Pages - Menu

Saturday, June 11, 2011

Kard's Amazing Stories III

Tulad ng ipinangako ko kay Kathryn, isinuot ko ang green brief na si Maliksi noong nagkita kami. Kaya lang nahiya s'yang tingnan nung sinabi ko na suot ko na 'yung ineregalo n'ya. Hanggang dun na lang ang kwento tungkol sa brief, wala naman kasi talagang dapat pang ikwento.

Habang tumatagal ay lalo kong nakikilala ang babaeng 'to. Nakikilala ng mas malalim at lalong nahuhulog sa pagmamahal. 3 months rule. Sino bang nagpauso n'yan? Sa pelikula ba ni John Lloyd nagsimula 'yan? Pwes sinasabi ko sa inyo, isang malaking kalokohan 'yan. Una kong nakilala si Kathryn, isang buwan mahigit pa lang ata akong hiwalay sa dating kasintahan ko. Dumating ang babaeng 'to, alangang pakawalan ko pa e 'yung tulad n'ya ang matagal ko ng hinihintay. Kapag dumating ang pag-ibig na makakapagpasaya sa'yo, wala ka na talagang magagawa kundi sundin ang puso mo. 'Yun lang naman ang ginawa ko. Wala naman sigurong mali don.

Bakit nga ba parang baliw na baliw ako sa kanya. Kung tutuusin ay hindi naman talaga ganun kaganda si Kathryn. Simple lang, maliit s'ya na halos matangkad siguro ako ng isang ruler, morena. Sabi n'ya pa ay hindi talaga s'ya nagagandahan sa kamay n'ya. Totoo nga naman, hindi naman kasi talaga maganda ang kamay n'ya. Pero bakit sa tuwing magkasama kami ay lagi kong nasasabi sa kanya na ang ganda ganda n'ya. Hindi ko mapigilan, hindi naman ako nambobola pero 'yun talaga ang lumalabas na mga salita sa bibig ko. Dahil ba 'to sa pagmamahal? Ito ba ang dahilan kung bakit parang halos lahat ng gagawin n'ya ay nagiging masaya at kinikilig ako? Siguro nga. Ito nga siguro 'yung love na 'yun.

Ganun din si Kathryn. Wala s'yang bukambibig kundi ang mga nararamdaman n'ya tungkol sa'ken. Hindi rin s'ya nagmintis sa biglaang pagsasabi na ang gwapo ko sa tuwing tatawa at mapapangiti ako. Hindi rin nagmintis ang pagguhit ng mga ngiti sa labi n'ya sa tuwing tititigan ko s'ya. Naisip ko nga na baka naglolokohan lang kami nito, puro kasi bolahan ang nangyayari.

Sinundo ko si Kathryn sa tagpuan namin, nagtataka ako kung bakit parang ang sungit sungit n'ya. Hindi ko pansin, late pala ako ng isang minuto. Ayaw akong kibuin, ako naman syempre naglambing. Kahit gustong gusto ko na s'yang halikan para lang masuyo, ayaw n'ya. Hindi sa dahil galit pa rin s'ya, ayaw n'ya lang talaga ng masyadong PDA. PDA akong tao, pero bakit noong si Kathryn ang nagbawal ay parang na-turn on pa ako.

Sabay kaming nag-almusal noong araw na 'yun. Tulad ng dati, may natira na naman sa pagkain n'ya. At tulad na naman noong mga unang pagkikita namin ay ipinaubos n'ya sa akin ang tira n'yang pagkain. Hindi ko alam kung sinasadya n'yang magtira. Nabanggit n'ya kasi na natutuwa s'ya kapag nakikita n'ya akong maganang kumain. Dapat akong mainis kasi tataba na naman ako, pero bakit tuwang tuwa rin ako na kinukulit n'ya akong ubusin ang pagkain n'ya.

Pagkatapos kumain ay tumambay kami. Nagkulitan. Asaran at kung anu-ano pang harutan hanggang sa napagpasyahan namin na muling umalis para malibang. Ang plano noong una ay sasakay lang sa bus bahala na kung saan mapunta, okay samen pareho. Bukod sa roadtrip, magkasama pa rin kami. Pero biglang napagkasunduan na lang na pumunta kami sa isang kilalang simbahan. Matagal na akong hindi nakakapagsimba, nakakatuwa na s'ya rin 'yung dahilan sa muli kong pagpasok sa simbahan. Bago pumasok sa loob ng simbahan ay kumain muna kami ng hapunan sa Chowking. Akala ko magkakaron na ako ng loyalty award sa Jollibee, buti na lang nasira ang sumpa. Wala namang highlights sa Chowking, tumapon lang 'yung sofrdrinks dun sa kinakain ko. Masarap pala ang manok na may halong coke? Pati 'yung pansit at siomai sumarap din. Sa susunod na pagpunta ko sa Chowking, ibubuhos ko agad 'yung softdrinks, nag-enjoy ako sa lasa, seryoso.

Ang daming alam ng babaeng 'to, may nalalaman pang picture sa first step ng mga paa namin sa loob ng simbahan. Ako naman nagpauto, kinunan ko ang mga paa namin na sabay tumapak sa unang baitang papasok sa simbahan. Pagkatapos ng kuhanan ng litrato, bigla ko na lang nasabi na ang susunod na hakbang namin don ay baka sa kasal na. Ang hirap ipaliwanag pero nandito ako ngayon sa estado na kuntento ako at walang pagsisisihan kung ang babae mang 'to ang maging misis ko balang araw. Unti-unti na akong nakukumbinsi na pag-ibig na nga talaga ang nangyayaring 'to sa aming dalawa.

Sa loob ng simbahan ay sabay kaming nagdasal. Humingi ako ng tawad sa mga naging kasalanan ko sa mga dati kong nakarelasyon. Nagpasalamat din ako sa pagdating ng babaeng 'to sa buhay ko. Pagkatapos magdasal ay parang may libong anghel ang naghilig ng ulo ko papalapit sa tenga n'ya para sabihin ang mga salitang "Mahal kita.". Sa kauna-unahang pagkakataon ay narinig ko rin sa wakas sa mga labi n'ya ang "Mahal din kita.". Hindi man ako ganun ka-relihiyoso, masaya pa rin ako at sa lugar na 'yun nangyari ang espesyal na sandaling 'yon.

Tingnan mo nga naman ang pagkakataon. Paglabas namin sa simbahan at konting lakad papunta sa sakayan ng bus ay naglabasan naman ang fireworks display galing sa isang mall malapit don. Parang nasa pelikula. Kaya naman pala hindi maalis ang ngiti ng babaeng kasama ko. Buti aminado na kahit s'ya ngalay na sa pagngiti dahil sa kilig.

Hindi ko pala nasabi na noong nasa loob kami ng bus papunta sa simbahan ay kinalikot ko ang telepono n'ya. Hindi ko akalain na magbu-bluetooth ako ng mga picture n'ya. At mas lalong hindi ko inasahan na gagawin kong wall paper ang isa sa mga larawan na ipinasa ko. Chiks na chiks kasi ang datingan n'ya sa larawan na 'yon. Nagtataka nga ako dito, parang ayaw n'ya nung ipinagkaloob na healty boobs sa kanya. Kung mababasa mo man 'to, sorry nasabi ko na malaki ang dede mo.

Buti naman at nanalo ang Dallas sa Miami! 3-2 na! Tang inang LeBron 'to, bwisit na bwisit talaga ako. Ang kapal ng mukha, sabihin ba naman sa isang interview na tall, dark and handsome s'ya. Tangna mo panget! Tapos alam n'yo ba, pag-uwi ko galing dun sa lakad namin na ayokong sabihing date e may nakita akong nagbanggaan na sasakayan. Isang minuto pa ang lumipas, nasusunog na bus naman sa Edsa. Sana hindi halata na iniba ko bigla ang usapan.

Sa susunod nating pagkikita, kakain naman tayo ng paborito kong fishballs, kikiam at kwek-kwek habang minamasdan natin ang paglubog ng araw.

Miss na nga pala kita agad. Sana kasya sa'yo yung tube na binili mo.

Love,

Karding

6 comments:

  1. galing ng pagkakakwento.
    mahaba pero di nakakainip basahin.

    ReplyDelete
  2. part 3 na pla tong storya ni Karding, binalikan ko muna yung pangalawang part...

    eto ba e fiction o ikaw talaga ang may brief na maliksi? hahaha

    inlove na inlove si Kards ah, parang babae lang kung mqgkwento ng moments...haha nakakakilig naman yung sa church parang eksena lang sa pelikula :)

    ReplyDelete
  3. hahah next time di ko na ito iskiskipread.. ngayon lang... babalik ako.. hehehe

    ReplyDelete
  4. @kikomaxx, umm thank you? Pero ok lang naman saken kahit di mo na basahin.

    ReplyDelete
  5. hehehe, sinimulan ko pa sa part 1, astig ni karding, lupit!

    wala bang picture si kathryn? ang hirap mag imagine ng mukha habang nagbabasa eh :D

    ReplyDelete
  6. @LordCM, medyo mahirap ata yun ah.. hehehehe. Tanungin natin si Karding. :D

    ReplyDelete