Pages - Menu

Thursday, April 21, 2011

Nagpaload ako ng kapirasong ngiti at titig.

Noong isang araw ko lang naisip na pwedeng pwede ko naman talagang lagyan at punuin 'tong blog ko ng kung anu-ano lang na kwento. Kahit naman noong una ganun na talaga ang ginagawa ko. 'Yung tipong napautot lang ako, ikukwento ko na. O kaya naman, 'yung bawat detalye ng pangangati ng katawan ko sa ilang araw na hindi pagligo. Pwede na siguro 'yun, masabi lang na mahilig akong magkwento. Sabagay, hindi naman kailangang may mapupulot na aral at saysay sa bawat ilalathala ko. Self centered blogger nga pala ako.

Nitong nakaraang linggo, halos araw-araw nasa school ako. Sa paulit-ulit na mga pangyayari, walang masyadong espesyal bukod sa konting pagbabago ng estado bilang istudyante. Kumbaga, konting tulak pa, ang totoo ihip na lang ng hangin may diploma na ako. Ilang buwan pa, kung suswertehin, baka lisensyadong engineer na ako.

Parte ng pagiging istudyante ang pagiging obligado na magkaroon ng load lalo kung may mga espesyal na lakad kasama ng mga kagrupo sa eskwela. Sa totoo lang, mabigat sa bulsa ko ang araw-araw na pagloload ng bente. Madalas, sa nanay ko na lang ako nagpapaload. Kahit alam ko namang mabigat din sa bulsa n'ya ang benteng 'yun. Pero dahil love kami ni nanay, loloadan n'ya pa rin ako. Ganun din ang kapatid ko kapag nanghingi ito.

Noong isang araw na tinamaan ako ng konting hiya na magtext kay nanay para loadan ako, nagkusa na akong maglabas ng bente para lang may maipantext sa mga chiks at mga kaklase ko. Habang naglalakad na puno ng panghihinayang, nagmumuni-muni rin ako kung magpapaload pa ba ako o hindi na. Sa dami ng tindahan na pwedeng pagpaloadan, pinili ko talaga 'yung mukhang mabait ang nagbabantay para hindi masyadong nakakahinayang maglabas ng bente. Totoo nga pala talagang nakakaloko ang pagiging mukhang mabait. Ngayon ko lang nalaman na may bago palang gimik sa pagloload. Nabiktima ako noong kakukwento lang ng kaklase ko na may patong 'yung iba kung magload. Nagpaload ako ng bente pero 22 ang siningil sa'ken. Sa isang istudyanteng tulad ko, nakakahinayang 'yun. Wala naman akong magawa, pumasok na ang load sa telepono ko. Tinandaan ko na lang 'yung mukha nung ale sabay sumpa na hindi na ulit ako magpapaload sa kanya.

Mababawi ko sana 'yung 2 pisong 'yun noong sumunod na araw sa tapat naman ng school. Pumunta kasi ako sa suking computer shop para magdota saglit kasabay na rin ng konting pagchecheck ng mga online accounts. Akala ko sulit na ang tatlong oras ko sa shop dahil si ateng pornstar ang nasa kahera pero hindi pala. Si ateng friendly na medyo oldy na ang andun. Kapag suswertehin ka nga naman, nag-abot ako ng isang daan para sa sixty pesos na nakunsumo ko sa dotahan. Akalain mong seventy pesos ang sukli. Imbes na dalawang bente, 'yung isa e napalitan ng bulok na singkwenta pesos. Sa loob lang ng tatlong segundo ay nakapag-isip agad ako na, paano kaya kung sinusubukan lang ako nitong mga 'to? Paano kung nasa Wow mali ako? Paano ang reputasyon ko na hindi ko naman talaga iniingatan? Dahil sa sobrang trenta pesos masisira ang pangalan ko? Pasok lahat 'yun sa loob ng 3 segundo. Mabilis kong ibinalik ang 50 pesos sabay sabing sobra ang sukli. At isang malakas na papuri sa sarili ko na, "Ang bait ko no?". Ngumiti lang si ate. Malamang kumbinsido na mabait nga ako.

Pagkatapos ng pagiging mabait at pagpapaimpress sa mga anghel sa langit dumiretso na ako ng uwi. Naghintay ng jeep at sumakay. Sa likod ako pumuwesto. Titingin-tingin sa paligid. Naghahanap ng chiks sa mga pasahero sa kabilang jeep. Minsan hindi ko namamalayan, binabasa ko pala talaga ng kusa ang labi ko. Siguro kapag nakakaramdam ng panunuyo o tipong wala lang. Minsan may kasama pang kagat labi. Tyempong tyempo naman na habang kagat ko ang mamasa-masa ko pang labi ay napatingin ako sa unahan ng jeep na kasunuran ng jeep na sinasakyan ko. May chick sa unahan ng jeep, nakatingin sa'ken, nagkatinginan kami, syet nakakagat labi rin. Hindi ko alam kung mahihiya ako o ano. May eye contact na naganap. May spark. Parang love at first sight 'yung pakiramdam. Nakakaexcite. Di ko maipaliwanag. O baka naman ito 'yung libog at first sight? Wala akong ideya. Ilang segundo pa, tuluyan akong nahiya at ibinaling ang atensyon sa ibang tanawin.

11 comments:

  1. bwisit nga yang mga nagloload na yan, alam ko may tubo na sila sa 20 pesos eh, nagdagdag pa ng 2 sa inyo, sa amin 3pesos! :D

    at sa pagkagat labi at mamasa masang lips, libog lang yan pre :D

    ReplyDelete
  2. may ganyan din dito. Buset nga e. Pengasar. Pero no choice, un ang pinaka malapit e.
    Medyo bitin yung kwento, ewan ko. Basta.hahah.

    ReplyDelete
  3. LOL. ikaw na ang nahiya sa titigan.

    ReplyDelete
  4. "Self centered blogger nga pala ako" - Ayos! ahahahahahaha... saka ikaw na yung mabait na nagsosoli ng sobrang sukli... at torpe sa pakikipagtitigan sa chicks! hehehhehehehe

    ReplyDelete
  5. love at first libog :)

    ReplyDelete
  6. love at first lust hehehehe

    ReplyDelete
  7. ayus talaga ang mga modus operandi sa atin. tsk. kahit na dos lang yun, malaking bagay yun. i-multiply mo yan sa dami ng mga nagpapa-load araw-araw. nakakaasar ang mga ganung kasugapaan!\m/

    ReplyDelete
  8. oa yang may tubong dos sa pagpapaload. grabehan lang para kumita ng pera.

    hahaa, kagat labi... dapat chinck mo kung kumagat labi din yung chick

    ReplyDelete
  9. Baka na-imagine mo lang yung titigan moment. Hehe.

    ReplyDelete
  10. "Tinandaan ko lng yung mukha ng Ale sabay sumpa na hindi na ko magpapaload sa kanya"
    - Ganyan rin ako kaya inaabot ako hanggang kanto para lng makatipid sa pagloload. Hahaha. Napakabait mo naman dito. Parang nakakapanibago, sa bagay luma narin to. Hahaha xD

    ReplyDelete