Pages - Menu

Sunday, July 3, 2011

Love & Life, pieces of shit

Kung sanay kang tumae sa de-tiles na kubeta, ibahin mo si Jestoni.  Natigil sa ikatlong taon sa kursong BS Management sa isang State University sa Maynila, 20 anyos na pero mas trip pa ring tumae sa lupa kesa sa loob ng kubeta nilang 25 talapamkan ang layo sa bahay nila. Napakasimple ng dahilan ng binata, katwiran nya, "Butas butas ang dingding ng kubeta namin, malapit pa sa daanan. Kung may makakita man sa akin na tumatae, baka magulat pa sila. Madilim sa loob, dito na lang ako sa labas. Nagtatago naman ako sa halaman, maliwanag pa ang paligid at hindi malamok. Isa pa, namiss ko rin kasing tumae sa labas ng bahay, nakakasawa sa malamig na paligid ng mga de-tiles na kubeta sa Maynila. Hindi ako makahinga, pakiramdam ko nasa morge ako."

May mga tao talagang ipinanganak na mahal na mahal ang challenge sa buhay. Gusto nila ay laging may pagsubok, kahit imposibleng magawa, susubukan pa rin. Siguro sila talaga 'yung tunay na nakakaranas ng tunay na ligaya oras na mapagtagumpayan ang bawat hamon ng buhay. Si Jestoni, walang takot, wirdo, may utak naman pero mas piniling maging tarantado. Si Jestoni ang bumalasubas sa kahulugan ng shit na pag-ibig na 'yan!

Isang hapon, habang naglalaro ng basketball ay nakaramdam na ng pananakit ng tiyan ang binata, epekto siguro ng tinira nilang tira-tirang lechon paksiw noong tanghalian na galing sa binyagan ng anak ng isa sa mga tropa n'ya, isama pa ang alak. Hindi ito pinansin ng binata, kasama ito sa mga pagsubok na gustong gusto n'yang nilalampasan. Tiniis n'ya ang tawag ng inidoro. Lumipas ang hilab ng tiyan, nagback-out at tila naduwag ang kanina'y nakadila ng ebak sa puwet ng binata.

Parang walang nangyari, nanlilimahid sa pawis at libag na karamihan ay galing pa sa mga kaibigan, na umuwi sa bahay. Nagsindi ng sigarilyo sa duyan na nakakabit sa magkatapatang puno ng mangga. Nagmumuni-muni, tinatanong ang sarili kung bakit s'ya nagkakaganun. Ang dating laging mukhang mabango, ngayon ay walang pakielam sa kung anu-anong ikokomento ng makakakita sa kanya. Hamon pa rin 'to, 'yun ang lagi n'yang iniisip. Hamon na sikmurain ang lahat ng sasabihin ng mga tao, maganda man o masakit. Sa karkula ng binata ay tatlong hithit na lang ang natitira sa Marlborong pula na hawak n'ya. Isang hithit, dahan-dahang ibinuga ang usok sa itaas ng mukha habang nakahiga sa duyan, sa direksyon ng maliligalig na lamok. Isa pang hithit, bumalik ang hilab sa tiyan, ito na 'to, lalabas na ang nagkakagulong tae sa sikmura n'ya. Hinithit pa ng huling beses ang hawak na sigarilyo sabay tayo sa duyan saka itinapon sa kabilang bakod ang upos.

Mabilis na dumiretso sa lumang kubeta sa labas ng bahay. Sa hindi malamang kadahilanan ay parang nagsawa s'ya bigla sa pagtae sa lupa, parang ayaw na n'yang makita ulit na nilalamon ng tae n'ya ang mga kawawang butil ng lupa na mababagsakan ng mga ito. Pagpasok sa loob ng sira sirang kubeta, halos mapasigaw s'ya sa taranta ng makitang walang sabon. Pati tubig wala.

"Tang inang buhay 'to, 'pag mamalasin ka nga naman! Bakit ba kasi ipinanganak akong mahirap!".


Huminga ng malalim, kinuha ang isang malaking timba. Pumasok sa loob ng bahay para kumuha ng perang ipambibili ng sabon. Nagtatalo ang isip n'ya kung pipiliin na lang n'yang tumae ulit sa likod ng halamanan sa likod bahay nila. Buo ang desisyon ng binata, hindi na s'ya ulit tatae sa lugar na 'yun at haharapin ang matinding hamon na 'to. Mabilis na pumunta sa igiban ng tubig, dumaan sa pinakamalapit na tindahan para bumili ng sabon at isa pang piraso ng sigarilyo na babaunin sa pagtae. Nakarating ng matiwasay sa tagpi tagping kubeta. Isinara ang pinto, nilamon ng dilim ang buong paligid. Sapat lang ang liwanag galing sa mga siwang para makita n'ya ang inidoro at timba ng tubig.

Sinindihan ang yosi, hinithit, kasabay ng pagbuga ng usok ay ang sunod sunod na pagbagsak ng mga tae n'ya na halos magkalasug-lasog sa sobrang paggiling na naranasan sa tagal ng pagkakaimbak sa bituka n'ya. Muling dumalaw sa kokote n'ya ang mga iniisip kung bakit s'ya nagkaganun. Salamat sa mga lamok na tambay sa kubeta. Unti-unti, sa bawat paghithit ay muling bumabalik ang nakalipas. 1 taon na ang nakaraan, 1 taon na rin s'yang tambay simula noong mamatay ang ama n'ya na sumusustento sa pag-aaral n'ya. Ang ama n'yang sa morge na lang n'ya naabutan, ang dahilan kung bakit halos magkaphobia s'ya sa de-tiles na lugar. Sa tuwing makakakita kasi s'ya ng tiles lalo at mararamdaman ang lamig nito ay bumabalik ang alala ng ama na huling beses n'yang nakitang isang malamig na bangkay na sa ibabaw ng de-tiles na lamesa.

Isang taon na rin ang nakalipas ng makilala n'ya ang babaeng dahilan kung bakit nangyari sa kanya ang lahat ng kabalahuraang ito. Si Jannet, supistikada, sosyal, dream girl. Ang nag-iisang babaeng minahal n'ya, ang babaeng hindi naipaglaban ang pagmamahalan nila dahil sa katayuan n'ya sa buhay. Ang babaeng dahilan kung bakit inatake sa puso ang ama n'ya ng malamang nagloko sa pag-aaral ang anak n'ya dahil sa pagkabaliw dito. Ang babaeng hanggang ngayon ay pinapangarap n'yang makasama, ang babaeng hindi n'ya rin napagsikapang muling makuha.

"Nasan na kaya si Jannet? Mahal pa rin n'ya kaya ako?".


Pagkatapos ng ritwal sa kubeta, sa unti-unting paglapat ng pinto na gawa sa kinakalawang na mga yero sa himlayan nitong dingding, dagli dagli ang pagpasok ng isang reyalisasyon, mabilis ang paglalaro ng mga salita sa isip n'ya...

"Parang sa mga komiks, libro at teleserye na lang talaga masarap pakinggan at makita ang salitang pag-ibig. Hindi nila alam, ang pag-ibig ay tae! Ang buhay ay isang malaking tae! Parang isang tae na dadalawin ka sa oras na hindi mo inaasahan, sa lugar na hindi mo pinaghandaan, minsan wala kang laban, walang depensa at wala kang magawa kundi sundin ang damdamin mo. At dahil hindi ka handa, talo ka. Mauuwi sa wala ang lahat. Minsan kailangan mong labanan ang taeng pag-ibig na 'to, ang buhay. Kailangan mo munang magawa ang mga bagay na dapat mong magawa para sa ikauunlad ng sarili mo, ipagpaliban saglit ang pagtae, magtiis para bumili ng sabon, magtiis sa pag-aaral para makapagtapos. 'Pag swabe na ang lahat, tsaka mo harapin ang pag-ibig na minsang naging dahilan kung bakit nasadlak ka sa lupa na parang tae ng aso. 'Pag nakabili ng sabon, pwede ka ng tumae, pwede ka ng magmahal ng walang iniintindi dahil nagawa mo na lahat ng dapat mong gawin. Wala ng dahilan para ikahiya ka ng taong mahal mo."


"Ahh puta, lumabas ako ng pinto ng kubeta hindi pa pala ako naghuhugas! Tang inang 'yan, nasanay kasi ako sa lupa! Magbabago na nga ako, haharapin ko na si Jannet pagkanakapagtapos ako. Tutuparin ko na rin ang pangarap ng ama ko sa buhay ko. Pero maghuhugas muna ako ng pwet, wait lang beybe!"


*Author's Note: Kung binaboy ni Jestoni ang depinisyon ng buhay at pag-ibig, di hamak naman na mas binaboy ko ang pagsusulat ng kwento. Cheers!*

8 comments:

  1. astig ! di ko namalayan na naikumpara na ang pagibig at buhay sa pagtae. magaling na pagkakakuwento.

    ReplyDelete
  2. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  3. hahaha.. ayos.. taeng pagibig nga.. hanep sa comparison.. naaliw ako at napaisip din...

    ReplyDelete
  4. wat da... napatambling ako dun sa lumabas na di naghuhugas. wakokokokok

    ReplyDelete
  5. shet ewww hahaha magpipiyesta ang langaw sa wetpaks ni Jestoni...

    ReplyDelete
  6. grossly fun to read hahaha

    ReplyDelete
  7. Astig talaga 'to kahit kelan si goyo (butasnabfrief) =) \:D/

    ReplyDelete