Pages - Menu

Tuesday, November 22, 2011

Mahirap pumila, pero mas mahirap maging tambay.

Hindi katulad noong bata pa ako na hindi lang makasakay ng jeep sa loob ng isang linggo, oras na sumakay ulit ay garantisado, siguradong-sigurado na susuka ako kahit wala pang ilang kilometro ang tinatakbo ng sasakyan sa byahe. Nawala naman ang problemang 'to sa katawan ko, pero mas malala ang pumalit. Ano pa nga ba, e 'di ang pambansang sakit ng mga Pilipino, ang pagiging huli sa mga lakad. Pinoy time, ika nga nila.

Kahapon, sa wakas pagkalipas ng dalawang linggo ay muli akong lumuwas. Lumuwas ako para kumuha ng NBI clearance. Ang pagkuha ng NBI clearance na kilala bilang isang lakad pang madaling araw dahil sa dagsa ang taong kumukuha nito at madalas ay may cut-off. Hindi ko rin alam kung bakit tinanghali ako, samantalang madilim pa naman noong umalis ako dito sa bayan namin. Hindi na sana ako tutuloy sa pagkuha, dala na rin ng mga chismax na madalas kong marinig noon na alas kwatro pa lang daw ng madaling araw ay mahaba na ang pila. Pasado alas siete na ata ako nakarating sa Crossing. Sa munisipyo ng Mandaluyong ko kasi balak kumuha, bilang pagrerekomenda na rin ng asawa ng tito ko.

Muli ko na namang nasilayan ang abalang lungsod. Kung saan maraming nakahambalang na "No Smoking" sign, pero sa mismong tapat ng karatula ay isang grupo ng mga kalalakihan at mangilang mga babae ang sabay sabay na nagsisigarilyo. Sa hindi kalayuan ay makikita rin ang nakahilerang mga tindera't tindero ng sigarilyo. Sapat din ang laki ng karatulang "No Blowing of Horns", pero maingay pa rin sa lugar na 'yun. Sanay naman tayo sa paglabag sa mga simpleng batas at ordinansa, tulad mo, binalewala ko na lang din ang mga nakikita dahil maging ako ay violator din sa mga simpleng batas lansangan tulad nun.

Dala na rin ng pagmamadali ay umakyat agad ako sa footbridge para makatawid na't makasakay ng tricycle pa-Boni. Ewan ko ba, alam ko namang sira ang zipper ng pantalon, pero ito pa rin ang isinuot ko. Problema ko pa tuloy ang madalas ng pagbaba ng zipper habang umaakyat sa baitang ng hagdan at kahit sa simpleng paglalakad lang. Sira rin nga pala ang zipper ng bag ko. Isa lang ang perdible kong dala. Hindi ko naman talaga dinala, swerte lang na may naligaw pala sa bag ko. Pinag-isipan ko pa kung ano ang uunahin kong paggamitan. Pagkatapos pag-isipan kunwari, nagdesisyon akong sa bag na lang ilagay. Madali kasing nakawan ang bag ko kapag nakita ng kahit sinong mapagsamantala na nakanganga at kitang kita ang gamit sa loob. Samantalang ang zipper ng pantalon ko, makita mang bukas, hindi naman basta-basta dudungaw ang nakatagong etits at mas lalong hindi basta-basta mahahawakan at makukuha. Tama lang na sa bag ko ilagay ang perdible na hindi kalaunan ay inilipat ko rin sa zipper ng pantalon dahil sa madalas na pagpuna ng mga makakasalubong ko. Bukod don, halos magkapaltos na rin ang daliri ko sa maya't mayang pagsasara ng zipper.

Pagdating sa munisipyo ay agad kong hinanap ang lugar kung saan nandun ang opisina ng NBI. Madali ko namang nakita. May mga tao na sa labas, pero ang window ng opisina ng NBI ay sarado pa. May nakita akong nagbibigay ng form, kumuha ako ng isa at mabilis na nagfill-up. Ang buong akala kong walang pila, ay isang malaking paasa pala. Medyo tama pala talaga ang chismax na marami nga ang kumukuha. Umakyat ako sa itaas ng building kung saan nandun ang dulo ng pila. Sa tantya ko ay wala pa naman ako sa ika-isang daan kahit alas-otso na.

Hindi ko rin maipaliwanag sa sarili ko kung bakit hindi ako masyadong naiinip sa pila. Dito ko lang din napatunayan na ako pala talaga 'yung tipo ng tao na okay lang makaranas ng hirap, maranasan lang ang hirap na 'yun. Kung alam mo ang ibig kong sabihin. Dagdag experience para sa isang first timer na katulad ko. Kahit mainit, okay lang dahil nalilibang naman ako sa mga taong nasa palagid ko. Isa 'tong si "Albert Martinez" sa bumuo ng araw ko. Isama pa 'tong dalawang mama na hindi naman magkakilala pero magkamukha at pareho pa ng suot ng damit. Akala siguro nila hindi ko napansin na nag-iwasan na sila ng tingin noong makita nila ang isa't isa.

Ang suma tutal ng mga pangyayari, pagkatapos kong pumila para sa pagbabayad, encoding at biometrics, malalaman ko lang pala na marami akong kapangalan at pagkalipas pa ng 10 working days nilang tinatawag ko pa makukuha ang clearance ko. Malamang siguro iimbestigahan pa nila ako at ang mga taong kahati ko sa parehong pangalan at apelyido. Ilan kaya ang kriminal sa mga Alexis na 'yun? Sana naman wala.

Isa 'to sa ikokonsidera ko balang araw: ang pagbibigay ng sobrang kakaibang pangalan sa magiging anak ko. E.g, Goyo Procopio Dhalsim Blanca Gutierrez. Kung hindi naman makukuha sa ganun, lagyan na lang siguro natin ng numero at underscore sa pangalan ang magiging mga anak natin. "Gloria Transformer_24 Arroyo".

5 comments:

  1. Swerte ka na sa lagay na yan. Alas otso tapos nakakumpleto ka pa.

    ReplyDelete
  2. here lang pala you! haha!


    ayos ang name ng baby-to-be mo ah!

    ReplyDelete
  3. Ayos ka, ah.... you know what tama ang aking hinala na propesyonal ka na sa pagsulat... parang pelikula na low budgeted pero hanep ang kikitain sa takilya... Mahirap kasi gumawa ng mga simpleng storya na nahohold ang interes ng audience...

    Meron akong nabasa noon na englis writer...simple lang din ang pagkuwento-no highfaluting words pero maganda ang flow ng mga wordings at pag-agos ng storya.

    Yon nakita ko sa mga kuwento mo...simple pero maganda ang pagbagsak ng mga salita....

    ReplyDelete
  4. Kakaiba naman ang pangalan ng magiging anak mo. Mahihirapan siya pag kumuha siya ng mga national tests.. Mahaba kasi. hehe

    ReplyDelete