Pages - Menu

Wednesday, August 3, 2011

Nerd in Shining Armor

Napakaganda ng sikat ng araw, ang sarap pagmasdan. Isang linggo ng umaga na napakaaliwalas, araw ng pamamahinga. Ito ang pinakagusto kong araw, ang araw kasama ng pamilya. Walang trabaho, wala akong ibang gagawin kundi gawin ang mga tungkulin ng isang mabuting ina. Ang napakagwapo kong mister, hindi man ganun kaperpekto ang katawan, sobrang matipuno naman sa aking paningin. Sweet pa at sobrang tigas... ng paninindigan syempre. Ang anghel ng pamilya naming si Dwayne ang himbing ng tulog oh, ang simbolo ng pagmamahalan naming mag-asawa. Nakakatuwa na nag-eenjoy s'ya sa pag-aaral, unang taon n'ya 'to sa eskwela bilang isang ganap na istudyante at hindi na saling ketket. Nakakawala ng pagod ang mga ngiti n'ya sa tuwing sasalubungin kaming mag-asawa at buong pagmamalaking ipapakita ang mga stars sa kamay n'ya. Ang maliliit na yakap tuwing gabi na damang-dama mo ang laki ng puso n'ya sa aming mga magulang n'ya. Ang sarap pagmasdan ng mag-ama ko, ang sarap pagmasdan ng buhay kasama sila, kuntento at wala na talagang mahihiling pa.

Sino nga bang mag-aakala na ganito ang magiging buhay ni Kristina ngayon sa kabila ng lahat ng nangyari siyam na taon na ang nakalipas...

Simpleng babae lang si Kristina o mas kilala bilang Tina, isang tipikal na teen ager noong panahon n'ya. Walang bisyo, puro pag-aaral lang, at may diary. Kung pisikal na kaanyuan ang pag-uusapan, simple pa rin s'ya. Halos lahat ata ng damit na isinuot n'ya e mga pinaglumaan lang, kundi ng nanay n'ya, galing naman sa ate n'ya. Likas na matalino si Tina, madalas first honor. Walang subject na mahina, sa pikikipagkapwa lang siguro, mahiyain nga kasi at nerd.

Umiikot lang ang mundo ni Tina sa pag-aaral. Tinapos n'ya ang highschool bilang valedictorian ng batch nila. Siya ang numero unong pinakamatalino. 30 section 'yun at s'ya ang number 1. Anong klaseng utak meron ang taong 'to? Madalas tuloy iwasan s'ya ng mga kamag-aral, hindi naman sa masama ang ugali n'ya, pero kasi parang nabobobo lahat kapag kausap s'ya. Magkagayunpaman ay may isang tao na laging nasa tabi n'ya, walang iba kundi ang bestfriend n'ya na ano pa nga ba e di nerd din katulad n'ya.

Pumasok si Tina sa isa sa pinakasikat na unibersidad sa Pilipinas. Syempre malamang, e di iskolar. Sabi nga ng mga propesor sa unibersidad na pinapasukan n'ya, bakit hindi na lang s'ya mag-scientist. Ayaw ni Tina, mas gusto n'yang maging teacher tulad ng nanay n'ya.

Unang araw ng pasukan ni Tina noon bilang college student, tulad ng lahat ng bagong salta sa bawat unibersidad at kolehiyo, dumaan din ang section nila Tina sa walang kamatayang introduce-your-self. Halos mapanganga lahat sa solidong english n'ya pero mahinhin pa ring pagsasalita, malalim na pangungusap, konkreto, kahit siguro ang magaling na si Webster limot na ang kahulugan ng mga salitang 'yun. Dito rin unang naramdaman ni Tina ang magkaroon ng crush, si Edmund. Matipuno, matangkad, gwapo, may dimple sa magkabilang pisngi, varsity, crush ng bayan, mayaman, de kotse, lahat ng mga salitang may kinalaman sa dream guy ng bawat kababaihan idikit mo sa pangalan n'ya sigurado garantisado nasa kanya.

Lumipas pa ang ilang linggo bilang kolehiyo, tuloy lang ang buhay istudyante ni Tina. Hindi tulad noong highschool na halos wala s'yang kaibigan, ngayon ay meron na kahit papano. 'Yung mga nerd din tulad n'ya, nila. Kung dating dalawa lang sila ng bestfriend n'ya na nerd, ngayon ay parang isang grupo nang nagmumurang mga utak dahil sa katalinuhan. 'Yung kay Edmund? Crush lang 'yun, hindi nakaapekto sa pag-aaral ni Tina. S'ya pa rin ang laging nasa top sa klase nila. Bilang isang babae, kinikilig din s'ya sa tuwing magtatama ang mga mata nila, kapag hindi sinasadyang nagkakasabay sila sa paglakad, at higit sa lahat noong minsang lumapit sa kanya ito para magtanong sa isang subject na hindi n'ya napasukan dahil sa biglaang practice ng basketball.

"Tina, excuse me. Okay lang bang magtanong? Itatanong ko lang sana kung anong topic ang idinuscuss noong martes, kung okay lang hihiramin ko na rin sana ang mga notes mo..."


Gustong matumba ni Tina noong mga sandaling 'yon, kung nakakasunog lang ng sariling balat ang pamumula ng mukha n'ya, malamang kanina pa s'ya abo sa sobrang kilig na nadarama. Kung pwede lang magtago sa suot n'yang uniporme na parang pagong para hindi makita ng taong kaharap n'ya ang kilig na nadarama n'ya malamang sa malamang kanina pa s'ya nagbahay sa loob mismo ng suot n'ya. S'ya na ang pinakamasayang babae noong araw na 'yun, napatalon pa nga s'ya na tila ba daig pa ang nanalo sa lotto. Halos hagkan n'ya ang mga bahagi ng notebook n'ya na nalapatan ng kamay ni Edmund noong ibalik na 'to ng binata sa kanya. Ilang araw ding dumalaw-dalaw sa panaginip n'ya si Edmund. Laging masaya ang gising ni Tina, laging ganadong pumasok, lalong sumipag sa pag-aaral.

Lingid sa kaalaman ni Tina ay may isang taong nasasaktan sa mga nangyayari sa kanya, sa tuwing nakikita s'ya nitong kinikilig dahil kay Edmund, walang iba kundi si Fred. S'ya 'yung bestfriend ni Tina na nerd din. Hindi alam ni Tina kung gaano s'ya kamahal ni Fred. Pinili ni Fred na sa kapareho ring unibersidad pumasok kahit pa pinag-aaral s'ya ng mga magulang n'ya sa states, nandun kasi si Tina, ang mahal n'ya simula pa noong mga bata sila.

Isang araw habang nag-aaral sa library ang dalaga kasama ng matalik na kaibigang si Fred ay nakatanggap ito ng isang mensahe galing sa tiyahin, 'yung nakababatang kapatid ni Tina isinugod daw sa ospital dahil nahagip ng tricycle habang naglalaro sa daan. Mabilis na umalis ang dalaga pagkabasang-pagkabasa ng mensahe, hindi na nga s'ya nakapagpaalam kay Fred dahil sa taranta. Dahil sa sobrang pagmamadali, malayo na rin si Tina nung mapansin ni Fred na naiwan nito ang isang notebook sa lamesa dahilan para hindi na n'ya ito maihabol sa dalaga.

Dala ng curiousity, labag man sa kalooban ni Fred ay pinakialamanan pa rin n'ya ang notebook na sa hinala n'ya ay diary ni Tina. Mabilis ang paglipat ng mga pahina, may hinahanap, may mga eksaktong pangyayari s'ya na gustong malaman. Lalong bumilis papunta sa huling pahinang halos sariwa pa ang mga sulat.

"Alam ko namang hindi ka darating sa punto ng buhay mo na ikaw mismo ang lalapit sa'kin para sabihin ang mga salitang matagal ko ng inaasam. Alam kong hindi mo gagawin 'yun, hindi ikaw 'yung tipo ng ganun. Ako 'yung higit na may pagtingin sa'yo, wala nga akong ideya kung may gusto ka rin sa'kin, kahit konting pagtingin, o kahit sulyap man lang. Alam kong malabo talaga. Kaya nga ba nagdesisyon ako, na ako na mismo ang magtapat sa'yo. Hindi ako ganito, pero para na rin matulungan ang sarili ko sa kung ano mang magiging desisyon mo, gagawin ko. Ika-5 ng hapon, araw ng sabado, sa tapat ng stage malapit sa Arts Bldg, magtatapat ako sa'yo."

Parang pinagsakluban ng langit at lupa, bumaligtad ang impyerno at napunta lahat sa ulo dahil sa init at galit na nadarama, ang mga anghel na dating kasama n'yang umaawit ngayon ay tinubuan ng sungay, mahahabang sungay na kahit sino at kahit anong paniniwala ay handang suwagin. Wala nang pake sa mga pwedeng mangyari. Hindi matanggap ni Fred na ang kaibigang si Tina, ang kaibigan n'yang mahinhin, at alam n'yang konserbatibong tulad n'ya ay magtatapat ng pag-ibig sa lalaking si Edmund. Paano kapag pumayag si Edmund? Paano kung saktan lang at paglaruan nito ang puso ng kaibigan? Paano na ang pag-ibig ni Fred sa kaibigang si Tina? Paano?


Pagkagaling sa silid aklatan ay dumiretso na sa bahay si Fred. Balisa. Hindi naman siya nagyoyosi pero napilitan s'yang bumili, aalamin sa sarili kung tunay nga bang nakakakalma ang usok nito. Hindi pa nakuntento at pinilit pa ang sarili na ubusin ang isang bote ng likidong ngayon lang dumaloy sa lalamunan n'ya. Lasing, walang pakialam sa mundo. Bigo, lumuluha sa isang sulok ng silid hawak ang diary na sana'y hindi na lang n'ya pinangahasang buksan at basahin. Ang notebook at mga letrang nakasulat dito na s'yang dahilan ng kalungkutang nadarama n'ya ngayon.

Araw ng byernes, parang walang nangyari kay Fred. Ginawa ang mga nakagawiang ritwal sa umaga maliban sa pagpasok sa eskwela. Hindi isinuot ang salamin sa mata na buong buhay n'yang kasama. Dumiretso sa barberya para magpaputol ng buhok, namasyal sa plaza, inilibre ang sarili. At nagmuni-muni.

Eksakto alas-3 ng hapon ay nakatanggap ng isang text message si Fred. Galing kay Tina ang mensahe, "Bakit hindi ka pumasok? Naku, marami kang namiss sa paborito nating subject. Ang galing ni Edmund, nasagot n'ya lahat ng tanong ni sir kanina. Nga pala, 'yung kapatid ko okay na, galos lang naman pala. Pasensya na nga pala kahapon kung hindi na ako nakapagpaalam sa'yo nung nasa libraray tayo ha."

"Putang ina, Edmund na naman! S'ya na naman ang bida kay Tina!", isinisigaw ng bigong si Fred sa isip n'ya. "Ano nga ba namang laban ko sa hayup na yun! 'Tong itsura kong 'to, siya na! Siya na talaga! Puking ina n'ya!". Hindi man palamura ang binata, hindi naman mapigilan ng isip n'ya. Tinutulungan s'ya ng mga diyablo ng selos para lalong mamuhi at makaisip ng masasamang salita.

"Buti naman okay na ang kapatid mo, Tina. Nag-alala ako kahapon, akala ko kasi kung ano na ang nangyari. Nga pala, nakalimutan mo 'yung notebook mo sa library. Punta ka na lang mamaya sa parke malapit dito sa lugar namin mamayang alas-7 para maiabot ko sa'yo.", sagot ni Fred sa mensahe ni Tina.

Maging si Tina ay may napansing kakaiba sa kaibigan. Dati rati naman kung may naiwan s'ya o nakalimutan, si Fred mismo ang pupunta sa bahay nila para isauli o ipaalala. Alam ni Tina na diary n'ya 'yung naiwan n'ya, malaki rin ang tiwala n'ya sa kaibigan na hindi nito babasahin at pakikialamanan ang diary.

Eksaktong alas siete ng gabi ay nagkita ang magkaibigan sa tapat ng isang swing sa parke, isang bahagi na medyo may kadiliman. Isang gabi na lang, isang tulog na lang at magtatapat na si Tina ng pag-ibig sa lalaking tinutukoy n'ya sa diary n'ya. Naaninag ang anino ng isa't isa, "Kamusta ka Fred? Ayos ka lang ba? Bakit hindi ka pumasok?".

Papalapit na naglalakad si Fred habang nagsasalita, "Wala lang yun. Tinamad lang ako". Unti unti pa ang paglakad, hanggang sa tamaan na ng ilaw galing sa poste ang binata.


"Nakanaks, bagong gupit ah! Wala ring salamin. Isinuot mo na siguro 'yung contacts mo. Gwapings na gwapings! Ayos din sa pormahan. Ngayon alam ko na kung bakit ka umabsent, nakipagdate ka no?", masayang panunukso ng dalaga sa kaibigan. Hindi umimik si Fred.


"Ito na nga pala 'yung notebook mo.", mahinahong pagsasalita ni Fred habang iniaabot ang diary. Gustong maluha ni Fred sa pag-iisip na kaya lamang s'ya pinuri ng dalaga dahil magkaibigan sila, at wala s'yang binatbat sa Edmund na 'yun. Sana nga may ka-date s'ya bukod sa sarili n'ya, at sana si Tina 'yun. 'Yan lang ang tumatakbo sa isip n'ya... ng biglang magdilim ang paningin, kukunin na ni Tina ang notebook, hindi nakapagpigil si Fred at niyakap ang dalaga. Pilit idinidikit ang mga labi sa leeg ng kaibigan sa aktong pilit at halatang baguhan sa ganong gawain. Dahil sa pagkabigla ay napasigaw si Tina, "Waag Freeeeddd, wag!".

Lalong lumakas si Fred. Ang mga sigaw na 'yun, para bang lalong nagpaalala sa kanya na hindi talaga para sa kanya ang dalaga, ang dalagang buong buhay n'yang mahal, isang pagmamahal na kahit kailan ay hindi n'ya nakuhang sabihin.

Malapit ng dumikit ang labi ng binata sa mga labi ng dalaga, pilit nilalabanan ang kapangahasan, isang kapangahasan ng isang duwag na binata sa katauhan ni Fred. Mabilis ang mga pangyayari, lumuwag ang pakiramdam ng dalaga, nawala ang pwersang sumasakal sa katawan n'ya, sunud-sunod na suntok at tadyak ang naririnig n'ya. Si Fred, hawak ni Edmund... ang knight in shining armor n'ya.


"Putang ina mong pa-bida ka! Sisingit ka na naman!", sigaw ni Fred kay Edmund.

"Gago kang manyakis ka! Nerd nerd ka pa, balasubas ka rin pala!", galit na galit na isinisigaw ni Edmund sa duguan ng mukha ni Fred, kasabay ng malalakas na suntok.

Tadyak dito, tadyak don. Malapit ng bumigay ang mahinang katawan ni Fred... ang katawan n'yang lampa, payat at walang silbi.

Hindi na nakapagpigil si Tina, humarang sa harapan ni Edmund, niyakap si Fred. "Tama na Edmund, naniniwala akong hindi kagustuhan ni Fred ang mga nakita mo. Alam kong hindi n'ya gustong gawin 'yun.", lumuluhang nasambit ng dalaga.

"Patawad Tina...", nanghihina, pilit at tila mauubusan ng hangin na singit ni Fred.

"Ikaw ang mahal ko Fred. Ikaw lahat ng tinutukoy ko dun. Ikaw lang ang lalaking nararapat na pagsabihan ko ng pagmamahal ko. Alam kong hindi mo kayang sabihin sa'kin 'yun kaya ako na ang gagawa. Kung ano man 'tong nagawa mo ngayon, pinapatawad na kita. Kilala kita buong buhay ko at alam kong hindi mo kagustuhan 'to.".

"Hahahahaha!" ... "Hahaha" .. "Bwaha! Ha Ha Ha!", malutong na tawanan ng mag-asawang Fred at Tina isang linggo ng umaga habang binabalikan ang isang epikong tagpong 'yun sa mga buhay nila. Isang eksena sa buhay nila na habang buhay nilang pagtatawanan kung paano ang isang knight in shining armor ay hindi kasama sa happy ending ng isang pelikula.

6 comments:

  1. ayos! fiction! maya ko basahin. work muna ko. base muna

    ReplyDelete
  2. at ayun nabasa ko na. ang ganda naman. ang knight and shining armor naman palang tunay ay si Fred! astig! dahil dito kinilig ako hahaha

    ReplyDelete
  3. hahahaha.. akala ko yung huling paragraph eh kasama pa sa kwento.. akala ko tumawa si Fred bigla kasi mahal pala siya ni Tina... Nagbabalik tanaw pala sila.. hahahaha

    Astig.. nadala ako sa eksena sa may pake at sa may swing.. hahaha

    Ayos!

    ReplyDelete
  4. ang sarap basahin nakakadala!

    binabalikan lang pala nila ang alaalang iyon :)

    galing!

    ReplyDelete
  5. yan ang nagagawa ng nagbabasa ng diary ng may diary, buti na lang malalim ang pagkakaibigan nila ni Tina at siya ang mahal nito... nakuuu kung hindi malamang nakalaboso na si Fred.


    pag-ibig nga naman...

    ReplyDelete
  6. Nice one! Napa boy bawang ao habang nagbabasa=)

    ReplyDelete