Pages - Menu

Sunday, January 9, 2011

Recto Avenue

Sino ang hindi nakakaalam sa Claro M. Recto Ave. sa Maynila? Marahil lahat ng tao sa buong ka-Maynilaan ay alam ang lugar na ito. Isang lugar na pugad ng iba't ibang klase ng tao at kung anu-anong elemento. Mga istudyante na pagala-gala at pakalat-kalat sa tabi-tabi. Mga tindera ng yosi at kendi sa bangketa. Ang iba't ibang klase ng pagkaing kalye tulad ng kwek-kwek at ang hindi ko kayang kainin na 1 day old chick. Mga jeep na hindi makalipad sa kahabaan ng kalye dahil sa trapiko. Naandyan din ang mga tindero at tindera ng mga lumang magasin at mga libro. Ang bilihan ng kung anu-anong aksesorya malapit sa Sogo. Pwede ka ring magpabutas sa tenga, kilay at dila kapag bumili ka ng hikaw. Meron ding tattoo shop sa Cartimar. Bilihan ng iba't ibang klase ng damit at mga sapatos. Hindi rin magpapahuli ang mga mananahi sa underpass. Mga kabi-kabila na bilyaran at inuman, at mga patay sindi sa bandang Avenida. Ang bilihan ng mga paborito mong piniratang CD at DVD ng iba't ibang klaseng pelikula, anime, mga porno at mga pamosong sex scandal na ang ilan ay kuha lang din sa mga motel sa mismong kahabaan ng Recto. At syempre ang isa sa mga nagpasikat sa Recto, ang gawaan ng mga diploma at kung anu-anong sertipiko. May humahabol pa pala sa listahan, ang mga isnatser at holdaper na mahilig ding magpahabol. Isama rin pala natin ang mga pulubi at mga taong grasa sa listahan. Kasama rin 'yung mga pulis na nangongotong at 'yung ilan na mababait. May idadagdag ka pa ba? Ako meron pa.

Sa ilang taon ko ring paglilibot sa ka-Maynilaan, iba't ibang eksena na talaga ang nasaksihan ko at naranasan. Sa kabutihang palad ay hindi ko pa naranasang ma-holdap at madukutan. Hindi ko naman sinasabing gusto kong maranasan. Ibinabahagi ko lang na hindi pa ako nakakaenkwentro ng mga mandurukot at holdaper. Ibang klaseng tao naman kasi ang naeenkwentro ko lagi sa kahabaan ng Recto. Gusto ko sanang maging educational ang post na ito pero mukhang malabo kaya inilagay ko na lang 'yung link ng Wikipedia.

Nitong nakaraang mga araw nga pagkatapos ng bagong taon ay makailang araw din akong nagpabalik-balik sa eskwelahan sa Morayta. Noong Hwebes, huling araw ng pagpunta namin sa school ng mga kagrupo ko sa thesis ay biglang nagyaya 'yung isa kong kaklase na pumunta sa kanila sa Bulacan. At dahil biglaan, wala kaming mga baong extrang damit at ang pinakamahalaga sa lahat, brief. Walang problema sa sando at short na susuotin dahil pinahiram naman kami ng kaklase ko. Malagkit lang talaga sa pakiramdam kapag halos dalawang araw mo ng suot 'yung brief mo. Kahit i-side B, wa epek pa rin. Bukod sa lagkit, parusa rin sa ilong ang amoy ng utot ko. Iba talaga kapag masarap ang kinakain. At dito na nagsimula ang adventure ko. Akalain mo 'yun.

Bukod sa mga computer shops, minsan napapadaan din ako sa Isetann; isang lumang mall sa kahabaan pa rin ng Recto. Dito ko nakakaenkwentro at nakakasalubong ang isa pa sa mga klase ng tao sa Recto. Pangkaraniwan na ang mga babaeng nagbebenta ng aliw sa syudad. Bukod sa kanila, nandyan din ang mga bading na naghahanap naman ng aliw. Minsan nga habang naglalakad-lakad ako sa loob ng mall, isang may katandaan ng bading ang sunod ng sunod sa akin. Nakapostura pa naman na parang nag-oopisina tangan ang isang bag na siguro mga dokumento ang laman. Kahit saan ako magpunta nakabuntot s'ya. Nakakapikon na. Imbes na makakapag-ubos ako ng oras sa loob ng mall, napilitan na lang akong lumabas makaiwas lang sa matandang 'yun. Hindi lang isang beses nangyari ang nakakabwisit na eksenang 'to sa'ken, 'tol.

Minsan aminado ako na pakiramdam ko ang pogi-pogi ko, 'yung tipong kumpyansa ka na maayos ang hitsura mo at hindi nakakahiyang maglakad-lakad na medyo mayabang. Pero iba ang araw na 'to noong Byernes pagkagaling nga namin sa Bulacan. Lagkit na lagkit ako noon dahil na rin sa usok at pawis sa paglalakad. Dumagdag pa ang hindi kumportableng pakiramdam galing sa inaamag kong brief at ang pwet ko na nagbubuga ng masamang amoy. Wala rin sa porma ang buhok ko, at pakiramdam ko mukha akong jejemon sa suot kong damit. Halos yumuko na nga ako sa paglalakad, baka kasi may makakita sa'ken na kakilala, nakakahiya. Mabilis ang paglakad ko kaya lalo lang akong pinagpawisan. Sa wakas nasa Recto na ako at makakauwi na sa boarding house.

Byernes, madaming tao. Hindi kaagad ako nakasakay ng jeep kaya naglakad-lakad pa ako hanggang makarating sa tapat ng Sogo sa Recto. Nag-aabang ng jeep byaheng Pasig. Isang lalaki ang dumaan sa harap ko. Lingon ng lingon at parang hindi mapakali. Bumaba s'ya sa kalsada at ako naman ay sa bangketa lang nag-aabang. Naisip ko na ordinaryong mama lang pero hindi e, dahil parang pakiramdam ko may taong kanina pa tingin ng tingin sa akin. Hindi ko naman iniisip na mandurukot ang mamang ito dahil mukhang mabait. Hindi na ako nakatiis at kinumpirma ko ang hinala ko na s'ya nga ang kanina pa tingin ng tingin. Paglingon na paglingon ko pa lang sa direksyon n'ya ay nagtama agad ang mga mata namin. Tumingin sa sapatos ko pataas hanggang magtama ulit ang mga mata namin. Nakakagulat lang na bigla s'yang ngumiti na parang nang-aakit na hindi malaman. Dahil sa inis ko sa gagong bakla palang mamang ito, mabilis kong itinaas ang kanang kamay ko sabay "pakyu" sa mukha n'ya at tumalikod ako. Alam ko na ang iniisip ng bading na ito, malamang ay napagkamalan n'ya akong callboy. Tyempo pa na sa tapat ako ng Sogo nakapwesto para mag-abang ng jeep.

Mabilis na lang akong naglakad papalayo at sa tapat ng Ever nag-abang ng jeep. Salamat na lang sa halos puro bebot na kasakay ko sa jeep at nawala ang pagkabadtrip ko. Nakakahiya lang kapag umuutot ako, baka kasi naaamoy nila. Hindi rin ako masyadong makadikit sa kanila dahil bugbog na bugbog na ng pawis ang suot kong damit na pinagpawisan na rin bago kami pumunta ng Bulacan. Pakiramdam ko talaga ang baho baho ko kahit naligo ako bago umalis ng Bulacan. Ang pinakamahirap na parte ng byahe ko ay noong pababa na ako. Sigurado kapag napatapat sa mukha ng kahit sino ang puwetan ko, magrereklamo 'yun sa alingasaw ng kombo ng brief at utot ko.

12 comments:

  1. saan ba yang recto na yan! lolz, hindi ko ata alam kung saan yan! hahahah....

    tinignan ko sa wiki kung ano ang C.M Recto, ang nakalagay ay Charlie Montemayor RECTO (si CM pala!) hahaha...

    namiss ko tuloy ang college years ko, dun kami sa ever gotesco lagi nanunuud ng sine, kase 9AM ang bukas(pinakamaaga nung time na yun, wala pa ang SM-Manila at pangit pa ang Robinsons Ermita) at sikat pa ang ISetann at Harrison Plaza...hahaha.

    ReplyDelete
  2. paborito kong puntahan ang recto. doon sa sogo. pero sa ilalim lang ha. isa itong treasure box kung saan ako namimili ng mga hard to find collectible cassette tapes and cd's.

    ang recto ay isang malaking prostitution den. pareho pala tayo, parang ang guwapo-guwapo ko pag naglalakad sa kahabaan nito!

    \m/\m/

    ReplyDelete
  3. lesson learned parekoy wag ka sa sogo tatambay para mag-abang ng sasakyan. hehehe. at grabe ang experience ko sa recto para magpagawa ng mga tropeyo. ang dumi eh. parang napabayaan na. sayang

    ReplyDelete
  4. maniniwala ka ba na sa 4 na taon ko nagaral sa feu, wala akong kabisadong street malapit diyan? seryoso ako, hindi ko nga alam kung saan yung dapitan. ang alam ko lang yung ruta ng jeep mula sa amin papuntang feu pero bukod doon, maliligaw na ako. hindi kasi ako palalakwatsa. bahay-eskwela lang ako parati.

    oo, masaya sa recto kasi ang daming pwedeng mabilhan. minsan nga naligaw ako sa bilihan ng dvd ng mga bold! letse. yung nabunot ko kasi sa christmas party gusto ng complete series ng initial d. doon ba naman ako sa bold tinuro sa kanto malapit sa sogo. buset. hahaha

    ReplyDelete
  5. nahihilo ako pag dumadaan jan sa dami ng tao...at pag dumadayo ako jan dapat mukha akong dugyot pra hindi mgkainteres ang mga holdaper sa akin hahaha...

    ikaw na ang gay magnet lol...

    ReplyDelete
  6. nakalimutan mo si recto na nakatayo sa dulo hawak hawak ang krus niya.. at mga nagrarally lage doon sa tapat ng tinayo nilang ewan peace ewan na gate dun...

    hmmmm.... ang saya saya naman ng pagkkwento mo..tama..wag tatayo sa tapat ng sogo.. at isa pa.. baka pwedeng magdala ka na rin ng extrang brief mo please.

    totoo lang may kaibigan din ako na laging habulin ng bakla.. ewan ko ba bakit ang kagwapuhan niya eh bakla ang na-aatract..hindi ko din sure bakit...

    at hindi pa rin ako nadudukutan..at sa darating na panahon..hindi ko hinihiling na madukutan ako..

    ReplyDelete
  7. di ko pa rin kabisado ang buong recto, kung saan makakbili ng mga ganito at ganyan nakakatakot kasi dumaan sa recto eh hehehe tsaka ang lagkit lagkit sa pakiramdam hehehe

    ReplyDelete
  8. ma miss ko ang recto! pramis hihihi

    ReplyDelete
  9. at akoy matagal ng hindi nakakapunta sa recto..

    ReplyDelete
  10. tama nakakamiss ang recto.. ilang taon din akong nagpalakad lakad diyan.. hindi para maghanap ng customer...lol andyan na kasi halos lahat ng kelangan ng isang estudyante..

    mula ceu, nilalakad namin yan patungo kung saan saan tuwing vacant namen.. haha

    cguro mag 6 years din akong palakad2 jan..haha namiss ko tuloy mga tropa ko..


    salamat sa pagalala ser...

    ReplyDelete
  11. Wow! Guapo ka nga cguro kc palagi kamalan na callboy hehehe...

    ReplyDelete
  12. Haha ako din muntikan ng mabiktima ng mga talamak na bakla diyan sa Recto haha

    ReplyDelete