Pages - Menu

Friday, November 26, 2010

Syudad

Noong nakaraang myerkules (November 17, 2010) ay muli akong lumuwas pa-Maynila para mag-asikaso ng ilang bagay na may kinalaman sa eskwela. Matagal tagal din akong hindi nakaluwas. Matagal tumambay sa sarili kong bayan.

Ang plano ko ay luluwas ako ng alas-kwatro ng madaling araw para maaga akong makarating sa boardinghouse. Hindi na sanay ang katawan ko na matulog ng maaga, nagpuyat pa rin ako. Nagising naman ako ng alas-kwatro pero mag-aalas-sais na ako umalis. Gising ang katawan ko pero ang diwa ko ay tulog pa rin kaya mabagal ang bawat kilos.

Parang hindi na rin ako sanay sa byahe. Pagod na pagod ang katawan ko. Bukod sa inabot na ako ng mahabang pila sa FX, pagsakay ko ay pangit pa ang napwestuhan ko. Napapwesto na naman ako sa gitna. Ang likot ko, hindi ko makuha ang tamang posisyon. Tumatama ang mahaba kong tuhod sa upuan sa harap ko, naiipit din ito ng bigat ng mamang nakasandal sa upuan sa harapan ko. Ang pinakamasaklap, naiipit ang betlog ko. Pinilit kong matulog pero walang nangyari. Tiniis ko na lang, buti hindi ako pinulikat. Sa kahabaan ng byahe, nagdadasal ako na sana makarating na sa Starmall ang FX para matapos na ang pagdurusa ng tuhod at betlog ko.

Pagdating sa boardinghouse, mabilis akong naligo at dumiretso sa school. Mainit sa byahe, hindi katulad sa probinsya na mahangin at laging maginhawa ang panahon. Sandaling panahon pa lang akong hindi nakakapasyal sa syudad pero parang hindi na ako sanay. Ang kapal ng alikabok na dumadapo sa balat ko. Ang bilis kong manlagkit. Iba talaga sa probinsya, laging relaks at presko kahit hindi ka maligo ng tatlong araw.

Pagdating naman sa school ay hinarang ako ni Ateng Cute na guard. Bakit daw ako naka-sibilyan. Nagpaliwanag pa ako, sinabi ko ng hindi na ako naka-enroll dahil wala na akong subject na i-eenroll pero hindi pa rin ito nakinig. Muli na naman akong pumasyal sa D.O para lang papirmahan ang kapirasong papel na magpapatunay na hindi na nga ako enrolled. Binalikan ko si ate. Ngitian na lang ang nagawa namin, wala ng usap-usap, muli naman n'yang ibinalik ang I.D ko. Buti pa sa bahay namin, walang pipigil sa'ken maglabas masok man ako sa pinto. Iba talaga sa probinsya.

Pagkatapos magpabalik-balik sa mga silid sa loob ng gusali ng paaralan ay napagpasyahan namin ng tropa ko na magpahangin muna sa labas ng kampus. Pumunta sa R. Papa para kumain. Habang kumakain ang kasama ko, masaya naman akong nagmamasid ng mga bebot habang nakasubo ang isang istik ng sigarilyo. Ito siguro ang isa sa mga bentahe ng syudad sa probinsya, mas madaming chiks dito.

Sa kasarapan ng pagmamasid sa mga bebot, kapuna-puna ang sabay-sabay nilang paglingon. Hindi sa direksyon ko, at hindi rin dahil sa nakakita sila ng mas gwapo sa'ken. Sabay-sabay nilang nilingon ang isang mukha ng Pilipinas na hindi maikakaila. Dalawang lalaki ang nakaharap sa isang batang lansangan. May hawak na sako ang bata, dumadaloy ang luha pababa sa madungis nitong mga pisngi. Isang suntok sa sikmura ang tinanggap nito galing sa lalaking nakakagigil ang pagmumukha. Napaupo ang bata sa kalsadang puno ng sarsa ng fishball. Hindi kinaya ng dalawang braso n'ya ang pagsalag sa suntok na pinakawalan ng mama. Kung anu-anong mura ang narinig ko. Isang dosenang tadyak dito, lalong humagulgol ang api. Tumayo ang kawawang paslit, isang suntok na naman.

Narinig ko na binanggit ng mama na parang may gustong nakawin ang bata sa isang sasakyan. Hindi ako sigurado at hindi ko rin naman nakita. Lumayo ang bata at sumigaw, "Putang ina mo! Baranggay ka lang kasi. Putang ina mo! Baranggay ka lang kasi". Akmang lalapit ulit ang mama sa bata para bigyan na naman ng suntok pero mukhang tinablan din ng hiya sa mga usisero at pinabayaan na lang ang bata.

Mura pa rin ng mura ang bata sa papalayo ng Baranggay Tanod pala. Paulit-ulit n'yang sinasabing "Putang ina mo Baranggay ka lang kasi". Kasabay ng pag-iyak, tila ba isang bagay ang muling nagpalakas ng loob n'ya para muling sumigaw. "Tang ina mo! Irereklamo kita". Isang bagay na malamang ay ang pagnanais na magkaroon ng karapatang pantao.

Sa syudad, mas abusado sa kapangyarihan ang mga tao. Mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas. Mas gusto nilang sa kamay nila ilagay ang batas at hindi sa tamang proseso. Pwede namang dalhin na lang ang bata sa himpilan pero bakit kailangan pang magkasakitan? Marahil ito ang isa sa mga dahilan kung bakit imbes na magbago ang mga taong nakakagawa ng krimen ay mas lalo pa nilang pinagbubuti ang gumawa ng masama para makaganti sa mga abusado at mga buwayang may kapangyarihan.

Nakapagsuot ka lang ng uniporme naging ganyan ka na. Oo at sa buong panig ng Pilipinas nangyayari ang mga ganito, pero mas malimit sa probinsya kaya mas gusto ko dun.

Anim na taon na akong gagala-gala sa syudad, sanay na ako sa ganito pero hindi tamang kasanayan ang makakita ng mga maling gawa. Sa syudad kung saan kailangan ko pang makipagsapalaran para sa mas magandang bukas. Sa syudad, kung saan ko tutuparin lahat ng mga pangarap ko. Alam kong kailangan kong maging matatag dito. Pero sa huli kapag nagtagumpay na ako, babalik at babalik ako sa probinsyang pinanggalingan ko. Sa probinsyang hindi man ganun kaunlad, mas tahimik naman ang buhay at walang masyadong gulo.

8 comments:

  1. gradweyt ka na pareng goyo?

    pag mamasdan mo talaga ang syudad. maaawa ka. may mga bagay na sumasalamin sa kanyang tunay na kulay.

    tulad ng nalahad mo sa storya. parang unfair na kahit wla ka pang ginagawa e binabato ka na.

    syetex.

    ReplyDelete
  2. Marami ngang pros and cons ang syudad. Sanayan lang talaga sa mga cons. Ito ang good read ko ngayong umaga. I-pa-Plurk ko ito. :)

    ReplyDelete
  3. nakakamiss ang saya at gulo sa FEU, R. Papa at Morayta.

    ReplyDelete
  4. napaka sensitib ko lang cguro nung mga nakaraang araw na pati dun sa bata napaiyak na ako. :((

    pero totoo, madaming tao na naka uniporme and mapagmasamantala. Pera, uniporme, mga meron nun, at makapag suot lang, kala mo pag-aari na ang mundo.

    ReplyDelete
  5. sa unang tingin napakasarap sa syudad. nung unang graduate ko nag-work ako agad sa manila. pero nung nakita ko yong mga taong laging nag-uunahan, nagugugulangang mga driver ng jeep at pati pagtawid na kelangan mo pang umakyat ng pagkataas-taas at idagdag pa ang ingay dito ingay doon..naisip kong bumalik sa probinsya para magtrabaho.
    sabagay nasa tao yan, kung saan ka magiging masmasaya. kung saan mo mahahanap ang sarili mo. masmadami rin kaseng oportunidad sa syudad.

    ReplyDelete
  6. sa ngayon hindi mo na alam kung kanino ka hihingi ng tulong kung mismong hihingan mo ng tulong ang nang-aabuso.

    tae tae.

    ReplyDelete
  7. in this place justice is only served to those who has gold and power,


    but for the weak, injustice is served while struggling for harmony...

    tama ka about sa probinsiya, sometimes i too wonder what it feels like if i grew up there instead here in the urban....

    God bless you!

    :)

    ReplyDelete
  8. Ganun talaga Goyo.. That's life...

    Iba talaga kapag siyudad. Laking probinsya kasi ako...

    basta ingat lang lagi!

    ReplyDelete