Pages - Menu

Friday, October 7, 2011

I love you, Brando babe.

Atubili ako sa pagbalik sa bahay n'yo noong makita ko sa wallet ang ipinagmamalaki kong passport size picture na nakalimutan ko palang ibigay sa'yo. Sinilip ko pa ng isang beses ang larawan kung gwapo nga ba talaga ang lalaking binihisan ng amerikana na nandun. Hindi naman sa nagdududa ako, sinigurado ko lang sa huling pagkakataon na lulundag ang puso mo sa t'wing masisilip mo ang mukha ko.

Habang naglalakad palayo sa bahay n'yo, naalala ko ang mga sinabi mo noong gabi na kabaong na lang ang kulang sa picture kong 'yun. Gumuhit ang ngiti sa mga labi ko kasabay ng pagdalaw ng masasayang alaala natin sa gabing lumipas.

Pagdating sa kanto ay agad akong sumakay sa unang jeep na dumaan. Mag-a-alas dos na pala, inabot pa ako ng sampung segundo bago ko mapagtanto dahil isang oras at apatnapung minutong una ang oras sa telepono ko. Nagmumura ang tiyan ko sa dami ng kinain ko sa bahay n'yo bago ako umalis dahilan para hindi ako makaupo ng ayos sa loob ng jeep at tuluyang maipit ang tiyan. 'Yung tagpong din 'yun ang nakapagpaalala na bukod sa sarili ko, may isang bibig pa pala akong dapat pakainin.

Nakisama naman ang jeep na nasakyan ko, swabe ang byahe at mabilis akong nakarating sa Uste kung saan ako bababa. Pati ang mga nagmamadaling mga motorista sa kahabaan ng Espanya ay nasa panig ko. Pinatawid nila ako ng walang kahirap-hirap. Pagdating sa unang kantong lilikuan, tumigil ako saglit para kumain ng sweet corn na sa unang pagkakataon ay smooth ang byahe ng bawat butil ng mais sa lalamunan ko. Sulit ang sampung piso. Nasa pangalawang kanto na 'ko kung saan nakapwesto ang isang tindahan na pakay ko. Dalawang taling kangkong para sa alaga kong kuneho!

Isinilid ko sa bag ang kangkong at 'saka nagpatuloy sa paglakad. Kailangan kong itago ang kangkong na titibagin ng alaga ko sa landlady ng boardinghouse. Hindi ko kasi alam ang magiging reaksyon n'ya kapag nalaman n'ya na bukod sa alaga nilang mga pusa't daga, may isang kuneho pa ang nakatira sa bahay nila. Dala na rin ng mahabang lakarin, bumili ako ng softdrinks pamatid uhaw at tumambay muna saglit sa harap ng tindahan. Tyempo naman na andun 'yung isang matanda na nakatira sa malapit lang na bahay. 'Tong matandang 'to na dati ko pa napapansin na hindi pumapalya sa paggawad ng matamis na ngiti sa'kin sa t'wing makakasalubong ko. Inalok n'ya ako ng upuan, tumabi naman ako. Nagsimula ang pag-chika n'ya na sinakyan ko naman. Walang preno ang pagsasabi n'ya ng mga salitang "gwapo" sa mukha ko, na kesyo ang ganda kong lalaki at siguradong marami akong chiks, maganda ang mata at iba pang pambobola. Isang bagay na hindi ko na ikinagulat dahil suportado ako ng kayabangan ko. Tumagal din ang kwentuhan at bolahan namin ng kulang isang oras. Nagpaalam na ako't pumasok sa bahay, medyo may bigat ang bawat hakbang ko dahil sa pagmamadaling mapanood kung paano titibagin ng alaga kong kuneho ang pasalubong ko.

Maingat kong binuksan ang pinto, baka kasi nakatambay si Brando (pangalan ng kuneho ko) sa likod. Wala s'ya sa pintuan, at nakakagulat na parang tahimik ang paligid. Inaasahan ko pa naman na sasalubungin n'ya ako tulad ng lagi n'yang ginagawa. Tatayo sa mabalbon n'yang mga paa para humingi ng pagkain, susunod sa pag-ikot ko sa kwarto at kung anu pang paglalambing na hayop lang ang makapagbibigay sa'yo; alang-alang sa pagkain. May kaba sa dibdib ko na baka nakalabas ng kwarto at gumala na naman kung saan. Maging ang nakasanayan ko na kasing mga ihi n'ya sa sahig ay hindi ko nakita. Konti lang din ang cute na ebak na madalas n'yang ikalat sa buong silid.

Binuksan ko ang dala kong bag, kumuha ng ilang pirasong kangkong at inilaglag ko sa sahig, umaasa na lalabas ang alaga kong kuneho. Walang lumabas na Brando, walang gutom na kuneho. Nakumbinsi ko na sa wakas ang sarili ko na yumuko na't tingnan sa ilalim ng lamesa, kama at kabinet si Brando. Ayun nga sa ilalim, mukhang pagod sa kalalaro. Nakalupagi tulad ng lagi n'yang ginagawa. Ipinakita ko ang dalang kangkong, hindi umimik. Ginulat ko, gumalaw ng bahagya pero bakit parang hindi s'ya makatayo. Nakakapanibago. Umikot ako sa kama para mas makita ng malapitan, mukhang hinang-hina ang alaga ko. Parang ginulpi ng sampung daga. Malungkot ang mga mata. Sinimulan ko nang ilapit ang mga kamay ko, walang lakas ang kuneho para tumugon pero nakamulat pa rin ang mga mata, humihinga at gumagalaw-galaw pa ang bigote. Inilabas ko ang lahat ng kangkong na binili ko at itinabi sa kanya, kumuha rin ako ng tubig. Dedma.

Sampung minuto pa ang kailangan kong palipasin bago pumasok at masipsip ng utak ko ang posibilidad na nanghina si Brando dahil sa gutom. Kinulit ko, halos isalpak ko na ang kangkong sa bibig at ibuhos ang tubig para uminom pero wala talaga. Kahit anong himas ang gawin ko, hindi bumabalik ang lakas. Pakiwari ko'y agaw-buhay na ang alaga ko. Ubos na ang lakas para maibuka man lang ang bibig para kumain, tuyo't ang katawan na hindi na makuha pang uminom, walang lakas, gulay, walang sigla, mawawalan na ng buhay.

Tanging pag-oobserba na lang ang nagawa ko pagkatapos kong gawin ang lahat para kumain s'ya at uminom upang manumbalik ang lakas. Dalawampung minuto, tatlumpu, hanggang umabot na sa isang oras ang lumipas. Walang pagbabago. Alam kong hindi gawain ng isang tunay na matigas na lalaki 'to, pero nangilid ang luha ko pagkakumpirma ko na patay na nga ang alaga kong kuneho.

Hindi ko inaasahan na ganito kaaga tayo sasapit sa ganitong eksena. Patawarin mo ako't hindi ako naging isang mabuting amo at kaibigan. Rest in peace (Sept. 23 - Oct. 7, 2011), brada. Puta, heartbreaking 'tong tagpong 'to sa buhay ko.

11 comments:

  1. Bwisit! Hindi ko alam, hindi ko rin nakasama si Brando pero bakit ganito ang pakiramdam ko, kanina nilapitan ko si Marta habang masiglang kumakain, hinimas ko at sabay sabing, "wala na nga pala si Brando" Naiyak din ako nang mabasa ko to/ :( Ang bilis.

    ReplyDelete
  2. kalungkot naman. parang nung namatay din si savanah ko

    ReplyDelete
  3. ganyan din halos sinapit ni piggzy na ambull namen.. dalawang linggo lang inabot sa akin.. bili na lang ulet..

    ReplyDelete
  4. Ganyan din yung pakiramdam ko noong namatay yung aso ko. Yung tanging aso na hindi ko kinatakutan.

    ReplyDelete
  5. parang yung namatay lang si leon namin... :(

    ReplyDelete
  6. Ayy.. Ako nga kakakilala lang kay Brando, bad news na agad. Nakakalungkot pala. :( Tsk. My deepest sympathy Kuya. Condolences.

    ReplyDelete
  7. naalala ko tuloy si marimar, na namatay sa car accident kc hinahabol nya ako papuntang skul ;(

    ReplyDelete
  8. Naalala ko si TUTUT kuneho namin nung mag bfgf pa lang kami ni mister.. Bigla nalAng namatay ng ganyan. Ni walaman lang sinyales na panghihina o ano.. Nakaka sad

    ReplyDelete