Pages - Menu

Friday, November 12, 2010

Ako at ang Blog

Una akong pumasok sa pagbablog dito sa blogosperyo noong ika-8 ng Nobyembre taong 2009. May blog na ako noon sa friendster, pero hindi ganon kaaktibo. Masasabi kong si Bob Ong talaga ang nakakumbinsi sa akin na magkwento rin ng mga pangyayari sa buhay ko. Pagkatapos ni Bob, nagsimula na rin akong maghanap ng iba pang mga pinoy blogger. Nakita ko si Badoodles, pati si Inday, sila ata 'yung mga sikat e. Kasi nakita ko rin sila minsan sa isang dyaryo sa school. Recommended sila ng publication, humor daw at nakakalibang talagang basahin. Hindi naman ako nabigo.

Sumubok na rin ako. Masaya pala. Masaya sa tuwing may nakakarelate sa mga istorya. Masaya kapag may nagsasabing maganda ang pagkakasulat. Masaya na may pumapansin at nagpapahalaga sa mga kwento ng buhay ko. Mas masaya na minsan e may mga taong nag-aabang ng bawat kwento sa blog ko.

Wala akong kamalay-malay noon sa exchange links na tinatawag, maging ang blogroll hindi ko alam. Sobrang baguhan ako. Kinalaunan, medyo nakakasabay na ako sa mga dapat gawin para magkaroon ng mga kaibigan sa blogosperyo. Sa una mahirap makipagkaibigan sa mga blogger, hindi maiiwasan na may mga tao talagang suplado/suplada. Aminin natin, halos lahat naman tayo naging ganito. Sanayan lang talaga at dapat matanggap natin sa mga sarili natin na hindi lahat ng tao ay magugustuhan tayo, ganun din dito sa pagba-blog.

Tandang tanda ko pa noon, adik na adik talaga ako sa pagba-blog. Wala akong pinapalampas na post ng bawat taong sinusubaybayan ko. Lahat binabasa ko. Lahat binibigyan ko ng kumento. Ultimo 'yung mga post na tungkol sa mga produkto, binabasa ko. Tyagaan sa pagbisita sa mga blog nila para mapansin ka at umasang bibisita rin sila sa blog mo para mag-iwan ng komento at maging kaibigan mo. Lahat naman dumaan sa ganitong proseso, lahat dumaan sa paghahanap ng magiging kaibigan sa isang hobby na pare-pareho n'yong nakahiligan. Pero minsan hindi lahat nagtatagumpay sa paghahanap ng kaibigan. May mga taong namimili ng kakaibiganin, may mga taong lilibsangan lang ang akda mo. Hindi natin sila p'wedeng pilitin na basahin ang akda natin, hindi natin sila p'wedeng pilitin na subaybayan ang blog natin, at mas lalong hindi natin sila pwedeng pilitin na maging kaibigan natin. At wala kang magagawa kundi ang tanggapin ito ng bukal sa loob mo.

Sa kabila ng katotohanan na hindi lahat pwede mong maging kaibigan, hindi naman mawawala ang mga taong handang makipagkaibigan sa'yo sa larangang ito. Dapat kang magpasalamat sa pagkakaron ng mga maituturing na kaibigan sa larangan ng panulat. Bukod sa pareho kayo ng hilig, sa bawat akda na isusulat mo ay unti-unti ka na rin nilang nakikilala. Sa bawat taong makakarelate sa post mo at magsasabing ang ganda ng pagkakasulat mo, isang malaking pasasalamat ang nararapat sa kanila. Ako mismo ay gumagaan ang loob sa tuwing makakabasa ng mga komento galing sa mga taong minsang bumisita sa blog ko.

Hindi na ako magugulat kung hanggang ngayon ay marami pa ring nagtataka kung ano 'tong mga isinusulat ko. Kung ano 'yung mga inilalagay ko sa facebook ko. Kung bakit ako may ganito at ganoon. Marami pa rin naman kasing tao ang hindi bukas sa konsepto ng pagba-blog, marami pa ring tao na ang tingin sa mga katulad nating blogger ay wirdo. Pero ang hindi nila naiintindihan, ibang ligaya at luwag sa kalooban ang dulot ng pagbablog. Dito maaari mong ilabas ang mga saloobin mo sa tuwing ikaw ay masaya, higit sa lahat kapag may lungkot na nadarama. Ang blog mo ang nagsisilbing kaibigan, isang kaibigan na handang makinig sa kahit anong istoryang ibabahagi mo. Mga istoryang minsan ay hindi mo magawang ikwento sa mga taong nasa paligid mo.

Ang blog ang pinakamagandang baul ng memorya. Sa mga oras na malungkot ka, lalo sa mga oras na masaya ka. Kapag may oras, i-blog mo! Baka kasi sa mga istoryang ibabahagi mo ay may mga tao sa harap ng kompyuter ang mainspire sa'yo. Ang makikitawa sa'yo. Mga taong kahit na hindi mo kilala ay handa kang damayan sa lahat ng kwento ng buhay mo. Nasabi kong ang blog ay isang napakagandang baul ng mga memorya sapagkat darating ang panahon na lahat tayo ay tatanda, lahat tayo magiging ulyanin, kahit man lang sa simpleng blog na 'to ay maaalala natin ang mga panahon na naging masaya at malungkot tayo. Maaalala natin kung paano tayo mag-isip noon, kung paano tayo nagdesisyon ng mali pero sa huli ay itinama rin. Ngayon pa lang nakikita ko na ang sarili ko sa aking pagtanda. Sigurado, tatawa ako ng tatawa sa oras na dalawin ko ang blog ko. Tatawanan ko lahat ng kwento ng buhay ko. Isasama ko sa pagtawa ang magiging mga anak at magiging mga apo ko.

Lahat ng tao pwedeng magblog. Hindi mo kailangang maging magaling sa pagsasalita ng ingles, hindi mo rin kailangang maging magaling sa pagsusulat at pagkukwento. Ang mas kailangan dito ay maging "ikaw" mismo. Ikaw at ang sarili mo. Ok lang din kung walang bumibisita sa blog mo. Magsulat ka para sa sarili mo at hindi para sa ibang tao.

'Wag ka ring mabahala kung may magsasabing ang korni mo. Wala silang paki dahil buhay mo 'yan. Kwento mo 'yan at hindi sa kanila. Produkto ng pag-iisip mo 'yan. Lahat ng isusulat mo, kayamanan 'yan. Walang makakapantay d'yan. Bola lang 'yan.

Sa isang taon kong pagba-blog, masasabi ko na napakaraming bagay ang natutunan ko. Mga aral ng buhay, mga aral sa pag-ibig at s'yempre mawawala ba naman ang mga aral sa kalokohan.

Sa isang taon kong pagbablog, marami na rin akong nakilalang mga tao. Mga taong nakakaintindi at nagbibigay ng payo at puna. Mga taong masarap ituring na kaibigan.

Sa loob ng isang taong pagkukwento. 61 ang kwento/istorya. 112 tagasunod sa Google Connect. 860 taong sapilitan kong pinag-like ng fanpage. Higit 1000 mga kaibigan sa facebook na nakakabasa ng mga akda ko. Ganun din ang higit 1000 kaibigan sa tumblr na sumusubaybay sa bawat post ko. Kasama rin ang mga taong minsang bumisita sa blog ko. Hindi sapat ang salitang 'salamat' para iparating sa inyo ang kasiyahan ko ngayon. Sana magtagal pa tayo sa pagbablog. Sana sumubaybay pa rin kayo sa mga kwento ng buhay ko. At sana may napupulot kayong mga aral sa bawat isinusulat ko. Kung wala naman, ayos lang.

Muli, maraming salamat sa inyo. Happy Anniversay sa blog ko! \m/

Pasensya na nga pala dahil magulo ang pagkukwento ko. Masyado lang kasi akong masaya at nakaisang taon na ako dito.

24 comments:

  1. ang importante kung paano mo naipapahayag ang nasa loob mo...well thought out parekoy!

    Happy anniversary sa Goy's adventures! CongratS!

    Keep blogging!

    ReplyDelete
  2. tumulo yung sipon ko...

    senti naman...hehehehe..

    hapi anniversary..

    ako..ewan ko when ako nagstart...hahahah

    ReplyDelete
  3. Una sa lahat HAPPY ANNIVERSARY!
    Baseng base ako sa lahat ng sinabi mo dito sa post mo na toh. Nakakarelate ako kasi baguhan lang din ako dito sa mundong sinusulatan natin.
    More powers sayo bro at sana marami ka pang mainsipre/mapatawa/mapaiyak at kung anu man sa mga istoryahan mo :]
    Maraming salamat sa isang taon ng pagbabahagi mo ng iyong talento. mabuhay ka ! HAHA
    With all hearts-- RENZ :]

    ReplyDelete
  4. Happy Anniblogsery! ^_^
    Tama yung mga sinabi mo at naranasan ko din yung mga karanasan mo. Dati nga akala ko need pang magbayad para magkaroon ako ng sarili kong blog.hehehe

    ReplyDelete
  5. happy anniversary! haha natawa naman ako dun sa ang tingin sa mga blogger ay wirdo! LOL! tinamaan ako, nag-iisang blogger lang ako dito sa maca0 at ganyan ang tingin ng mga kaibigan ko sa akin haha

    ReplyDelete
  6. maligayang anibersaryo sa blog mo kaibigan! keep bloggin! \m/

    ReplyDelete
  7. happy anniversary! tingnan mo nga naman. birthday ko pa ang anibersaryo mo. wag kang magsasawang magsulat. God bless :)

    ReplyDelete
  8. naks isang malaking congratulations sAU!!!! SENTI SENTI AH HEHEHE

    ReplyDelete
  9. ui pareng goyo. musta na? long time no entry ah.

    ayown oh, isang taon na ang blog mo. congrats!

    ganun din ako. hindi lahat nakakaintindi kung bakit ba ko nagbloblog. pero ako blog pa rin kahit kadamihan ng blog ko e wala namang saysay.

    dun ako masaya...

    hehe...

    keep on blogging pareng goyo!

    ReplyDelete
  10. happy anniversary parekoy!! keep blogging.

    ngapala, send mo na sa email ko yung complete name and address mo.

    negativejay@yahoo.com

    'di ba nanalo ka nga ng CD sa pakontes ko? sorry kung 'di kita makontak kasi medyo busy pa nung nandyan ako sa pinas.

    blogenroll \m/

    ReplyDelete
  11. oo nga maraming nawiwrdohan sa atin. hehe.

    happy blogsary parekoy

    ReplyDelete
  12. Congrats sa iyo sa first anniversary... tama ang mga nasabi mo tungkol sa mga benefits ng blogging, instantly meron ka nang kakulitan at mga kaibigan na parang ang tagal mo nang kakilala kahit first time mo pa lang makita...

    ReplyDelete
  13. More blogging years to come tsong! inuman na ulet! Painom ka!

    Happy Blogniversary hihihi

    ReplyDelete
  14. "magsulat ka para sa sarili mo at hindi para sa ibang tao." --> amen!

    btw congrats! happy 1st blogsary ^_^

    ReplyDelete
  15. kuya bino pala ha. hehehe. sure.

    may bago ako'ng post uli. :D bisita ka ha. hehehe

    ReplyDelete
  16. Contratz sa isang taong pagbablog. Ako may nasisiyahan sa iniabot mo.

    ReplyDelete
  17. Wow! Ang ganda ng pagkakasulat. In English, nice post. :)

    Happy blog anniversary!

    ReplyDelete
  18. Happy Anniversary and many more to come.

    Keep blogging. I enjoy reading your posts.

    ReplyDelete
  19. Happy anniversarry hehe mali spelling ko hehehe ulit.. ^^

    :D binasa ko mula ulo hanggang paa. Natuwa talaga ako pareho kasi tau ng prinsipyo sa pagsusulat.

    http://jkulisap.com/2010/09/ampiyas/

    blog lang nang blog ^^

    ako nga pala si fafajex ikinagagalak kong makilala ka...

    ReplyDelete
  20. happy birthday sa blog mo. :)
    nice meeting you pala kahapon..andami rin natin palang napagusapan about blogging..napunta pa sa friendster blogs lol:P

    tama ka...hindi man lahat eh pwede natin maging kaibigan atleast kahit papaano meron :)

    seeyou around :)

    ReplyDelete
  21. yun oh.. sarap basahin ng paulit-ulit oh.. ang saya, sobrang nakakarelate ao sa entry na to.. nadali mo lahat hehe... anyway. have great at more entry on your blog ha... keep it up.. cheers on that men... so panu... ito'y mo lag to ginagawa mo sobra ganda ng mga entry eh..
    once again happie blogsary kablog!!

    ReplyDelete
  22. yay! happy anniversary!!halos ganyan din mga concern ko dati..hindi ko noon alam na magkakaroon ako ng friends sa blogger.

    ReplyDelete