Pages - Menu

Saturday, July 23, 2011

Kard's Amazing Stories V

Kahit ako nagtataka rin sa sarili ko kung bakit hindi na ako nakabalik sa pahina kong ito dito sa internet. Ang dami kong dapat ikwento pero wala akong lakas. Sa tagal ng pagkawala ko, na kung tutuusin e ako lang naman ang nakapansin dahil ako lang din naman ang nagbabasa dito, sobrang daming nangyari. Ang daming twist sa buhay ko, ang daming punto ng pagbabago, mga biglaang pangyayari. Masyadong mabilis. Hindi inaasahan. Ganito ata talaga ang larong 'to na kung tawagin ay buhay.

Uunti-untiin ko ang pagkukwento. Sa nakalipas na isang buwan ng buhay ko, bukod kay Kathryn ay may dalawa pang babae ang sangkot sa magulo kong buhay. 'Yung isa ex-girlfriend ko na imbes na makonsensya ako sa paghihiwalay namin e lalo akong nabubwisit sa mga ginagawa n'ya. Ayoko kasi ng masyadong madrama talaga. Okay lang naman magdrama, pero 'yung magparinig at halos mag-iskandalo na, nakakaburyo tang ina. Ayoko mang sabihin 'to pero sa lahat ng nakarelasyon ko, sa kanya lang ako nainis ng ganito. Iniisip ko nga minsan na kaya siguro s'ya ganun kasi ako na 'yung pinaka-gwapo sa mga naging boyfriend n'ya. Kahit pang-7 na ata ako. Change topic.

'Yung isang babae naman e si Char o Ms. Charmander na nabanggit ko sa nakaraan kong lathala dito. Masyado akong napalapit sa kanya. Ito rin siguro ang dahilan kung bakit hindi ko masyadong namiss si Kathryn kahit magkalayo kami at sobrang dalang magkita. May boyfriend si Char noon, may girlfriend ako, si Kathryn nga, pero sobrang gaan ng loob namin sa isa't isa. Ayun lang naman.

Bago pa man kami magdiwang ng ika-isang buwan namin bilang magkarelasyon ay sobrang dami talagang hindi inaasahang pangyayari na hindi ko na rin alam kung paano ko ipapaliwanag. Ang natatandaan ko na lang, magkikita dapat kami ni Kathryn noon pero hindi natuloy, ganun naman ata talaga kapag masyadong pinaplano ang isang bagay, sa sobrang plano lalong nauudlot. Mas okay pa 'yung mga biglaan e, bukod sa mas masaya, mas nakakagana rin. Lumipas ang ilang araw nagkita rin naman kami. Magkasama pa nga kaming nagpaulan noon. Masaya pa rin naman pero alam ko sa sarili ko na may mali. Hindi sa kanya, kundi sa akin mismo. May halong konsensya.

Alam ko naman sa sarili ko na malaking hamon talaga para sa akin ang relasyon namin ni Kathryn. Ako kasi 'yung tipo ng tao na mas sanay at panatag na laging nakakasama ang kasintahan. LDR kami ni Kathryn kung tutuusin, nag-aaral s'ya at nag-aaral din ako kaya sobrang dalang talaga ng pagkikita namin. Mas madalas ko pa ngang makasama si Char. Si Char na unti-unti ay natutunan kong mahalin. Nasabi ko rin! Tuluy-tuloy na ang kwentong 'to, sana makapreno pa ako.

Alam kong mali dahil may kasintahan ako. Pero wala akong magawa. Sa bawat araw na lumilipas, parang unti-unti ay nakakalimutan ko ang mga kilig na naramdaman ko noon kay Kathryn. Nagkakasala ako sa kanya sa tuwing magkikita kami ni Char na hindi naglaon ay hiniwalayan din ang kasintahan n'ya dahil na rin sa kagagawan ko. Sa bawat gabing nagpapadala ng matatamis na mensahe si Kathryn at si Char ang kasama ko, para akong dinadagukan ng mga anghel na minsang nag-awitan sa kasweetan namin ni Kathryn noon. Isang mamang may hawak na tinidor naman ang tuwang-tuwa at humalakhak sa likod ng isip ko. Malinaw na malinaw na kataksilan pa rin ang ginagawa ko. Lumipas pa ang mga araw, nagkakausap naman kami ni Kathryn sa text. Pero madalas hindi ko nasasagot ang mga mensahe n'ya, ilang libong beses kong pinag-isipan ang desisyong ginawa ko. Para rin sa'ken, higit sa lahat para kay Kathryn na tapat magmahal.

Isang umaga ay pinadalhan ko ng mensahe si Kathryn. Sinabi ko sa kanya na gusto ko s'yang makausap, agad s'yang tumawag. Wala akong masabi, hindi ako makaimik. Pilit kong itinatanggi na wala lang 'yung sinabi ko. Ibinaba ang telepono, buti na lang magsisimula na ang klase nila.

Mabilis ang kabog ng dibdib ko, gustong sumabog, gustong lumabas ng mga salita sa loob, mga salitang magpapalaya at maglalagay sa amin sa katahimikan. Muli ay nagpadala ako ng mensahe sa kanya. Inunti-unti ko, nakuha agad n'ya ang gusto kong sabihin. Nakuha agad n'ya na gusto kong makipaghiwalay. Ginawa ko 'yun para sa kapakanan n'ya. Hindi ko kasi matanggap sa sarili ko na inaabuso ko ang kabaitan at tiwala n'ya sa akin. Hindi ko kayang lokohin s'ya, alam kong dapat ay hindi ko ginawa 'yun. Pero wala na akong magawa, nangyari na ang mga hindi dapat mangyari, kailangan ko na lang itigil ang kasalanan ko sa kanya.

Sinabi ko sa kanya na ayokong mapalitan ng pagkamuhi ang masasayang alaala namin kung sakali mang malaman n'ya ang mga kasalanan ko sa kanya. Naintindihan n'ya ako, maging s'ya rin daw ayaw mangyari 'yun. Maaaring natapos ang relasyon namin pero masaya raw s'ya dahil puro masasayang alaala lang ang iniwan ko sa kanya. Sa huling pagkakataon ay ipinadama n'ya pa rin sa akin ang tapat at totoong pagmamahal n'ya, walang halong galit, puro pang-uunawa lang ang ipinakita n'ya. Hanggang sa hindi ko namalayan unti-unti na pala akong tinutunaw ng sarili kong mga luha na dumadaloy na sa pisngi ko.

Sobrang buting tao ni Kathryn. Ako na 'yung nakipaghiwalay, ako pa rin 'yung inintindi n'ya. Ako na 'yung nagkulang, s'ya pa rin 'yung mas laging nagpapadama ng pagmamahal n'ya. Lalong bumilis ang pagdaloy ng luha sa mga mata ko. Luha ng kasiyahan na nakilala ko ang isang tulad ni Kathryn na alam ko sa sarili ko na hindi ko talaga makakalimutan sa buong buhay ko.

Alam kong ginawa ko ang mga dapat gawin. Alam kong nagkamali ako. At mas lalong alam ko na lahat ng 'to ay posibleng may kapalit na siguradong hindi ko magugustuhan.

Salamat Kathryn, hindi naman nawala ang pagmamahal ko sa'yo. Ginawa ko lang ang tama. Salamat sa pagmamahal mo. At patawad hindi ako naging mabuting kasintahan sa'yo.

6 comments:

  1. Teh! Ang tapang mo. Happy ako sa inyo ni Char ngayon. Ang bait naman ni Kathyryn. Naiiyak ako. Haha.

    ReplyDelete
  2. awwww maghihiwalay din pala sila ni kat.Mahirap talaga ang LDR, patibayan ng loob para makaiwas sa tukso lalo na't ang kalaban m pa e pangungulila sa taong mahal mo. Bilib din ako kay kat kasi natanggap nia ng maayos ang pghihiwalay nila ni kards...Hmmm hindi kaya may iba na rin sya?Haha intrigera lang

    ReplyDelete
  3. Alam mo, ganyan din ang nangyari sa akin. Ang bait ko sa kasintahan ko, pero ipinagpalit niya dn ako sa iba. Matapos ang limang taon, ayun. Pero ewan ko lang kung naaalala pa ako ng gunggong na yun. Mahal ko naman siya, pero ganun talaga, nasa iba na ang pagmamahal niya.
    Pambihira! Naka-relate ako dito ah! Galing mo magkwento goyo ha..

    ReplyDelete
  4. Naku kaya pala naiinis si Zen sau, naalala na naman nya ang nakaraan :)) Hehehe okay lang yan, kung hindi para sa iyo, hindi talaga, Mararamdaman talaga iyon. Meron din akong BF ng 3.5 years tas hiniwalayan ko din tas naging kami nung asawa ko ngayon.

    @Zen: Magaling talaga magkwento yan si Goyo. Astig yan e.

    ReplyDelete
  5. Sabi ko na nga ba maghihiwalay din kayo ni kat.

    ReplyDelete
  6. Aw. Na-sad naman ako. Ayaw ko ng mga ganyang kwento. :(

    ReplyDelete