Pages - Menu

Sunday, November 13, 2011

Nabosohan Ko Si Ate Sa Jeep

Sakay ako ng jeep, mausok tulad ng dati. Maingay ang paligid hindi tulad noong unang panahon na kalesa't mga paragos lang ang sasakyan. Sa tantiya ko, anim na pasahero lang ang kulang para tuluyan nang mapuno. Swerte ko na rin na walang anim na tao ang nagkainteres sumakay sa jeep na sinasakyan ko. Hindi kami nagmukhang mga sardinas. Hindi kami nagkakaamuyan ng hininga sa tuwing may sisigaw ng “Para!” at “Ma, bayad po!”.

Banayad ang byahe.

Ugali ko nang magmasid sa paligid kapag sakay ako ng jeep. Tulad pa rin ng mga ibang araw na laman ako ng latang ito na tumatakbo sa lansangan, sila’t sila pa rin ang mapupuna mo sa paligid. Mga taong nagpapakahirap, tinitiis ang init ng araw makabenta lang ng yosi at kendi, mga taong namamalimos, mga matandang inabandona ng sariling pamilya, mga taong nakahubad, mga baliw, mga basura, makapal na usok at ang mga pulis na nakabalandra ang malalaking tiyan sa daan!

Nagsawa ako sa pagmamasid at iniukol ko na lang ang atensyon ko sa mga bagay na matatagpuan sa loob ng jeep. Napansin ko si ate na tinatakpan ang ilong ng anak n’ya, na kanina ko pa dinidilaan at kinekengkoy. Kaya naman pala, si manong drayber nagsindi ng sigarilyo kahit nakahambalang sa harapan n’ya ang karatulang "No Smoking". Naglaway na naman siguro ang gago.

“Beep! Beep! Beep!”, nagsimulang mag-ingay at magsigawan ang busina ng mga jeep sa isang parte ng Sta. Mesa. Lagi na lang may trapiko dito, walang pagbabago. Kapag may trapiko, hindi maiiwasan ang mga bayolasyon ng ilang mga drayber. Mas maraming magkakamali, mas maraming pulis ang matutuwa.

“Beeeeeeeeeeeeeeeeep!”, isang mahabang busina ang nakatawag ng pansin ko, ng mga tao, at lahat ng basurang nakakalat sa kalsada. Isang FX ang nakahambalang sa daan. Sa gilid ng FX, isang kulay saging na bantay trapiko ang mabilis na tumatakbo. May bayolasyon si manong, binuksan ng enporser ang pinto. Ang tsuper ng FX mukhang nagmamadali, binato ng drayber ang enporser at mabilis na humarurot. Hindi umimik ang enporser pero may bakas ng ngiti sa mukha. Kaya naman pala, ang putang inang alagad ng batas, binato ng suhol. Pulang papel ang nakita ko. Sa halagang singkwenta pesos, binili ni mamang tsuper ang serbisyo ng kaawa-awang bantay trapiko.

Anong bago? Wala. Normal na ang ganitong senaryo sa lansangan. Hindi na ako nagtaka. Ang lubos lang na nakapagpalubog sa akin ay nang mamataan ko ang isang puti sa loob ng humarurot na FX. May malaking ngiti sa mukha nito na tila nanlilibak at unti-unting niyuyurakan ang pagka-Pinoy ko. Isang banyaga na tinatawanan ang bulok na sistema ng ating bansa.

6 comments:

  1. Aww.. nakakahiya. Pero oo, normal na nga yata ang ganyang sitwasyon.. Lahat, pwedeng bayaran. Kahit matibay na prinsipyo, nababali.. bastát meron nang pera sa usapan. :(

    ReplyDelete
  2. na intriga namn me agad sa title ...hahahaha...bad me!!!

    eneweys...uso na talaga ang mga ganitong eksena ngayon akshulee....sa kasamaang palad ;(


    ...happeee new yr nga pala..na miss ko tong blog mo ^^

    ReplyDelete
  3. galing ng title mo ah. nakuha mo kaagad ang atensyon ko -- at nahila mo ako hanggang sa huling tuldok. di dahil sa hinihintay ko ang pamboboso-scene mo, kung hindi dahil napakainteresante ng pagkakasulat mo. may sense. ang galing mo, goyo! :)

    ReplyDelete