Pages - Menu

Tuesday, December 27, 2011

Bayaw, ang atay mo.

Kung isa ka sa limang taong sumusuporta sa bawat update ng blog na 'to hanggang ngayon, aba'y maraming salamat sa pagtitiyagang dumalaw sa nilalangaw ng lugar na 'to. Pana-panahon lang 'yan ika nga ng mga peeps na wala namang alam sa weather forecasting pero hilig pakialaman ang salitang "panahon". Maligayang pasko sa salitang hapon! Nga pala, masyadong personal pero walang laman, angas at pagiging paastig ang mga idadaldal ko dito, mamon. Tamang kwentong kutsero at mga iniisip ko lang habang nangyayari ang bawat tagpo noong mga sandaling 'yun. Game! Mahaba-habang kwentuhan 'to.

Dalawampu't dalawang taon na akong nagpapasko, at sa bawat taon na lumilipas ay paunti ng paunti ang aginaldong natatanggap. Sa kabutihang palad ko na naman na ubod ng laki at puro kalyo, kung kailan naman wala akong natanggap na regalong materyal ngayong taon, tsaka naman naging pinakapanalo ang pasko. Hindi lang 'yung isang buong lechon na nakadapa sa lamesa noong noche buena ang punong dahilan nito, maniwala't manalig ka.

Kung tutuusin, sa tuwing sasapit ang pasko ay iisa lang naman kadalasan ang eksena sa bahay ng lola ko. Pagkatapos ng misa ay rekta na agad sa bahay nila. Pagdating doon ay magmamano sa lahat ng nakakatanda, tapos ay kakain na ng kahit anong handang nakahain. Magpapalitan ng regalo kung meron. At mag-iingay na ang mga pinsan kong halos lahat e puro bata. Boring kung tutuusin dahil halos wala akong makahuntahan tungkol sa mga bagay na interesado akong pag-usapan. Pero iba ang paskong 'to sa inakala ko.

Matagal tagal na rin pinamamahayan ng alak ang katawan ko. Magkagayunpaman ay nahihiya pa rin akong magpakita sa mga kamag-anak ko habang lumalaklak. Kung respeto ang tawag dun, magalang pala talaga akong bata at karapat-dapat lang makatanggap ng regalo galing kay Santang bundat, si Santang bundat na hanggang ngayon ay nagpapaasa pa rin sa mga batang walang sawang nagsasabit ng medyas ng erpat nilang may fungi. At dahil nga kaiiba ang paskong 'to sa akin, inalok ako ng tito ko na uminom ng alak. 'Yun 'yung angkol ko na madalas magalit sa aking kapag nakikita ako sa tindahan habang bumibili ng matotoma. Matandang tao na rin siguro kasi talaga ang turing nila sa akin kaya hindi na s'ya nag-alangan pa sa pag-alok. Alam kong dalawang talampakan lang ang babaw nito, pero kasi medyo konserbatibo ang pamilya ko at hindi masyadong bukas sa mga bisyo.

Unang pasko rin ito na hindi ko nakasama ang kapatid ko sa noche buena. Hindi naman ganun kalungkot dahil alam naman namin na nasa malapit na ospital lang s'ya naka-duty. Ang kagandahan lang dito, pagkatapos ng konting shot sa vodka na alok ni Angkol Kiye at pagpapak ng lechon, ipinagbalot ng ermat ko ng makakain si utol. Dinala ko 'yun sa ospital kasama ang pinsan kong si Buleley para may ma-noche buena dun si sister. Parang 'yung mga eksena lang dati sa patalastas ng Coca-cola tuwing pasko. Ang sweet!


Pagkatapos ng konting kaba sa pagmomotor namin ni Buleley dahil hindi ako sanay sa pag-angkas sa kanya, medyo nagpahangin kami sa tapat ng tindahan at uminom ng tag-isang boteng beer. Noong pasko ko lang din nakabonding ng ganun si Kuya Leley. Siya ang pangalawang pinaka-matanda sa aming magpipinsang buo, tuwing may okasyon lang din kasi sila umuuwi. Pagkatapos ng tag-isang bote ay inabutan n'ya ako ng dalawang daan. Paghatian na lang daw namin 'yung limang daan na ibinigay ng 'To 'Nyo na drinking allowance sana naming dalawa nung gabing 'yun. Kinuha ko naman ang dalawang daan at inaya na lang s'ya na makiinom na lang sa iba naming pinsan sa kapitbahay lang nila Lola. Mga second cousin namin ang nandun, pero halos lahat 'yun mga kababata ko. Hindi pumayag si Leley, takot pala sa alak at San Mig Light lang ang gusto. Ako na lang mag-isa ang pumunta.


Pagdating sa likod bahay nila Bakamak na tanaw sa kusina ng mga lola ko, wala lang. Magkababata kami ni Bakamak at ni Von. Noong kabataan nga namin ay may isang taong pare-pareho naming ninong. Sabay-sabay kaming pumupunta roon para mamasko. At taun-taon din noong kabataan namin, tag-kakwarenta ang natatanggap namin. Noon ko lang din nakaharap sa inuman 'tong dalawang pinsan kong 'to. Hindi kami magkakalayo ng edad, halos buwan lang ang mga pagitan. Pero sa pag-aaral ay lamang ako sa kanila ng isang school year. Puro kwentuhan ang naganap. Konting kantahan at puro tawanan. Masarap sa pakiramdam sa totoo lang. Iniisip ko nga noong mga sandaling 'yun na ano kayang lagay ko ngayon kung bukod sa pagiging magpipinsan e naging magtotropang dikit din kaming tatlo.


Empi Lights ang ininom namin, tapos sinundutan ng Red Horse hanggang matapos. Unlimited ang pulutan pati ang kantahan. Inabot kami ng alas-kwatro. Lasing ako pati 'yung iba pang mga tropa nila na kakilala ko rin na nandun. Wasak pero sakto lang. Habang papauwi na, hindi na ako nag-alangan pa na isuka sa tapat bahay ng dati kong titser at kamag-anak ang lahat ng nainom ko. 'Yun 'yung titser ko na nagbigay sa akin ng 84 sa First Grading sa subject na Social noong first year. 84 ang ibinigay n'ya sa akin kahit napagbintangan ako ng nagbabantay na nangongopya noong exam sa subject na 'yun. Kapos lang ang markang 'yun para mapasama ako sa honor list. Failing grade dapat 'yun e, kaya lang kamag-anak ko ang titser! Tsaka kasi siguro, mataas din ang nakuha ko sa exam. E pano, nangopya nga raw! Pag-angat ng ulo ko pagkatapos sumuka, gumaan ang pakiramdam ko pero ramdam ko na gumegewang ang lakad ko.


Sobrang tahimik ng paligid. Parang ako na lang halos mag-isa ang nasa labas bahay sa buong bayan ng Jalajala. Malamang noong mga oras na 'yun, marami na ang lugmok sa kalasingan. Masyado kasing maaga ang misa, naging maaga rin tuloy ang noche buena at pagtoma. Habang naglalakad ay naalala ko na nagtext nga pala sa akin ang dalawang tropang dikit ko para mag-inom. Nakatira lang sila pareho malapit sa bahay talaga namin. Walking distance lang naman at ilang kanto lang ang pagitan. Dun din naman ako dadaan pauwi. Ang masama nga lang, hindi ako nakapagreply noong nagtext sila dahil napasarap na ako sa inuman kasama ang mga pinsan ko. Pagdaan ko sa pwestong sinabi nila, tapos na pala ang mga hudas. Diretso na lang ako sa paglakad. Nakita ko si Koyak na isa dun sa dalawang mokong na nagtext, tinawag ako. Nag-iinom sila kasama naman ang mga pinsan n'ya rin na kapitbahay lang namin. Pumasok ako sa loob pero hindi na ako uminom. Nagyosi lang ako ng isa tapos nakipagkwentuhan. Nung makaramdam na ako ng antok, diretso na ako sa bahay pati sa higaan. Natulog akong lutang, wasak, pero masayang masaya. Lasing pero balewala. Nakangiti pa nga e.


Kinaumagahan, sarap na sarap ako sa pagtulog ng bigla naman akong gisingin ng ermat ko. Nasa labas ng bahay daw ang inaanak ko. Inaanak ko 'yun kay Rely na kaklase ko noong high school. Pasko rin ako nag-ninong sa anak n'ya. Sa kanya ako unang beses na nagninong. Laking tuwa ko noon dahil sa dami ng maiimbitahan na maging ninong sa mga kakilala n'ya at dating kaklase, naisip n'ya akong isama. Hindi ako nag-alangan noon na tumanggi pa dahil sa totoo lang ay masaya ako kapag naaalala ako sa mga ganung bagay. Hindi rin ako nagdalawang isip na pumunta sa binyag n'ya noon. Dalawang pasko na ang nakakaraan, lasing din ako noon sa pagkakatanda ko. At taun-taon na nga pagkatapos ng binyagan ay dumadalaw s'ya sa bahay para pagmanuhin ang anak n'yang lalaki sa akin. Inabot ko naman ang ampaw na may lamang isang daan. Galing pa 'yun sa ermat ko. E pa'no, wala naman akong trabaho.


Pagkaalis nila Rely kasama ang asawa n'ya ay bumalik agad ako sa higaan para ipagpatuloy ang naudlot na tulog. Isang oras pa lang akong tulog ay biglang may tumawag na naman. Nasa labas ang kaklase at tropa ko naman noong high school din na si Epe. Magni-ninong daw ako sa anak n'ya. Ang loko, naka-dalawa na pala. Medyo huli na nagpasabi pero ayos lang. Alas-onse raw ang binyag. Um-oo ako at sinabi ko na makakaasa s'ya sa pagpunta ko. Kumain agad ako ng tirang spaghetti, tumae pero hindi lumabas ang ebak ko, at naligo na. Kahit lasing pa ang pakiramdam ko ay dumiretso pa rin ako sa simbahan. Naalala ko na dalawa nga pala ang pagni-ninungan ko ngayong pasko. Pinipilit ko talagang makadalo sa mga ganitong paanyaya. Ang sa'ken kasi, kahit man lang sa mga ganitong mga bagay ay maging responsable ako at maaasahan. Parte na rin ng pakikipagkapwa at lalong pagpapatibay ng nasimulan na pagkakaibigan. Pagdating sa simbahan ay nakita ko agad sila. 'Yung isa kong kaklase rin noong high school hindi nakapunta. Ito ang nakakatuwa dito. Marami kaming magto-tropa noong high school, pero isa na naman ako sa naalala n'ya. Tinatanong ko nga kung bakit hindi n'ya kinuha si ganito at si ganun, nakalimutan daw n'ya. Salamat brad sa pagpapaalala na may isang katulad mong maaasahan ang tingin sa tulad ko.


Sa simbahan, ang dami ko ring nakitang mga dating kaklase. 'Yung iba noong elementary pa. 'Yung iba naman, noong 1st year high school pero mga lumipat din ng school. Mga nagpapabinyag na ng anak. Binati ko pa 'yung isa ng, "May anak ka na pala ano?". Oo raw at lahat naman daw kami darating dun. Umuna na raw s'ya dahil ganun din naman daw 'yon.


Pagkatapos ng misa at pagbibinyag ng kura paroko namin na mukhang nagulat pa sa pagiging in-demand ko sa binyagan dahil nga dalawang beses akong ninong sa isang araw, ay dumiretso na kami sa bahay nila Epe para kumain at syempre, mag-inom na naman. Pagkakita ko sa masayang mukha ng mga anak at asawa ni Epe, para bang may kung anung pwersa sa loob ko na nagsasabing parang ang sarap ng magkaanak. Parang masarap maging ama sa ganitong edad. Bukod sa hindi ka malalayo ng edad sa anak mo, pansin ko rin na marami sa mga kakilala kong naging maagang magulang ang mas lalong napaganda ang buhay. Mas mga naging responsableng tao. Kung may kaya nga lang kami, baka maaga rin akong nag-asawa at pumasok sa buhay ng pagiging ama.


Konting bolahan pa, dumiretso rin kami sa inuman. Ang kagandahan lang sa ganitong inuman lalo kapag napapapunta ka sa ibang lugar o kahit sa lugar lang na medyo hindi kalayuan sa bahay n'yo pero sa isang bayan pa rin, 'yung mga kakilala mo lang sa pangalan at mukha, opisyal pagkatapos ng inuman ay magiging kabatian mo na. Bagong mga kumpare, bagong mga kakilala at katoma. Mawawala ang ilang at hiya. Dati tanguhan lang ng kilay, ngayon may kasama pang pare kapag nakasalubong. Hindi pa man kami nakakarami sa inuman, ay sumunod naman sa lugar na pinag-iinuman namin ang panganay ni Epe. 'Yun pala ang hirap din kapag may anak at asawa na. Kapag inawat ka sa bisyo at pagsasaya, wala kang kawala at mahirap talagang tumanggi. Bilib din ako dito kay Epe dahil napakamasunuring mister, malambing pa sa anak. Nga pala, siraulo 'to noong elementary e. Lagi 'tong nang-uupak ng mga walang laban. Pa'no, malaking bulas rin kasi, pikon pa.


Alas-sais ng gabi na rin ako nakauwi noon kahit hindi pa naman talaga madilim. Nagpahatid na lang ako sa tricycle pero sa kanto lang sa street namin. Maglalakad na lang kako ako at para na rin maidaan ko 'yung isang ampaw na nakalimutan kong ibigay dun sa isang bagong inaanak ko. Pagkahatid ng ampaw, pinashat lang lang ako ng isang basong Red Horse, tapos sibat agad.


Pagdating sa bahay, naabutan ko pa si nanay. Hindi naman nagalit. Naintindihan naman na parte 'yun ng pakikisama dahil nag-anak nga ako sa binyag. Ilang minuto pa ay umalis din si nanay para pumunta sa simbahan at naiwan akong mag-isa sa bahay.


Mga isang oras at kalahati na siguro akong nakababad sa computer para magpawala ng tama ng biglang tumawag naman sa labas ng bahay ang isang alagad pa ng sangka-alakan. Mga alas-otso na siguro 'yun. Si Baben ang tumawag kasama naman ang mga kaklase ko noong highschool. Ano pa nga ba, hindi pa man bumababa ang amats ko mapapainom na naman. Kakaunin daw nila ako dahil nga mag-iinom. Nagprisinta na lang ako na sa bahay na mag-inom para hindi na ako mapalayo dahil may tama pa nga ako. Inayos ko lang ang mga upuan at lamesa, nagpaalam ako na magpapahinga lang saglit tapos barek na.


Humiga ako ng kulang isang oras, tapos lumabas din ako para asikasuhin naman ang mga bisita. Ngayon napatunayan ko ng tama nga ang sabi nilang kapag nasundutan ang unang inom mo ng isa pang inom, halos hindi ka na talaga tatablan ng alak. Wala na kasing talab ang Red Horse noong gabing 'yun. Nagluto pa ako ng noodles, nagprito ng meat loaf, at nakipagkupalan hanggang alas-kwatro ng madaling araw. Solved e! Walang tama, pero pagod sa pag-iimis ng mga kalat.


Nag-footlong pa kami pagkatapos, at ginawa ang ritwal na hatiran sa mga bahay-bahay palakad habang kumakanta ng mga awiting natutunan noong elementary at high school. Memories. Ramdam na ramdam ang simoy ng papalapit na reunion. At tulad ng dati, ako na naman ang huling nakauwi ng bahay. Tumae lang ako, tapos natulog na. Nakapagpahinga rin sa wakas ang atay at baga ko.


Congratulations nga pala sa mga peeps na hindi nakatiis sa paglamon ngayong pasko at bakasyon. Ipagdiwang natin ang lalong pagiging mga baboy natin! Mabuhay!


Kung umabot ka ng pagbabasa hanggang dito, maligayang pasko sa'yo. Sana e naging masaya rin ang paskuhan n'yo! Salamat sa pakikinig ng mga kadaldalan ko. Kailangan ko lang talagang maidokumento ang isang 'to.


Kung hindi ka naman umabot dito at maagang nagsarado ng tab, buti naman at hindi mo na mababasa ang mura ko sa'yo. Biro lang. Ge.


No comments:

Post a Comment