Pages - Menu

Wednesday, July 13, 2011

Fishball Stick

Kung anong sipag kong mag-update noong nakaraang buwan, ngayon naman ay sobrang tamad ko. Parang nawalan ako ng gana sa pagharap sa mga letra. Hindi naman sa nawalan talaga ng gana, sabihin na lang natin na busy lang ako sa buhay ko sa labas ng internet. 'Yung totoong buhay na wala kang inaalalang mga likes at kung anu-anong shit na kung tutuusin e wala namang  pake ang mga kaklase mo noong elementary at highschool, ganun din ang mga kapitbahay mo na madalas kang makitang may sipon at labas ang tite sa kalsada. 'Yung ikaw na kilala ng buong bayan n'yo na mahiyain pero lintik kung magnilandi sa internet. Ikaw nga ang tinutukoy ko, alanganan namang ako.

Tutal nandito lang din naman ako, magkukwento na ako ng ilang mga bagay na pakiramdam ko dapat n'yong malaman. Sayang naman kasi 'yung pagpunta mo dito tapos wala naman palang bago. Madalas talaga iniisip ko na may mga tao talagang nagbabasa dito, pasensya na ho kung feelingero ako masyado. Asus, aminin mo na inaabangan mo rin akong magkwento.

Napatunayan ko kahapon na sentimental pala talaga akong tao. Hindi ako 'yung tipo ng tao na kakalimutan ng tuluyan ang mga taong nakilala, lalo 'yung mga naging espesyal sa buhay ko. Ang daming paligoy-ligoy, oo 'yung mga naging gelpren ko. Hangga't maaari gusto ko talaga na pagkatapos ng relasyon namin ay maging magkaibigan kami. Alam kong hindi ganun kadali 'yun lalo sa panig ng mga babae. Ang mga babae kasi mada-drama talaga 'yan. May dramang pa-cute lang, at may mga drama talagang nakakarindi, nakakaburat at nakakasawa. Imbes na mahabag ka, napapalitan pa ng galit. Mabalik tayo sa kwento, hindi ko naman agad agad hinihiling 'yung pagkakaibgan, pinaalala ko lang sa kanila na ganun ang gusto kong mangyari. Paglipas ng ilang araw, linggo, buwan o kahit taon, basta maging magkaibigan lang ulit masaya na ako. Laking pasasalamat ko na lang nga na marami pa rin naman sa mga naging kasintahan ko na kahit papaano ay tinuturing pa rin ako na kaibigan. Kaibigan sa facebook. Kaibigan na pagkukumparahan ng mga narating nila sa buhay. Kaibigan na sisingilin sa mga pagkaing inilibre sa akin noon. Kaibigan na walang bilang. Kumbaga kapag may emergency o kung ano pa man, ako siguro 'yung huling taong tatawagan nila. Ganun.

Bakit ko nga ba sinasabi ang mga bagay na 'to? Nagtataka lang kasi ako nitong mga nakaraang araw kung bakit laging sumusulpot-sulpot sa isip ko 'tong babae na itinuturing kong Great Love of my Cute Amazing Life na si Gail. Hindi naman siguro lingid sa kaalaman ng lahat ng mga nag-ubos ng oras sa pagbabasa dito ang tungkol sa kanya. Akala ko rin siya na e, 'yun nga lang wala ako sa pelikula at hindi kami ang nagkatuluyan. Sa madaling sabi, isa lang pala akong kontrabida sa kwento ng pag-ibig n'ya. Madalas namin s'yang mapag-usapan ng kaibigan ko nitong mga nakaraang araw. 'Yung mga ginagawa namin noon, 'yung mga ginawa ko sa kanya, 'yung mga away at kung anu-ano pa. Umabot din sa punto na kapag nakakakita ako ng uniporme ng FEU ay bigla-bigla talagang maaalala ko s'ya, kahit pa araw-araw e palda ng FEU ang nakikita ko, weird. Tsaka ko lang napagtanto na buwan na pala ng Hulyo. Krusyal sa buhay ko ang buwan na 'to. Hulyo ko s'ya unang nakilala at Hulyo din naging kami. Para s'yang patay na bigla biglang dumadalaw sa isip ko para ipaalala na kung kami pa ngayon ay tatlong taon na kami. 'Tol, hindi tamang isipin mo na hindi pa ako nakakamove-on. Tulad nga ng sinabi ko simula pa lang, sentimental akong tao. May pagkamiss syempre, pero hanggang dun lang 'yun. Sabihin na lang natin na isa s'ya sa pinakamagandang nangyari sa buhay pag-ibig ko.

At dahil nga sa pagiging sentimental ko, muntik na akong maluha kahapon ng malaman ko ang pinakamasamang balita. Hindi inaasahan, sobrang biglaan, nakakalungkot, nakakapanghinayang. Bakit kasi hindi ko iningatan!? Hindi sana nangyari ang mga bagay na 'to. Bakit! Bakit?!

Parang gusto kong pumatay ng sangkatutak na langgam na minsang pumalibot sa bawat halik, yakap at paghahawak kamay namin noon. 'Yung mga ngiti na hindi na maibabalik pa. 'Yung mga ngiti na napakaimposible ng masilayan pa. Nakakasama ng loob... na nabura lahat ng pictures namin sa loob ng dalawang taon na pagsasama na naka-save sa computer sa bahay. Bakit! Bakit!? Virus 'tol, virus.

'Yung mga alaala na hindi mababayaran at hindi na talaga maibabalik pa. Gusto ko sanang magdrama pero kahit anong pilit ko, salitang malungkot lang ang kayang sabihin ng puso ko. Wala na 'yung dating pakiramdam ng kilig ko sa kanya. Tabon na, limot na at nasapawan na ng kung sino sa tagal na rin ng panahon. Magkagayunpaman, nanghihinayang lang talaga ako sa mga alaalang nakapaloob sa mga larawan na 'yun. Ang sarap sanang ipaalala nun sa kanya kung sakali mang dumating 'yung punto na ikakasal na s'ya at imbitado ako. O kaya kapag ikakasal na ako at imbitado s'ya. O pwede ring kapag kami pa rin pala 'yung ikakasal sa huli. Ito na ata ang pinaka-nakakatawang sinabi ko dito. Malabo 'to alam ko, ni sa facebook nga hindi kami friends nito.

Isipin mo na lang kailangan mong malaman ang walang kwentang update na 'to sa buhay ko kaya ito ka ngayon nagbabasa. Teka, hindi naman siguro masama kung padalhan ko s'ya ng friend request sa facebook diba? Siguro nga ito na 'yung sign na pwede na ulit kaming maging magkaibigan pagkalipas ng halos isang taon. Siguro. Sa tingin n'yo? Alam ko namang hindi kayo sasagot pero tanong pa rin ako ng tanong.

'Yung fishball stick? Mahina lang talaga ako sa mga titulo, pasensya na.

11 comments:

  1. Mas marami naman talagang interaksyon sa labas ng monitor. Ang maganda ay nag ok pa naman tayo.

    ReplyDelete
  2. at least tol wala kang pinagsisihan , its more on panghihinayang..

    cge na i add mo na xa ...

    ay wag n lang.

    kaw bahala.. wahahaha...

    -agaw eksena ang title - lolz

    ReplyDelete
  3. bakit di ka nag backup?! lol hahaha! kala ko tungkol sa fishballs to, toinks lang! hahaha!

    ReplyDelete
  4. shet sayang ang mga larawan, sayang ang lablayf

    ReplyDelete
  5. tsk tsk..

    pero ganun talaga lyf...

    :")

    ReplyDelete
  6. tama...mahirap mkipag frenz sa taong aalis na sa buhay mo...tsk tsk...ang cute nmn ng title! ^.^

    ReplyDelete
  7. anu ba yun... dapat kasi nagcheck muna hehehe...

    ReplyDelete
  8. AAHH BACKUP!!
    tsk. ganun talagaaaa..
    well,
    fishball ah. =))

    ReplyDelete
  9. alam mo bang hangggang sa huli inabangan k yung tungkol sa fishball? nyaha! dapat facebook nalang title eh ^^

    may masabi lang^^

    ReplyDelete
  10. Parang tinusok lang ng fishball stick ang feeling.

    ReplyDelete
  11. Fishball. Akala ko paborito niyong kainin ang pisbol sa tuwing nagdedate kayo. Nyahaha! Labo!

    ReplyDelete