Pages - Menu

Monday, February 7, 2011

School Bus

May mangilan-ngilang tao na rin akong napagkwentuhan nito. Gusto ko sanang ibahagi rin sa inyo. Hindi naman kasi ako magaling magkwento ng harapan, mas komportable akong magkwento ng pasulat. Mas klaro at mas detalyado. Isang taon na rin siguro o higit pa ang nakalipas noong nangyari 'to. Hindi ko lang makalimutan dahil ito ang kauna-unahang beses na ginawa ko 'to. Sa katunayan, una't huling beses sa kasalukuyan, hindi pa nasusundan.

Pangkaraniwang araw lang naman ang lahat. 'Yun ang akala ko. Tulad ng mga nakalipas na araw, lagi kaming magkasama. Magkikita sa school, sabay uuwi minsan, tatambay sa tapat ng dorm nila. Halos araw-araw ganun. Naging pangkaraniwan na rin ang mga away. Away-bati, bati-away.

Nagsabi s'ya saken noon na samahan ko daw s'ya sa boardinghouse ng pinsan n'ya sa Dapitan. Pumayag naman ako. Pasado alas-sais ng gabi. Sumakay kami ng jeep patungo ngang Dapitan. Naglibot-libot, tumambay, nagkwentuhan at nagkulitan habang hinihintay ang pagdating ng pinsan n'ya. Nakatanggap s'ya ng text message at tuluyan na naming hinanap ang sinabing lugar. Ilang minuto rin kami noon na palakad-lakad. Balewala naman ang pagod saken kasi magkasama kami. Kahit simpleng pagtawid sa kalsada ay nagiging espesyal kasi kasama ko s'ya. Parang isang adventure ang lahat. Isang adventure sa paghahanap ng isang tahanan, isang adventure na parang ayaw mo ng matapos kasi kasama mo ang babaeng pinakamamahal mo ng sandaling 'yon. Ganun ang nararamdaman ko.

Lumipas pa ang ilang sandali at sa wakas nakita na rin namin. Ipinakilala n'ya ako bilang kasintahan n'ya sa pinsan n'ya kahit hindi alam sa kanila na may boyfriend s'ya. Masaya ako noon kahit sinabi n'ya na kakontsaba n'ya ang pinsan n'yang 'yun tungkol sa ganung mga bagay. Nagkwentuhan kami. Konting tuksuhan. Harutan. Landian. Tawanan. Lumalim pa ang gabi at nagpasya na rin kaming umuwi at ibinigay na n'ya sa pinsan n'ya ang sadya n'ya doon.

Napagpasyahan namin na maglakad na lang pauwi. Malapit lang naman ang Dapitan sa Morayta. Konting ehersisyo sa katawan. Ang totoo, gusto ko lang talagang mas matagal pa s'yang makasama ng gabing 'yon. Magkahawak ang kamay habang naglalakad sa gilid ng daan. Kapag nangalay ang kamay sa pagduyan ay akbay naman habang s'ya naman ay nakayakap sa bewang ko. Ilang libong beses ko rin sigurong nabanggit sa kanya kung gaano ko s'ya kamahal habang naglalakad. Ganun din naman ang tugon n'ya. Masaya ako dahil don. Masaya kami dahil magkasama kami.

Sa isang iglap biglang nagbago ang ihip ng hangin. Hindi ko naman inaasahan na ang papuring sasabihin ko sa kanya ay iba ang magiging dating. Dahil high ako sa kilig na nararamdaman ko ng mga panahon na 'yon ay todo boka at buladas ako kung gaano ko s'ya kamahal hanggang sa bitawan at pakawalan ko ang isang linyang to, "Hindi ata ako bagay sa'yo..."

Pagkarehistro ng mga salitang 'yun sa utak n'ya ay tuluyan ng nagbago ang timpla ng mood n'ya. Ang sasabihin ko sanang, "Hindi ata ako bagay sa'yo... dahil masyado kang *ilagay ang mga papuring salita dito*", ay hindi nakumpleto na tuluyang ikinagalit n'ya dahil na rin sa hindi n'ya pinatapos ang mga sasabihin ko.

Mabilis kong pinagsisihan ang pagiging trying hard kong maging romantiko. Bakit ba kasi binabagalan ko pa ang pagsasalita, hindi n'ya tuloy buong napakinggan ang mga sasabihin ko. Pakiramdam ko kasi nakakakilig ako kapag ganun ang pagsasalitang gagawin ko. Pero nagkamali ako.

S'ya pa naman 'yung tipo na sobrang sensitibo at mabilis magalit at magtampo. Mabilis s'yang lumayo saken at lumakad ng mabilis. Halos tumakbo na s'ya. Humabol ako sa kanya, ang totoo nga n'yan ay nalampasan ko pa s'ya. Puro ako paliwanag na hindi ganun ang ibig kong sabihin. Na sino bang tangang kasalukuyang nasa langit ng pagmamahal ang sisira sa isang eksenang nakakakilig sana. Pero bingi s'ya, galit. Napakababaw na dahilan para maghiwalay. Ayaw n'ya talagang pakinggan ang paliwanag ko. Hindi na n'ya sinasagot ang mga text ko, maging ang pagtawag ko sa dorm nila ay binabalewala n'ya lang.

Oo, mababaw na dahilan para maghiwalay. Pero mahal na mahal ko s'ya noon. Ayokong nagagalit s'ya sa akin. Ayokong maghiwalay kami ng ganun ganun lang..

Sumuko ako ng gabing 'yun sa panunuyo sa kanya. Nag-isip ng paraan kung paano n'ya ako muling papansinin. Mabilis sumakay ng jeep sa lugar na halos araw-araw ay nagmimistulang araw ng mga puso dahil sa dami ng mga bulaklak. Hindi ko alam ang kalakaran sa Dangwa pero sumugod pa rin ako. Nagpagawa ng isang tumpok ng mga pulang rosas. Kahit gipit sa baon ay sige lang, magkabati lang ulit. Inlove talaga ako e. Ibinulong ko na lang sa hangin pagkatapos magkaroon ng kasunduan kay ateng nagtitinda ng bulaklak.

Ang simpleng pagtatampo n'ya na noong una ay bumabahala saken, ngayon ay nagbigay ng kakaibang saya. Gumising ng daling araw para bumalik sa Dangwa para kunin ang ipinaayos na bulaklak. Tuwang tuwa ako sa sarili ko. Darating din pala ako sa ganung eksena. Dati rati'y nginingisihan ko lang ang mga lalaking nakikita kong may mga dalang bulaklak, ngayon alam ko na ang pakiramdam. Kaba sa pagdadala, konting hiya dahil pinagtitinginan ka, at konting kaba na baka hindi tanggapin ng pagbibigyan.

Mabilis akong naligo. Nahihiya ako sa sarili ko. Nagkataon pa na Myerkules, naka-pormal ako pagpasok sa eskwela. Mabuti na lang at maaga pa. Konti lang ang taong nakakita. Pinakiusapan ko na lang ang mga guard sa gate na kung sakali ay patabi muna ng bulaklak at babalikan ko na lang bago mag-alas nuebe. Saktong oras ng pagpunta n'ya sa eskwela.

Ayoko sanang itext s'ya para maging surpresa ang lahat. Pero nag-aalala ako na baka hindi kami magkita kung hindi ko s'ya itetext. Kung itetext ko naman s'ya, malamang ay hindi n'ya lang ako papansin. Hiniram ko ang telepono ng kaklase at nagpadala ng mensahe. Tinanong kung papunta na s'ya ng school, mabuti na lang at sumagot.

Nagpaalam ako sa propesor ko na iihi lang sandali. Lumabas ako ng school, konting ayos sa sarili at isang hingang malalim. Kinuha ang pinatagong rosas sa guard house. Kala ko madali lang ang lahat. P.E nga pala nila at siguradong nasa sa loob s'ya ng bus.

Isang hingang malalim ulit para kumapal ang mukha. Deretso sa pinto ng bus, nagtanong sa manong na kasama ng driver kung nasa loob na ang babaeng hinahanap ko. Isang hingang malalim ulit pagkasabi ng, "Oo" ni manong dahil mga kaklase naman n'ya ang kakaharapin ko. Pag-akyat sa bus ay para akong nahihilo. Hindi ko alam kung saan maghahanap. May ilang sigawan sa bandang likuran. Normal na tilian ng mga kinikilig na kababaihan. Pumunta ako sa likuran ng bus para maibigay na ang bulaklak. Nagkamali ako dahil wala s'ya dun. Nagkamali din ang mga babae na nag-akalang para sa kaibigan nila 'yun.

May konting lungkot, kaba at pakiramdam ng pagkapahiya. Muli ay nakarinig na naman ako ng konting hiyawan sa bandang unahan, lumapit ako. Ang babaeng mahal ko pinagtataguan ako. Nakayuko sa unahang upuan. Tinawag ang pangalan. Inaabot ang bulaklak at nagbilin ng... "Bati na tayo ha".

Umalis na ang bus. Muli akong pumasok sa school. Nagpadala ng mensahe sa telepono. Oras pa ang lumipas bago s'ya tumugon.

Nahihiya daw s'yang umuwi dahil sa dala n'yang mga bulaklak. Bati na kami. Balik sa dating lambingan at kulitan. Ang babaeng unang beses kong binigyan ng bulaklak ay talaga namang hindi ko makakalimutan. S'ya ang nagturo saken kung paano manuyo at maglambing.

S'ya rin pala ang magtuturo't magiging dahilan kung paano magmove-on.


30 comments:

  1. Parang di naman nakamove on. Piz pareng goyo.

    ReplyDelete
  2. @bulakbolero, move on na pre. yung unang nagcomment ang chix ko ngayon. lols. ;)

    ReplyDelete
  3. gusto ko ung huling linya. yung siya rin ang nagturo para makamove on hehehehe

    ReplyDelete
  4. magmoveon?!hahaha..:) so wala na? hmmm.. sayang naman..

    ReplyDelete
  5. ang tamis naman ng kwento. nakakakilig at swak for valentines

    ReplyDelete
  6. aww. may pahabol sa huli, pero kilig. galing. ;)

    ReplyDelete
  7. kinilig ako ng bahagya. :)

    ReplyDelete
  8. kinilig ako puteek! haha! sarap naman ng ganun! ^^ nakakamiss tuloy haha!

    panalo ka talaga goyo! ikaw na ikaw ang awardee ng SBA ^^

    ayos to!! salamat sa kwento.. move on na nga kase nagawa mo ng ikwento ngayon...

    ReplyDelete
  9. ikaw na! ikaw na ang romantikong writer! :D

    galing parekoy, parang pelikula ni robin :D

    ReplyDelete
  10. may kilig akong naramdaman ng slyt...hehehehe

    naks...sweet ka pala parekoy!

    ReplyDelete
  11. Ang sweet mo naman goyo! Promise! Parang eksena sa korean movie. =)

    ReplyDelete
  12. sya ba yung sinabi mo sa twitter na magiging gelpren mo. congrats!!

    kilig to the bones hahahaha

    ReplyDelete
  13. galing goyo... hmmmmm... matinik ka. Lol. pero ang ganda nung mga sinabi mo.. pinaka nagustuhan ko nung sinabi mo na kahit pagtawid sa kalsada nagiging special.. sayang naman...

    ReplyDelete
  14. Hmm inosente naman yung pagkakasabi mo nun at in good nature naman kasi nga gusto mo lang na kiligin rin sya at i-flatter, kaya nakakagulat yugn reaksyon nya at nagin dahilan pa ng tampuhan... Anyways mabuti at naayos rin... ingat ka na lang sa mga papuri mo next time hehe

    ReplyDelete
  15. bakit kya gnun n lng xa kung mkpgreact? very fragile...pro tunay n gentleman ka. aprub!

    ReplyDelete
  16. putow, nagmelt heart ko hahaha oi inlababo happy puso! :)

    ReplyDelete
  17. aww sobrang kilig naman ang ginawa mo..sobrang effort.. effort talaga!

    ReplyDelete
  18. nakibasa po! wow naman kilig naman ako!

    ReplyDelete
  19. ikaw na. :) ikaw na ang romantic. heheh. ayiiiiiiiiiiiii. ;)
    backread muna ako.^^

    ReplyDelete
  20. pampalelikula ito sir goyo!
    kakakilig hahaha!
    nadanasan ko din yan ang magbigay ng mga bulaklak (madami talaga) hahaha
    sweet kasi ako.
    minsan di ko gets ako na ang nagbigay tapos ako pa ang may bibit the whole day sa campus at kukunin lang yun kapag naihatid ko na sa sakayan hahahah

    ReplyDelete
  21. Hi! Kristian here. Newbie ako dito. Gonna follow you.

    Kakarelate ako. May dramahan blues din ako niyan nung high school kaya lang walang kami. haha.


    My blog's here:
    http://thekristianenigma.blogspot.com/

    ReplyDelete
  22. ayieeee.. kakakilig nman..

    ReplyDelete
  23. iba talaga pag inlove ka , nakakatanga, lagi nating pinagpipilitan gawing teknikal ang mga bagay. nakakabobo =(






    http://www.juanderfulpinoy.com
    chinchan

    ReplyDelete
  24. naaakksss.. ganun pala mainlove si alexis.. boy romantico ang drama.haha.but ur girl was so lucky.sana lahat na lang ng lalaki tulad mo e di sana laging love is in the air.hehe

    happy hearts day!

    ReplyDelete
  25. Naks! ang da mooves ni goyo! Pang don romantiko! hehehehhehe

    ReplyDelete
  26. kala ko na unsyami na ang masaya na sanang simula ng kwento eh.

    buti na lang at may lakas ka ng loob na magbigay ng bulaklak.sabagay, gaano nga lang ba yung magbigay ng bulaklak sa taong pinaka mamahal mo.

    thumbs up. next time, sabihin mo lang lagi sa kanya na masayang masaya ka na kasama siya lagi. wala lang. hehehe!

    happy valentines,tol goyo!

    ReplyDelete
  27. sweet at very honest sa feelings:)

    ReplyDelete