Pages - Menu

Saturday, May 7, 2011

Ang mga babae sa buhay ko.

Noong isang araw habang nakahiga, nakikinig ng kung anu-anong kanta at nagkukutkot ng mga langib sa mukha ko sanhi ng bulutong ay may isang tanong ang bigla-biglang pumasok sa isip ko. Kung meron mang magandang naidudulot ang pagpapahinga sa bahay dahil sa sakit, ito na siguro 'yun. Ang makapag-isip at makapagnilay-nilay tungkol sa mga bagay bagay. Mabalik tayo sa tanong na nagtresspassing sa kokote ko. Bakit ko ba ginagawa ang lahat ng 'to? Para kanino? Ito 'yung tanong na humarurot bigla sa bao ng ulo ko.

Ang tinutukoy ng tanong sa isip ko ay ang pag-aaral, pagsusumikap na matapos 'to, magkaroon ng magandang trabaho at magkaroon ng magandang buhay balang araw. Para kanino nga ba? Imbes na sariling larawan ko ang lumabas habang nagpapahinga sa isang mamahaling yate. Isang family picture ang nakita ko. Si nanay at tatay ang pinakasentro. Napangiti ako. Tama nga, lahat ng ginagawa ko ngayon na may kinalaman sa pag-unlad ay para kay nanay at tatay. Para sa mga pangarap at kaligayahan nila. Tsaka na lang sumunod ang mga pansariling interes sa buhay. 'Yung sports car, mansyon at kung anu-anong gadget. Basta si nanay at tatay ang una.

Kailan ko nga ba huling nayakap at nasabihan ng 'I love you' si nanay? Ang alam ko, simula noong magkabulutong ako hindi ko pa nayakap ulit si nanay. Hindi pa kasi nagkakabulutong si nanay, mahirap na kung ngayon pa s'ya magkakaroon. Hindi ko na rin pala talaga matandaan 'yung huling yakap ko sa kanya. At ang huling beses ko atang nasabihan s'ya ng 'I love you' ay noong huling beses na nagkaroon kami ng tampuhan na hindi ko na rin matandaan kung kailan. Sa makatuwid, matagal na.

Isa na rin siguro 'to sa kagandahan ng pagkakaroon ng sariling blog. Hindi ko man masabi 'to ng diretso kay nanay, alam ko naman na mababasa n'ya 'to. Kahit dito man lang, maparating ko sa kanya lahat ng gusto kong sabihin.

Tapos na ako sa drama ng pagiging hindi mabait na anak. Hindi ko man mabago ng tuluyan lahat ng masasama kong ugali, may mga bagay naman akong gustong mangyari para kay nanay. Lalo pa ngayon na lumilinaw na ang pag-asang makatapos na ng tuluyan sa kolehiyo.

Sa tagal na naming magkasama bilang mag-ina -- hehe, alam na alam ko na lahat ng gusto n'yang mangyari sa buhay. Una, makatapos kami ng pag-aaral ng kapatid ko. Nakatapos na ang kapatid ko. Ako malapit na. Maipagawa na ng tuluyan ang bahay namin, 'yung tipong puno ng mga kagamitan na magaganda tapos up and down with matching veranda na overlooking sa street namin. Gusto rin ni nanay 'yung may malaking hardin na may magandang landscape at tataniman n'ya ng mga orchids at iba pang bulaklak, didiligan sa umaga at hapon. Makapagpahinga na sa pagtatrabaho. Magkaroon ng sariling negosyo. Makapamasyal sa iba't ibang lugar sakay ng sariling sasakyan. At mabili lahat ng mga bagay na gusto. Puro materyal man kung tutuusin -- materyal lang naman kasi ang problema namin sa buhay wala ng iba -- pero oras kasi na makamit na n'ya lahat ng 'to, alam ko masasabi na ni nanay sa sarili n'ya na naging matagumpay s'ya bilang ina sa amin ng kapatid ko at asawa sa tatay ko. At 'yun ang gusto kong mangyari. Madali lang naman, konting hintay lang. Nahintay n'yo nga ang tagal ng pag-aaral ko sa kolehiyo, sigurado mahihintay n'yo rin ang pag-unlad natin.

Meron pang isang gusto ang nanay, ang totoo gusto ko rin 'yun. Gusto namin na maging masaya ang lola ko sa mga natitira n'ya pang mga taon. Malakas pa ang lola ko, pero alam naman natin na lahat tayo darating dun. Alam n'yo kasi bukod sa nanay at kapatid ko, si lola ang isa sa pinakamamahal na babae ko dito sa mundo. Kapag nagpupunta si lola dito sa bahay, matik na 'yun, alam na namin ni nanay na walang pera 'yun. May kasama na ring dalaw sa mga apo n'ya syempre. Mabait si lola. Siya 'yung tipo na makita lang ako, tatanungin agad ako nun kung nagmeryenda na. Kahit oo o hindi ang isagot ko, kahit walang pera ibibili ako nun ng mamemeryenda. Mangungutang pa. Isang pakita ng palad ko lang din kay lola, kahit ulit walang pera bibigyan ako nun. Minsan itatago pa nun sa kapatid ko para hindi n'ya malaman na binigyan ako ng pera. Ganun ako kamahal ng lola ko. Kaya nga kapag napapadalaw ako sa kanila, kapag nakikita ko 'yun niyayakap ko agad. Love na love ko 'yun e.

Ito ang gusto naming mangyari ni nanay. Ang hindi na mahirapan pa si lola at maging puro pasarap na lang ang intindihin sa buhay. Ang alam ko kasi, halos buong buhay na n'ya siyang nahihirapan sa paghahagilap ng magagastos. Laki kasi sa hirap si lola.

Para sa nanay at lola ko. Pangako sa susunod pang mga Mother's Day o kahit walang selebrasyon, hindi lang puro simpleng letra ang mababasa n'yo dito. May kasama pang mga pictures natin na kuha sa iba't ibang lugar na pinuntahan natin. Oras na magkatrabaho na ako, lagi ko kayong ite-treat! Ipapasyal ko kayo ni lola sa studio ni Willie Revillame. Syempre, sakay tayo ng magara kong kotse. Hehe.

Nay, mahal na mahal ko kayo. Alam n'yo naman 'yun kahit hindi ko masyadong pinapakita. Salamat sa pansit na pinadala n'yo sa Tito Rey habang isinusulat ko 'to. Alam ko namang sa inyo 'yun, isusubo n'yo na lang ibabalot n'yo pa para sa'ken. Salamat sa pag-aasikaso sa bulutong ko at pagpapaalala na huwag kong kutkutin kasi papangit ako. Ayoko na sana ng mga ka-cheesyhan sa blog ko, pero dahil Mother's Day, exempted kayo. Basta nay, ngayon pa na makakatapos na ako, pangako, babayaran natin lahat ng utang n'yo. Yayaman tayo at tutuparin ko lahat ng pangarap n'yo. Dadaigin natin si Aling Dionisia sa magiging kayamanan n'yo. Mahal na mahal ko kayo. Basta love ko kayo, matatapos din lahat ng paghihirap n'yo, lalo sa pangungutang. Maraming salamat nay sa pag-aasikaso, at sa laging pagdarasal samen ng kapatid ko. Nag-iisa lang kayo. Maswerte kami kasi mabait ang naging nanay namin. I love you Nay!

Lola, makakabawi rin ako sa lahat ng kabutihan na nagawa nyo sa'ken. Kapag naiisip ko kayo, nalulungkot ako. Gusto ko kasi maabutan n'yo lahat ng magiging tagumpay ko sa buhay. Gusto ko matikman n'yo 'yung maginhawang buhay. Gusto ko maibigay ko lahat sa inyo ng hindi n'yo naranasan. Mahal na mahal kita La. Gasgas na 'to, pero utang ko sa inyo ang buhay ko. Kung wala kayo, wala ang nanay ko. Salamat sa pagpapalaki kay nanay na mabait na tao. Kung hindi dahil sa inyo, hindi kami mapapalaki ng maayos ni nanay. Mahal na mahal kita Lola Pepot. Alam kong puro hirap ang dinanas n'yo sa buhay, konting hintay pa La. Giginhawa rin tayo. Mahal kita La. Payakap ako pag-igi ng bulutong ko.

Mahal na mahal ko kayong dalawa. Happy Mother's Day sa'yo Nay, sa'yo La. To Nanay, hindi ko na nilagyan ng drama 'to ha. Baka naman maluha ka na naman. Mwa!

Happy Mother's Day din sa lahat ng mabubuting nanay sa buong mundo. Sa tita mo, ate, ninang at sa mga lola n'yo.

Related post: Mother's Day 2010

9 comments:

  1. talagang kelangan isingit ung bulutong.. hehe. shet, never pa din akong nagkaron nyan!! (*wag naman sana*) hapi mudras garcias sa mama at lola mo. jeje

    ReplyDelete
  2. "Alam ko namang sa inyo yun, isusubo nyo na lang ibabalot nyo pa para sa'ken." ... Sang-ayon ako dito. Dyan ako bilib sa mga nanay.. Mahal na mahal ang mga anak. Yung nasa kanila, ibibigay pa sa anak. :)

    Ang ganda ng pakiramdam na magkaroon ng mga pangarap para sa mga taong minamahal.. lalong-lalo na para sa ina. Iba ang hatid na tuwa.. Naramdaman ko na rin yun eh. Napangiti ko lang ang aking ina, sagad hanggang buto ang tuwa na naramdaman ko. Haay.. Mahal n mahal ko ang nanay ko. Kahit na minsan, tigas-ulo ako, hindi sya nagsawang sumuporta sa akin.. :) Malapit ka nang magtapos ng pag-aaral. Sa araw na iyon, im sure magiging napakasaya ng nanay mo, Goyo.

    Happy Mother's day sa nanay mo.. at kay Lola na rin. God bless. :)

    ReplyDelete
  3. Ang cute! Ang sweet!They must be very proud of you dahil nagkaroon sila ng GOYO sa katauhan mo...

    at yang bulutong mo, maglanggas k ng dahon ng bayabas para mabilis magheal ang sugat...

    Happy mother's day to ur wonderful women of ur life...

    ReplyDelete
  4. nakakainggit ang mga mayroong pang nanay. ganunpaman, maligaya pa rin ako dahil may mga tiyahin ako'ng itinuring kaming tunay na anak. happy mother's day po. :)

    ReplyDelete
  5. happy mothers sa inay mo at sa lola mo goyo!

    have a blessed sunday!

    ReplyDelete
  6. Happy Mother's Day to your Mom and Lola! Kala ko naman mga Chicks ang tinutukoy mo eh, Hahaha xD

    ReplyDelete
  7. your blog is interesting. im inviting you to join My Most Interesting Blog Award contest.
    http://www.abdul-hakeem.com/2011/05/most-interesting-blog-award-contest.html

    see yah. roy.

    ReplyDelete
  8. Muztah jan. Any post will do sa tingin mo interesting eto.
    Submit nah!

    Thanks.

    ReplyDelete