Pages - Menu

Friday, October 15, 2010

Gabay

Lumaki ako sa hirap, sa pinakamahirap na sitwasyon na pwedeng sapitin ng isang tao. Iniwanan kami ng aking ama, kami lang ni inay ang magkasama sa buhay. Laging kumakalam ang sikmura, laging gutom, kahit tubig minsan hindi pa makainom. Wala akong kalaro. Wala akong mga kaibigan. Minsan nga na napadaan kami ni inay sa parke, inggit na inggit ako sa mga batang naglalaro ng saranggola, tumatakbo at naghahabulan kasama ng mga kaibigan. Tanging inggit at awa lang sa sarili ang nararamdaman ko sa tuwing makikita ko sila, kasabay ng pagpatak ng aking mga luha ang taimtim na dasal na sana bukas guminhawa ang aming pamumuhay.

Gusto kong mag-aral. 'Yan ang tangi kong bulong. Pinilit ko si inay na ipasok ako sa elementarya, pinag-usapan namin ito sa aming pwesto ng sigarilyo at kendi malapit sa munisipyo at isang pampublikong eskwelahan. Tutol man si inay sa pagpasok ko sa elementarya, nagpumilit pa rin ako kahit naging tampulan ako ng tukso ng mga istudyante. Bukod sa aking edad, lagi rin nilang pinagdidiskitahan ang aking kasuotan.

Doble ang kayod ko sa pagtatrabaho bilang taga-shine ng sapatos tuwing sabado at linggo. Pagkalabas naman sa eskwela ay sinusundo ako ni inay tapos dideretso na kami sa aming pwesto. Dati kendi at sigarilyo lang ang aming paninda, hanggang sa madagdagan na rin ng balot at penoy. Habang nagtitinda ay gumagawa ako ng takdang aralin. Nahihirapan ako sa totoo lang, bukod sa hirap ng mga aralin kahit na ito'y pang elemantarya lang, wala rin akong mahingan ng tulong dahil maging si inay ay lumaking salat sa edukasyon. Pinilit kong intindihin ang lahat ng aralin, hindi ako tumigil hangga't hindi ko nakukuha ang bawat problema sa matematika. Gusto kong matuto. Gusto kong umunlad.


Isang araw ay nilapitan ako ng aking guro, matataas daw ang aking grado. Pinakuha n'ya ako ng pagsusulit para daw maka-diretso na ako sa hayskul. Sa awa ng Diyos, nakapasa ako. Maaari na akong pumasok bilang 1st year student sa susunod na taon. Gusto ko mang magmadaling makauwi ay hindi ko magawa. Unti-unti at marahan kong binaybay ang daan. And'yan ang tinginan ng mga tao na tila lumalamon sa akin ng buo, na parang nandidiri silang tingnan ang isang tao sa kalagayan ko habang nakasuot pa ng uniporme ng mga elementarya. Pagdating sa pwesto namin ni inay, ibinalita ko agad sa kanya na maaari na akong maging hayskul agad dahil naipasa ko ang pagsusulit. Imbes na matuwa si inay ay tila ba nalungkot pa ito. Halos madurog ang puso ko sa naging reaksyon n'ya.

Itigil ko na raw ang aking pag-aaral dahil ako din ang mahihirapan. Kung nakatikim daw ako ng pangmamata at panlalait sa elementarya, baka raw masahol pa dun ang maranasan ko sa hayskul. Nagbingi-bingihan na lang ako sa sinabi ni inay. Dala ang mga naipon kong barya at ilang perang papel sa pagsa-shine ng sapatos, bumili ako ng ilang kwaderno at panulat bilang paghahanda sa hayskul. Madalas akong magtanong sa mga bumibili sa akin ng sigarilyo at kendi kung may mga luma silang polo sa bahay. Sa dami ng tinanong ko, ilan lang ang tumugon na meron pero hindi rin nakuhang ibigay. Marahil um-'Oo' lang sila para hindi ako mapahiya o 'di kaya naman ay naaawa sila.

Parang gusto ko ng sundin ang payo ni inay na itigil ang pangarap kong makatapos ng pag-aaral. Ngayon pa lang nahihirapan na ako, pano pa kapag pumasok na ako sa hayskul? Pero hindi, kailangan makaabot din sa langit ang saranggola ng buhay ko. Hindi ako titigil sa pangangarap. Ang edukasyon ang magiging susi ng tagumpay ko. Maiaahon ko rin sa hirap ang inay ko.

Sa unang araw ko sa hayskul, naging tampulan na ako ng tukso. Kailangan kong magbingi-bingihan at gawin na lang inspirasyon ang lahat ng pangungutyang aabutin ko. Patuloy pa rin ako sa pagkayod bilang shoeshine boy tuwing linggo, nagbebenta pa rin ng kendi at sigarilyo, pati balot at penoy tuwing gabi sa aming pwesto. Kasabay pa rin ng pagtitinda ang pag-aaral ko ng mga takdang aralin sa eskwela, mas mahihirap na aralin. Nalaman ko sa pag-aaral ko sa hayskul na malapit ang loob ko sa mga numero, parang nagkakasundo kami. Dahil dito nabuo ng unti-unti ang mga pangarap ko. Gusto kong maging CPA balang araw! 'Yan ang sigaw ko! 

Sa pagtaas ng antas ng pag-aaral ay unti-unti na ring lumalaki ang mga gastusin sa eskwela. Pinabibili kami ng calculator ng aming guro. Sinabi ko ito kay inay, napailing na lang s'ya dahil alam n'yang mahal ang bagay na 'yon. Lalo akong nagsumikap, todo kayod sa pagtatrabaho. Halos lahat ata ng mga tao sa lugar na kinalakihan ko ay makintab na ang sapatos sa pagpupumilit ko na magpalinis sila. Makalipas ang ilang linggo, buo na ang perang ipambibili ko sa calculator na nakita ko sa isang estante. Second hand na ito pero mukhang mapapakinabangan pa. Nagpasama ako kay inay sa pagbili. Hindi ko naranasan magkaroon ng kahit isang laruan sa buhay ko, pero 'tong calculator na 'to ay higit pa sa laruan, higit pa sa kahit anong kayamanan, ito ang tutulong sa akin sa pag-abot ng mga pangarap ko.


Gabi-gabi ay masaya akong nagpipi-pindot sa calculator ko sa bangketa kung saan kami nakapwesto. Sa di inaasahang pagkakataon habang gumagawa ako ng takdang aralin, isang lalaki ang mabilis na tumakbo papalapit sa akin at biglang hinablot ang hawak kong calculator. Hindi ko s'ya mahabol para bawiin ang calculator ko, wala rin si inay sa tabi ko ng mga oras na 'yun. Napagkamalan n'yang cellphone ang natatanging kayamanang meron ako. Unti-unting pumatak ang luha ko kasabay ng isang madilim na pangitaing baka hindi ko na maabot ang mga pangarap ko. Dumating si inay at dagliang tinanong kung anong nangyari. Ikinuwento ko sa kanya, ngayon ko lang nakitang lumuha ang mahal kong ina. 


Hindi ito makakahadlang sa pagtupad ng mga pangarap ko. Pagkatapos ng klase ay hinihiram kong madalas ang calculator ng aming guro at mabilis na ginagawa ang lahat ng takdang aralin bago pa man siya umuwi. Hindi pa rin nawawala ang pagtukso sa akin ng mga kamag-aral ko na kung tutuusin ay mas matanda ako. Wala akong magawa, hindi ko magawang maipagtanggol ang pobreng sarili ko.


Hatinggabi, ginising ako ni inay. Sa unang pagkakataon nagcelebrate ako ng kaarawan ko. Mahigpit ang yakap n'ya sa akin. Kinuha ang palad ko, isang rosaryo at isang bagong calculator ang iniregalo n'ya. Nakangiti s'ya at sinabi n'yang, "Anak, sasama na ako sa mga pangarap mo." Ito ang isa sa pinakamasayang kaarawan ko.


Nabuhayan lalo ako ng loob na abutin ang mga pangarap ko. Hindi ako nakalimot na tumawag sa Diyos, Siya ang naging gabay ko kasama ng inay ko. Sa wakas, ang apat na taong pagtitiis sa panglalait at pangkukutya ng mga kamag-aral ko ay nalampasan ko na. Makakapasok na ako sa kolehiyo. Ito na ang tunay na simula sa pag-abot sa mga pangarap ko. 


Kahit isang beses sa buhay ko hindi ko binanggit ang kapansanan ko. Malaki ang paniniwala ko na ang kahinaan mo ay mawawala kung hindi mo ito papansinin at iisipin mong normal ka. Kung anong kayang gawin ng iba, kaya rin natin. Laging magdasal sa Diyos, at 'wag mawalan ng pag-asa. Mapalad kayo at naging normal kayo, huwag n'yong sayangin ang pagkakataon gumawa ng mga bagay na kapaki-pakinabang para sa bayan higit sa lahat para sa pamilya n'yo.


Maraming salamat sa inyo mga kamag-aral. Salamat sa inspirasyon. Salamat sa laging pagpapaalala na kailangan kong maabot ang mga pangarap ko. Maraming salamat sa mga guro, sa mga aral sa eskwela at higit sa lahat sa mga aral sa buhay na naibahagi n'yo. 


"Inay, isabit n'yo na po sa akin ang medalya, ang mamang ito na nakasaklay, ngayon ay tinitingala na ng lahat ng taong naandito. Utang ko sa inyo lahat ito. Kayo ang gabay at ispirasyon ko."


----- 


Makalipas ang 5 taon, natapos ni Abner ang kursong pangarap n'ya. Isa na s'yang ganap na CPA at isa sa mga tinitingalang empleyado sa pinasukan n'yang kompanya.


Yabang note: Ang maikling kwentong ito ay nanalo bilang unang karangalan sa ikalawang Saranggola Blog Awards.


27 comments:

  1. vernafrancisco10@yahoo.comOctober 15, 2010 at 10:10 PM

    hope mbsa ito ng lhat at maging inspirasyon...d hadlang ang khirapan upang matupad ang mga pangarap...

    ReplyDelete
  2. napaluha ako dito.. may sumagi lang din sa isip ko...

    salamat sa pagshare ng ganitong kwento....

    inspiring!

    ReplyDelete
  3. inspiring story.

    nalungkot ako sa part na tanging ang calculator ang naging kayaman ng bida sa kwento.

    ReplyDelete
  4. WOW! Goyoooo. This is AMAZING. Congratulations! :)

    This is very inspiring. Mind if I share it?

    ReplyDelete
  5. wow very inspiring yung kwento. ^_^ galing!

    ReplyDelete
  6. walang halong biro.. muntik na ko maluha...

    marami kasi satin ang hindi napapahalagahan ang edukasyon...

    thumbs up!

    ReplyDelete
  7. two thumbs up brief

    ReplyDelete
  8. Galing! :D

    Syempre akala ko nung una true story mo. Kaso biglang may sponsors sa baba. Wahahahaha.

    ReplyDelete
  9. nakaka-inspire talaga ang kwentong ito.... =D

    ReplyDelete
  10. naks napapaluha ako sa istorya parekoy... nice post. medyo nakarelate lang cguro.

    ReplyDelete
  11. hakalain mo 'yun? sobrang naka-relate ako sa sba entry mo.

    andami kasing similarities nung protagonist mo sa teleserye ng totoong buhay ko.

    oh yes, CPA na rin ako ngayon. hindi kaya ako 'yung bida sa kwento? hehe.

    ReplyDelete
  12. wow, ganda ng story goyo.. muntik nakong maluha Pray lang talaga at tyaga. :-)

    ReplyDelete
  13. Maligayang pagbati po! Umaasa po ako na maghahatid sa inyo ng tuwa ang aking pag-kabit (link) ng inyong sapot-lugar (web site), kasama ang lahat ng kasali sa Saranggola Dos, sa aking 2Rivers na kung saan lahat kayo ay malugod na inaanyayahan. Maaari din po ninyong ikabit ang inyong sapot-lugar sa MukhaLibro Pader (Facebook Wall) ng inyong likod. Tara, tena! Sumasainyo ang Pwersa at mabuhay ang panitikang Pilipino! Lubos na gumagalang, Jonathan Aquino

    ReplyDelete
  14. Maraming salamat po sa mga naglike at nakibasa ng kwento. :D

    ReplyDelete
  15. Binabati kita, ang iyong akda ay napili at napabilang na isa sa mga top 5 finalists ng Saranggola Blog Awards!

    ReplyDelete
  16. Bukas na ang paghuhukom sa munting kwento kong ito. Sana palarin tayo.

    Maraming maraming salamat sa lahat ng tumangkilik sa kwento kong ito. :)

    ReplyDelete
  17. winning piece..
    congrats.
    this is awesome

    ReplyDelete
  18. kaya pala winning piece eh. pinatulo mo luha ko bad trip ka! heheheh. Congrats :)

    ReplyDelete
  19. Nahiya ako sa mga reklamo ko sa buhay. Ang ganda. Naiyak ako.

    ReplyDelete
  20. Sorry, naiyak ako sa kuwento.. isang taon na tong post na to, pero ang totoo, ngayun ko lang nabasa.. :-(

    sorry..

    anyway, tama lang na ikaw ang nanalo.. sobrang inspirational nito.. :-D

    god bless .. goyo..

    ReplyDelete
  21. @Yvarro, salamat sa pagbabasa kahit yun nga, isang taon na to! Salamat ulit!

    ReplyDelete
  22. @Rendz, hu u? Hehe. Ano pong picture ang sinasabi n'yo?

    ReplyDelete
  23. pang MMK.... Ngayon ko lang nabasa..Touched! Hanep! Walang masabi! Winning piece!

    ReplyDelete