Pages - Menu

Saturday, January 14, 2012

Sa piling ng kabayong may regla.

Hindi ko lang sigurado kung si San Miguel o 'yung pulang kabayo ang nagsabi na, mas makikilala mo raw ang isang tao partikular ang mga kaut-utang dila at kakiskisang siko mo na kapag nakainom, o mas dabest kapag lasing talaga. Ang hindi nila alam, mas makikilala nila kung sino ba talaga sila kapag sila mismo ang nakalasing sa mga sarili nila, sabi ko.

Unang beses kong makaranas uminom mag-isa ay hindi dahil sa bigat ng mga problema kong pasan. Uminom lang naman akong mag-isa noon kasi nabitin ako sa yayaan naming magto-tropa na lalabas kami at mag-iinom nga. Last minute pagkatapos ng mga klase nila ay nagbago ang isip ng dalawang unggoy. Pakiramdam ko nga noon napagpasyahan lang nilang hindi na ako isama sa lakad at kunwari lang talaga 'yung sinabi nila na hindi na tuloy kasi wala na silang pera. Pinalungkot ko ang sarili ko para ma-push ako lalo na tumuloy sa lakad, kahit mag-isa! Makalipas ang ilang minuto, nakita ko na lang ang sarili ko na nagsusuot ng pantalon at sapatos. Sumakay ng jeep, naglakad, bumili ng yosi sa 7-Eleven at pumasok sa isang bar hindi kalayuan sa dati kong boardinghouse sa Mandaluyong.

Sa medyo gawing labas ako pumwesto para mahangin. Itinaas ang kamay para magpapansin sa waiter, halos ibulong ko na tatlong boteng Red Horse lang ang order ko at wala akong balak bumili ng pulutan. Solb na ako sa yosi, kahit ang totoo ay malakas talaga akong mamulutan sa mga inuman. Isa pa, wala rin naman akong masyadong pera. Pagdating ng tatlong bote ng pulang kabayo, baso at isang bucket ng yelo ay agad akong nagsimula. Ninanamnam ko ang musika sa paligid, dahan-dahan kong isinaling ang beer sa basong halos kalahati ay may lamang yelo. Humampas ang malamig na hangin sa mukha ko kasabay ng pagpapawis ng baso, senyales na malamig na rin ang beer na iinumin ko. Tumungga, ibinaba ang baso at nagsindi ng sigarilyo. Paulit-ulit hanggang makadalawang bote na ako.

Sa mga ganitong pagkakataon na mag-isa, pero wala namang mabigat na problemang dinadala, kakalabitin ka talaga ng pananabik sa mga taong gusto mo talagang makasama. Itinext ko agad ang unang taong pumasok sa isip ko, pababa sa pinaka-hindi gusto. Tuluy-tuloy ang paglikot ng isip sa mga bagay na maaaring mangyari. Panay ang lingon sa paligid. Naghahanap ng makakausap. Naghahanap ng posibleng makilala. Palihim na tinatawanan ang mga tao. Palihim na pinagnanasahan ang mga kababaihan. Patagong pina-fuckyou-han ang mga panget na syota ng mga hot bebot. Lumagok muli sa beer. Dinig na dinig ang malakas na busina ng bus. Nagsindi ng sigarilyo, humithit at bumuga ng usok. Tumayo, pumunta sa banyo para makipila sa pag-ihi, humarap sa salamin at sinabi sa isip na, "Sobrang gwapo ko talaga!". Inalok ng masahe ng bouncer na rumaraket. Nagpamasahe at binarat sa katorse pesos na tip. Bumalik sa upuan, isang tungga na lang pala ang natitira sa beer. Pinatagal ang nalalabing alak, nagkasya sa paninigarilyo at pagmamasid sa paligid. Maraming rumesponde sa mensaheng ikinalat, pero walang tumugon sa paanyaya. Nilagok ang huling tagay.

Itinaas ko muli ang aking kanang kamay para magpapansin sa panget na waiter. Pati pala 'yung bouncer masama ang mukha. Isama mo na rin 'yung gwardya, putang ina. Shit!, nalasheng ako. Mas nakakalasing ang tatlong bote ng Red Horse kapag walang kakwentuhan at tanging sariling isip ang kahuntahan. Naglabas ng pera at iniabot ang bayad. Pamasahe na lang ang natira. Lumayas sa maingay na lugar na 'yun.

Muli akong nagsindi ng sigarilyo habang naglalakad. Lasing ako, pero okay lang ang pakiramdam ko. Dabest ang tipsy feeling na nararamdaman ko. Lutang. Pinagmumumura ko lahat ng nakakasalubong ko. Inilalabas ko ang mga salita, pero hindi ko inilalakas na maaaring makatawag sa atensyon ng taong minumura ko ng walang laban. Ang pangit ng trip ko. Tinamaan ako sa ininom na regla galing sa masungit na kabayong 'yun. Umuwi na lang ako. Wala pa rin akong kasama. Pero solved ako sa pakikipagbonding sa sarili ko.

xXx

Nitong nakaraang araw lang, pagkatapos kumuha ng exam sa isang kilalang kumpanya, muling makakain sa KFC na matagal ko ring hindi natikman at medyo pinagsisihan na sana sa Mang Inasal na lang ako lumamon, ay muli akong uminom mag-isa kahit medyo kabababa pa lang ng araw. Tulad ng dati, tamang bonding sa sarili. Muni-muni lang at tamang senti. Sinasabi ko sa inyo, dapat subukan n'yo 'to!


2 comments:

  1. Gawain ko rin uminom mag-isa noong college. Sarap lang magisip isip...

    ReplyDelete