my sobra ka....mas maganda ang sobra kesa sa kulang...

    napadaan lang....

    ReplyDelete
  21. nice nice!!! nkakaaliw magbasa, nkakawala ng antok....at the same time may aral....may sense....

    ReplyDelete
  22. @all, salamat sa pagbabasa. at sa mga konting payo para hindi na maulit sa akin ang nangyaring masaklap na kakulangan sa piso. hahaha.

    --pansin ko, dumadami ang anonymous na nagkokoment ah. hehe. salamat sa inyo.. :)

    ReplyDelete
  23. hello! na follow na po kita. followed me back. :) sure friends! :)

    ReplyDelete
  24. Magaling ang pagkakasulat. Nakakaaliw.

    ReplyDelete
  25. naku nakaranas na ako ng ganito.. patay..

    ReplyDelete