Pages - Menu

Wednesday, April 13, 2011

Trese pesos na karunungan.

Bukod sa aleng nagrereklamo na lampas na s'ya sa dapat n'yang babaan kay manong driver dahil bingi 'to at malakas lang ang pandinig kapag may magbabayad, mga istudyanteng  umaapela dahil naabuso ang karapatan nila sa discount, iba't ibang klaseng tsismisan ng magkumare sa buhay ng mga kapitbahay nila, mga nakakasilaw na legs, nang-aakit at pasilip silip na cleavage, mga pwet na dumudungaw at pilit tinatakpan kapag bababa na, mga magsyotang lintik kung makapaglambingan, mga batang tatapikin lang ang paa mo at hihingi ng barya, may isa pang bagay ang talagang nagbibigay sa'ken ng aliw sa tuwing mapapasakay ako sa jeepney: ito ay ang debate ng mga pasahero tungkol sa usaping pambansa, pulitika at kung anu-ano pa na kahit papano ay may napupulot akong aral.

Nitong nakaraang araw lang habang sakay ng jeep ay nasaksihan ko ang pagbabatuhan ng komento, opinyon at kurokuro ng tatlong matanda at ni manong tsuper tungkol sa iba't ibang bagay.

Tulad ng bawat palabas, laging may talo at may panalo. Pwede ring tabla, dahil wala namang naganap na text poll sa debate nila. Noong una ay payosi-yosi lang si manong habang nagmamaneho, nakakuha ng tyempo at presto kasali na s'ya sa usapan ng tatlong matanda.

Una nilang pinag-usapan ang relihiyon at ilang karatig bansa. Ibinulalas ni manong na hindi malayong mangyari sa atin ang nangyari sa Japan. Mangyayari at mangyayari raw ito sa bansa natin, hindi man ngayon pero magaganap 'to dahil kasali tayo sa Pacific Ring of Fire. Sumang-ayon naman ang mga matatanda. Biglang isiningit ni lola-medyo-sosi na kailangan daw natin ng dasal at sana raw ay 'wag mangyari satin 'yun. Sumagot naman si manong na mangyayari't mangyayari talaga 'yun, kalikasan 'yun at kung may pananalig ka hindi ka dapat mabahala mangyari man 'yun sa bansa natin. Ipinaglalaban ni lola-medyo-sosi na sana raw talaga ay 'wag mangyari, pero iginigiit pa rin ni manong na hindi tayo makakaligtas sa sakuna, Pacific Ring of Fire tayo, maaaring hindi ngayon pero darating 'yun. Walang pinipiling bansa, mapamahirap man o mayaman.

Pagkatapos ng usapan sa sakuna ay napunta naman ang usapin sa mga iskwater at mga taong pagala-gala sa lungsod na ang karamihan ay nanggaling sa probinsya. Bakit daw nagsisiksikan sila sa Maynila? Kahirapan. Palpak na pabahay. Kakulangan sa trabaho at iba't iba pang dahilan na halos lahat ay pagtira sa gobyerno ang sinabi ng apat na utak na nag-uusap sa loob ng jeepney. Umentrada na naman ng isang matinding pahayag si lola-medyo-sosi na mabuti pa raw noong panahon ni Marcos. Sumagot naman si lola-simple-forever na sobrang mura raw talaga ng galunggong noon. Sumang-ayon naman si lola-cool. Gumatong uli si lola-medyo-sosi na ang pinakamasklap daw sa lahat ng namuno sa bansa ay noong panahon ni Gloria. Dito na pumasok ang matindi talagang pag-iisip at pagbibigay puna ni manong idol, 


"Alam n'yo kasi, ang mga tao walang kasiyahan. Kahit sinong mamuno d'yan, gumawa man ng maganda at hindi, masama pa rin ang tingin ng mga tao. Paano naman tayo uunlad kung lagi na lang ganun".


'Yan ang una n'yang tirada. Sunod ang mga pahayag na, pareho pareho lang din ang mga namumuno sa bansa. Mapa-mababang posisyon man hanggang sa pinakamataas. Bulsa lang nila ang gusto nilang pagtuunan ng pansin. Trabaho? Marami tayong natural resources pero hindi mga Pilipino ang nakikinabang. Mga foreigners ang namumuhunan. Ang lalaki ng kurakot sa gobyerno ng mga opisyal, hindi nila magawang mag-invest sa ikabubuti ng bansa. Ang nangyayari tuloy, iginigisa tayo sa sariling mantika. Namumuhunan ang mga banyaga sa sariling bansa natin, samantalang ang mga kababayan natin, namamasukan bilang mga alipin sa ibang bansa.

Pasok na pasok na naman ang banat ni manong. Sa hindi maipaliwanag na sandali ay nabaling naman ang pag-uusap tungkol sa simbahan. Kesyo ganito ganon daw sabi ng tatlong oldies. Hindi naman agad sumang-ayon si manong. May katwiran ika nga. Isang matibay at buong tiwala n'yang sinabi na masyado raw pakielamero ang simbahan. "Oo may pananalig ako sa Diyos, pero iba ang takbo ng isip ng mga TAO na nasa simbahan." 'Yan ang sabi ni manong. Malaking sagabal daw talaga sa magagandang plano ng pamahalaan kapag nakisawsaw na ang ilang mga tao sa likod ng tinatawag na "simbahan". Para raw bang hindi alam ng mga tao na ito kung saan lulugar. Madalas makialam sa mga bagay na alam nilang hindi sila makikinabang.

Tila ba may pinaghugutan ang mga pahayag ni manong idol. Kung tutuusin ay tama naman talaga s'ya. Malaki talaga ang pagkakaiba ng pananampalataya sa Diyos at pagsunod sa mga tao na nasa likod ng tinatawag na "simbahan".

Pagkatapos ng mga baradong pahayag ng tatlong oldies na maka-simbahan, napagdesisyunan nilang pag-usapan ng walang sabi-sabi ang pagiging mga senior citizen nila. Bumida si lola-cool na, "Hindi dapat tayo ang nagpopondo sa Baranggay, tayong mga senior ang dapat pondohan nila". Sa puntong 'to, hindi na nakisawsaw si manong. Parang pagpapakita na hindi pa s'ya ganun katanda at wala s'yang masyadong interes sa ganitong usapin. Siguro alam din n'ya na hindi na s'ya masyadong makakarelate sa ganitong usapin.

Ako naman ay ngingiti-ngiti lang habang nakikinig. Isa na siguro 'to sa pinaka-may kabuluhan na jeepney ride ko. Habang nagmumuni-muni sa mga opinyon ni manong, pagkakataon nga naman o. Biglang bumagal ang takbo ng jeep kung kailan malapit na ako sa Morayta. Dumaan ang maliit na grupo ng mga raliyista. Ang grupo ng PALEA. "Lucio Tan, numero unong kalaban ng mga manggagawang Pinoy!", 'yan ang nabasa ko sa mga bitbit nilang placard. 'Yung ibang placard, hindi ko na masyadong nabasa. Biglang umusad ang jeep.

Kung nagkataon lang siguro na pinag-usapan nila ang idol ng mga ka-lola-han na si Willie, baka nakisawsaw din ako. Buti na lang at hindi. Hehe.

Malapit na ako sa kanto ng Morayta. Malapit na akong bumaba ng biglang sumagi sa isip ko na "dose" lang nga pala ang pamasahe pero syete lang ang sukli ng benteng iniabot ko. Hindi na ako nagreklamo, sulit naman ang trese pesos na konting karunungang ibinahagi sa'ken ni manong.

11 comments:

  1. Nakakasagip talaga sa pagkainip ang mga usapin sa jeep o maging sa kahit anong lugar, lalo na't kung malakas ang boses ng mga nag-uusap. Type agad ako ng keywords sa cellphone at ise-save sa drafts para siguraduhing hindi ko nakakalimutan ang ilang mga detalye. Mehehe~

    ReplyDelete
  2. ayos si manong driver.. idol ka na din sya batay sa kwento mo. Ang ikinagusto ko, may pakialam sya sa buhay ng ating bansa at hindi lamang sa kanyang pamilya. Halos katotohan lahat ng kanyang hirit eh, taob ang talong sexy ladies hehehe...

    sana makarinig din ako ng sikusyon na ganyan.. masarap makarinig ng opinyon ng bawat isa..ung tipo may debate...

    ikaw na ang pinakamarming napansin sa loob ng jeepney.. kungsabagay napapansin ko din naman ang mga yan noong college days ko, ibat ibang eksena..

    magandang araw sayo sir.. sulit ang trese pesos mo at sulit naman kaming mambabasa ng post mo..

    salamat dito sir :)

    ReplyDelete
  3. Nice post. Hehe. Naalala ko tuloy yng ilang mga discussion sa Noli Me Tangere or El Filibusterismo (na-spell ko ba ng tama? haha)

    ReplyDelete
  4. minsan mabuti rin ung may pakialam sa buhay. pero iba ang may pakialam sa mga pakialamero

    ReplyDelete
  5. Sa isang katolikong bansa kagaya natin,Hindi pwedeng paghiwalayin ang church at state. Talagang may say palage ang simbahan sa isyung panlipunan.totoong distorted na ang relihiyon na nabuo dahil kay papa Jesus, pero proud parin ako maging isang katoliko dahil sa mataas na pagpapahalaga nito sa moralidad ng isang tao.

    ReplyDelete
  6. panalo si manong driver sa 2nd and 3rd topics. :p pasok na pasok at right on the spot.

    gusto ko yung quote mula kay manong driver, pakops, gagamitin ko sa fb :D

    ReplyDelete
  7. jeepney ride adventure hehe! minsan nga will open my ears din pag sa public transport...masaya ding makinig sa mga matatanda pala! madalas kasi nagfa-fly-fly ang isip natin pag asa jeep...

    ReplyDelete
  8. ayos! sulit ang trese pesos mo! na ibroadcast mo pa! haha!

    ReplyDelete
  9. Wahahaha... naisip ko habang nakikinig ka na baka lumagpas ka sa bababaan mo.. pero madami din ako natutunan at sinang ayunan sa post na ito.

    ReplyDelete
  10. ang sarap makinig sa mga ganyan usapan. marami ka talagang matutunan. pero mas masaya sana kung lahat ng pilipino eh opinionated sa paraang katulad ni manong idol na di lang pansarili kung mangatwiran kundi para sa buong bayan. =)

    ReplyDelete
  11. kung tutuusin parehas kami ng pag-iisip ni manong kaya lang iba yung salita ko i qu-quote ko dito yung sinabi ko sa disqus kung saan pinalayas nung pari sa simbahan yung maka pro-rh bill.



    (If there is God or not. . .

    "God gave us freedom" isn't it? but for instance when we have freedom we have the responsibilities to do, for example most of us would believe in a Priest because they are "closer to God" with that thinking we forgot to reason in our own we are blinded because he is a Priest we think that every words that came out from him is true, it is because we are moved by their words, it is because they are bathed in God's brilliance it's because God spoke through them but it's not, on the first flight you denied you're freedom because you accept everything he said you denied that gift. Heaven gave us absolute freedom we are not binded by law nor force to do something beyond our comprehension, it is about our resolve, conviction to do something we grasp and understand something we know it's true and can do good for others. The Priest shows his hatred, what his goals in doing so? it must be ill-will? resentment? or something within him? think today,think for your future.

    I came across this Quote

    "Religion is regarded by the Common People as True, By Wise False, and the Leaders Useful."


    Again all religions in the world teaches only one thing Understanding, Love and Acceptance. Merely only the "Person" who makes Religion evil making it to turn on against each other.)

    pasensiya na kung medyo mahaba itong comment ko :)

    ReplyDelete