Pages - Menu

Sunday, June 19, 2011

Ang Tatay Kong Brusko, Macho at Gwapo

Tulad ng mga pangkaraniwang bata, lumaki rin ako na takot kay Tatay. Takot ako na mapagalitan n'ya, mas nakakatakot kapag umabot sa punto na mapapalo kami dahil sa bigat ng kasalanan. Istrikto si Tatay. Kapag inutusan kami ni Tatay, sumusunod agad kami. Hindi pwedeng mamaya, dapat ngayon na. Ganun din kapag pinapatulog n'ya kami ng tanghali. Ang hirap tumakas para maglaro, madalas kasi'y kasabay din namin s'yang matulog, bukod pa dun ay nakapatong din ang binti n'ya payakap sa'men para kung magtangka man kaming umalis ay magigising agad s'ya. Wala talagang kawala. Madalas 'to tuwing bakasyon, o di kaya naman ay kapag araw ng Sabado at Linggo. Ito siguro ang isa sa mga dahilan kung bakit tumangkad kami ng kapatid ko.

Grade 2 ako noong unang umalis ng bansa ang Tatay ko para magtrabaho. Marami tuloy akong karanasan sa buhay na dapat s'ya ang kasama ko pero absent s'ya. Mas kailangan kasing kumita ng pera sa ibang bansa para sa kinabukasan namin ng kapatid ko. Sa pagkakatanda ko nga ay isa o dalawang beses lang ata akong nakapagpagawa ng assignment noon kay Tatay. Isa noong nagpadrawing ako sa kanya ng mga tao at 'yung isa naman ay noong nagpagawa ako ng assignment sa mathematics. Madalas kasing pagod si Tatay sa trabaho kaya halos hindi na rin kami nakakapaglaro noon. Malinaw pa rin sa alaala ko na 'pag umuuwi dati si Tatay tuwing hapon noong dito pa s'ya sa Pilipinas nagtatrabaho ay ako ang taga-tanggal ng sapatos at medyas n'ya habang ipinagtitimpla naman s'ya ng kape ni Nanay.

Grade 3 ako unang nakapaglaro ng basketball, wala rin si Tatay sa tabi ko noon para kahit papaano ay matuto ako sa sport na 'yun. Grade 4 naman ako nagpatuli, pangkaraniwan na dapat ang Tatay ang kasama sa pagiging ganap na binata ng anak, pero dahil nga nasa ibang bansa si Tatay ay si Nanay na ang sumama sa'ken noong araw na 'yun sa Health Center. Mag-isa ko tuloy nililinis ang sugat ko noon, nahihiya naman kasi akong ipakita kay Nanay. Alam mo na, nagbibinata e. Tsaka nakakahiya talagang may makakita kapag nangangamatis. Halos lahat din ng graduation ko sa school ay hindi nakasama si Tatay. Maging ang tamang diskarte sa panliligaw ay wala rin akong nilapitan kundi ang sarili ko lang. Kaya siguro 3rd year highschool na ako nagka-girlfriend. Noong unang beses akong umuwi ng bahay na nakainom ay hindi rin si Tatay ang unang nagalit sa'ken, kundi si Nanay. Pero hindi ko talaga makakalimutan noong nagsumbong ako sa Tatay ko dati kasi may nang-away sa'ken na binatang kalugar namin. Sinugod ng Tatay ko, at tameme ang lokong isip bata na walang ginawa kundi bully-hin kami. Buti nga hindi inupakan ng Tatay ko 'yun eh.

Magkagayunpaman, kahit malayo si Tatay sa'men at halos dalawang buwan lang namin s'ya nakakasama kada dalawang taon, ramdam na ramdam pa rin namin ng kapatid ko at ni Nanay ang pagiging ama at asawa n'ya. Hindi nagmintis ang Tatay ko na tumawag sa tuwing may mahahalagang okasyon. Ang totoo nga n'yan ay halos araw-araw kaming tinatawagan ni Tatay para mangamusta at magbigay ng mga payo at paalala. Minsan nga nakukulitan na ako, makulit naman kasi talaga ang Tatay ko. Alam ng Nanay ko 'yan. Pero ang pagiging makulit n'ya na 'yun ang nagpapakita talaga ng pagmamahal n'ya. Lagi n'ya kaming naiisip. Alam kong walang oras na hindi inisip ng Tatay ko ang pamilya n'ya. Napakaswerte namin sa kanya. Ni hindi ko man lang naisip na magagawang mambabae ng Tatay ko kahit pa lahi talaga kami ng mga gwapings. Siguro kasi alam ni Tatay kung gaano kahirap lumaki ng sira ang pamilya.

Kung bibigyan lang ako ng pagkakataon, gusto ko sanang pumunta at makatagpo ang Tatay ko noong panahon ng pagbibinata n'ya. Gusto kong makalaro s'ya ng basketball, makasamang tumambay sa kanto, makainuman, kahit makasama sa away ayos lang at marami pang iba pang kalokohan at kakulitan. Balita ko rin kasi, medyo may pagkabasag-ulo ang Tatay ko noong binata pa s'ya. Isama mo na rin ang pagiging chickboy. Laking kalye rin kasi. Halos mag-isa n'yang binuhay ang sarili n'ya noon. Sariling kayod para malampasan ang gutom. Matibay ang Tatay ko. Tigasin pa.

Tay, marami mang taon ang wala sa amin ng kapatid ko na kasama kayo ng pisikal, alam ko namang lagi naming kasama ang pagmamahal n'yo. Kayo ang idol ko Tay. Isang mabuting ama na walang ibang inisip ku'ndi ang mabigyan ng mabuting edukasyon ang mga anak, isang bagay na ipinagkait sa inyo at ayaw n'yong maranasan namin. Alam na alam n'yo kung anong pakiramdam ng maging mahirap kaya todo kayod kayo sa pagsisikap para makaahon tayo. Salamat Tay sa lampas labin-limang taon n'yo nang pagtitiis araw-araw ng homesick. Hindi kayo sumuko hanggang sa makatapos na nga kami ng pag-aaral. Wala kaming ibang pinagkakautangan ng lahat ng meron kami kundi kayo lang at si Nanay.

Hinding hindi ko makakalimutan 'yung sinabi n'yo sa akin noong huling beses na umuwi kayo na maghaharap lang tayo sa inuman kapag engineer na ako. Lagi kong iniisip 'yun. Gustong gusto kong makaharap kayo sa inuman at makakantahan ng mga paborito n'yong kanta sa videoke. Alam ko kasi na kapag dumating na 'yung araw na 'yun ay successful na ako bilang isang engineer at mas successful kayo bilang ama sa akin, sa amin ng kapatid ko.

Tay, ilang beses ko na rin nasabi 'to na hindi talaga ako ganun ka-showy sa nararamdaman ko sa inyo. Hindi man ako ganun ka-palakwento sa inyo at kay Nanay tungkol sa mga nangyayari sa buhay ko, kahit dito man lang masabi ko sa inyo na mahal na mahal ko kayo. Kung alam n'yo lang kung gaano ko kagusto na tuparin ang pangarap n'yong maging engineer. Basta 'wag kayong mag-alala, alam ko ho ang ginagawa ko Tay at hinding hindi ko kayo bibiguin. Hinding hindi ako mag-aasawa ng wala sa plano, at mas lalong hindi ako mapipikot tulad ng laging ipinapaalala n'yo. Magiging engineer din tayo, Tay. Malapit na.

Tay, salamat sa lahat. Salamat sa edukasyon, sa suporta at pagmamahal. Salamat din sa magandang lahi na ipinamana n'yo. Lagi kayong mag-iingat d'yan at bantayan n'yo ang kalusugan n'yo. Mahal namin kayo. Ikaw lang ang idolo ko sa pagiging Tatay at wala ng iba pa! Una pa kayo sa pagiging number one na Tatay! Happy Father's Day Tay!

Happy Father's Day din kay Lolo Ross at sa erpat ng Tatay ko na si Lolo Gorio. Utang ko sa inyo ang pagiging magandang lalaki ko.

12 comments:

  1. akala ko anak ko ung nagsulat, di pala, ikaw pala, magkasing edad lang pala tayo lolzzz

    nangilid luha ko dun ah, daming panahon na nasasayang ko dahil lang sa kagustuhan kong magkaruon ng magandang bukas ang mga anak ko, pero di ko naman sila nakakasama :(

    ReplyDelete
  2. Walang problema kuya LordCM! Happy father's day din sa'yo. Ganyan ata talaga kapag OFW yung erpat.. Ingat.

    ReplyDelete
  3. Goyo naiyak naman ako ng BONGGA!Pati sipon ko tumulo..=(( Hay..tulad niyo ng kapatid mo ang mga bagets ko din eh malayo sa tatay nila. Palagi silang nagatatanong kung kelan uuwi yung daddy nila lalo na yung anak kong lalaki. Parang nabasa ko na sayo lahat yun maiisip niya balang araw pag lumaki na siya.Parang ewan lang naiyak talaga ko.

    Happy fathers day sa tatay mo.

    ReplyDelete
  4. nakaka-touch naman!!! i-gri-greet ko na rin papa ko khit di kami bati!!!hehe gonna follow u...pls check my blog too..im a newbie ;)

    ReplyDelete
  5. awwwww.

    ang ganda ng post na to. medyo marami din tayong pagkakatulad, pati na rin yung tatay ko sa tatay mo.

    ReplyDelete
  6. Magaling.Sana lahat ng anak ganyan sa ama nilang nasa abroad.

    Make your father proud dahil lahat ng paghihirap niya ay para sa kapakanan ng anak.

    bakit nasasabi yan. wala lang.
    nakikita ko kaya dito.

    ReplyDelete
  7. @Diamond R, sana nga talaga e maibigay ko lahat ng gusto ng tatay ko kahit sobrang tigas ng ulo ko. Kaya yan, kaya!

    ReplyDelete
  8. ganda chong... sa lahat ng nabasa ko sa kwentong itay eh ikaw yung the best... happu father's day sa tatay mo :)

    ReplyDelete
  9. xempre nahuli ako ng bati. happy father's day sa Dad mo :D

    ReplyDelete
  10. Natuwa naman ako dun sa part na ikaw yung nagtatanggal ng sapatos niya at medyas pagkauwi galing sa trabaho. Halos pareho pala tayo ng karanasan sa Tatay natin. Yung sa akin lang eh hindi ibang bansa kundi ibang lugar sa Pinas. Tinamaan ako sa blog post mo. Magiging engineer ka rin! ☺

    ReplyDelete
  11. Nakakaiyak basahin. Ako naman nanay ko ang nasa ibnag bansa at mag lilimang taon ko nang hindi nakikita. ='(

    ReplyDelete