Pages - Menu

Wednesday, January 5, 2011

Morayta Love

Parang nakasanayan na lang naming mga iskul bukol na istudyante ng FEU na magpabalik-balik sa eskwela para mag-ayos ng mga dapat ayusin sa pag-aaral kahit hindi naman talaga ganun kadali para maayos. Kulang ang dalawampung beses na paru't parito para lang sa pagkukumpleto ng isang asignatura. Bukod sa oras na nauubos, kaakibat din nito ang lumalalang pressure sa buhay. Sa hindi inaasahang pagkakataon, hindi ko akalain na sa unang pagbalik ko sa Morayta ngayong taon ay may parte ng buhay ko na tuluyang maaayos. Hindi man kasing halaga ng pag-aaral, importante pa rin.

Kahapon nga ay nagtungo ako sa eskwela. Tumayo sa harap ng eskwelahan para tumambay at magmasid ng mga istudyate na hindi man isang palabas sa telebisyon ay masarap pa ring panoorin. Nagbabakasakali na may makitang mga kakilala at makakasama sa pakikiharap sa mga higante ng eskwelahan. Sa aking pagtambay ay may isang maliit na babae ang lumapit. Nagtatanong kung may lighter daw ba ako, ayos na pick up line 'to sa isip-isip ko para magsimula ang isang pag-uusap sa pagitan namin. Sa kabilang banda, naisip ko rin na halata siguro masyado na nagyoyosi rin ako tulad n'ya.

Nakaramdam ng gutom, nilampasan ang babaeng nanghiram ng lighter at mabilis na tumungo sa paborito kong siomai at hotdog rice. Hindi man tulad ng mga pagkain na nakahaing tuwing pasko, may kakaibang sarap na dulot naman ang mga pagkain na 'to. Busog na naman. Bumili ng softdrinks. Napawi ang uhaw ko pero ang kakaibang init na nararamdaman ko ay nanatiling nasa loob. Hindi ko maintindihan kung ano 'tong nararamdaman ko, parang may mangyayaring kakaiba.

Habang nakaharap sa eskwelahan at nilalasap ang lamig ng softdrinks sa ilalim ng init ng araw tangan ang isang isang istik ng sigarilyo ay may mga bagay-bagay na muling sumagi sa isip ko. Naisip ko 'yung nangyari noong pasko. Isang simpleng bati ng Merry Christmas lang naman ang gusto kong matanggap mula sa kanya noong Pasko at Happy New Year naman noong Bagong Taon. Pinadalhan ko naman s'ya ng mensahe pero hindi n'ya man lang ata binuksan ang mensaheng 'yon sa telepono n'ya. O baka naman nagpalit na s'ya ng numero? Ang pinakamasaklap, baka tuluyan n'ya ng kinalimutan na may isang 'Ako' na minsang dumaan sa buhay n'ya.

Masayang naglalaro sa usok sa gilid ng isang sasakyan. Pinagmamasdan sa salamin ang mga taong mabilis na dumadaan sa aking likuran. Higop ng malamig na softdrinks, may isang pamilyar na babae ang nakakuha ng atensyon ko.

Ang pamilyar na buhok na 'yon, ang kutis n'ya, ang makinis n'yang mga pisngi, ang hindi nakakasawang masdan na mga mukha, ang pamilyar na lakad na 'yon, ang kurba ng katawan pati ang paraan n'ya ng pagdadala ng bag. Alam kong s'ya yun! At alam ko rin na nakita n'ya ako dahil kapuna-puna na noong napatingin s'ya sa sasakyan at nakita ang imahe ko ay naging mabilis ang paglakad n'ya. Nagmamadali at halatang may iniiwasan.

Iniisip mo siguro na kapag napansin kita ay hahabulin kita at ipipilit ang kagustuhan kong muli kang makausap. O baka naman ako lang ang nag-iisip nito. Alam mo naman siguro na kahit hindi tayo 'OK' ay kakausapin pa rin kita. Kasabay ng pag-iisip nito ay ang mabilis na pag-angat ko sa mga kamay ko kasabay ng muling pagsubo ng sigarilyo. Kasabay ng pagpasok ng usok sa loob ng katawan ko ay ang unti-unting pagtapal nito sa puwang na sanay nakalaan sa'yo.

Naisip ko nga na habulin ka at kausapin pero hindi ko na maigalaw ang mga paa ko. May pumipigil sa'ken at ginusto ko rin na sundin ito. Sa wakas malaya na ako sa pagmamahal ko sa'yo. Sa wakas masasabi ko na sa sarili ko na nakausad na talaga ako.

Imbes na maglakad sa direksyon na tinahak mo, naglakad ako papalayo sa'yo. Naalala ko na ihing-ihi na ako at kailangan pa naming magdota ng mga kaklase ko. Paalam sa'yo.

13 comments:

  1. hindi ako nagskip-read. talagang binasa ko ang kwento. Natural ang pagkakalahad at ang pulido ang bawat detalye. Sa madaling salita, maganda!

    ReplyDelete
  2. Palagay ko,yan ang ang pinakacrucial part ng isang relationship: pagkikita after ng breakup...malas mo pag di ka pa nakakamove on kasi andyan ang pagkailang at baka mag emo mode pa pagdating sa bahay..

    Swerte mo kasi parang kinagat ka lang ng langgam. Napansin mo lang pero back to normal na ulet..

    ReplyDelete
  3. ang ganda... parang may naalala ako sa ganitong mga eksena.... galing bravo!!

    ReplyDelete
  4. galing naman ng pagkakanarrate anyway..tulad ng sinabi ni sis hartlesschiq..mahirap talagang pakiharapan ang taong naging bahagi ng past mo lalo na kung di pa kayo ok..pero mukhang nakamoveon ka anman na kahit papaano eh kasi di naman bitter post tong nabasa ko..=)

    ReplyDelete
  5. Hindi mo kailangan ng opinyon ko, mahalaga nabasa ko ito. Magaling kang hudas ka.

    ReplyDelete
  6. ok yan ser.. umpisa na yan.. malaya ka na..

    pero malaya ka na ba talga?

    peace :)


    nice post ser.. galeng..

    ReplyDelete
  7. sabay na sabay ata tayo sa pag usad sa buhay. my panibago na ring naganap. sabay.=)
    wala lungs. masaya. ang linis:)))) good luck goyo sa buhay mo:))!!!.. kht iba na ang pangalang taglay mo : D hehehehe!!!! sana sa kapanahunan ng huling buhay natin. justified>:) magkaibigan pa rin tayo. :)

    ReplyDelete
  8. Sa Morayta din siguro tumubo ang pagsinta at sa Morayta din unti-unting namamatay ang pag-ibig.

    May mga taong darating at aalis, ang mahalaga nakapag-iwan ng isang alaala na kahit na mabura pa ang mga sandaling iyon, iba pa ring, naranasan kesa sa pinangarap lamang sabay sabing... SANA.

    Napakoment, babati lang sana ako ng Happy New Year. :)

    ReplyDelete
  9. kewl. this is my first time here. ayos. :D ex-links? :)

    natalyaysabel.wordpress.com

    thanks! :)

    ReplyDelete
  10. Hello... ngayon lang napadaan dito... waaaah..nakakamiss ang morayta.. hmmm.. naiisip ko ang morayta at feu na laging binabaha..at ang tanging paraan ko lang para makalagpas dun ay sumakay sa G-liner...

    let it go mo na lang.. okay lang yan... siguro hindi tama na ako magsabi nito..dahil ewan.. pero.. siguro in time... magiging okay din ang lahat..sana maging okay lahat sayoooo!!! x)

    ReplyDelete
  11. Salamat sa mga nakisimpatya sa konting haging sa buhay pag-ibig ko. Hehe.

    ReplyDelete
  12. Panahon na nga para umusad sa bagong kabanata sa iyong buhay pag-ibig!

    ReplyDelete