Pages - Menu

Thursday, August 4, 2011

Ang Pagsilang ng Isang Katipunera

Sa lahat ng mga naisulat ko sa blog na 'to, ito na ata ang may pinaka-korning titulo.

Magdadalawang buwan na ang nakakalipas noong magtagpo ang landas natin. Inaangasan mo  pa ako noon, ayaw mong ipakita na mahina ka tulad ng ibang babae. Sabagay, hindi ka naman talaga mahina tulad ng iba. Lahat ng pambabara ko sa'yo, ibinabalik mo. Lahat ng kaangasang alam mo ipinakita mo. Lahat ng balasubas na salita ginamit mo. Alam ko namang sinasabayan mo lang ako, 'wag kang mag-alala ramdam ko naman na totoo talaga ang kayabangan at bagsik mo.

Pagkakitang pagkakita ko sa'yo, okay lang ang reaksyon ko sa isip ko. Ang tingkad ng kulay mo noong gabing 'yun. Epekto na rin siguro ng maliwanag na ilaw sa mall. Idagdag pa ang epekto ng damit mong kulay dilaw. Sabay tayong kumain. Unang beses ko lang sa kainan na 'yun. Alam mo naman ang kalibre ko, pang-Jollibee lang at turo-turo. Kung saan mura, syempre dun ako. Umorder tayo ng pagkaing bago sa paningin ko. Kumuha ako ng iced tea sa gilid, akala ko nasira na 'yung makina, ayaw tumigil sa pagtulo ng kulay lupang inumin. Hinayaan na lang natin at nagtungo agad sa lamesa. Nagkwentuhan... ang daldal ko ng gabing 'yun. Hindi ko rin alam, o baka kasi trip ko lang magdinaldal para mapalapit agad ang loob ko sa'yo. Sabi mo pa nga sa'kin, nonsense lahat ng mga kwento ko. Hindi nagtagal binawi mo rin at nahihilig ka na sa pakikinig sa mga ibinibida ko.

Natapos ang gabing 'yun na punong-puno ng masasayang alaala. Panibagong kaibigan ang natagpuan ko sa katauhan mo. Isang kaibigan na alam kong darating ang araw ay mapapalapit talaga sa puso ko. Ayoko talagang ginagamit ang salitang puso sa mga pangungusap lalo't personal na kwento ko. Ano pa nga bang magagawa ko, naging espesyal ka na sa buhay ko.

Sumikat na naman ang walang kapagurang araw. Kasama na naman kita. Tulad ng lahat ng tao dito sa Pilipinas, pareho lang din ang impresyon ko sa mga tulad mong batang Katipunan. Sosyal, conyo, anak mayaman at hindi marunong kumilala ng tutong. Stereotyping, oo! Kitang kita ko naman ang pagiging conyo mo nung nag-uusap tayo. Ilang beses mo bang tinawanan ang pagpapalit ng p at f ko. Iba ka ring umasta! Hindi naman sobrang arte pero alam mong may iba. Iba rin ang tono ng pagsasalita mo, mas malambot kesa dila ng ordinaryong lalaking tulad ko na halos walang pake kung mai-pronounce ko man ng mali ang isang salitang banyaga.

Sabay tayong naglalakad sa ilalim ng araw. Tulad ng inaasahan ko, lagi kang may dalang payong. Akay-akay kita habang buong ingat na inaalagaan na hindi masinagan ng araw. "Tara kwek-kwek!", yaya ko sa'yo pagkakitang pagkakita ko sa kwek-kwekan sa tabi ng EDSA. Isang kwek-kwekan na bukas sa alikabok at kung anu-ano pang mikrobyo. Buti na lang at game ka. Sabay tayong kumain. Sumakay sa bus at naghiwalay ng landas.

Isang linggo ang lumipas, nagkita muli tayo. Nagkwentuhan. Tumambay. Nagkupalan at marami pang tawanan. Tama ka, sasabihin at sasabihin ko nga talaga sa'yo ang mga salitang "Namiss kita". 'Tong araw din na 'to ipinakilala ko sa'yo ang mga ulam sa karinderya. Tawang tawa ako noong sinabi mo sa akin na unang beses mo 'yun na kakain sa ganun. Libre ko syempre, karinderya e. Bukod sa pagsasalita mo at palagiang paglalagay ng alcohol sa kamay, lalong dumadami ang mga bagay na nalalaman ko sa'yo. Ang mga kabiguan mo sa buhay, mga kalokohan at kung iba pang istorya. Ganun din naman ako sa'yo. Ibinabahagi ko rin bawat kwento ng buhay ko. Walang itinatago.

Kung tutuusin at kung paiiralin natin ang pagiging matuwid, hindi siguro talaga dapat tayo nagkakilala. Pero dahil hindi patas ang buhay, sabihin na lang natin na noong mga panahong masaya tayong nagkukwentuhan at kinikilala ang isa't isa, eh alam na natin kung anong mga mangyayari at kung paano makikisabay sa kahit anong tugtog na isalang.

Pagkatapos ng masarap na pagkain sa karinderya, nagkasundo naman tayo na pumunta sa kung saang lugar sakay ng isang bus na hindi naman talaga natin alam ang ruta. Sa Laguna tayo napadpad. Nakakatuwa na dumayo lang tayo don para kumain sa Jollibee at magkwentuhan sa kasagsagan ng malakas na ulan.

Pagkatapos noon, sunud-sunod ang mga naging pagkikita. Lalong kinikilala ang isa't isa. Marami pa tayong kwento na hindi pwedeng sabihin at ibahagi sa iba. Ang mahalaga, tama ang naging desisyon natin na kilalanin muna ang isa't isa bago magdesisyon na pasukin ang gulo ng buhay ng magkasama. Yay!

Tatapusin ko na 'to. Ang masasabi ko lang, masaya akong nakilala kita at parte na ng buhay ko ngayon, Yna.

Maligayang kaarawan sa'yo. Alam mo ba na nakakapressure 'tong ginagawa ko? Gusto ko kasi ako ang huling taong babati sa'yo. Nauubusan na ako ng oras. Isang minuto na lang at matatapos na ang araw mo.... Teka babati lang ako.

Buti umabot, nasabi ko ang salitang "Happy Birthday" sa harap mo eksaktong 11:59pm, araw ng Hwebes, ika-4 ng Agosto taong kasalukuyan.

Kung nagtataka kayo kung paano ko nasabi? Ito ako ngayon tumitipa sa laptop katabi ng babaeng tinutukoy ko habang abalang-abala s'yang nag-aaral.

Akala ko nga sa mamahaling restaurant kami kakain e, alam mo na sossy. Pero hindi, natuwa ako nung sa Tapsibugan s'ya nagyaya. Ito 'yung paborito naming tapsihan dito sa Maynila.

Bitin na bitin ako sa mga pinagsasabi ko dito. Time pressure! Nga pala, 'yung Yna na hinusgahan ko noon, masasabi kong kilalang-kilala ko na ngayon. Maarte pa rin, pero simple lang manamit, matalino, maangas nga, marunong magsungit at higit sa lahat alam kung paano ako lalambingin at paaamuhin. Kayang-kaya ring sumabay sa lahat ng trip. Ang tipo kong babae, bow.

Ito kami ngayon, nagpula ako kasi birthday n'ya. LIVE! 'yan tol, men, dude, tsong!



Wala kang kamalay-malay na may picture ka na pala dito. 
Pahabol: Alam na alam kong kayang-kayang mang-upak ng babaeng 'to.

Kanina pagbaba sa LRT
Goyo: (naglalakad ng aksidenteng makabunggo ang isang panget na babae)
Babae: ARAAAAY!!
Goyo: Sorry. (sa pa-cute na boses)
Yna: Nakakapikon!!!
Goyo: (Ngumiti lang)

At naglingunan ang mga kasama nung babae. Palaban talaga 'to e, pero mahal ko. Aww!
Sana gusto mo pa rin ako kahit ang korni-korni ko na ngayon. Ikaw kasi e.

12 comments:

  1. Hoy! Nasan kayo? Hahaha! Miss ko na kayo, tang ina nyo! Magkita-kita naman tayo mamaya~

    ReplyDelete
  2. :"> Napakaganda. Napakasweet. Walang korny korny pag dating sa pag ibig :)

    ReplyDelete
  3. hong sweettttt. hehehehe. happy birthday sa kanya pala. :D ganda ng pagkakasulat mo. well wala namang pangit sa mga akda mo

    ReplyDelete
  4. wow naman sweet sweetan hehehe.. ihappy birthday mo na lang kami sa kanya.. ganyan talaga ang mga umiibig..

    ReplyDelete
  5. Tangina, laging nag-aalkuhol ng kamay. Hindi nga basta alkuhol yun eh.
    "Hand sanitizer" yun. May kalidad. Tapos sasabihin niyang jologs siya?

    Sus.

    ReplyDelete
  6. Basta ang alam ko.. Mahal ko si Yna. Haha. Hi YNA BEYBE~ Aral ng mabuti. Kasweetan ni Goyo Korni tsong. HAHA. :)

    ReplyDelete
  7. awwww sweet! ganun talaga hindi natin inaasahan pero may makikilala tayo na hindi natin aakalain na magiging part ng ating life... swerte mo dahil nakahanap ka na ng katapat... katapat ng puso mo... ayiiiiieee sori naman nadadamay lang sa pagiging cheesy mo.

    Balated Happy Birthday ms. Yna!

    ReplyDelete
  8. ang sweet..ang ganda ni yna...


    haberdey kay yna! :)

    ReplyDelete
  9. ang lupit! sinariwa ang nakaraan habang nasa tapsibugan kasama ang minamahal sa araw ng kanyang kaarawan! :D ang sweet lang :)

    ReplyDelete
  10. wow, kakilig naman. When your in love lahat ng ka cornihan na sa atin na. It's normal :)

    ReplyDelete
  11. eto na yung Psych din idol? anong year na po?

    *nice one. Magkasama the whole day. Pabati na lang po. Belated sa kanya. Hala ka pag nakita niya ito, masusuntok ka po ng wala sa oras. haha

    -jem

    ReplyDelete