Pages - Menu

Wednesday, December 28, 2011

Super Lolo

Kapag nga naman aabutin ng kamalas-malasang kamalasan, sa hindi inaasahang katangahan ay nasira ang pinakamamahal kong telepono. Hindi naman 'yun ganun kamahal, kaya lang kasi ay wala talaga akong mapagkukunan ng pamalit dun. Hindi ko naman sinasabi 'to para pasaringan kayo na regaluhan ako ng iPhone 4S para tuluyan ko ng maka-enkwentro ang bida ngayon na si Siri; si Siri na sagad sa kakornihan ng mga noyping netizens ay nagkaroon pa ng pinoy version na tinawag namang Vangie; si Vangie na sa kasamaang palad ay hindi man lang umabot ang pilit na pagpapatawa sa kalingkingan ng kiliti ko.

Mabalik tayo sa usapang katangahan sa pagkasira ng telepono ko, nahulog 'yun at nawasak ang screen, tuldok. At kung bakit ko sinabing kamalas-malasang kamalasan, dahil noong pasko ay nahulog din ang telepono ng kapatid ko at ang ending, wasak din ang screen. Parehong sirang LCD ang ikinamatay ng mga telepono namin. Kung hindi pa nagkataong dual sim ang bagong MyPhone ng ermat ko, hindi ko mababasa ang tatlong libong text messages na naglalaman ng mga pagbati noong pasko. Ang kapatid ko naman ay pinagtyagaan na lang ulit 'yung 3315 na pinaglumaan ng nanay ko. Take note, tweety bird ang housing nun!

Dahil nga sa mga kaganapang ito sa buhay namin ng mahal kong kapatid ay binalak kong bumili ng bagong telepono. Inutusan kasi ako ng nanay ko na magbayad sa Meralco pero hindi ng electric bill. 'Yung kuntador namin na binasag ng mga tarantadong animal na walang magawa dito sa bayan namin ang babayaran ko. Kahit hindi naman kami ang may kasalanan nun, kailangan pa rin talagang bayaran. Pera-pera na naman! Sa Meralco sa  bayan ng Tanay ako magbabayad, at dahil may mini esem dun, isasabay ko na rin ang pagtingin ng matitipuhang ceepee. Sa kasamaang palad nga lang, hindi ko nabayaran ang dapat bayaran sa Meralco dahil sa aberya, at mas lalong mas masamang palad, walang ceepee na hindi lalampas ng 500 pesos kaya hindi na rin ako bumili. Sa hirap ng buhay ngayon ng mga tambay na katulad ko, limang daan lang talaga ang budget ko para magkaroon ng bagong telepono. 'Yun lang kasi ang suma total ng napaskuhan ko.

Nakakarami na ako ng kwento pero hindi ko pa rin alam kung paano isisingit ang super lolo. Gawan natin ng paraan, teka. Pagkaalis ko kasi sa mini esem ay dumiretso na ako sa terminal ng jeep para makauwi na at lumipas ang pagkadismaya; pagkadismaya na ultimo si Jollibee my friend e tinabla ko sa unang pagkakataon. Bago sumakay ng jeep ay pumunta muna ako sa pampublikong takubets para umihi, you know para swabe ang byahe. May kasabay akong isang matanda sa pagpasok sa takubets. Hayaan mo na isingit ko muna 'tong dalawang payo na ito bago ko sabihin ang nangyari kay lolo.

1. Habang bata pa ay kumain ng kumain ng gulay lalo 'yung mga pampalinaw ng mata. Iwasan din ang matindihang pagbababad sa harap ng computer. Siguro nga'y lahat ng tumatanda ay makakararanas ng paglabo ng mata dahil sa gabi-gabing pagkapa sa dilim kapag nagkaasawa na, pero pwede pa rin namang maiwasan.

2. Kumain ng masusustansyang pagkain lalo ang mga gulay, na naman. Ayusin din ang kumbinasyon ng mga pagkaing kakainin. Huwag kumain ng bulok at kanin baboy. Kung hindi ako nagkakamali, may shit ata na nagsasabing "We are what we eat". Speaking of shit, kaya ko inulit ang pagkain ng masusutansyang pagkain ay upang maiwasan ang madalas na pagkasira ng tiyan.

Balikan natin si lolo na kasabay kong pumasok sa kubeta. Kung ang pakay ko sa pagpasok sa kwebang ubod ng baho na 'yun ay umihi, si super lolo naman ay mukhang sira ang tiyan. Halata sa pagmamadali n'ya na mukhang nakadila na talaga ang mga ebak sa wetpaks n'ya. Mahina na pa naman ang pamigil ng mga matatanda. Sa kasamaang palad ni lolo na medyo kulubot na talaga, hindi n'ya napansin na ang pintong pinasukan n'ya ay may malaking karatulang nakahambalang na nagsasabing, "Bawal tumae dito. Tang ina, barado!". Good luck kay lolo.

2 comments:

  1. good luck kay lolo. paktay!

    Tipid ka pa ng konti sir goyo, baka may celpon na around 700.

    ReplyDelete
  2. Ang talagang kawawa dun ay yung taga-linis.

    ReplyDelete