Pages - Menu

Saturday, August 20, 2011

30 Minute Love Story

Katatapos lang nang pagbuhos ng ulan, basa ang paligid tulad ng pagkabasa ng noo, pisngi at batok ko dahil sa pawis. Ito ang ayoko sa sarili ko e, masyado akong pawisin! Kahit sa pagkain pinapawisan ako. Ganun daw ata talaga kapag tumataba. Buti na lang at kahit papa'no ay nadadala pa rin ng kagwapuhan ko ang lumalaking tiyan ko. Habang tumatagal ata puro kayabangan na lang ang sinasabi ko dito. Malaking problema 'to, hindi ang kayabangan ko kundi ang katabaan ko.

Pagkababa ko sa terminal ay dumiretso agad ako sa pampublikong palikuran para umihi, maghilamos at i-check ang pagmumukha ko kung mukhang tao pa rin. Sa awa naman ng maduming salamin ay magandang lalaki pa rin ang tumambad sa aking harapan. Konting punas lang ng pawis at ayos ng buhok, ready na ulit sa bakbakan. Balewala na ang amoy pawis.

Konting lakad lang at narating ko na ang pwesto kung nasaan ang jeep na dapat kong sakyan. Konti pa lang ang laman ng latang de gulong na 'to. Pero ilang minuto lang ay dumagsa na ang pasahero. Maraming dalang pasalubong ang bawat isa. Mukhang bagong pindot 'tong mga kasabay ko, isip-isip ko noong mga sandaling 'yun.

"Kokonti nga ang nakuha ko e, pero okay na 'yun para 'di kayo mainggit", birada nung aling bungal na nasa tapat ko sa katabi n'yang kumareng-medyo-banlag. Ang sakit sa tenga ng sinabi n'ya. Kayabangan! At dahil don, hindi ko na pinakinggan lahat ng mga pinag-uusapan nila.

Dalawampung segundo siguro pagkatapos magyabang ni aling bungal ay halos mapuno na ang jeep. Ang totoo, isa na lang ang kulang. Ang huling sumakay ay isang dalagita na sa tantya ko ay nasa edad disi-otso. Istudyante, nakauniporme kasi kaya alam ko, sus. At medyo cute. Pero hindi dahilan 'yun para makuha n'ya ang atensyon ko na matagal nang bihag ng iba.

Nagsimula nang umandar ang latang sinasakyan namin. Kasunod nito ang paghampas ng hangin sa bawat isa. Dalawang linggo ko ring hindi natikman 'tong sariwang hangin na 'to. Pakiramdam ko nga unti-unting nililinis ang kaluluwa ko sa bawat sariwang hangin na malalanghap ko.

Habang sarap na sarap ako sa hangin na tumatama sa matabang pisngi at ulo ko, hindi naman sinasadyang napako ang tingin ko sa pwestong kinauupuan nung huling pasaherong sumakay. Nang dahil na rin sa kayabangan ko, parang hindi na rin naman ako nagulat na kanina pa pala s'ya nakatingin ng diretso sa mga mata ko. Type siguro ako nito isip-isip ko. Sinubukan kong tumingin sa ibang direksyon, paglipas ng sampung segundo ay ibabalik kong muli ang tingin ko sa kanya, hule! nakatingin pa rin s'ya. Ilang beses ko ring inulit ang ganung proseso hanggang sa mapansin na rin n'ya ang palagiang pagtatama ng aming mga mata.

Kahit ako nalibang sa mga pinaggagagawa ko. Hindi ko na rin halos mamalayan na ako na pala mismo ang naghahabol sa mga tingin n'ya. 'Di ko na rin namalayan na hinahanap-hanap na ng mga mata ko ang bawat detalye ng mukha n'ya. Nagkaroon na rin ng malisya ang bawat pagtatama ng aming mga mata. Ramdam ko sa sarili ko na gusto n'ya ang mga nangyayari pero lamang ang hiyang nadarama kaya madalas umiiwas ang mga mata n'ya.

Gusto ko sanang tanungin ang driver kung saan pwedeng humugot ng lakas ng loob para maitanong ko ang pangalan n'ya. Iniisip ko kasi na posibleng makatulong s'ya base na rin sa kasabihang "Basta driver, sweet lover". Pero wala, nangingibabaw talaga ang hiya. Nakakahiya na bigla na lang akong magsasalita galing sa balon ng katahimikan. Siguradong magugulat ang mga oldies na kasakay ko.

"Paano ko malalaman ang pangalan ng babaeng 'to?", kinukulit ko ang sarili ko para may maisagot sa tanong na 'to. Sinubukan kong ispatin ang i.d n'yang suot kung nakaharap. Kapag nga naman mamalasin oh, nakatalikod na nga ang i.d, nasa likod pa ng bag.

Tinatantya ko ang bawat mangyayari. Paano kung bumaba na s'ya nang hindi ko man lang nalaman ang pangalan n'ya. Sayang naman ang posibleng love story na malay mo nakasulat na pala. "Ma, bayad po.", nagsalita ang babaeng kanina pa nakikipaglaro ng sulyapan sa mga mata ko. Walang pagpipilian, ako lang ang nasa tapat ng kamay n'ya. Sinadya kong dumikit ang daliri ko sa mga daliri n'ya pag-abot ko ng bayad. Damoves? Hindi ko alam, basta nangyari na lang.

Bente pesos na papel ang ibinayad n'ya, walang sukli. May ilang minuto pa 'ko bago s'ya bumaba. Muli akong tumingin sa direksyon n'ya, sa pagkakataong 'to hindi na ako bumitiw sa pagtitig sa kanya. Hinihintay ko na mapatingin din s'ya. Gusto ko sanang ngumiti noong muling nagtama ang mga mata namin, pero langya talagang hiya 'to, pinigilan ang killer smile ko.

Kapuna-puna ang paglilikot sa upo ng babaeng naging sentro ng atensyon ko. Tingin s'ya ng tingin sa unahang bahagi ng jeep. Inaalam siguro kung malapit na s'ya sa bababaan n'ya. Muli, sa ika-'sang milyong pagkakataon ay tumingin ako sa mata n'ya. May halong pangungusap ang tingin ko. Umaasa na maiintindihan n'ya ang nais ko. Ikinamot ako ang aking kanang kamay sa bandang tiyan ko. Yumuko s'ya at nakita ang i.d na pagmamay-ari n'ya. Tumingin ako sa bintana, ewan ko pero may namuo atang blush sa pisngi ko. Sa muling pagpihit ng ulo ko sa direksyon n'ya, ayun sa wakas nakaharap na ang i.d n'ya!

Halos panghabaan ako ng leeg para lang mabasa ng malinaw ang pangalan n'ya. Masyadong maliliit ang pagkakaprint ng mga letra. Pakiramdam ko mauubusan na ako ng oras. Inuusog ko na nga ang katabi ko para mas makita ko ng mas malinaw. Ito na, lumilinaw na. "K", "J", "E", "M". Ano 'to? Nalilito ako! Halatang halata ang pagkukusot ko ng mata at muling pagtutok sa bahaging tiyan n'ya kung saan nakapwesto ang i.d n'ya.

Kinuha ko ang telepono sa bulsa ng pantalon at isa-isang pinipindot ang mga letrang nakikita. Awkward! Bumukas ng bahagya ang blusa n'ya. Baka isipin pa ng mga tao sa loob ng sasakyan na sinisilipan ko s'ya. Hayaan na lang silang mag-isip ng bastos, busy ako. Unti-unti ng nabubuo ang pangalan. Nababasa ko na. Akmang ise-save ko na kasabay ng pag-para n'ya ay ang pagba-black-out naman ng screen ng telepono ko.

Bumaba na ang babae. Nasa utak ko na ang pangalan n'ya. Nag-aalala ako na biglang may magpaabot ng bayad, baka makalimutan ko kasi ang pangalan n'ya. Pinaghirapan ko 'yun, sayang naman. Paulit-ulit kong sinasabi sa isip ko ang pangalan n'ya para hindi ko makalimutan. Paminsan-minsan ay nasasambit ko rin ng bahagya. Epektibo naman, pagbaba ko ay saulado ko pa rin ang pangalan noong babaeng medyo-cute.

Nagmamadali akong naglakad papunta sa bahay. Naghubad ng sapatos, medyas, pantalon at mabilis na nagbihis ng pamalit. Pumasok sa malaking kwarto. Isinaksak ang dapat isaksak para magbukas ang computer. Ito na ang pinakamatagal na pagbu-boot ng PC'ng 'to sa buong buhay ko. Sa wakas nakapasok na. Google Chrome, dalawang beses nagclick. Facebook.com. At mabilis na itinapa ang bawat letra ng pangalan n'ya sa search bar para lang makita ang profile n'ya. Tagumpay ba ako?!

Sana nga ay pagtatagumpay 'tong matatawag kung ang tanging tumambad sa'yo ay ang profile picture n'ya at wala ng iba. Walang add button. Walang message. Kahit poke ipinagkait. Tagumpay ba ako? Isang malaking hindi.

Sayang ang tatlumpung minuto ng buhay ko.

25 comments:

  1. ang saklap naman, masyadong pribado ang profile, sana inadd as a friend. magaling ka talagang gumawa ng kwento! di ko lang alam kung true story o kathang isip. the best

    ReplyDelete
  2. fiction ba talaga 'to, pre?

    ganyan halos 'yung istorya namin ni master e.. hehehe.. yung sa akin naman e, tinanong ko na kaagad yung pangalan nya nun hahaha

    ReplyDelete
  3. hahaha ang malas naman ni kuya.. kasi naman di pa kinausap.. sayang!

    ReplyDelete
  4. nexperience ko na rin ganitong sitwasyun at nkakatawa na nga lang isipin un mga nasayang na pagkakataon, pero sayang di mo xa nkilala...

    ReplyDelete
  5. bigla kong naalala ung kanta ng grin dept.... ung miss sa loob ng dyipni...mei pagkakahawig... pero mas maganda ang ending nung sa iyo... :D

    ReplyDelete
  6. aw! sayang. wagas na wagas pa naman! bawi k na lng nxt time!

    ReplyDelete
  7. sayang na nga at hindi nakausap, sayang pa at private ang profile, lalong sayang nung nalamang fiction pala! langya :))

    ReplyDelete
  8. fiction pala.

    Bagay sa story mo yung song na jeepney love story :D

    ReplyDelete
  9. Hahaha. Namen! Naka-relate ako. PUV love story din ang meron ako ngayon. Kaya nga lang, tinanong niya number ko. Kaya di ko na kelangang hanapin siya sa FB. LOL.

    May mga experiences na din akong ganyan sa jeep. The worst was, nung may nagpi-picture sakin. Ako yung nahiya sa ginawa nun.

    ReplyDelete
  10. Asa naman kayong FICTION to/ Mga ulol!

    ReplyDelete
  11. Haha. Tawang tawa ako sa comment mo Yna. Bagsik mo talaga! Hehe.

    ReplyDelete
  12. chill lang po Yna. haha. nakakatawa yung kasi medyo masalaw. relax.

    ReplyDelete
  13. hahaha ganling chong :) ewan ko ba kung totoo nga ha.. pero parang eh.. hahaha

    ReplyDelete
  14. indulgence lang naman yan dude. at least minsan healthy rin ang maglaway.

    ReplyDelete
  15. Detalyadong-detalyado.. Galing! Damoves.. I like that term. hehe..

    Ang malas naman,, sobrang pribado yng profile nya. Siguro.. hindi lang meant-to-be. :D

    ReplyDelete
  16. haha napakagaling talagang magkwento nitong si goyo!!

    lols, sayang talaga!! sana tinanong mona agad misssss ano number mooooO!?!?!? hahaha taragis!

    ReplyDelete
  17. malay mo sinearch ka rin nya teka may id ka ba nun hehe!

    ReplyDelete
  18. tangna kainis na lalaki...feeling ko kasi ako yung 18 years old na babae tapos type ko din yung lalaki tapos hindi makapag tanong...ayiiiii!!!

    ReplyDelete
  19. Oo nga Goyo.. totoo ba ito? o kathang isip lang palagi? :)
    Ang galing mo talaga magkwento, nakakaaliw pa rin.. :)

    ReplyDelete
  20. wehehehe. weak!!! :-D ang gawin mo, abangan mo ulit the same time and place next week, malamang fixed sked siya kase estudyante pa lang.. :-D

    ReplyDelete
  21. ang ganda kung paano mo pinadaloy ang kwentong nangyari sa loob ng 30 minutes,tol goyo.

    nakita mo naman pala yung profile pics eh, thats a start. check mo lagi lagi hanggang ibaba nya yung security setting ng account nya. malay mo. haha!

    ReplyDelete
  22. pero the best yung comment ni Ate Yna asteeeeggg! hahaha.(nakiki ate, respeto lol)

    ReplyDelete