Pages - Menu

Monday, August 15, 2011

WrestleManyak

May narinig akong mga tsismis noon mula sa bibig ng kung sinong mayayabang pagdating sa mga bagay-na-kailangan-ng-sensya-para-maipaliwanag na ang bawat tao raw ay may average na limang panaginip bawat araw. Madalas nga lang na isa o dalawa lang sa mga ito ang natatandaan natin paggising. Minsan nga wala pa. Tanda ko nga noon na minsan halos lahat ng panaginip ko naaalala ko, pero habang tumatanda pabawas na ng pabawas hanggang sa minsan alam kong nanaginip ako pero hindi ko maalala kung tungkol saan. Iniisip ko nga rin kung may kinalaman ba dito ang pagpurol ng ulo kaya wala na akong matandaan sa panaginip ko. Sana naman wala, ayoko kasing isipin na nabobobo na nga ako.

Isang makabuluhang intro na naman ang bumulaga sa inyo. Noong isang araw kasi ay dinalaw ako ng dalawang magkasunod na panaginip sa isang tulugan lang. 'Yung isa hindi masyadong nakakaaliw at panget ikwento. 'Yung isa naman ay kapupulutan ng aral.

Bago ko pa man mapanaginipan ang bagay na 'to ay kung anu-anong shit na ang naiisip ko tungkol sa mga wrestler mula noong makita ko ang picture ni Triple H. Hindi ko kasi malaman kung pekpek ba 'yun o itlog na napisa. Kasunod nito, naisip ko na mahirap pala talagang maging wrestler:

#1 Mahirap magpalaki ng katawan. 'Yung tipong batu-bato talaga at nangingintab. Kadalasan kasi sa matatabang wrestler pang-comedy ang galawan. Tingnan mo si  Rikishi, walang muscle sa katawan kaya puwet ang ipinanglalaban.

#2 Mahirap din mag-isip ng pangalan na tatatak sa isip ng mga tao. E.g The Rock, Triple H, Mysterio,  "Goyong Dragon" Rawr!

#3 Kung mahirap mag-isip ng pangalan, ganun din sa costume. Dapat kasi makinis ang singit mo kung magbi-brief ka lang habang nakikipagbakan. Pakiramdam ko nga si John Cena bunihin kaya laging naka-maong. Si Mysterio naman, misteryosong panget.

#4 Gimik. Kung hindi baduy na hand sign ang pauusuhin mo, dapat matindi ang props mo. Halimbawa 'yung mga kotse dati ng nasirang Eddie Guerero. O kaya naman dapat may attitude ka. Tipong nandudura ka ng mansanas sa mukha. Pwede ring nang-uupak lagi ng referee at audience. Kung gusto mo namang sumikat at magkaroon ng hater, traydurin mo lang 'yung champion. Instant fame 'yun kapag inupakan mo s'ya habang nakatalikod sabay agaw sa belt.

#5 May kakaibang pamatay. Bukod sa pagiging kakaiba ng pamatay mo, dapat magaling ka din mag-isip kung anong itatawag dito. 'Yung sa'ken kasi, Goyo's deadly kiss. Tsup!

#6 Ikukwento ko na 'yung panaginip ko.

Para akong nasa isang pambatang palabas na paglapat pa lang ng ulo sa unan para matulog ay agad lumipad at nagtungo sa dream land nilang tinatawag. Umikot-ikot din ako sa isang parang buhawi sa gitna ng kalawakan. Pagbagsak ko nasa gitna na ako ng isang palayan. Pamilyar 'yung palayan. Ito pala 'yung palayan dati malapit sa bahay namin. 'Yung dating palayan na ngayon ay naging sugahan na ng mga manok panabong. Ilang minuto pa ang lumipas sa panaginip ko, nagsulputan na ang mga kababata ko. Ang ipinagtataka ko lang, kasama nilang lumabas ang mga erpat nila na para bang father and son ang tema ng eksena. Maganda ang replekson ng mga imahe nila sa isip ko, para kang nanonood ng palabas sa dos ang resolution at hindi madilaw tulad sa syete. Kumbaga tama ang timpla ng mga ilaw at make up. Hindi ko naman sinasabi na napapangitan ako sa rehistro ng mga artista sa syete, pero parang ganun na nga. Isa-isang naghubad ng damit ang bawat kalalakihan. Nanlilisik ang mga mata. Senyales na may isang matinding laban ang magaganap.

Minsan talaga nalilito ako kung kailan ako lilipat ng bagong paragraph, parang ganito. Pakiramdam ko kasi mahaba na 'yung mga nakasulat sa taas kaya tinirada ko na ng dalawang magkasunod na tipa ang enter. Balik tayo sa kwento na habang inaalala ko ang mga pangyayari, sumasagi rin sa isip ko na parang hindi naman kailangang i-blog ang isang 'to at dapat ko ng mag-control+A sabay pindot sa backspace. Pero dahil sanay naman akong magpost ng mga not-worth-reading entry, itutuloy ko na.

Pagkatapos manlisik ng mga mata ay humangin ng bahagya. Ang palayan ay biglang nawalan ng damo, unti-unting lumambot ang lupa at umikot na parang milo sa loob ng isang tasang may lamang mainit na tubig. Naging putik na ang lupa. Unang naghubad si Kuya B na may malaking tiyan. Sumunod si Kuya D. Naghubad na rin ng damit ang mga kababata ko. Nagwarm-up na ang bawat isa. Kanya-kanyang pagtagaktak ng pawis. Nagtatalo ang isip ko sa panaginip ko kung maghuhubad din ba ako ng damit. 1) Hindi pa dumadating ang regalong abs ni Santa kaya medyo nahihiya ako 2) Hindi ko pa rin maintindihan ang mga nangyayari. Hindi pa man ako nakakapagdesisyon kung makikisali ako sa hubaran ng damit ay pumutok ang isang baril. Dinamba ni Kuya B si Kuya D. Nasa labas ng isang bilog na guhit ang mga anak nila. Tsaka ko lang nalaman na mud wrestling na pala ang nagaganap at tag team pa ang bakbakan. Habang pinanood ko kung paano magsagupaan ang mga tatay na 'to ng mga kababata ko na parehong mahilig sa manok ay biglang dumating si Pareng B na kapatid ni Small boy na anak ni Kuya B.

"Teka, ako ang nagsaka ng palayan na 'to. Anong ginagawa nyo?"

Dahil sa mga binitawang salita ni Pareng B, nalaman ko na mahalaga pala talaga para sa mga magsasaka ang mga palayan na inaalagaan nila. Kung naghihintay ka ng moral lesson, ito na 'yun.

Habang nagdadrama sa isang tabi si Pareng B, itinuloy pa rin ng dalawang kampo ang bakbakan. Dito na ako nagdesisyon na makisali sa gulo at makipagwrestling sa mga mokong na 'to. Akmang huhubarin ko na ang damit ko ng pigilan ako ni Kuya B. "Ooops, sasali ka? Nasan ang pera mong pamusta? Isa pa, wala naman dito ang Tatay mo sa Pilipinas. Wala kang kakampi. Bwahaha."

Tama nga naman na wala ang erpat ko sa Pinas. Pero putik na 'yan! Pati ba naman sa panaginip ko kailangan ko ng pera?!

Pagkatapos ng eksenang 'yun ay nagising na ako. Pilit kong iniisip kung ano nga bang ibig sabihin ng panaginip kong 'to. Kung sino mang makapangyarihan dyan na marunong mag-interpret ng panaginip, kung maaari lamang po ay makaipag-ugnayan kayo sa'ken.

Nga pala, nabasa ko 'yung tweet ni Angel Locsin noong isang araw na may kinalaman din sa wrestling. Niyaya ko s'yang magwrestling kami kahit for fun lang pero hindi n'ya ako nireplyan. Sana ako na lang si Phil Younghusband.

7 comments:

  1. Hahahaha.. Ang galing mo mgkwento Kuya Goyo.. Natutuwa ako sa mga pinopost mo. Naaliw talaga ako. hehe. Sensya na ha, di ako marunong mag interpret ng panaginip... Pero may natuwa sa pinost mo. Ako yun. Ahaha! :D

    ReplyDelete
  2. nakakatawa nman ang panaginip mo, cguro dapat tayaan mo sa STL (small town lottery) un panaginip mo, isipin u lng un number conection, pwede 7,4 or kw na bahala, haha. aliw kwento mo hilig ko rin ang wrestling eh pero tama un 1-5 na sugestion mo....

    ReplyDelete
  3. mukhang tama ang kutob mo kay Mysterio at John Cena hehe!

    ReplyDelete
  4. Haha. Bigla ko narealized ang tagal ko na hindi nakakapanood ng wrestling ah? Makanood na ulit.

    Di ko din magets yang panaginip mo kung anung ibig sabihin niyan. Ang lalim eh. LOL.

    Perstaym ko ata makiepal dito?

    ReplyDelete
  5. ako naman madalas ko'ng mapanaginipan eh yung funeral ko na nablog ko na kailan lang

    ReplyDelete
  6. May nabasa ako dati na kaya mo daw kontrolin ang panaginip mo. Kapag masyado ng weird yung panaginip, pilitin mong isipin na panaginip lang yun. Tas magagawa mo na lahat ng gusto mo kasi walang consquence. Isipin mo na lang ang freedom na magagawa mo sa dream world hehe

    ReplyDelete