Pages - Menu

Sunday, September 26, 2010

Bedtime Story

"Anak kapag sinabi kong hindi pwede, hindi pwede!"

Medyo may pagtaas na ang boses ni Lina sa anak na si Jona dahil sa makulit na pagpilit nito sa kanya na payagan s'yang makadalo sa party ng kaibigang si Claire.

"Nakakainis ka Mama! I hate you! Party ni Claire 'yun tapos wala ako? Anong klaseng bestfriend ako? Tsaka gusto kong makita si A--"

Mataas ang boses ng dalaga na biglang humina pagsambit sa pangalan ng kasintahan, sapat para hindi marinig ng ina.

"Hindi kita papayagan, tapos! Matulog ka na, gabi na."

Umalis ang nagdadalagang dilag sa harapan ng ina at mabilis na pumasok sa kwarto kasabay ng malakas na pagkalabog ng pinto.

"Tingnan mo 'yang anak mo, Sid. Lalong titigas ang ulo n'yan kapag hinayaan natin 'yang ganyan."

"Ako na ang bahala honey..." Tila kampante, kompyansa at may halong lambing na sagot ni Sid sa asawa.

"Anong gagawin mo? Lalo mo lang ii-spoiled 'yan e, kaya hayan nagiging maldita. Duda ko nga may boyfriend na yan."

Lumapit si Sid kay Lina sabay hawak sa mukha nito, "Ako na ang bahala honey, magtiwala ka lang. Hintayin mo na lang ako sa kwarto, magiging ok din si Jona." kasabay ng mahinahon na mga katagang ito ay isang halik ang pinabaon ni Sid sa asawa bago tuluyang pumasok ito sa kwarto nila.

"Toktok! toktok! Anak, buksan mo ang pinto, si Papa 'to."

"Bukas yan", mahina at may pagka-garalgal na sagot ng babae.

Lumapit ang Ama sa higaan ng Anak..

"'Wag ka ng magalit sa mama mo ha, ikaw lang ang inaalala n'ya. Anak, gusto mo bang basahan kita ng isang kwento?"

"Daddy, hindi na ako little girl ngayon. Dalaga na ako."

"Papatunayan ko sa'yo na ang mga kwentong pambata ay hindi lang para sa mga bata."

Bago pa man pumasok ng silid si Sid ay may dala na itong isang libro. Isang libro tungkol sa mga project na inaayos n'ya sa opisina.

Nagsimula ng magkwento si Sid...

----

Sa malalim na parte ng karagatang pasipiko, naninirahan ang isang komunidad ng mga sardinas.

----

"Ewww daddy, sardines ang bida sa story mo?"

Anak, makinig ka muna bago ka mag-ewww sa mga sardinas. Please, baby?"

----

Ang bawat sardinas ay may kanya-kanyang pamilyang kinabibilangan. Isang pamilya na binubuo ng isang tatay, isang nanay at mga anak. Si Enyang ay isang dalagang sardinas. Kasama n'ya sa bahay nila ang ama n'yang si arning at ang nanay n'yang si Chea. Marangya ang buhay nila sa karagatan ng pasipiko.

Isang gabi habang mahimbing na natutulog ang mag-anak, biglang nagising ang inang sardinas. Takot na takot ito at tumutulo ang mga luhang sila lang ang nakakakita. Nagising din si Arning dahil sa pagsigaw ni Chea.

"Mahal ko, anong nangyayari sayo?"


"Binangungot ako, mahal. Napakasamang panaginip... Nakakatakot."

Pinahinahon ni Arning ang asawa. Hinagod sa likod at mahigpit na yinakap.. Tahimik na nagkwentuhan ang mag-asawa hanggang sa muling makatulog.

Kinaumagahan, bumalik ang sigla ni Chea at inaya n'ya pang pumasyal sa pusod ng pasipiko ang mag-anak. Masayang naglangoy-langoy ang pamilya. Naghahabulan. Pinuputok ang mga bula sa ilalim ng tubig. Nagkakantahan. At sumasayaw.

Lumangoy si Enyang papalayo sa mga magulang para lapitan ang nakitang kakaibang damo ng may marinig itong tinig...

"Enyang, pumunta ka sa party ko mamaya ha. Asahan kita!", sigaw ni Kuka na matalik na kaibigan ni Enyang. Mabilis ding lumangoy si Kuka pagkasabi ng balita kay Enyang at muling bumalik kasama ng pamilya na namamasyal din sa pusod ng pasipiko.

Bumalik din kasama ng ina at ama n'ya si Enyang pagkarinig ng balita. Pinaplano na n'ya kung paano s'ya magpapaalam sa mga magulang. Sigurado kasing hindi s'ya papayagan ng mga ito lalo na ang ina n'ya.

Pagdating sa bahay... Habang naghahanda ng meryenda si Chea para sa pamilya ay biglang nagsalita si Enyang,

"Mommy, pupunta ako sa party ni Kuka mamaya. Thank you."

"Enyang, hindi ka p'wedeng umalis ngayon. May masama akong kutob. Please, anak?"

"Pero mommy..."

"Anak please..."

Hindi na kumibo si Enyang, pero may plano na pala itong nabuo. Hinihintay ang pagkagat ng dilim at ang pagkahimbing ng tulog ng mga magulang nya...

"zzZzz..ZzzzZz...", sabay na hilik ng mag-asawang sardinas. Senyales na ito para tumakas si Enyang. Mabilis pero maingat na kumilos ang dalagang sardinas para makaalis sa tirahan nila. Tagumpay itong nakatakas at nakarating sa party ng kaibigang si Kuka.

Masaya sa party. Maingay. Madaming tao. Sayawan dito. Sayawan doon.

Sa bahay naman nila Enyang... May isang malakas na tunog ang gumising sa lahat ng kabahayan ng sardinas sa lugar nila.

Maraming sardinas ang naglalanguyan papalayo, ang iba naman ay mas piniling magtago na lang sa kani-kanilang mga bahay.

"Mga kapitbahay, magtago kayo at lumayo sa lugar na ito. May isang barko ang paparating!"sigaw ng isang sardinas.

Rinig sa buong komunidad ang tinig na ito. Mas lalong dinig nila ang ugong ng barko.

"Enyang, andyan ka ba? Arning? Asan ang anak natin? Arning ang anak natin?"

Nagpapanic na ang inang sardinas dahil sa panganib na maaaring dala ng barkong paparating sa lugar nila.

"Arning, hahanapin ko ang anak ko. Baka kung ano ng nangyari sa kanya. Natatakot ako."

"Mahal kong Chea, delikado. Sasamahan kitang maghanap."

Lumangoy ang mag-asawa at hinanap si Enyang. Takot na takot ang mag-asawa.

"Enyang, anak nasaan ka na?!!"

Nagkakabanggaan na ang mga sardinas sa kanilang paglangoy. Halos hindi na magkarinigan. Punong puno ng bula ang paligid na lalong nagpahirap sa kanilang mga mata para makakita. Lahat takot. Lahat lumalangoy para makaligtas.

Biglang dumilim ang tubig. Napatingin ang lahat ng sardinas sa itaas. Papalapit ng papalapit ang isang bagay na hindi nila matukoy kung ano. Lalong dumidilim. Nagkakaipitan na ang mga sardinas. Sumisikip. Humihigpit. Umaangat. Pabilis ng pabilis.

Isang lambat ang pinakawalan ng mga mangingisdang sakay ng barko.

"Chea, mahal ko nasaan ka na?" Mabilis ang paglangoy ni Arning para sagipin ang asawa. Tumatangis ang amang sardinas, "Cheeeeaaaaaaaaaahhhhhhhhhhhhhh?!!!"

Huli na ang lahat. Malayo na ang asawa. Ang itim na bagay ay tuluyan ng nawala sa tubig at umangat na sa kalangitan. Umalis na ang barko. Wala na si Chea kasama ng iba pang mga sardinas. Naiwan si Arning.

"Huhuhuhu...huhuhuhuhu...", umiiyak si Enyang habang yakap ang ina.

"Mama, susundin ko na po ang payo n'yo sa akin. Ayoko pong mawala kayo. Laking pasasalamat ko pong panaginip lang ang lahat, mahal na mahal ko kayo ni Daddy, Mommy."

Nagsalita ang amang sardinas...

"Anak, sana naiintindihan mo na kung bakit ayaw kang payagan ng mama mo na umalis ngayong gabi. Iba ang kutob ng mga ina, anak. Lagi mo ring tatandaan na kahit kailan hindi magpapayo ang magulang ng makakasama sa anak. Papayagan ka naman namin na pumunta kina Claire kinabukasan, 'wag lang ngayon. Bukod sa malayo ang lugar nila, masyado ng gabi. Natatakot lang ang mama mo na mangyari ang napanaginipan n'ya kagabi..."

Sa pagtatapos ng kwento at pangaral ni Sid sa anak na si Jona, biglang yumakap ng mahigpit ang bata sa papa n'ya.

"Papa, salamat po sa kwento n'yong galing sa Project Book", pagbibiro ng naliwanagan ng dalaga.

"Hindi pa rin ba kumukupas ang galing ni papa sa pagkukwento?"

"Oo naman, honey. Narinig ko lahat ng kwento mo. Kanina pa ako nakatayo dito sa pinto. Tama bang maging mga sardinas tayo sa kwento mo?", sabay ngiti sa asawa.

"Mama, sorry kanina ha... I love you! Hindi na po mauulit."

Napatingin na lang si Lina sa asawa. Isang kindat at ngiti lang ang iginanti ni Sid.


16 comments:

  1. Maganda sya!!! Pambata syaaaa! =) at ako ay isang sardinas! Hoho
    - chea

    ReplyDelete
  2. Sardinas! Haha. Pero ang peborit part ko talaga dito eh ang pangalan na Sid. Kase crush ko si Sid Lucero. At mahilig ako non sa Captain Sid butong Pakwan. Haha.

    ReplyDelete
  3. astig parang youngstown lang pero ok na ok..kaya kaw wag ka pasaway tol hahahaha

    ReplyDelete
  4. akalain mo pati sardinas? haha :)
    anyways maganda siya parekoy

    ReplyDelete
  5. Hehe. Ang ganda ng kwento ng sardinas. Kakatuwa. At dahil nga kwentong pambata, andaming moral lessons. Yey! Clap! Clap! I labet! =)

    ReplyDelete
  6. naks ganda ng kwento ah, pati ang sardinas hindi pinatawad ah!heheh

    Ingat pre

    ReplyDelete
  7. Mega nice ang kwento.

    ang score ng kwento mo ay lagpas 100,.... 555!

    :D

    nakibasa sa kwento nio sir.

    ReplyDelete
  8. yun oh.... astig... sardinas.. yummy hehehe... pati sardinas may story line ka na rin lupit :D more pa hehe :D

    ReplyDelete
  9. nice one goyo! matutuwa mga kids nito, pati adults!

    ReplyDelete
  10. dapat to nababasa ng mga anak na pasaway eh :D

    ReplyDelete
  11. supermega bongga ang kwento. gusto ko ng sardinas.

    ReplyDelete
  12. kwento sa loob ng isang kwento, ok yun ah.. nice one goyo.

    ReplyDelete
  13. naalala ko si Nemo,ang kanyang tatay at ang misadventure na nangyayari kapag sumusuway tayo sa matatanda dahil lang sa akala natin na pinagdadamot lang nila sa atin ang pagtuklas sa kalayaan.

    kamusta goyo?

    magandang araw!

    ReplyDelete