Pages - Menu

Tuesday, October 25, 2011

Akalain mong totoo na pala;

Mahigit isang taon na rin ang nakakalipas, sa loob ng FX...

Bawasan mo lang siguro ng ilang buwan ang buhay ko ngayon, magbawas ka rin ng ilang mga taong dumating, pati timbang ko bawasan mo na rin. Siguro kapag tinanong ako kung sino ang babaeng minahal ko ng husto, ikaw pa rin ang isasagot ko.

Dumating din pala ako sa punto ng buhay ko na hindi ko alam kung pa'no lilimot sa mga bagay na nakasanayan na't naging inspirasyon sa paglaban sa balasubas na buhay. Sabi nila, makakamove-on ka lang daw sa taong 'yun kapag may dumating ng panibagong taong magmamahal sa'yo; isang taong pupunas sa mga luha, isang taong muling guguhit ng mga ngiti sa labi, isang taong muling magpapabilis ng tibok ng puso. Maraming tao ang mabilis na dumating, maraming saya ang mabilis na naramdaman pero wala pa rin. Akala ko nakalimot na ako, pero hindi pa rin pala. Marami lang akong nasaktan dahil bihag pa rin pala ako ng pagmamahal mo noon. Pa'no naman ako makakalaya, muli'y ipinaramdam mo na sasamahan mo ako sa rehas ng pag-iibigan baon ang ilang mga salita na lalong pumigil sa'kin sa paglipad. Hindi lang isang beses, maraming beses. Lagi sa puntong handa na akong kumawala at magsimula. Dito ako napaniwala na sa huli, babalik at babalik pa rin pala tayo sa taong pinakamamahal natin.

Naalala ko pa nga noon, kasama ko ang pinaka-matalik kong kaibigan. Wala kaming ginawa kundi magsaya. Babae dito, babae doon. Parang normal lang ang lahat. Pilit kong ipinapamukha sa mundo na malakas ako, na hindi ako apektado ng nararamdaman ko. Pero dahil pinaka-matalik na kaibigan ang kasama ko, nahuli n'ya ang kahinaan ko. Reminiscing ang naging eksena pagkatapos pataubin ang tag-isang bote ng pulang kabayo. Kahit naman sinong may pinagdaraanan, masayaran lang ng alak at konting sundot ng pagpapaalala sa drama, bibigay. Matutulog na kami noon e, diyablo naman ng pagkasabik at pangungulila ang kumanti't kumalabit sa puso ko para tingnan ang mga larawan natin sa telepono. Pinipili ko talaga ang magagandang kuha mo noon, para 'pag ipinakita ko kay bespren, maganda ka rin  sa paningin n'ya. Buong kasabikan at pagmamalaki ko ring ipinakita 'yung video na ginawa ko, 'yun 'yung video na iniyakan mo e. Akala mo kasi hindi kita mahal. Tandang tanda ko pa lahat ng pangyayari noong gabing 'yun. Malapit na ang kaarawan ko at magsa-sampung buwan na rin tayo-- hanggang sa maramdaman ko na lang na pumapatak na rin pala ang mga luha ko kasabay ng music background sa video, nakatalikod sa kaibigan ko at mag-isang pinapanood ang video na unti-unti ngang nagpaalala ng masasayang araw natin. Noong tayo pa.

Naayos naman ang lahat. Naging tayo ulit. Naging libangan na natin noon ang maghiwalay at magbalikan agad pagkalipas ng isang linggo. Tanda ko pa at sino ba namang makakalimot, isang araw pa lang tayong mag-on, nagbreak agad tayo. 'Yun pala 'yung senyales na ang pagbe-break ay magiging isang hobby. Oo, nasanay tayo pareho ng ganun. Ang masarap lang naman doon, 'pag nagkakabati kasi tayo, high ako sa pagmamahal mo. Kung anong high naman ng nararamdaman ko, ganun din ang pagsayad na nangyari sa'kin ilang buwan pa ang lumipas.

Ikaw kasi 'yung tipo ng tao na hindi sasabihin ang nararamdaman. Makikipagbati ka na lang basta kapag okay ka na. Sino ba naman ako para tanggihan ka. Mahirap sa parte ko sa totoo lang. Dahil sa tuwing magkakabati tayo, babalik nga ang saya pero wala naman akong natututunan. Hindi ko alam kung pa'no iiwasan na masaktan ka.

Sakit na rin siguro talaga sa pagkatao ko na sa tuwing may malalaking kaganapan sa buhay ko, sobrang lakas ng ihip ng hangin ng pagbabago. Madalas makalimot ako sa mga taong kargo ko't responsibilidad. Napabayaan kita. Ilang pangako ng pagdalaw at pagkikita ang hindi ko tinupad. Gumigising ako't natutulog ng hindi ka man lang kinakamusta. Muli'y naghiwalay tayo. Tulad ng dati, alam ko pinapalipas mo lang ang galit mo. Kampante ako. Dahil alam ko rin sa sarili ko na hindi mo ako kayang iwan; na mahirap din para sa'yo na kalimutan ang lahat ng pinagdaanan at pinagsamahan; na alam kong sa'kin mo lang naramdaman ang mga bagay na todong pagmamahal kong ginawa para pakiligin at pasayahin ka. Kampante ako. Mahal mo ako't hindi mo ako matitiis. Kampante ako.

Lumipas ang isang linggo, dalawang linggo, tatlo, apat na linggo, isang buwan. Sa pagitan ng mga araw na lumilipas dala na rin ng pananabik, madalas ang pagsuyong ginagawa ko sa'yo. Hindi mo ako pinapansin. Alam kong mas magaling ka sa larong dedmahan. Talo ako. Araw-araw ang pangungulit ko. Araw-araw din ang pambabalewala mo. Alam kong sa tuwing makikita mo pa lang ang pangalan kong rumerehistro sa telepono mo, agad-agad ang pagburang ginagawa mo sa mensahe ko. Ganun ka katibay.

Nawawalan na ako ng pag-asa noon. Tinanggap ko na ang katapusan ng lahat sa atin; na wala na akong babalikan; na dumating ka na sa sukdulan; na nagsawa ka na sa paulit-ulit na drama; na pinakinggan mo na ang payo ng nanay at mga kamag-anak mo na wala kang mapapala sa katulad ko; na hindi ako ang lalaking nararapat para sa'yo; na mas mahalaga ang pag-aaral kaysa sa pagmamahalan.

Dumating na naman ako sa punto ng buhay na malaya. Lahat ginagawa, walang iniintindi. Walang bigat, puro sarap. Sa hindi malamang kadahilanan, muli'y kumatok ka sa pinto ng buhay ko. Wala akong lakas para tanggihan ka. Noon mo lang sinabi ang mga salitang 'yun sa loob ng dalawang taon nating pagsasama. Parang ibang tao ang kausap ko. Puro pagmamahal ang kahulugan ng mga salitang binibitawan mo. Parang musika ang tinig mo sa pagsasabing ako lang ang lalaking minahal mo ng ganun. Na walang ibang taong makakagawa't makapagbibigay ng ganung saya sa'yo. Sinabi mo na hindi mo ako kayang mawala. Sinabi mo lahat ng gusto kong marinig, naniwala ako.  Bumalik ang matinding pagmamahal ko sa'yo. Oo nga, sino ba naman kasi ako para tanggihan ang katulad mo.

Muling sumikat ang araw, laging maliwanag ang bawat sandali. Hindi nabubura ang mga ngiti sa labi ko. Ramdam kong magkakabalikan na ulit tayo. Tulad ng dati, away bati pa rin pala ang istilo ni kupido sa istorya natin.

Sabik na sabik akong lumuwas noon. Nakaplano na ang pagkikita. Ang pagkikita na pinapaniwalaan kong magiging umpisa't simula ng panibagong ako at ikaw. Panibagong istorya. Panibagong pagmamahalan.

Para bang bagyo ang lakas ng hampas sa puso ko noong mabasa ko ang mga salitang "Huwag mong kakalimutan na mahal na mahal kita". Masaya ako, pero bakit parang may mali. Gusto kong bulyawan ang driver ng sinasakyan kong fx para mas bilisan n'ya pa ang pagmamaneho para makita na kita. Gusto kong magmadali, ramdam ko noon na may kailangan akong agapan. May naghihingalo. May bibitiw.

"May sasabihin ako sa'yo". Sunud sunod ang pagformulate ng utak ko ng kung anu mang bagay dito sa mundo na maaaring tinutukoy mo sa gusto mong sabihin. Bakit parang 'yung mga salitang 'yun ay matagal mong pinag-isipan. Bakit parang ngayon ka lang nagkalakas ng loob na sabihin. Bakit parang may mali. "Anong sasabihin mo?".

"Maniniwala ka ba kung sasabihin ko sa'yong may boyfriend na ako?". Paniginip lang ang lahat, 'yun ang alam ko. Umaandar ang sinakyang fx at hawak ko ang telepono sa pagtungo ko't paghalik ng mukha ko sa mga tuhod ko. Nakatulog nga ako. Salamat, panaginip nga ata ang lahat. Sabik kong pina-ilaw ang telepono pagkapunas na pagkapunas ko ng mga natuyong tubig sa mata. Totoo pala ang nabasa ko. Totoo pala ang sinasabi mong may boyfriend ka na. Luha pala ang putang inang dahilan kung bakit naidlip ako sa fx. Bakit ang bagal ng takbo ng isip ko. Bakit kailangan pang abutin ng ilang oras sa byahe para matanggap kong totoo ang nabasa ko.

Galit na galit ako noon sa'yo. Pinaasa mo ako sa pag-ibig na akala ko'y muling matitikman ko. Bakit mo pa kailangang sabihin ang mga salitang muling nagpakabog sa dibdib ko bago ipagtapat ang masakit na katotohanang ako'y ipinagpalit mo.

Sinabi mo na 'wag na kitang puntahan. Tulad ng ordinaryong binata na pag-ibig at babae ang tanging kahinaan, ginusto ko ring magpakalasing noon. Korni, kaya kumalma na lang ako. Hindi ko pa rin matanggap ang ginawa mo. Kung anu-anong sinasabi ko sa'yo. Sunud-sunod ang pagpatak ng luha ko sa larong ginawa mo.

Ilang love songs din ang nagpalabas ng luha ko sa tuwing maaalala ko ang ginawa mo. Ilang masasakit na salita at panunumbat din ang binitawan ko sa pag-aakalang makakaganti ako. Lumala lang ang lahat at tuluyang nagkalimutan. Nagkalimutan tayo. Kinalimutan kita na hindi ko man lang nalaman kung ano ba talagang totoo sa mga eksenang nangyari noong araw na sa tingin ko, nakaganti ka sa lahat ng sakit na ibinigay ko. Tagumpay ka sa great revenge na naisip mo.

Lumipas pa ang ilang mga buwan. Lumipas ang pasko at bagong taon, pero wala ng tugon sa mga bati ko. Nabura na nga ako sa buhay mo. Nagpasya na rin akong umusad at tanggapin lahat ng pagkakamali ko. Ang puno't dulo ng pagkawala mo: ano pa nga ba, e di 'yung karaniwang impresyon sa'kin na babaero't iresponsable akong tao. Na totoo naman sa kasong 'to. Hanggang ngayon.

24 comments:

  1. yan ang hirap eh, laging impresyon na babaero't ireponsable kahit na hindi naman talaga.

    ang lungkot ng kwento pero kailangan talagang magmove on. hayyyy. karelate.

    ReplyDelete
  2. kakalungkot naman.. masaya ka na nman ngayon eh.yun ang importante..diba teh? haha :D

    ReplyDelete
  3. @Ineng, true! Hehe. Ayos ka kapatid ha! Miss you! :3

    ReplyDelete
  4. Shet. Solid mangtrip at gumanti si Ate. Tsk. Naramdaman ko to. Well, wala ng magagawa kundi mag-move on. Makakahanap ka din ng babae na ibang side ng pagkatao mo ang nakikita.

    ReplyDelete
  5. masyadong malungkot... ang mahalaga natuto tayo kung san tayo nagkamali.... :D

    ReplyDelete
  6. similip at naki-usyoso sa issue...

    ReplyDelete
  7. Nakalulungkot talagang mabura ng tuluyan sa buhay ng taong labis mong pinahahalagahan. Pero sa huli ang magagawa lang natin ay ang naka-ngiting harapin ang buhay.

    ReplyDelete
  8. U will always be part of her life...that doesn't mean burado ka na sa buhay nya but maybe she has moved on...

    ReplyDelete
  9. sakit nito brod! sagad hanggang buto yung sakit! shet! :D pero piece of unsolicited advice, try to really move on alam ko di madali pero kaya mo yan. :)

    ReplyDelete
  10. sakit ser! gayunpaman, nakasisigurado ako.. na may espesyal ka pa ring lugar sa puso niya, pare.

    ReplyDelete
  11. Lol. Matagal ng nangyari 'to, ikinuwento ko lang. You know. Isa pa, masaya ako ngayon sa piling ni Yna. Hehe.

    ReplyDelete
  12. Wagas... alam ko di pa uso ung term na yan non pero nausuhan kna rn nyan nung araw, buhay UBelt.
    mas maganda siguro na kung sa mga huling parte ng buhay mo kayo magkatuluyan. sbagay maaga pa naman ata. yaan muna sigurong mapunta ka muna sa iba't2ng landas ng buhay at makakita ng ibat-ibang anyong nkapaloob dito.lol

    -"Stay close to any sounds that make you glad you are alive." -Hafez
    #we know She's one of those sounds.

    -at sa huli:
    let's see if all those
    wonderful things you had could return in the place where your hearts and soul meet
    at its best..♥
    #share lungs.yan ang pinanghahawakan ko sa sobrang tagal di ko sna mabitawan. IBa kc tlga kapag nahanap mo na ung TUNAY.

    Napadaan lng. slamat sa pagpost nito. nakatulong para maramdaman ko ulit ung ilang mhahalagang pakiramdam na dpat tlgang itreasure at wag bsta itapon nlng sa kwalan. :)

    ReplyDelete
  13. @anon, parang pamilyar ang tono mo. Parang ikaw 'yung dati kong kaibigan na ngayon e pangkaraniwang kakilala na lang.

    ReplyDelete
  14. Papa Goyo, para sakin isa kang tunay na macho. dahil kayang kaya mo ishare ang tunay na nararamdaman mo kahit yang mga itinatago mo sa kasingitsingitan ng taba/ este ng puso mo.dahil dyan crass na kita ulit:)

    ReplyDelete
  15. ang sakit alaga ng malimutan.. parang yung mga pinagdaanan ninyo eh wala lang...

    ReplyDelete
  16. Ang haba.
    Huwag mong kalilimutan, mahal na mahal pa rin kita.

    ReplyDelete
  17. wlangyang sumunod na anon yan. hehe
    (dkpa kc si goyo dati.) kaya parang pamilyar ka rin. hehe. nagshut down subconcious mind ko nung nwalan tayo ng signal. k lungs pero cgro hndi dpat maging sobra. hehe
    sa totoong buhay lng pro ako dun sa ♥ origin mo.
    Magkabatch ang pagsibol ng mga TUNAY nating pag-ibig dati. Sa pagbalik tanaw ko sa mundo mo napatunayan ko na hndi tlga SIMULACRA ang Tunay na Pag-ibig. hehe. true and swear.ΓΌ salat na salat mo kc ang saktong paglalarawan dito sa gayung paraan naretrieve ko yung saktong pakiramdam; parang ngscan lng dn ako ng libro na nakpagpalinaw ng ilang depinisyon. Kahit nashuffle, ang pagkakaibigan natin ang maituturing ko rin na climax ng buhay q. Kapanahunan kung san puro tayo katiyakan, kampante at my wagas na kasiyahan sa buhay, yun lng wala namang kuwenta ang buhay kung puro katiyakan na. kailangan din cgro iyon para maimapa ang gustong turuling mas makabuluhang buhay.hehe:P inaanak mo to tanga. Hehe kitakits sa pasko ninong goyo. ayoko pa kcng tumanda kya mejo nagbackread aq sa kwento ng buhay ko. hehe Goodluck sna maging engr kna..:-)

    ReplyDelete
  18. Sabi nga nila, kapag nagmahal ka ng totoo, siguradong 100 percent masasaktan ka ng lubos, dahil kung di ka nasaktan di mo masasabing nagmahal ka ng totoo, nakakalungkot ang kwentong ito dahil hindi naging happie ending, kung di isang masamang panaginip na ayaw mong magising.
    Pero sabi nga ng isang taong kilala ko pagdating sa larangan ng pag-ibig, kailangan mong tanggapin sa sarili mo na may iba na siyang mahal (kahit masakit man ito sa damdamin mo) at kung talagang mahal mo siya handa kang palayain siya,dahil alam mo doon siya sasaya at para naman sayo kaibigang goyo, kailangan mong magmove on, oo mahirap gawin pero kailangan dahil parte ito ng proseso ng isang taong nagmamahal at pinamahal, ok lang yan, tandaan mo kaibigan na ang bawat tao ay may nakalaan na soulmate nila sa buhay,malay mo sa di inaasahang pagkakataon ay makilala mo siya at siya na ang bahalang gumamot sa sugatan puso mo.. Ika nga sa bible "Let us see God's purpose behind every trial and the good things behind the worst situation!" di ba?
    So paano... hanggang dito na lang :D

    ReplyDelete
  19. Okay ang mga comment n'yo guys, pero marami ata kayong nalampasan sa ibinahagi kong kwento. :c

    Hehe. :D

    ReplyDelete
  20. @Anon October 29, 2011 1:00 AM,

    Pa'nong hindi pa si Goyo? Sabagay, malamang sa malamang nga e nagbago ako. Pero simula't sapul naman ng pagkabata, si Goyo na ako.

    Ikaw naman ang umiwas sa'min e. Pero naiintindihan ko naman 'yun. Ganun talaga ang buhay. Nakakahinayang lang din 'yung friendship/tropahan/lokohan natin. Salamat sa pagsasabi na 'yun ang peak sa'yo. Kahit naman ako, hindi ko pa rin limot lahat.

    Nga pala, sana ikaw nga 'yung taong nasa isip ko. Mukhang ikaw nga talaga. Handa ka na ba ulit makipagtropahan? Ayusin na ang lahat? At i-add na ulit kami sa facebook? Hehe.

    ReplyDelete
  21. Shit!the best to!galing mo talaga Goyo!

    ReplyDelete
  22. Thumbs up! ano pa nga sasabihin ko eh, sinabi na yata yong mga magagandang parangal sa yo...

    Anyway keep it up!

    ReplyDelete
  23. SA LAHAT NG NAG COMMENT PWERA KAY SABEL, PUTANG INA NYO GUYS! HAHAHAHA -GF

    ReplyDelete