Pages - Menu

Monday, December 19, 2011

Field Demonstration

Noong mga panahong batukan at extra pa lang si Willie Revillame sa mga pelikulang komedya noong 90's at hindi pa milyonaryo; si Andrew pa lang ang uso at hindi pa kilala ang "Stupid Love" ng Salbakuta; kasagsagan ng rurok ng kasikatan ni Ely Buendia at Eraserheads; hindi pa sikat si Piolo at wala pang bahid ng kabaklaan; column pa lang ni Xerex Xaviera ang alam kong basahin sa tabloid na Abante; bold pa ang tawag sa porno at VHS ang takbuhan ng matatanda at mga batang pilit nagpapabinata; patok na patok pa ang mga maaksyong pelikula sa Pinas; kulang labing isang taon na ang nakakaraan, bilang pagpapaikli sa dami ng sinatsat ko, grade 5 pa lang ako noon.

Noong grade 5, nakilala namin ang transferee na 'to na papangalanan nating Abes. Boy band ang patok sa amin noon pero mukhang punk at rap metal ang pinapakikinggan ng taong 'to base na rin sa kawirduhan na taglay n'ya. Sa pagkakaalam ko, laking urban ang mokong na 'to at hindi ko alam ang history n'ya kung bakit s'ya napadpad sa tahimik na bayan ng Jalajala. Habang masaya kaming naglalaro ng jackstone kasama ang ilang kaklaseng babae para makapanyansing kapag wala ang titser na sobrang dalas talagang mangyari noong panahon namin, nagsusugal sa ilalim ng puno ng talisay, nagsisikyo sa damuhan pagkatapos magdilig ng halaman sa hapon at iba pang ordinaryong larong pamprobinsya ng mga batang nag-aaral sa public elementary school, si Abes ay skateboarding na ang trip. Madalas ko rin s'yang makita noon na naglilibot sa kabayanan habang sakay naman ng itim na cross country mountain bike na nakaset-up na. Kumbaga, sa madaling sabi, cool skater boy si Abes noon pero hindi namin alam. Paki ba namin dun, e pataram lang ang alam ko. Parang skateboard din ang porma pero pataw ang gulong.

Maraming alam 'tong si Abes, lalo sa science sa pagkakatanda ko. Hindi kami naging sanggang dikit. Sa katunayan nga ay niloko rin namin s'ya noon ni Memeng tulad ng ginawa naming pan-jajamming kay Jimboy nung transferee rin s'ya noong grade 4. Sinabihan namin s'ya na ang lahat ng bagong transfer ay may initiation. Nakalimutan ko na ang nangyari sa pagkukunwaring astig at siga namin noon, hindi ata natuloy ang initiation kuno namin kay Abes.

Hindi man kami ganun naging close, may mga eksena naman kami dati kasama ang ilang malalapit kong kaibigan na nagpapaturo kami kung pa'no mag-skateboard kay Abes. Dun ko rin unang naranasang mag-split at maramdaman ang sakit ng paghalik ng betlog sa semento. Pagkatapos nun, puro pantitrip na ang ginawa namin kay Abes. Isang malaking wirdo at pagkakatuwaang kaklase na lang ang naging tingin namin sa kanya. At dahil nga dun, natuloy din ang initiation na matagal na pinlano.

Nagpunta kami noon sa isang lugar na may kalayuan sa school habang oras ng klase. Maraming damo at puno ng mangga sa lugar na 'yun. Sikat na laruan kasi 'yun malapit sa lugar namin kaya dun na kami nagkayayaan. Sumunod si Abes sa amin. Dahil nga bago sa lugar at dayo, gusto n'ya ring magkaroon ng mga kaibigan. Sinabi namin ang initiation. Sa isang ubod ng laking puno ng mangga na may nakalawit na mahabang sanga, pinasakay namin si Abes at niyugyog hanggang sumuko. Nakalusot naman si mokong sa pagsubok pero hindi pa rin namin s'ya naging ka-close.

Madalas din ang eksena noon na pagkakaisahan s'ya ni Jimboy at Jeilon. Kunwari magpapatulong si Jimboy kay Abes para gulpihin si Jeilon, pero paglabas na paglabas ng gate sa school, si Abes ang pagtutulungang gulpihin ni Jeilon at Jimboy. Iniisip ko nga ngayon kung tanda pa rin ni Abes ang masasaklap na pangyayaring 'to sa buhay grade 5 n'ya sa Jalajala.

Naalala ko lang naman 'tong mga kwentong 'to dahil nakakita ako ng mga batang nagsasagawa ng Field Demo sa bayan ng Teresa noong isang beses na lumuwas ako. Field demo rin kasi namin noong araw na 'yun. December 'yun kasabay na rin ng Christmas party namin sa elementary. Medyo badtrip ako noon, dahil pagkain na naman ang nakuha kong regalo kapalit ng anghel na piguring binalot ko para sa exchange gift. Nauubusan na kami ng magagawa noon sa school, nauubos na rin ang mga bata sa loob ng eskwelahan. Nang biglang dumating si Abes na sakay ng mountain bike n'ya. Hindi na nag-aksaya ng oras si Jeilon nun, gamit ang straw sa iniinom na patok na palamig with sago, itinusok n'ya 'yun sa leeg ni Abes. Dala na rin ng ispiritu ng pantitrip at pagkabadtrip sa pagkain na nakuha sa exchange gift, gamit naman ang ring na nababalutan ng papel de hapon at yari sa kawayan na pinaikot, na ginamit namin sa exercise portion ng field demo, mabilis at ubod lakas kong inihataw sa mukha ni Abes 'yun. Swerte lang at mabilis na nakailag ang mokong at tanging hugong na lang ng paghataw na ginawa ko ang narinig namin.

Noong grade 6, hindi ko na mahalungkat sa memorya ko kung lumipat ng school si Abes o nagpalipat lang ng section. Abes, kung nasaan ka man ngayon, idol pa rin kita dahil sa galing mong mag-skateboard. Sayang din nung pinatalsik mo 'yung skateboard mo para puntiryahin ang paa ni Pareng Jeilon, kung tinamaan 'yun, mas malalang gulpi siguro ang aabutin mo.

Kung sakali nga palang maligaw ka dito, sana tanda mo pa kami. Hinahanap kita sa facebook, boy, pero hindi kita makita. Sorry nga pala sa mga ginawa nila sa'yo. May nabalitaan din nga pala ako na magkakaroon daw ng reunion sa elementary sa darating na summer sa 2012, sana magpakita ka 'tol! The End.

1 comment:

  1. alam mo bang muntik ko ng isipin na parang kagaya toh ng kanta ng parokya na "buloy" pero pinagkaiba lang buhay pa si abes... wala lang naisip ko lang.. Sa totoo lang bihira akong humanga sa isang tao.. as in bihira... pero tulad nga ng pag idolise mo sa kaibigan mong long lost friend na di mo maxadong close eh sana magkita muli kayo in time.. patawag ka ng alumni homecoming malay mo dumating yun ng naka skateboard :)

    Nga pala... bago lang kasi yung URL name ng site ko last year lang... pero matagal ka na nadadaan sa blog ko... ako si walongbote ng painuminmoko.. :) yun lang..

    ReplyDelete