Pages - Menu

Wednesday, December 21, 2011

Industrial Engot

Aminado naman ako na hindi ako nabiyayaan ng angking atletisismo at pambihirang lakas. Lahat ng puntos na pwedeng mapunta sa attributes na 'yun, dumiretso sa height at kagandahang lalaki. Wala namang pwedeng umangal dito, bukod sa obvious at malinaw ang ebidensya, blog ko kasi 'to. Dun kayo sa blog n'yo magbuhat ng sarili n'yong mga bangko, mga reklamador. Hindi man ako kalakasan, hindi mo rin naman pwedeng sabihin na lampa ako. Tamad siguro, p'wede pa.

Ang ayoko lang naman sa lahat, 'yung pinagmumukha akong walang silbi. Lahat naman siguro ng taong nasa katinuan at pinamamahayan ng konting yabang sa sarili ay ayaw ng ganun. Hindi naman sa nagmukha talaga akong walang silbi, hindi lang siguro masyadong pinagtiwalaan at medyo nasayangan lang ng isang araw. At sa tuwing maaalala ko nga 'tong karanasan kong 'to noong elementary, lintik ang iyamot at pagkabwisit na nararamdaman ko. Heto na naman tayo sa naalalang mga istorya. Panget naman kasi kung puro pagtambay at pag-iinom lang ang ikukwento ko dito with matching tikol 'pag sobrang bagot na talaga.

Nasa huling taon na kami noon sa elementary. Bukod sa mathematics, wala na akong ibang paboritong subject. Ayoko ng english noon, kaya siguro bobo ako dito. Nagmumukha pa namang matalino at malalim ang tao kapag inglisero, sayang. Maraming subject noong elementary ang petiks lang. Kung hindi kayo uutusan ng titser magbungkal ng lupa, magdilig, maglinis o kaya'y magbuhat ng mga gamit, minsan nama'y iba't ibang project ang papatirada sa inyo. 'Yun ang petiks sa amin noon. Kapag hindi tungkol sa pag-aaral ang gagawin, mas masaya. Kanya-kanyang takas 'pag may pagkakataon. Uso ang tamad, walang gustong matuto.

May subject kaming Industrial Agriculture noon. Ewan ko kung tama ang pagkakaalala ko. Mukhang tama naman. Tungkol 'yun sa paghahalaman, pagtatanim at iba pang bagay na may kinalaman sa lupa. Kung tatanungin ako kung ano ang pinaka-natutunan ko sa asignatura na 'yun, sa kasamaang palad 'tol, "budding" lang ang naaalala ko. Isama mo na rin ang project na tig-iisang sako ng tae ng kalabaw para mapirmahan ang clearance.

Bago pa man dumating ang graduation at bakasyon, nagkaroon pa muna ng isang pagtitipon kung saan maglalaban-laban ang lahat ng public elementary school sa buong bayan ng Pililla at Jalajala. Mga kalagitnaan siguro ng school year 'yun. Lunes na lunes, pinuntahan ako ng isang kaklase para ibalita na pumasok daw ako ng maaga dahil ilalaban ako sa pag-aasada at pagbubungkal ng lupa. Duda ko, pinili lang ako kasi nga malaki ako. Biglaan lang ang lahat. Wala sana akong balak pumunta at aabsent na lang. Bukod sa hiya, hindi ako handa. Pero noong nalaman ng nanay ko ang lahat, kesyo ipapadala sa ibang lugar, nakakaproud na agad 'yun sa kanya bilang isang ina. Kaya ko namang mag-asada at magbungkal ng lupa. At dahil paligsahan nga 'yun, malamang na matalo ako dahil wala naman akong alam sa tamang paraan at mga teknik kung paano itatanim ng maayos ang mga dapat itanim. Maging sa proper stroke at porma ng katawan sa pag-aasada, hindi ko alam kung meron mang ganun.

Wala na akong nagawa. Isinuot ko ang pinaka-mukhang bago kong puting t-shirt at navy blue na shorts. Nagsapatos din ako tulad ng lagi naming ginagawa noon 'pag may espesyal na kasiyahan, bisitang mga opisyal galing DepEd o okasyon sa eskwelahan. Ako nga raw ang ilalaban at kasama ko 'yung isa ko pang kaklase na may kinalaman naman sa circuits ang lalabanan. Marami pang kasama, pero 'di ko na tanda kung sinu-sino. Wala akong matandaang instructions na ibinigay sa akin noon. Sumama lang ako basta. Sumakay kami ng jeep patungo sa venue na medyo may kalapitan lang naman. Layung-layo ako noon sa lugar na 'yun dati, akala ko pa nga masusuka ako sa byahe e.

Pagdating dun, konting pila at sulat lang ng pangalan. Tinitingnan ko ang mga batang nandun. Mukhang mga sanay sa lupa at may bestfriend na kalabaw ang bawat isa. Dehado ako isip-isip ko. Dinala na kami sa lugar kung saan may mga nakalaan ng parihabang pwesto para bungkalin. May ibinigay ding papel kung saan nakasulat naman ang dapat gawin. Pagkabigay ng hudyat, bungkal agad ako. Tang ina, ano ba namang klaseng lupa 'to, puro semento! Kahit anong hataw at bungkal ko, parang nabubungi lang ang asada. Bukod sa semento, mabato rin ang lugar. Ang mga bulbuling batang nasa palagid ko, parang mina-mani lang nila.

Ilang minuto pa ang lumipas, tagaktak na ang pawis ko. Tinawag na ako ng sir at sinabi na pumunta na ako sa room dahil si Dao Ming Ze (hindi tunay na pangalan) na ang bahala. Hindi ko alam kung saang room ang tinutukoy n'ya pero umalis na rin ako. Naghanap na lang ako ng bakanteng kwarto kung saan ako pwedeng tumambay. Nakakita naman agad ako. Nag-iisa lang ako. Wala akong magawa. Kahit hindi pa tanghalian, inupakan ko na ang maluto kong hotdot at kanin huwag lang makaramdam ng bagot. Dun ko rin napag-isip-isip na mukhang ganun naman ata talaga ang plano. Ipampopronta lang ako pero hindi talaga ako ang ilalaban kundi 'yung bataan ng sir namin na 'yun. Kung ang angking kagwapuhan ko ang dahilan, salamat na rin. Kahit na halos panawan ako ng katinuan dahil sa pagkapraning sa pag-iisa sa loob ng silid na 'yun. Pakiramdam ko ginamit lang ako. Sobrang O.A nun, pero 'yun talaga ang nararamdaman ng batang-batang puso ko noon.

Kinahapunan, pinabalik na ako dun sa pinag-aasadahan nila. Ako na ang tumirada ng final touching sa mga sementong tataniman daw para magmukhang convincing ang lahat. Natapos ang pagbungi sa asada, ako lang ang mukhang mabango sa lahat ng kasaling bata. Lahat sila amoy putok dahil na rin sa araw at pagbibinata. One day contest lang pala ang event na 'yun. Ilang oras lang bago mag-uwian ay magkakaroon na ng awarding. Susumahin lang ang score galing sa mga judges. Sa unang pagkakataon sa buhay ko, noon lang ako kinabahan na baka manalo ako. Noon lang din ako napasabak sa isang patimpalak kung saan ayokong manalo. Na ang magiging paghirang sa'kin bilang isang kampiyon ay magbubunga ng mas malaking kahihiyaan.

Sa awa naman ng mga hari ng taeng kalabaw na ginamit bilang pataba kuno sa bagong gawang taniman, hindi ako nanalo. Natalo rin si Dao Ming Ze na s'ya naman talagang kasali sa pagalingang mag-asada at magbudbod ng tae ng kalabaw sa lupa.

Natapos ang araw na 'yun. Umuwi ako sa bahay. Pumasok ako kinabukasan sa paaralan. At tulad noong umuwi ako sa bahay, kahit isang tutule, hindi pumasok sa isip ko na ikwento pa sa mga kaklase ko tulad ng ginawa kong pagtanggi sa pagbabahagi ng walang kwentang karanasan na 'yun sa nanay ko. Nay sorry, pero walang nakakaproud sa ginawa ko dun.

4 comments:

  1. nung nag-aaral pa 'ko, may choice ang mga estudyante kung anong klaseng T.H.E. ang kukunin nila: kung computer studies, home economics, electronics, o animal husbandry. bilang maarte akong bata nung mga panahong 'yun (hanggang ngayon naman), , at para maging mabango at hindi mag-amoy putok tuwing hapon, mas pinili kong mag-aral ng computer na prenteng-prenteng nasa loob lang ng de-aircon na classroom kesa ibilad ang sariling wankata sa arawan. dun ko napatunayan na maabilidad nga pala 'kong bata. XD

    gusto ko 'yung fighting spirit mo. ipagpatuloy mo 'yan. may mararating 'yan. \m/

    ReplyDelete
  2. @L, fighting spirit saan? Haha!

    Nung elementary kami, wala kaming magagawa sa kung anong subject. Kung anong nasa kurikulum, yun lang ang kukunin namin. Huhu.

    ReplyDelete
  3. naranasan ko din yang pagbungkal bungkal na yan ng lupa,pero hindi naman kami gumamit ng kalabaw...asada lang,kasi gumagawa kami ng flat,mukhang kabaong na maumbok,flat ang tawag pero hindi naman sya flat hahaha...ayon tanim tanim kuno ng mga sitaw,munggo at tama,pataba nang tae ng kalabaw ang pataba na pinulot ko sa kaparangan...

    dun sa nanay mo naman,sasaya talaa iyon kasi dayuhan iyon kontesan,kasi proud siya ilalaban ang kanyang anak,kasi magaling..ahahaha. alam na lam ko yan...

    gandang gabi alexis!:)

    ReplyDelete
  4. as always, nakakatuwa ang paraan mo ng pagkkwento. ang galing naman at naalala mo pa ang feeling mo nung time na yun. pero napasmile talaga ako sa last sentence. :)

    ReplyDelete