Pages - Menu

Wednesday, December 14, 2011

Jingle Rockers

Sa ganitong mga pagkakataon at panahon, walang halong plastikan 'to, aminin natin na higit na mas nagiging maligaya ang mayayaman dahil sa may pera silang pambili ng mga bagay na nasa wishlist nila. Brand new phone, 'yung Iphone 4S! 'Yun na nga ba ang pinakabago? Wala akong ideya e, ang alam ko lang may hologram na 'yun. Bagong kamera kahit isasabit lang naman sa leeg para gawing bling-bling habang parang tangang nakatambay sa mahal na kapehan o di kaya'y namamasyal sa mall. Bagong laptop na may nakaukit na mansanas kahit bago pa 'yung isa. Magagarang mga damit, sapatos, tsinelas na akalain mong higit isang libo ang presyo at kung anu pang mga burloloy na hindi ko masikmura kung anong kabaliwan ang nakain ng mga tao para pagkagastusan. Bakasyon sa mga bansang may isnowbol at iskrambol na bumabagsak, at marami pang iba na hindi arok ng utak kong isipin. Sariling wishlist nga hindi ko na pinag-aksayahan ng panahon e, 'yung inyo pa kaya!

Dala na rin ng trufax na 'to at katotohanan na wala naman talaga akong pera, ang mga simpleng barya noon ay malaking ligaya at ngiti talaga ang ibinibigay sa mga tulad kong hindi nakatikim ng playstation noong kabataan. Dala na rin ng mahigpit na pangangailangan sa barya para makapaglaro sa videohan ng Power Rangers, Sonic Wings at Kontra, at para na rin makapag-kara y krus o kaya text money kapag maraming kaagaw na kapwa bata sa videohan, grupo rin kami ng kabataan noon na sumabak bilang mga jingle rockers sa tuwing papalapit ang kapaskuhan. Oo 'tol, batang karoling din kami noon. Jingle rockers dahil noong panahon namin ay kulang ang kantyaw na "Thank you! Thank you! Ang babarat ninyo thank you!" para sa barat na matatanda, matik ang pagkalampag sa gate o di kaya ay sa bubong 'pag walang lumabas na magbibigay ng papasko. Ira-rock namin ang mga bahay n'yo sabay takbo at pahabol sa aso!

Ilan lang kaming magkakababata noon na gabi-gabing nag-iingay pagkatapos maglaro sa damuhan. Hirap kaming mangaroling noon sa totoo lang dahil kami-kami lang din halos ang nakatira sa lugar namin. Kaya minsan, lumilibot talaga kami sa kabayanan na hindi naman kalakihan. Sa pagkakatanda ko, ang pinakamalaki na ata naming napaskuhan ay hindi lumampas sa singkwenta pesos. At 'wag ka, masaya na kaming magso-softdrinks at tinapay pagkatapos mag-ingay!

Naalala ko rin noon na medyo kinarir talaga namin ang pangangaroling. Parang naging bisyo ang pag-iingay at pambubulabog taun-taon. Pagdapo ng pentelpen sa numero disi-sais sa kalendaryo, tanghali hanggang hapon ay abala na kami sa paggawa ng tambol at paghahanap ng tansan na gagawing pantugtog kinagabihan. Nasa ilalim kami ng superbisyon ng tumatayong lider namin na itatago na lang natin sa pangalang Pepeng. S'ya halos lahat ang gumagawa ng mga pangaroling namin. Set-up ba. Tag-iisang tadyak at batok din nga pala ang inaabot namin noon kapag nagsimula kaming maglandi sa pagkanta.

Nakakatawa ring isipin na ang pinaka-wasak na karanasan ko noon sa karoling ay hindi nangyari na kami mismo 'yung nangangaroling. Nangyari pa 'to na si ermat at utol ang kasama ko. Absent ako noon sa lakad namin ng mga tropapips ko. Nangaroling sila, samantalang ako ay namalagi lang sa bahay. Buti nga nakakakilala ng tropa. Dahil sasama talaga ang loob ko noon kung absent na nga ako sa karoling, tapos tatapat pa sa bahay namin. Sa awa naman ng Santaklaws na mataba, hindi nga tumapat ang mga tropa ko sa bahay. Medyo palalim na rin ang gabi noon, hanggang sa simoy na mismo ng hangin ang nagdala ng tunog ng paparating na kantahan galing sa grupo ng matatanda na manonolosit ata para sa Christmas party. Kapag pa naman matatanda ang nanghingi at tumapat sa bahay n'yo, mahina ang bente pesos at mahirap talagang tanggihan. At dahil wala talaga kaming perang pambigay noong araw na 'yun, kaysa naman bugawin namin at magmukhang mga taong hindi nadapuan ng espiritu ng kapaskuhan, pinatay na lang namin ang ilaw sa buong bahay at nagkasya na lang kami sa pagsilip sa bintana habang piit na piit sa pagtawa.

Ngayon namang matanda na ako, naiintindihan ko na kung bakit lintik kung mambugaw ang matatanda noon sa tuwing tatapat kami sa mga bahay nila. Nakakabwisit naman pala talaga kapag minamaya't maya ka ng mga bata sa paghingi ng barya bilang kapalit sa mga nakakarindi nilang kanta. Tapos mamaya makikita mo, ayun nagdodota at facebook habang nakanganga.

1 comment:

  1. Paglingon sa Kamusmusan,naamoy ko tuloy ang malamig na hangin sa Bayan ng Jalajala sakop hanggang Bagumbong. hehe bilang nsa syudad na ang iba,"kalangitan" na lang din ang common ground ng mga magkakaibigan. :( nice shot of recollection.

    ReplyDelete