Pages - Menu

Saturday, December 17, 2011

Simbang Puuuuuuuu!

Kung pang-ilang libong noypi na akong magsusulat ng may kinalaman sa simbang gabi, wala na akong pakialam dun. Wala rin akong balak pakialamanan pa ang mga peeps lalo ang mga kabataan na nagsisimba lang para pumorma, pumwesto sa labas ng simbahan para mag-people watching o mas kilala bilang simbang tabi, mga magsyota na ginagawang dating place ang simbahan at iba pang bagay na pinagkakaabalahan ng mga peeps habang nasa loob o labas man ng simbahan. Marami ng santo ang gumawa nun, ayoko ng ulitin pa. Kanya kanyang trip lang 'yan. Ika nga nila, walang basagan. Hayaan na lang. Tulad din ng hindi nila pagpansin sa mga masasamang bagay na ginagawa n'yo pagkalabas ng simbahan. Digs?

Kahit naman kasi ako dumaan sa pagsisimbang tabi, kabataan e. Lilipasan din sila dun. Kung sakali mang hindi sila lumipas sa ganoong gawain, may magagawa pa ba tayo? Oo, ang pakialamanan ang mga sarili natin at hindi ang ginagawa ng ibang tao.

Nakakalibang naman kasi talagang magmasid lang ng mga tao habang nakaupo sa labas ng simbahan at kumakain ng kung ano. Naalala ko rin kasi noon na wala namang bumasag sa trip namin na diretso simbang gabi na pagkatapos tumoma sa kung saan. Pagkatapos ng misa, jogging naman ang kasunod. 'Yun kasi ang trend, ayaw lang namin palampasin ang kabataan namin ng hindi man lang nararanasan ang mga ganung bagay.

Noong high school, uso rin ang paghihintay ng alas kwatro ng madaling araw pagkatapos ng Christmas party. Rekta simba na rin 'yun, puyat lang ang kalaban at walang halong kalasingan. Hindi pa naman kasi kami marunong uminom noon. Sa maniwala ka't sa hindi, medyo good boy talaga ako noon e.

Nito ngang isang araw ay muling nagsimula ang simbang gabi. Hindi tulad dati noong elementary ako na sobrang excited akong gumising ng madaling araw, ngayon naman ay kailangan pa ng matinding konsentrasyon at determinasyon para malabanan ang antok at puyat na nararamdaman. Umabot naman ako sa attendance noong first day, pero mahirap talaga. Minsan maiisip mo na lang, ang simbang gabi at pasko nga ata ay ginawa talaga para sa mga bata. Dahil habang lalong tumatanda, pabigat ng pabigat ang pag-iisip kung paano lilipas ang pasko, syempre sa tulong ng pera. Walang plastikan, hindi naman kasi kami mayaman.

Habang antok na antok akong nakaupo sa bermuda grass sa gilid ng simbahan noong unang araw ng simbang gabi ngayong taon, bumabalik sa mga alaala ko ang kabataan ko. Araw-araw nagsisimbang gabi talaga ako noon. Walang mintis kahit ako lang mag-isa. Gigisingin ako ni nanay ng alas-tres y media. Ihahatid ako sa labas ng bahay at babalik ulit s'ya sa pagtulog katabi ng kapatid ko. Lagi akong nakajacket noon at salwal na may bulsa. At ang lagi kong baon sa tuwing magsisimba, sampung pisong pambili ng puto na iaagahan namin pagkauwi ko. Laging ganun. At masaya na ako sa ganun.

Tandang tanda ko pa rin nga noon na nagpadala pa ang tatay ko ng limang pisong papel kalakip ng sulat n'ya, pambili ko raw ng puto kapag nagsimba ako. Nakakatawang isipin na minsan kong nakumpleto ang simbang gabi ng dahil lang sa puto. Simbang puto, kung may maitatawag man ako doon. At ang wish ko? Sa kasamaang palad, sa pagkakatanda ko ay marami pang puto ang hiniling ko.


2 comments:

  1. simbang puto FTW!
    haha
    naalala ko din, nakakaulog lang ako pag simbang gabi. sorry naman. tao lang :))
    Maligayang pasko goyo!

    ReplyDelete