Pages - Menu

Saturday, November 26, 2011

Ang buong akala ko, magaling na akong manghula.

Hehe, ang buong akala ko, mala-Nostradamus na ang galing ko sa ganito, pero tulad ng salita sa unahan, tinawanan lang ako ng kapalaran.

Pagkagising kaninang umaga, pinaliguan ako ng sermon ng nanay ko. Syempre, bilang isang batugan, tambay at palamuning baboy dito sa bahay. Literal na baboy na rin ang tingin nila sa'ken dito, katulad ng obserbasyon ng marami, maging ng sarili ko. O yes, tang ina baboy na nga ako! Pati 'tong konting bilib sa angking kagwapuhan ko, nilamon na rin at natabunan ng katabaan ko.

Sa pagkakaalala ko, tatlong beses na ngayong linggo nagpanting ang tenga ko sa mga salitang kasalukuyang ban sa pandinig ko. Tipong oras na marinig, babaon at susugat sa puso ko, sa puso kong nababalutan ng bad cholesterol. Pang-apat 'yung salitang isinulat ng akala kong magiging kakampi ko sa mga oras na ganito. Pero ano nga bang magagawa ko, totoo naman lahat ng sinasabi nila. Una, noong ipinamukha ng kapatid ko sa'ken na isa akong malaking tambay at direktang sinabi sa mukha ko na maghanap na ako ng trabaho at hindi puro pagko-computer lang ang atupagin ko. Idagdag pa ang konting panlalait din n'ya sa kababuyan ko. Pangalawa, hindi ko talaga maiwasan na hindi magdabog kanina noong sinabi ni nanay ang estado ko ngayon bilang isang indibidwal. Muli, ang pagiging isang tambay, matabang tao, at batugan. Pangatlo, kay tatay naman noong tumawag s'ya sa telepono. Lumang isyu pa rin tulad ng dalawang nauna, trabaho at kung ano raw ang plano ko sa buhay.

At 'yung pang-apat na biglang tumalon sa panibagong paragraph, nanggaling naman sa'yo na naging dahilan para lalong bumaon sa pagkatao ko na wala nga akong kwenta sa katayuan at estado ko ngayon. Ang buong akala ko kasi magaling na akong manghula, akala ko computer ang unang bagay na titingnan mo pagkagising mo pero nagkamali ako. Huli na tuloy noong nabasa mo ang "walang kwentang" good morning message ko. Sabagay, kung magaling nga naman akong manghula, e di sana ipinasa ko 'yung board exam, lisensyadong engineer na ngayon at hindi nararamdaman ang sakit ng mga salita ng ibang tao, higit sa lahat ng pamilya ko ukol sa pagiging tambay ko.

Ngayon ramdam ko na ang pressure, ang pressure sa paghahanap ng trabaho. Pressure sa sarili, pressure sa pag-iisip na dapat ako na mismo ang magpapalamon sa sarili ko at hindi ko na kailangang umasa sa iba lalo sa usaping pera, pera at pera. Parang ayoko na ngang kumain sa bahay e, ramdam ko na ang hiya 'tol. Ganito pala 'yun.

Katatapos ko lang nga palang gawin 'yung resume ko, medyo handa na sa mga pagbabagong magaganap. Sana swertehin. 'Pag minalas, gustuhin ko mang maging macho dancer na lang, pero mukhang kahit doon hindi papasa ang ab ko.

So, kamusta ang araw mo 'tol? Ako, obviously tambay. Umaasa na huling blog post na 'to sa pagiging palamunin ko. Medyo nagdarasal din na 'wag sanang dumating 'yung araw na Tetris Battle na ang ibablog ko dito. Bagkus, e 'yung unang araw ko na sa trabaho.

No comments:

Post a Comment