Pages - Menu

Thursday, January 13, 2011

Low Bat

"Gumising ka na d'yan Edmundo! Anong oras ka na naman umuwi? Umaga na naman. Wala ka ng inatupag ku'ndi uminom. Party ka ng party akala mo naman kung sino kang mayaman. Oo nga't graduate ka na at may magandang trabaho pero hindi ibig sabihin nun ay magagawa mo na lahat ng gustuhin mo. Ayusin mo naman ang buhay mo. Matuto kang maging responsable!!"

Pasado alas otso sa kwarto ng anak ay maaga ring nagtatalak si Aling Maring para gisingin at pangaralan ang pupungas-pungas at may tama pang si Edmundo.

"Wala namang pasok Nay kaya nagsaya lang kami ng mga tropa ko. Minsan lang e. Lumabas na kayo sa kwarto at matutulog pa ako."

"Anong minsan?! Araw-araw daling araw ka na umuwi tapos sasabihin mong minsan lang?! Hoy hoy Edmundo! 'Wag mo naman sanang kunin ang masasamang ugali ng ama mo! Bukod dun, uso ang nakawan ngayon sa lugar natin. Baka makumpano ka pa. At tuluyan ka pang mapasama sa magaling mong ama na ngayon siguro ay nakikipaghuntahan kay Satanas dun sa impyerno!"

"O ano 'tong pulang marka sa polo mo?! Lipistik?!", bulalas ni Aling Maring habang dinadampot ang mga damit ng anak na nakakalat sa sahig at ibabaw ng kama.

"Lintik kang bata ka, hindi ka lang puro inom. Puro pambababae ka pa! Dyaskeng bata 'to. Subukan mo lang umuwi dito at sabihing nakabuntis ka, dun ka sa kawalan matutulog. Lintik na bata 'to. Umagang umaga pinapainit ang ulo ko!"

Ilalagay na sana ni Aling Maring ang mga damit sa basket ng labahan ng biglang may mahulog na lighter at baling sigarilyo sa bulsa ng pantalon ng anak.

"At kailan ka pa natutong manigarilyong punyetang bata ka?! Puro ka bisyo! Wala ka na atang inatupag kundi inom, sigarilyo, babae. Baka mamaya mababalitaan ko durugista ka na rin!!". Mataas na ang boses ni Aling Maring samantalang si Edmundo ay walang imik at hindi pinapakinggan ang talak ng ina dala na rin ng antok.

Tuluyan ng lumabas ng kwarto si Aling Maring at malakas na inihampas ang pinto sa pagsarado. 

"Naku kundi lang kita ina e baka kanina pa kita ginulpi katulad nung mga epal na binanatan namin sa bar kanina. Makatulog na nga.", pabulong na sinabi ni Edmundo sa sarili.

Bago pa man tuluyang pumalaot ang diwa sa paglalakbay ng antok ay bumalik sa gunita n'ya ang nangyari kaninang madaling araw habang naglalakad s'ya sa mga eskinita pauwi sa bahay nila. Naalala n'ya ang isang lalaki na tila nagmamasid sa mga kabahayan sa lugar nila. Mabilis n'ya itong nilingon at ng akmang bubulyawan n'ya ay mabilis din itong nawala. Hanggang ngayon ay hindi pa rin s'ya sigurado kung totoong nangyari ang bagay na 'yun o dala lang ng antok at tama ng alkohol. Hindi na makayanan ng isip ni Edmundo na kumpirmahin pa sa sarili ang mga bagay na naalala, tuluyan ng pumikit ang mga mata nito at tinangay ng anod ng antok.

Alas tres na ng hapon ay tulog pa rin ang binata. Tapos ng maglaba si Aling Maring, nakapag-agahan at tanghalian na rin. Tapos na ring maglinis ng bahay. Taong bahay lang ito at tanging paglilinis at pag-aasikaso sa nag-iisang anak lang ang pinagkakaabalahan. Nagpasya itong magbitiw sa pinapasukang kumpanya bilang isang accountant noong maaksidente ang asawa nito dalawang dekada na ang nakalipas. Nagpasya itong magpokus sa pagpapalaki sa nag-iisang anak na si Edmundo. Tutal malaki naman ang ipon nilang mag-asawa bukod pa ang pensyon na matatanggap kaya alam n'ya sa sarili n'ya na tama ang naging desisyon n'ya na maging full time nanay. Pinag-aral n'ya si Edmundo sa isang kilalang paaralan. Nakayanan n'yang maitaguyod ito ng nag-iisa. Akala n'ya ay madali lang ang lahat, hindi n'ya akalain na sa pagtatapos ng binata sa kolehiyo ay tsaka pa lang magsisimula ang totoong hamon ng buhay sa kanya.

Sa kalagitnaan ng pagmumuni-muni ni Aling Maring ay naisipan nitong silipin ang anak sa kwarto. 

"Hoy Edmundo Salvador Gomez! Bumangon ka na po d'yan at hindi ka pa nakakapag-agahan at tanghalian. Papaabutin mo pa ata ng hapunan. Hindi ka ba nagugutom? O gusto mo na naman atang uminom at wala ng planong kumain? Bumaba ka na dun sa kusina at kanina pa naghihintay sa'yo 'yung niluto kong paborito mo pa man din. Oo bata ka. Kung kailan naman tumanda tsaka naging matigas ang bungo."

Nakasanayan na ng byuda ang mangaral at talakan ang anak. Dati rati naman ay wala s'yang problema dito. Simula noong magkatrabaho ang anak ay natuto ng bumarkada at lumabas labas.

"Mahirap pala talagang magpalaki ng anak na lalaki lalo at walang amang kakalinga.", kasabay ng realisasyon na ito ang isang mahabang buntong hininga habang bumaba sa hagdan.

Nakaramdam na ng gutom ang binata. Wala ng tama. Nagpasya itong bumaba na sa kusina para maghapunan, kung hapunan na ngang matatawag iyon dahil halos alas-sais na ng gabi.

"Sa wakas, nagparamdam din ang magaling mong tiyan na alak na lang ata ang kilala at nagutom ka rin. Nga pala, pupunta ako sa lamay sa kabilang kanto. 'Wag kang aalis bata ka, malilintikan ka na saken".

Pagkatapos na pagkatapos ng paalalang ito ni Aling Maril ay nag-vibrate ang telepono ng binata sa suot na boxer shorts. Isang mensahe galing sa mga kaopisina ang natanggap.

"Pare, labas ulit tayo mamaya. Sa Timog. Nagyaya 'yung mga tropa nung babaeng naiskoran mo kagabi. Kasama ulit si Evelyn. Jackpot ka na naman p're. Kitakits na lang sa Trinoma mamayang mga alas-otso."

Porke may hitsura ay s'ya lagi ang pinangpopronta ng mga tropa n'ya sa mga babae sa bar. Walang pagdadalawang isip si Edmundo na nagpasyang sasama sa lakad ng tropa mamaya.

"O anak, aalis na ako. 'Wag kang lalayas. Naku malilintikan ka na talaga. Hindi ka na tumigil dito sa bahay. Sige na"

Mahinang 'Oho' lang ang isinagot ng binata kahit sa totoo lang ay hindi naman n'ya iniintindi ang sinasabi ng ina.

Pagkalabas na pagkalabas ng ina ay mabilis na tinapos ng binata ang pagkain at tumungo sa silid para kumuha ng gamit pagligo. Nagbihis at nagpabango. Kumuha ng sapat na pera galing sa sweldo na hindi man lang naibahagi sa ina. Kinuha ang telepono at isinara ang buong bahay. Magpapakalango na naman sa alak. Magpapakasaya na naman sa piling ng kung sinu-sinong mga kababaihan.

Pasado alas-otso na dumating sa mall ang binata. Mabilis na nakita ang mga tropa. Habang nagpapalamig sa isang kapehan ay biglang tumunog ang telepono ng binata. Tumatawag ang ina nito na malamang ay nag-aalala dahil muli ay sinuway na naman nito ang bilin sa anak.

Nagpasya ang binata na patayin ang telepono at 'wag na lang sagutin ang tawag ng ina. Bukod sa puro talak lang ang maririnig n'ya dito, lowbat na rin s'ya dahil nakalimutan n'yang magcharge sa bahay.

"O pare, bakit hindi mo sinagot 'yung tawag sa'yo? Sino ba 'yun?", usyuso ng tropa.

"Ahh, si nanay. Tatalakan na naman ako at bibilinan ng kung anu-ano. Kala n'ya siguro bata pa ako. Gumagawa na nga ako ng bata."

Tawanan ang buong barkada sa isinagot ni Edmundo. "Ma-e-empty na rin kasi ako kaya ko pinatay. Maya ko na lang buksan kapag itetext ko na ang mga date natin."

Nagpatuloy sa kwentuhan ang mga binata habang naghihintay sa mga babaeng makakasamang magsaya sa bar. Hindi na nagawang buhayin muli ni Edmundo ang telepono n'ya dahil katropa na n'ya ang kumontak sa mga babae.

Matagal din nagkwentuhan at tumambay ang buong tropa sa mall hanggang sa magpasya na ang mga ito na lumabas at tumungo sa bar na pinag-usapan nila.

Maraming tao sa bar. Malakas ang tugtugan. Ibang-iba ang dating ng kapaligiran. Lahat hayok sa alak. Lahat handang magpakalunod sa saya. Tamang tama ang araw ng sabado para sa gimik ng mga kabataan.

"Pareng Edmund, ikaw na bahala d'yan kay Evelyn ha. Didiskartehan lang namin 'tong mga kasama. Mukhang may mga tama na at type rin ata kami. Bengga 'to!", bulong ng isa n'yang kaibigan habang nakikipaglandian s'ya sa kapareha. Walang pakialam ang dalawang nilalang na ito kung may makakita man sa kanila na naghahalikan at naghihipuan sa loob ng bar.

Napakasarap na musika ang hatid sa bawat nilalang na nagsasaya ng malalakas na kalabog galing sa naglalakihang speakers ng bar. Hindi na sila halos magkarinigan pero walang nagrereklamo.

Lalong lumalalim ang gabi. Bago pa man malasing ng tuluyan ay nagpasya na si Edmundo na ilabas na ang babaeng kapareha. Mabilis na sumakay ng taxi at nagtungo sa pinakamalapit na hotel. Nagpakalunod sa kamunduhan. Oras pa ang lumipas tsaka lang nagpasyang umuwi ng magkapareha. Hinatid pa ni Edmundo ang dalaga sa sakayan tsaka nagdesisyon na ring umuwi.

Naisipan ni Edmundo na buhayin ang telepono n'ya habang sakay ng taxi para kamustahin kung naging masaya rin ang gabi ng mga tropa. Limang magkakasunod na mensahe ang pumasok. Dalawa dito ay galing sa limang taon ng girlfriend ni Edmundo. Ang tatlo ay galing sa ina n'ya.

"Anak, hindi ko na ini-lock ang gate. Napagod kasi ako sa paglilinis ng bahay at paglalaba kanina. Baka hindi ako magising kapag kumatok ka sa tarangkahan. May susi ka naman sa pinto ikaw na ang bahala. Mag-ingat kang bata ka at wag kang uuwi ng may kasamang babae. Malilintikan ka!"

"Anak, hindi na naman kita napigilan at nakuha mo pa akong babaan at patayan ng telepono. Basta mag-iingat ka dyan ha. Mahal na mahal kita."


"Matagal ka pa ba Edmundo? Natatakot ako. Parang may umaaligid sa bahay natin. Umuwi ka na anak.."

Pagkabasa ng huling mensahe ay tila natuyuan s'ya ng laway at pinagpawisan. Kinakabahan s'ya na hindi n'ya malaman. Noon lang n'ya ulit nabasa ang salitang "Mahal" sa mensahe ng ina dahil puro pangaral at bilin lang ang tangi n'yang nababasa sa mga text nito sa kanya. 

"Manong, pwede bang pakibilisan n'yo pa ang takbo. Tang ina ang kupad mo e, hindi ako lasing. Basta bilisan mo dodoblehin ko pa ang bayad sa'yo!!" 

Halos lumipad ang taxi sa utos ng binata sa matandang driver. Pagdating sa babaan ay hindi na n'ya halos binilang ang ibinayad sa matanda. Dumukot ng isang libong piso at hindi na kinuha ang sukli. Nagtatakbo ang binata patungo sa bahay nila. Ngayon lang s'ya kinabahan ng ganito. Pabilis ng pabilis ang tibok ng puso nito kasabay ng pabilis nang pabilis din na pagtakbo. Walang pake sa mga tahulan ng mga aso. Walang pake kung may mabunggong mga makakasalubong na papasok pa lang sa trabaho.

Bumabalik sa alaala n'ya lahat ng nangyari mula noong umaga hanggang gabi. Muli n'yang naririnig ang pangaral ng ina n'ya. Hindi pa man tapos sa paggunita ng mga nangyari noong nakalipas na araw ay nakarating na s'ya sa tapat ng bahay nila.

Bukas ang tarangkahan nila. Ang pinto ay halatang pwersahang binuksan. Nakakalat ang mga gamit sa sala. Basag ang ilang mga baso at plato. Maging ang pinto sa likod bahay ay bukas din. Limas ang gamit sa buong ibaba ng bahay. 

"Putang ina nanakawan kami! Nay nandito na ako? Nasaan kayo?!" 

Pumanaog ang binata sa hagdan patungo sa kwarto ng ina. Wala si Aling Maring. Tanging mga damit na galing sa hinalungkat na aparador lang ang nakita kasama ng mga lagayan ng alahas.

Mabilis na lumabas at nagtungo naman sa kanyang silid ang binata. Kasabay ng paghingal n'ya ang mabilis na pagragasa ng mga luha n'ya. Hindi s'ya makasigaw sa nakita. Parang umuugong ang paligid at nabibingi s'ya. Gusto n'yang sumabog at magwala pero hindi n'ya magawa. Si Aling Maring nakahandusay sa kama, duguan ang katawan at may tama ng bala sa ulo habang yakap yakap ang laptop na pinag-ipunan n'ya galing sa sweldo. 

"Naannnaaaaaay!?! Nandito na ako!! Anong nangyari sa'yo?! Magpapaalam na ako sa inyo. Susundin ko na lahat ng mga payo nyo. Mahal na mahal ko rin kayo!! Gumising na kayo dyan! Sabay na tayong mag-aagahan. Inaaayyy!!!"

30 comments:

  1. awwww sad naman nito..minsan talaga napapahalagahan lang natin ang isang tao o bagay kapag tuluyan na itong nawala sa atin...

    ReplyDelete
  2. aw.grabe naman.ano ba yan.sana lang ah,hindi mangyari ganito sa kahit na sino.whew.

    ReplyDelete
  3. waaa...tulo laway ko dun ah..

    wa...scary..

    ReplyDelete
  4. aww sobrang lungkot naman nito haaay..

    ReplyDelete
  5. nung una natatawa ko sa nanay..

    isang tipikal na ina na puro talak pero puno ng pagmamahal.

    pero ng matapos ko na ang kwento ay mangiyak ngiyak na ko sa lungkot..

    ReplyDelete
  6. grabe ang pagkakasulat. realidad na realidad. nakakalungkot lang ang ending. pero siyempre, laging nasa huli ang pagsisisi. maging aral sana ang kwentong ito sa mga tao'ng hindi marunong rumespeto at sumunod sa kanilang mga magulang at mahal sa buhay. Magaling Goyo!

    ReplyDelete
  7. magpapasalamat pa naman sana ako na di gaya ng nanay ko si aling maring. kawawa naman siya.

    ReplyDelete
  8. waaah. bakit ganun? :(

    iba talaga ang pagmamahal ng isang ina.

    kalongkot naman storya mo.

    pero, hanga ako sa pagsusulat mo. idol.

    ReplyDelete
  9. may aral talagang mapupulot sa mga sulatin mo.

    ang napulot ko ay eto, kapag lalabas kasama ang barkada,isama ang nanay. joke.

    nice one tol goyo. isa kang makabagong kwentista!

    ReplyDelete
  10. natawa ako sa comment ni duking. lol

    sabi nila, marerealize mo lang daw na tama ang mga magulang mo, once you have your own child who thinks you are wrong. sa story mo, kelangan pang mawala muna ng nanay bago marealize ni edmund na nagkukulang na sya sa nanay nya. =(

    hindi talaga maganda ang masyadong matigas ang ulo noh? kya nga mabait ako.. haha!

    ReplyDelete
  11. Ang haba naman neto. Hindi ko alam kung matatapos kong basahin. Balikan ko.

    ReplyDelete
  12. pambihira ka naman kahit mahaba to binasa kon ng bongang bongga sobra naman yun so ouchy at totoong totoo siya tsong.. dama ang mga nagaganap sa bawat sinulat mo,,,,
    pero magaling ka nga talaga... apir... cheers :D

    ReplyDelete
  13. matagal tagal na rin ako di nakabisita rito goyo...at saka..napatayo mga balahibo ko run ah...hmmm...di ako close sa nanay ko...nde naman ako mabisyo..pero ..saka saka lang natin namamalayan ang halaga ng isang bagay o tao kung wala na....kaya make every moment count...

    ReplyDelete
  14. Kung hindi lang talaga kita kaibigan ay hindi ko pag-aaksayan ng oras itong shit mo. In fairness, may natutunan naman ako, yung aral na sinabi ni Mads. Nga pala pareho kayong magaling gumawa ng fiction.

    Kitakits na lang sa Trinoma mamayang mga alas 8. =)

    ReplyDelete
  15. Ito yun eh. Sakit Goyo, sakit.

    ReplyDelete
  16. grabehan.... sana naman sinarado na lang ni inay ang pinto.....
    pero ang lungkottttt waaaaahhh..takot talaga ako sa mga ganun, yung pumapasok ng bahay talaga para magnakaw.

    Ang turo sa min pag ganun ibigay na lang. mapapalitang ang pera o kahit ano.. hindi ang buhay..

    nag-enjoy ako magbasa...

    ReplyDelete
  17. ang haba! pero worth it naman tapusin ;)

    natawa pa ako nung una, kasi parang magulang ko lang, kapag nabu-bwiset saken, buong pangalan ko ang itatawag. haha

    pero ka-sad yung huli, naiiyak tuloy ako! kaiinis! sana lang, wala makaranas nun. pero ganun e, iba-iba ang istorya ng buhay ng bawat tao. sa iba't-ibang paraan din tau matuto ng life lessons.

    ReplyDelete
  18. kalungkot naman to...pero sana maraming kabataan ang makabasa...

    ReplyDelete
  19. I freaking don't like this post! I hate those children na feeling ang ginagawa TAMA. Nakaka inis ispin na may mga taong nag mamahal sa atin but we tend to ignore them. And later on, when there is something happened na masakit, dyan pa natin masasabi na mahal or susunod na tayo sa kung anu ang gusto. It's stupidity. Nsasaktan ako sa Post na'to. I loive my mom, so i follow most of her words. Mabait kasi mom ko.

    ReplyDelete
  20. di kasi nagpapaalam eh. sa huli lagi ang pagsisisi.

    ReplyDelete
  21. @all, maraming salamat sa mga nagbasa, nagkomento at naglike ng kwentong ito. :)

    ReplyDelete
  22. habang gumaganda ang kwento,ako ay napanganga at tuluyang nakanganga hanggang sa matapos at mismong ako ay kinabahan din...

    sana di mangyari ang kwentong ito sa mga nanay natin..:)
    gud day!!!

    (bloghopping)

    ReplyDelete
  23. Awwww. Baket ganun? Ang saklap naman po nung kwento. T___T Nakakakonsensya.

    ReplyDelete
  24. Takte naiyak ako pre naalala ko yung nangyari sa akin.

    ReplyDelete
  25. Ang ganda ng pagkakasulat mo.:) You make me a proud girlfriend. Hehehe.:) I like how realistic it is. Naka-relate ako.:(( Buti nalang di ako naiyak. Hehehe.:) Bored ako, nagbackread nalang ako dito sa blog mo. I love you!:">

    ReplyDelete
  26. Huhuhuhu. Di ko napansin yung pagulo ng luha ko. Ba't ganyan ka? Ang galing mo magsula. Haha.

    ReplyDelete