Pages - Menu

Monday, November 28, 2011

Wala pang five minutes!

Sa tagal ng nakaburo sa memorya ko ng mga pangyayaring 'to, hindi ko na rin halos matandaan kung bakit nga ba ako lumuwas noong araw na 'yun. 'Yun ata 'yung maghahakot ako ng gamit  sa boardinghouse na pangunahing saksi sa tuluyan kong pagtaba. Ewan. O baka isa lang ang araw na 'yun sa libong beses ko na lumuwas pa-Maynila. Hindi naman mahalaga ang date. Bakit ba pilit ko pang inaalala, e hindi naman graded ang kwentong 'to.

Tulad din ng ibang mga araw na tumuntong ako sa teritoryo ng Tanay, hindi na naman ako nagmintis sa pagkain ng mga paborito kong street food. "Diet" ang ibinubulong ng utak ko, impit na "Healthy living" naman sabi ng atay ko. Ang totoo lumampas na ako sa isang hilera ng isaw. Bigla ko namang naisip na wala akong barya kaya bumili na rin ako. Limang tae-taeng puwet ng manok na tinuhog sa isang stick, bituka na kulay orange at 'yung, ewan ko kung anong parte ng manok 'yun. Baka nga hindi sa manok 'yun e. 'Yun ang inorder ko!

Sinuma ko ang proseso ng pagluluto. Ipinatong ang mga napili kong kainin sa maduming bakal na mula ata noong ginamit ay hindi pa nakatikim ng pagligo with sabon. Pininturahan ng mantika. Tinusok ang mga baga para maipon sa ilalim ng mga isaw para mabilis maluto. Wala akong nakitang malinis sa proseso ni koya sa totoo lang. Tanging paniniwala ko lang na masarap 'yun, kaya binili ko pa rin. Masarap naman talaga! Ang totoo, hindi naman ako maarte sa ganito kaya lang kasi, 'yung kasabay kong ale, ano kasi e, shit!

Pagkatapos maluto ng lalantakan kong isaw, pinatambay ko muna ang dalawang stick sa negrong bakal at kinuha ko naman 'yung isa para isawsaw sa suka, pagkatapos ay isinawsaw ko ulit sa matamis na sarsa. Ganun din ang ginawa ng aleng kasabay ko. Tatlo rin ang binili n'ya tulad ko. Nasa pangalawang isaw na ako, ganun din s'ya. Nauna lang ako sa kanyang mag-angat ng stick sa sawsawan. Habang ninanamnam ko ang sarap ng tae ng manok sa bitukang orange, medyo napagbalingan ko ng atensyon si ale. Mauubos na 'yung isaw ko, inangat na n'ya 'yung ikalawang stick n'ya. Pag-alis na pag-alis n'ya ng stick sa tapat ng bunganga ng sawsawan at akmang isusubo na, kapag nga naman mamalasin, nahulog lahat sa semento ang isaw n'ya. Doon sa sementong puno ng paltak ng sarsa at medyo mamasa-masa pa dahil sa ulan.

Kibit balikat lang si ale at medyo dedma sa mga pangyayari. Ganun din naman ako. Diretso na lang ako sa ikatlong stick ko, shortcut naman si ale sa ikatlo n'ya. With smile and feeling of satisfaction ang aura ko nun, pero s'ya mukhang medyo bitin. Dala na rin ng bilis kong kumain, naubos ko agad 'yung ikatlo. Si ale ay nasa kalahati pa lang, ng bigla naman s'yang yumuko. Akala ko magpupunas lang ng paa, medyo maputik nga kasi noon dahil sa ulan. Pero nagkamali ako. Dinampot n'ya ang putang inang isaw na nahulog 4 mins and 30 secs ago. Buzzer beater, pre! Mukhang dalang dala si ale ng mga kasabihan noong araw tungkol sa king inang five minutes rule na 'yun, kesyo putik at maduming semento ang binagsakan.

Hindi naman n'ya agad isinubo ang nahulog na isaw, ipinatong n'ya muna sa gilid ng lalagyan ng sawsawan at inubos muna 'yung kinakain n'ya. Medyo lumingon sa paligid, pagdapo ng tingin n'ya sa direksyon ko, medyo sumide-view ako sa kanya para 'di n'ya mapansin na inoobserbahan ko s'ya. Pagkakita n'ya na safe and clear na ang paligid, aba syempre, kinuha n'ya ulit 'yung dirty dirty-isaw at lumakad na palayo.

Iniwan n'ya ako sa ere ng pagkabitin. Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa akin kung tuluyan n'yang pinangatawanan ang five minutes rule at walang alinlangang kinain ang putikan at mamasa-masa sa tubig ulan na isaw. Pasalamat na lang at hindi n'ya isinawsaw ulit. Thank you lord, lord of isaw sa pagliligtas sa mga susunod na magsasawsaw sa sarsang 'yun.

7 comments:

  1. Magaling kang magkuwento at it holds ang audience...pero napansin ko ung titulo ay parang hindi mo nabigyan ng pansin sa intro or somewhere doon. mas malakas ang dating pre kapag nabigyan mo siya ng hustisya at hindi basta sumulpot na lang sa isang sentence and zoom-nawala na...parang ung nabitin na ale ang dating... and, parang ibang pelikula na kahit hindi bagay ay nilalagyan ng romansa na pwede namn maintindihan ng manonood kung ano ang nangyari... I mean, ito ay ang iyong paggamit ng salitang kalye na wala naman naitulong sa pagganda ng storya, bagkus ay nakakasira...imbes na pang rated General audience - matanda, hanggang sanggol ay pwedeng basahin ay naging PG tuloy...

    yon lang naman, pre.... so pwede mo pa iyon maedit para mailabas mo yong pinaka-isaw na gusto mong ilabas...

    ReplyDelete
  2. @Czar, maraming salamat sa mapanuring komento. Hehe. Bago lang siguro kayo dito. Wala na po akong ieedit dyan, natural na pagkukwento ng mga walang kwentang pangyayari sa buhay ko talaga ang porte ko. No rules, at walang panuntunan sa tamang pagsulat. Salamat ho. :)

    ReplyDelete
  3. Sabagay ang lahat naman is depende sa manunulat dahil un ang style.

    Ang totoo ay di talaga rin ako marunong sumulat pero mahilig magbasa at alam ko if ang kuwento ay may sinasabi. halimabawa na lang ay ang tapusin kong basahin ang kuwento mo dahil maganda ang takbo.
    At nasasayangan ako sa mga kuwento na kagaya nitong sa iyo... may K...pero nahahaluan ng mga salita na nakakasira sa kalidad. Dahil pwede ka naman gumawa rin ng mga kuwento na pwede mong gamitan ng mga salitang ganoon.

    Ang mga kuwento kasi ay parang ginto na pwedeng lagyan ng tanso at lalo siyang gaganda dahil nababagay sa gawa.

    Anyways, go on writing at you can always e-mail sa akin mga bago mong kuwento.... Sabi nga ng ibang writers "Some talent are worth to watch!"

    ReplyDelete
  4. @Czar, thank you sir! Naappreciate ko ang mga comments n'yo! Maraming salamat talaga. Magagamit ko 'to sa pagsusulat, alam ko! :)

    ReplyDelete
  5. Welcome... at sa pangalan pen name mo na Goyo malayo ang mararating if mag-adjust ka ng kaunti. Interesado akong malaman ano ba storya ng Goyo? pwedeng maging oyog, yogo,ogoy, na pwedeng iba-ibang ugali at karakter... hwag mo nang isulat d2 sa comments, gawin mo na lang uli na poste a blogo mo..

    Goodluck!

    ReplyDelete
  6. @Czar, masasagot ang mga tanong n'yo kapag ginanahan kayong magbackread sa blog ko. Hehe.

    ReplyDelete
  7. ang kulit ng experience na ito... totoong totoo....

    ReplyDelete