Pages - Menu

Wednesday, June 8, 2011

Kard's Amazing Stories I

Ilang beses ko ring pinag-isipan kung gagawa ba ako ng blog o hindi.  Kuntento na kasi ako dun sa mga essay, short stories at kung anu-anong karanasan ko na ako lang ang nakakabasa sa MS Word dito sa computer ko. Ayoko kasing makiuso sa totoo lang, alam mo 'yun pakiramdam ko ang cool ko kapag naiiba ako. Minsan nga ayoko na ring sabihing cool ako. Lahat na lang kasi inangkin na cool sila, ang babaduy ampotsa. Sabi ko na nga ba, dapat talaga hindi ako gumawa ng blog. Aksaya lang ako sa internet space. Pakshet. Bukod dito, ang pangit ng pangalan ko. Sino ba namang matinong magulang ang magpapangalan sa panganay na anak nila ng Karding. Yes, my name is Karding. Karding S. Toralba. Kung alam mo lang kung ilang beses kong itinaktak ang nanay at tatay ko sa paghahanap ng tunay kong pangalan. Hindi ako masaya sa pangalan ko na katumbas lang ng palayaw ni John James Phillip Reyes, s'ya 'yung tambay na rugby boy sa palengke. Karding talaga ang real name ko. Nakakalungkot.

Kung anong baho ng pangalan ko, s'ya namang bango ng pagkatao ko. Hindi kasama sa mga nababanguhan ang mga ex's ko. Sabi kasi nila malakas daw talaga ang dating ko. Ititigil ko na siguro dito at baka maging puro kahambugan lang ang laman ng blog kuno na 'to. Bakit nga ba ako gumawa ng blog? Simple. Gusto ko lang idokumento ang mga karanasan at magiging karanasan ko tungkol sa babaeng nagngangalang Kathryn Floresca. Ang bango ng pangalan n'ya, hindi kami bagay alam ko.

Si Kathryn Floresca ay nakilala ko ilang linggo na ang nakakalipas. Sino ba namang mag-aakala na sa facebook lang kami magkakakilala. At sino bang mag-aakala na bulaklak pa mismo ang lalapit sa langaw? Santan siguro ang bulaklak na 'to. Hindi bago ang eksenang 'to sa buhay ko. Pero iba ang isang 'to.

Bored siguro si Kathryn noong mga panahong pinindot n'ya ang add button para maging friend ko sa facebook. Nasilaw malamang sa poging poging profile picture ko.  Pero duda ko, natuwa lang 'to sa mabahong pangalan ko. Ako naman, bilang kasapi ng liga ng mga mapagsamantala, minessage ko ang dalaga. Nagbolahan kami. Mahilig palang magbasa ng mga blogs si Kathryn. Bilang pagpapaimpress para masungkit ang puso n'ya, ipinasa ko ang ilang likha ko sa email n'ya. Tulad ng inaasahan ko, magugustuhan n'ya. Hindi ko naman isesend yun 'tol kung hindi maganda. Sino ba namang tangang magpapaimpress kung alam n'yang wala s'yang mapapala. Paimpress nga diba. Simula nun lagi na kaming magkausap. Naging textmate rin kami. Kapag walang load, facebook. Hanggang sa magkasundo na kaming magkita. Tagumpay ako. Siguro tagumpay din s'ya.

Myerkules ang usapan. Pero dahil sa kasabikan ko, sinabi ko na martes na lang. Pumayag s'ya. Tuloy na tuloy na. Nagkita kami sa isang mall sa kahabaan ng Edsa. Bilin na bilin ko na 'wag na 'wag syang magpapa-late pero ako pala 'tong late. Galawang gwapo talaga ako kahit kailan. Baka kasi photogenic lang 'tong si Kathryn, alam mo na safety first. Naisip ko rin na baka sindakato s'ya at ayokong mabiktima. Bente dos na ako, dakilang manloloko magpapaloko sa ganito? Ulol sila. Mga asa.

Dumating ako sa tagpuan. Hindi ko s'ya itinext bago ako magpakita. Parte pa rin ng pa-pogi strategy ko. Pumunta na lang ako basta sa harap n'ya nung makasigurado ako na ligtas ako sa posibleng panganib. Tipikal na Pinoy ako. Gusto ko 'yung mapuputi. Sexy syempre tsaka maganda. Kahit hindi mabait okay lang. Hindi rin naman kasi ako mabait. Pero si Kathryn, morena, sexy, katamtaman lang ang taas at cute. Para sa'ken cute s'ya. Hindi ko maipaliwanag kung bakit ang gaan gaan ng loob ko sa kanya. Siguro kasi alam kong patay na patay na s'ya sa'ken noon pa bago pa man kami magkita. O kasi siguro, nabighani lang talaga ako ng alindog n'ya.

Sa patuloy na pagkukwentuhan at pagpapakilala sa isa't isa, laking pagtataka ko talaga kung bakit pumayag s'ya na makipagkita. Wala sa tipo n'ya ang makikipagkita sa isang estrangherong katulad ko. Sobrang konserbatibo. Tapos maganda pa. S'ya 'yung tipo na hindi makakaisip na maghanap ng lovelife sa internet. Sa ganda n'yang 'yun? Magkasing edad kami pero parang desa-sais lang ang kausap ko. O hindi lang talaga s'ya bastos katulad ko. Dahil dito, lalong gumaan ang loob ko sa kanya. Nabura lahat ng mga naunang impresyon. Lumabas ang totoong pagkatao n'ya. Isang malambing, mabait, palangiti, at masarap kasama na dalaga. Hindi man ganun kaperpekto ang pisikal na anyo, alam mo namang matino.

Naging maganda ang bawat tagpo sa unang pagkikita. Sinundan agad ng isa pa. Tumambay lang kami, nagkwentuhan, nagkulitan, at nag-asaran. Minsan nagbobolahan. Para bang napakatagal na naming magkakilala. Kung iisipin mo, internet lang naman ang dahilan. Sa gitna ng pag-uusap, sa hindi malamang dahilan ay naglapat ang mga labi namin.  Inaasahan ko ng mangyayari 'to pero tingin ko hindi na 'to dala ng pagiging gwapo ko, ito siguro 'yung magnet na tinatawag. Magnet ng nararamdaman. Ang baduy ko. Muntik ko ng hindi mamalayan na mapapublish nga pala sa world wide web ang akdang 'to. Kasabay ng halik na 'yon, naging kami. Nangako akong magpapakatino. Tatalikuran ang pagiging chikboy na hanggang ngayon ay buong kakapalan pa rin ng mukha kong pinangangatawanan. Singbilis ng kidlat. Singlakas ng dinamita. Wala pa rin pala talagang kupas si Karding.

Pagkatapos ng magical kiss na 'yon, ano pa nga bang sunod? Syempre kumain kami sa Jollibee. May natutunan akong bago sa kanya. Lagyan ko raw ng fries 'yung loob ng Yum Burger ko. Masarap. Puro carbo pero masarap talaga. Pagkatapos kumain sa Jollibee ay inihatid ko na s'ya sa terminal. Akala ko uuwi na s'ya agad pero nagyaya pa s'yang mag-mall. Tinanong ko sa kanya kung saan ba ang C.R. Hindi kasi ako pamilyar masyado sa mall na 'yun. Itinuro n'ya ang daan pero iba pala ang binabalak n'ya. Balak pala n'ya akong bigyan ng regalo. Nakakagulat na alam n'ya pala ang birthday ko. At ang regalong gusto n'ya na ibigay sa akin? Underwear sa Bench na may print sa garter na MALIKSI. Lalaki ako. Tigasin ako, sabi ko. Pero hindi ko kayang humarap sa cashier habang ibinibili ako ng brief opisyal sa araw na 'yun ng kasintahan ko.

Akalain mo bang magtatampo s'ya dahil sa hindi ko pagpayag na ibili n'ya ako ng brief? Green brief with print 'MALIKSI'. Ako naman syempre sinuyo ko s'ya. Bumalik kami sa mall. Nagtagumpay s'ya. Bukod sa baong ngiti ko sa pag-uwi, may bonus pang brief.

Isang pagpapatunay na kakaiba talaga si Kathryn. Hanggang kailan kaya tatagal ang relasyon namin na 'to?

Isang makabuluhang tanong ang iniwan ko para sa walang kakwenta-kwentang unang post ko na 'to sa blog ko na may baduy ding title na "Kard's Amazing Stories". Hango sa paborito kong show sa syete. Pinagsisisihan ko talaga na gumawa ako ng blog. Sana mabasa ni Kathryn 'to.

Hanggang sa muli.

Karding

6 comments:

  1. Napadaan po ser..Nice one=D

    Wala kang kasing amazing kard's..
    Bagay na bagay siguro ang bagong brief ni kards=D

    ReplyDelete
  2. so si kard's ang alter-ego mo? hehe

    ReplyDelete
  3. @jaderated, lol. ewan ko lang. baka may similarities lang kasi ako yung nagsulat. hehe.

    ReplyDelete
  4. hahaha! at sa lahat pa ng iniregalo ay brief pa ah. Hindi naman sa hindi okey, parang nakakapamula lang ng pisngi. haha

    Parang ikaw lang naman si Karding ah. Ba't ba kasi magko-code name. haha

    ReplyDelete
  5. Amazing story nga. :D Brief is okay. As long as it is not colored and with prints. :D

    Hope that's not the real name of the girl :)

    ellenreviews.blogspot.com

    ReplyDelete
  6. hahah! asan na ang brief mong green? dapat nipicturan mo! haha! kulet

    ReplyDelete