Pages - Menu

Friday, December 2, 2011

Land mine lang pala ang tatapos sa'kin.

Ang angat ko na lang siguro sa ilang mga kapwa ko tambay ngayon ay meron kaming computer sa bahay na mapaglilibangan. Nakakapanood ako ng pelikula at porno ng libre dahil dito, nakakapaglaro ng tetris sa facebook at nakakapagkalat ng kung anu-anong kataehan sa internet. Kasabay rin ng konting pagkabwisit sa ilang mga bagay na nakikita ko rito. Pero kahit na ganun, at kahit ano pang sabihin ko, tambay pa rin ako. Tulad rin ng isang tambay, wala akong pera at madalas hindi ako naliligo.

Kahit nangangati na ako kagabi ay nagbabad pa rin ako sa harap ng computer. P'wede namang maligo na muna, pero syempre tamad ako kaya mas pinili kong magkamot na lang habang nanonood ng kilalang tv series. Pakiramdam ko nga gagalisin ako sa sistemang ganito.

Kung sino pang walang masyadong ginagawa, s'ya pa ang madalas na gutom. Ginutom nga ako kagabi, pasado alas-onse habang nangungupal sa facebook. Tumayo ako sa kinauupuan ko at naghagilap ng pera sa kabahayan. Nakita ko 'yung pitaka ng nanay ko, swerte may bente. Mas matindi ang tawag ng sikmura kaya kinidnap ko na si Manuel L. Quezon at isinilid sa bulsa. Wala namang makakaalam, hangga't hindi 'to nababasa ng nanay ko.

Mag-aalas dose na nung lumarga ako palabas ng bahay. Naghanda ako ng isang malaking bato sa kanang kamay ko, panindak sa mga bwisit na asong walang ginawa kundi kumahol pero oras na ambaan mo, sigurado namang tatakbo.

Nakakapagtaka na parang wala atang kumakahol na aso, patay din ang ilaw sa poste. Pakiramdam ko nga may masamang mangyayari. Lumilingon lingon ako sa paligid kasabay ng pag-iisip na may lalapit sa aking zombie. Una isa lang, tapos magiging dalawa at oras na tumakbo ako papalayo ay mas marami pa ang makakasalubong ko. Nasa kanto na ako, walang lumabas na zombie pero masama pa rin ang kutob ko.

Imbes na sa kaliwa ako lumiko pagdating sa kanto, ay kumanan na muna ako. May nakita akong ilang kakilala na galing sa inuman. Binigyan ako ng isang sigarilyo at 'yung libreng juice nila galing sa buy 1 take 1 na burger nilang binili. Pagkaubos ng yosi at juice ay dumiretso na ako sa bibilhan ko ng makakain. Jampong sana ang kakainin ko, pero nagbago ang isip ko dahil sa lipstick ng tindera. Mini burger na buy 1 take 1 ang inorder ko. Sampung piso 'to kapag solo, kinse naman kapag sa promo. Syempre, dun na tayo sa makakatipid, ata.

Habang naghihintay sa pagkaluto ng mini burger na dapat ata ay lagyan ng "super" sa unahan, kung anu-anong bagay ang naglalaro sa isip ko. Mag naghaharurutang motor, iuunat ang kamay ng lalaking sakay sa likod habang hawak ang isang uzi at tatadtarin ako ng bala. Sa tuwing may maririnig akong paparating na motor, hindi mawala sa isip ko ang ganung eksena hanggang sa putulin ni ateng tindera ang pag-iimagine ko sa pagsasabi n'yang luto na ang burger at kailangan na n'yang kunin ang bayad ko.

Tumayo agad ako pagkakuha ng biniling pagkain at sinimulan ko ng banatan ang maliliit na burger habang naglalakad. Dadaan na naman ako sa madilim na kalsadang 'yun. Bumalik sa isip ko ang mga panget na zombie galing sa The Walking Dead. 'Yung zombing bulok na ang mukha at tumutulo pa ang bituka, at bigla akong kumagat sa hamburger. Hindi naman ako matatakutin, pero kadiri na zombie ang iniisip ko habang kumakain ng burger. Nag-isip ako ng medyo malalim, binalikan ko 'yung pelikula ni Adam Sandler at inisip ko kung anung klaseng pagmamahal ang kailangan ng isang lalaki para matanggap n'ya ang isang babae na may dalawang anak na sa pelikulang Just Go With It. Sabagay, kung Jennifer Aniston nga naman, bakit hindi diba. Kahit apat na anak pa.

Nagsisimula ng maglaro ang malilikot na imahe sa isip ko ni Jennifer Aniston habang kumakagat ako sa ikalawang burger ko, ng biglang may narinig akong harurot ng motor na papunta sa direksyon ko. Malapit na ako sa bahay nun, malapit na rin mabuos ang karingot na hamburger. Papalapit na ang motor, kasabay din ng muling pagbalik sa isip ko ng lalaking naka-uzi na papatay sa'kin. Isang segundo ng pag-iisp, mabilis akong tumabi sa gilid ng kalsada. Tang ina, may natapakan akong bomba!

Salamat sa tae ng aso. Naalala ko ang baho mo kaya naligo ako ng maaga kanina. Masyadong maaksyon ang kwento't karanasan na 'to para sa isang tambay na katulad ko.

1 comment:

  1. Ahahaha.. Ang galing ng narration mo kuya. Astig! :)

    ReplyDelete