Pages - Menu

Friday, September 2, 2011

Dalawang gulong ka lang.

Tumbang preso, taguan, patintero, sikyo, sipa, luksong kalabaw - baka pati kabayo at kambing, turumpo; basta halos lahat ng old school pinoy games, naranasan ko lahat 'yan. Pwera lang pala 'yung chinese garter. Jackstone kasi pinatulan naming laruin noong grade 6, alam mo na para mapalapit sa mga chikas. 'Yung ibang makabago nalaro ko rin naman, 'yun nga lang hindi ako masyadong naadik sa family computer at iba pang high tech  na mga bagay noong 90's, e pa'no wala naman akong ganun. Brick game lang ang naging pag-aari ko. Wala kasing masyadong pera. Isa pa, hindi naman din kailangan kahit medyo nakakaramdam ako ng inggit sa mga batang sarap na sarap na naglalaro ng ganun. Nagvi-video ako, 'yung hinuhulugan ng barya. Na-office pa nga ako dati kasi nahuli kaming naglalaro habang oras ng klase. Cutting tsong. Grade 6 'to, kay Ma'am Magararo. Umiwas lang naman ako noon sa pagbubuhat ng adobe kaya lumabas ako ng school.

Ang hindi ko lang ata naranasan e 'yung video karera. Ang hirap kasing sumingit sa matatandang mukhang kabayo na hilig talaga ang magsugal.  'Yung mga teks na laro noon, panis sa'kin 'yun. Action star din nga pala ako dati, sa pellet gun nga lang. Tinamaan ko pa nga 'yung isa sa mata e. Kailangan ko ring banggitin dito na sobrang sugarol ako noong kabataan ko. E pa'no, laro lang naman ang tingin ko sa sugal, at ang pera naman ay ang mismong laruan. Noon 'yun, hindi ngayon.

Bukod sa mga 'to, ang pagbibisikleta ang isa sa hilig ko talagang gawin noon. Nagsimula ako sa bike na may balancer. Apat na taon palang ata o tatlo, nagba-bike na 'ko. Unti-unti, habang tumatagal ay kusang natatanggal ang mga balancer sa magkabilang gilid. 'Yun din ang naging dahilan kung bakit mabilis akong natutong magbisikleta.

May kapirasong alaaala sa isip ko noong hindi pa ako katangkaran na pilit ko talagang inaabot ang mountain bike, lagi tuloy akong lagapak. Nakakatuwa ring maalala noong bagong bili 'yung bmx ko, 2 baranggay pa ang layo sa bahay namin bumaba na ako sa jeep para testingin ang bago kong bike.

Kung saan-saang lugar ako nakakarating noon. Kahit mag-isa, binibisikleta ko hanggang boundary ng Laguna. Kapag trip na trip o kaya naman kapag gusto ko lang mapag-isa. Kapag napagod, uupo sa gilid ng daan habang minamasdan ang palayan. Minsan inaabot pa ako ng dilim dahil lang sa pagpadyak kung saang lupalop.

Madalas din akong magsemplang noon lalo't malapit na akong magcelebrate ng birthday ko. Ewan ko kung nagkakataon lang, o dahil kasi bakasyon ang birthday ko kaya madalas nasa labuyan ako. Minsan kusang umiikot ang manibela, semplang sa kalsada. 'Yung isa naman tumilapon ako, dahil ata dun sa hindi pantay na daan sa pagitan ng lubak at sementadong kalsada. Ukab na ukab ang magkabilang palad ko noon dahil sa nangyari. Kita ko pa nga 'yung natitirang marka ngayon e; marka na pakiramdam ko ako lang ang makakakita sa palad ko. Nangyari na rin sa'ken 'yung sumoot ang paa sa gulong ng sidecar. Nasa likod kasi ako noon at pabulusok kami. Buti nga napilipit lang at wala ng ibang masamang nangyari sa malaki at makalyo kong paa.

Dahil nga sa hilig ko sa pagbibisikleta dati, nakita ko na sa hinaharap ko noon na magiging maangas na rider ako. Iniimagine ko na rin dati na mag-eevolve ang bmx ko sa isang maangas na motor. Maangas pero simple lang na motor. Mas trip ko kasi kapag old school ang datingan ng mga bagay. Nababaduyan kasi ako sa mga motor ngayon. Kung hindi patingkiran ng kulay, paingayan naman ng sounds. Buti pa 'yung mga motor na may pangalang "Barako" at "Maton" e, lalaking lalaki ang datingan. Pero dahil walang pera, kahit 'yung simpleng bmx ko hindi ko napaganda. 'Yung motor? Hanggang imagination ko lang pala 'yun. Nakakatawa nga e, hindi man lang ako natutong magmotor. Maderpaker. Madali naman 'tong pag-aralan, sus. Wala lang talagang motor na pagpapraktisan.

Kung may motor lang siguro ako ngayon, malamang isa ako sa libu-libong makulit na pinoy na nakikipaghagaran sa mga bus at naglalakihang truck sa iba't ibang lansangan sa Pinas. Syempre hindi rin ako magsusuot ng helmet para mas maangas, uso 'to e. Kung may helmet man, 'yung japeyk para mura lang. Tapos tyempong trapik, dahil sa pagmamadali, susuot sa makikitid na espasyo sa pagitan ng truck at gusgusing bus. Kapag mamalasin na nagmamadali rin ang kasabay na bus o kaya truck, mahahagip dahil sa likot magmaneho at bugso ng damdamin na ako at ang motor ko ang bagong hirang na hari ng lansangan. Gagawin ko ang paghahari-hariang 'to sa pamamagitan ng paggitna sa highway at pag-alis sa linyang nakalaan para sa mga motor. Tatalsik na lang bigla o kaya susuot sa ilalim ng sasakyang bumunggo. Mahina ang helmet para protektahan ang bungo. Lalabas ang kakarampot na utak at sasabog sa kalsada. Dinaanan pa ng walang kamalay-malay na mga motorsita ang nakahandusay na katawan. Pisak ang bangkay. Labas ang bituka, sabog ang laman at bali ang mga buto. Pogi noon, hindi na makilala ang kawawang bangkay ngayon. Malas mo pa kung sa mga pangunahing lansangan nadisgrasya. Pagpi-pyestahan ka ng mga tao't langaw na usisero. Pahihirapan mo pa ang mga pulis sa pagdampot ng sumabog na mga laman loob mo. Sigurado nga palang late ang mga ambulansya, e pano dedo na. Nauna pa nga 'yung reporter e; 'yung mga reporter na magbabalita ng walang kakwenta-kwentang pagkamatay mo.

Tapos 'yung mga kwento sa unahang bahagi, aalalahanin na lang ng mga tropa mo doon sa lamay mo.

Sabi ko na nga ba e, kotse na lang talaga ang papangarapin ko. Pero sa ngayon, ibabalik ko na lang muna  ang hilig ko sa bike kapag nagkapera ako. 'Yung parang ganito ang trip ko. Okay, sige iregalo mo sa pasko. Lalagyan natin ng upuan sa likod at basket sa unahan kung gusto mo, tipong makalumang panahon at sweet ang tagpo kapag namalengke tayo.

14 comments:

  1. grabe ang twist. nauwi sa masaklap na pagkamatay... hahaha.. ganda nito... makulit, malaya at nakakagulat.... tara na at magbisikleta

    ReplyDelete
  2. napakalayo ng nalalakabay kahit dalawang gulong lang. . .

    ReplyDelete
  3. tara goyo bike tayo! hehehe. kung sansan din ako nakakarating pag nagbibike ako eh. pero hindi nman ako sumesemplang! muntik muntikanan lang! bwenk!

    ReplyDelete
  4. Haha na-alala ko yung inggit ko noong H.S. and G.S. sikat kasi ang Playstation 2 dati at yung lang ang mode of entertainment ko dahil wala ring pera naglalaro na lang ako SM niyan paborito kong laro eh yung Tekken at Devil May Cry 3. O di kaya sa Quantum o World of Funs ako tumatambay kahit walang token, basta't nanonood lang ng naglalaban ok na (nakakakuha ako ng tip kung paano yung combo)

    Ika nga nila eh "hindi mo na kailangan pumunta sa Hospital pag nadisgrasya ka pag nakasakay ka sa motor, Deretso ka na sa Langit"
    Makulay ang Buhay sa kabilang buhay! hahaha!

    Pangarap ko rin yan, Gusto ko rin ng Kotse yung tipong magmamaneho ako kung saan ko gusto, hindi ko poproblemahin kung makakauwi ba ako o hindi ang problema eh yung "traffic" di baleng hindi mamahalin basta't tumatagal at magagamit mo ng pangmatagalan.

    ReplyDelete
  5. ok yun post n2 naalala ko tuloy un old skul days ko, sikyu din pala ang tawag jan sa laguna, gnun din d2 sa batangas parang my hawig un mga experience natin pati un mga nilalaro, sguro napahilig ka rin na mag-jaks(jakul) ng hi-skul days mo, tnx pre for posting this one.. natakot nga lang ako sa post mo about sa motor, dati bike din lang ako hanggang sa nag-evolve at nagkarun ng mtor dahil kelangan sa trabaho.... at un phot sa bike mo old skul racer bike ah.. ok sa trip

    ReplyDelete
  6. wakokok. mula sa magandang naration, naging brutal, may utak na titilapon etc. hahaha. like!

    pangarap kong magka-bike pero ninakaw yung bike namin noon at di na kami binilhan ng magulang namin.

    ReplyDelete
  7. kKung ikaw man ang mapapangasawa ko, aba! Wag ng motor!!! Baka pag uwi mo sakin pati kaluluwa mo may galos! :( Veryverysad.com

    ReplyDelete
  8. paalala na lang sa akin 'to. dahil wala akong pambili ng kotse at sobrang layo ng bahay namin sa trabaho ko para bisikletahin ko, nagmo motor ako.

    ingat na lang saka defensive driving na attitude kada sakay. tsk.

    ang kulit na dun mismo napunta yung kwento. haha!galing!

    ReplyDelete
  9. haha..maderpaker...sobrang malas naman ng matatamo mo pag nag ka motor ka ..lahat lahat na..lamang loob, bituka at buto ang ma de-disgrasya!

    ReplyDelete
  10. masokista ka pala idol. :)) self-inflicted pain ang gusto. Malma ang adventure na trip mo. Cool.

    ReplyDelete
  11. pareho tayo...hindi rin ako nahilig sa mga gadgets until now, celphones lang at laptop pero dati walang wala akong hilig.

    hayzzz nakakamiss magbike, wala kasing bike dito sa country ko now.

    ReplyDelete
  12. halatang pinanganak tayo sa parehas na dekada.. parehas ng hilig..

    mas gusto ko pa di nang kotse kesa motor..

    ayokong mauwi sa masaklap na sinapit ng biktima sa kwento..

    gusto ko japorms pa din ang kamatayan ko yun tiping nagstampede dahil mgpapaautograph sila sakin at nadaganan ako..wahaha

    ReplyDelete
  13. naalala ko din yung panahong nagbibisekleta ako.. parang yung mountain bike na ang buhay ko noon... kaya lang ninakaw... nawasak din mga pangarap kong sumali sa olympics lumubo pa ako.. ahahaha

    ReplyDelete
  14. Ako rin noon nahilig sa pagbibisekleta, Grade 4 yata ako noon. Katabi lang ng bahay namin yung school noon kaya tuwing hapon matapos umuwi para magbihis, babalik ako sa school para magpaikot-ikot sa playground, wala nang ibang tao ako na lang, tapos pag madilim na saka na ako uuwi... Duwag lang ako nun lumabas sa kalye kasi lagi akong pinapagalitan lalo kapag nakipagsabayan ako sa mga sasakyan kaya dun lang lagi sa school.

    May mga kaibigan na akong nadisgrasya sa motor, at yung panghuli eh si Caloy na namatay. So sana hindi ka seryoso sa pangarap mo LOL.

    ReplyDelete