Pages - Menu

Saturday, January 7, 2012

Sundutin mo kasi muna.

Hindi pa lumilipas ang isang linggo, supil agad ako sa lahat ng kalaban na inilagay ko dun sa pseudo-resolution ko para sa taong ito. Buti na lang talaga at hindi ko 'yun direktang tinawag na new year's resolution. Kasi kapag nagkataon, mukhang new year's resolution nga talaga ang labas nun dahil sa pagkabigo kong matupad ang lahat ng planong nakalagay dun. Lalo lang tuloy lumakas ang pagnanais ko na ipalipat ang simula ng bagong taon sa January 8. Isang linggong buwelo muna bago magbago. Kalokohan!

Hindi ko alam kung pa'no sisimulan ang pagkukwento sa mga eksenang naganap kagabi kahit sinisimulan ko na pala. Ang alam ko lang ay wasak talaga ako. Tulad ng pagkawasak ng lahat ng ipinangako kong pagbabago sa ilang bagay tungkol sa sarili ko. Mahirap palang mag-dyeta at magpapayat kapag tambay lalo na't sustentado pa ng mga magulang ang bunganga at sikmura mo. Ganun din ang pag-iwas sa bisyo, napaka-imposibleng takasan para sa isang tambay na katulad ko lalo na't mga tambay din ang tropa ko. Ang pinaka-maganda talagang solusyon dito para magsunud-sunod na ang pagbabagong inaasam-asam ko ay ang pagkakaroon ng trabaho. Pero bago 'yun, ikukwento ko muna sa inyo ang mga eksena kagabi dito sa teritoryo ko. Ang hihilig talagang mag-angas ng mga duwag talaga na katulad ko dito sa internet, teritoryo pang nalalaman.

Hindi pa man kumakagat ang dilim na wala namang ngipin dito sa'men ay nakatanggap na ako ng text message galing kay tropa na hindi na natin papangalanan, para na rin sa proteksyon ng pagkatao n'ya. Maaga pa lang inabisuhan at tinimbrehan na n'ya kami na mag-uubusan na naman kami ng atay at baga pag-uwi n'ya dahil kailangang-kailangan n'ya raw ang pakikiramay namin. Ano pa nga ba? E di 'yung numero unong problema ng mga kids ngayon, ang mahiwagang pag-ibig na kadalasan ay mga galit na ugat at sariwang hiwa lang naman ang pinaghuhugutan. Pero iba ang kaso ni tropa, dibdiban at matindihang usapang bote talaga ang kailangan. Hindi raw kasi biro ang sakit at lungkot na ibinigay sa kanya nun, sabi n'ya.

Pasado alas-dyis, muling nagtext si tropa na nasa bahay na raw s'ya at lumabas na rin daw ako. Lumabas naman ako sa kalsada pero hindi ko na s'ya nakita. Nagmamadaling uminom ang bata, sibat agad sa bahay nila Master Bab. Naghilamos agad ako at nagsipilyo, halos kagigising-gising ko lang din kasi nun, hindi na nga ako naligo eh. Nagpalit lang ako ng t-shirt, nagsuot ng jacket at konting papa cologne, tapos sumunod na rin ako sa pwesto kahit pa medyo natatae ako nung oras na 'yun. Pagdating sa pwesto, redi na ang lamesa, butong kalabasa, maanghang na mani, malamig na tubig at isang tore ng emperaning. Sinimulan agad ang tagay, sinimulan na rin ang pagkukwento ng mga emo shit tungkol sa buhay pag-ibig. Sundut-sundot lang ng konting mga payo at tamang pakikinig lang ang ginawa namin ni Master Bab, ay s'ya barik na ulit!

Hindi pa ubos ang emperaning ay nagpabili na agad ng isang kahon na pulang kabayo ang bagong dating na manginginom din. Mabilis nalasing ang may problema, natawa na lang kami ni Master Bab sa mga eksena. Umikot ng umikot pa ang tagay, naubos ang mani at butong kalabasa, nasunog na ang mga baga, natunaw ang mga yelo, at nagbukas pa ng dalawang de lata. Tang ina, hindi na ulit ako magpupulutan ng sardinas, sobrang lansa! Hindi maganda sa serbesa at mukhang pangkanin lang talaga.

Ilang oras pa ng kwentuhang wala ng katuturan, nalalasing na rin ako. Pagkaubos ng huling bote ng mucho, inaya ko na ang problemadong si tropa para umuwi. Maraming nag-offer ng ride pero tinanggihan namin. Mahirap ng ma-kidnap, alam mo na mayaman sa taba. Naglakad na lang kami dahil sobrang lapit lang naman. Sabay kaming parehong lasing, magkapit-bahay lang naman kasi kami. Susuray-suray na sa paglakad. Konting hinto para sumuka at umihi tapos lakad ulit. Pagdating sa huling kanto papunta sa bahay-bahay namin, naki-join na rin ako sa pagsuka pero hindi lumabas lahat. Aminado ako, tinamaan din talaga ako sa salpukan sa alak na 'yun. Nakakalasing ata ang laway ng mga nadagdag sa inuman namin, 'yun ang hinala ko kaya nalasing ako. Bihira kasing mangyari 'yun sa strong at mayabang na katulad ko.

Pagdating sa bahay ay pumunta muna ako sa likod para umihi. Lasing nga ako ramdam ko. Kinuha ko na ang susi sa secret place. Bukas ang ilaw sa loob, gising na si nanay. Kumatok na lang ako at diretso agad sa kwarto. Humiga agad, binuksan ang bentilador, itinodo at itinutok sa katawan sabay lock ng kwarto. Rinig na rinig ko ang talak ng nanay ko. Umiikot ang paningin ko. Biglang lumamig ang pawis ko. Punyeta, masusuka na naman ako! Pero ayoko munang lumabas ng kwarto, lalo lang lalakas ang talak ng ermat ko. Naghintay pa ako ng ilang saglit, alam ko kasing aalis si ermat para mag-jogging kasama ng kumare n'ya. Lalo lang humahaba at lumalakas ang talak. Sukang-suka na ako. Tatayo na sana ako para lumabas ng kwarto at titiisin ko na lang ang talak ng bigla naman akong nasinok bago pa man ako makabangon. Napahawak ako sa bunganga ko. Umupo ako, nakatutok ang mukha ko sa bentilador. May umagos sa gilid ng bibig ko na konting likido. Nagtuluy-tuloy, lumabas ang suka ko sa kumot. Kinuha ko ang kumot, lalo akong nakaramdam ng hilo. Nasuka pa ulit ako ng isa sa dalawang unan, sa kobre kama, itinodo ko na ang pagsuka, tang ina nasimulan ko na e. Pati ang shorts at damit ko nasukahan ko na rin. Ramdam ko rin ang pagkabasa ng brief ko. Hinubad ko ang damit at salwal ko, itinira ko lang ang brief ko. Hinubaran ko ng sapin ang kama. Pinagsama-sama ko ang lahat ng telang may suka sa ilalim ng higaan. Kumakatok ang kapatid at nanay ko, ayokong buksan ang pinto. Nakakahiya ang ginawa ko! Unang beses lang akong masuka sa bahay namin, sa loob pa ng kwarto. Tang inang kamalasan at kababuyan 'yan.

Nagsawa sa pagkatok si ermat at si utol. Bumaligtad ako ng pagkakahiga para hindi ko maramdaman ang kutson na basang-basa sa suka. Itinodo ang hangin, at natulog ng mahimbing habang brief lang ang tanging suot. Pagkagising, ang una kong hinanap ay ang 3315 ko. Hindi ko rin alam kung bakit, pero noong sandaling 'yun pakiramdam ko milya milya na ang pagkaiwang ginawa sa'kin ng mundo dahil sa mga oras na nasayang dahil sa kalasingan at pagsuka ko.

"Pati cellphone mo nalasing, hindi alam kung saan hahanapin. Hindi mo matatalo ang alak, ikaw ang tatalunin n'yan. Sardinas ang pulutan n'yo? Bakit may repolyo?", dalawang tanong at isang gintong aral lang ang binitawan ni ermat pagkakita n'ya sa'kin na gising na ako.

7 comments:

  1. Parang CSI pala si ermats. Alam lahat ang kinain mo.

    Pasa mo number mo miscall kita para makita mo cellphone mo. =D

    ReplyDelete
  2. Parang si Aling Maring din ang mga choice of words ng nanay mo.

    ReplyDelete
  3. @M, mukhang Aling Maring in the making nga si nanay lalo kapag umedad na rin ng husto. Hehe!

    ReplyDelete
  4. hahaha! pucha pre, di ko pa nasubukan 'yang ganiyang kalasingan. panalo sa pagkakalahad 'yung pagsuka mo sa kama mo. bawat pangungusap, damang-dama ko 'yung kung paanong bumulwak ang lamang loob palabas ng lasing na lagusan mo.

    pero bakit nga may repolyo? o_O

    ReplyDelete
  5. San nga ba kasi nanggaling ang repolyo.

    ReplyDelete
  6. Sige na nga, sasagutin ko na ang mahiwagang tanong tungkol sa repolyo. Nakalimutan lang ni nanay na pansit ang kinain namin noong gabing 'yun. Bale, sa pansit galing ang repolyo at humalo lang sa sardinas sa loob ng tiyan ko, tsaka ko isinuka.

    ReplyDelete
  7. Dapat bago ka umuwi lumaklak ka ng maraming mentos at ininuman mo ng softdrinks! Kaboom yun.

    Sino naman ang maglalaba sa mga sinukahan mo? ampotek.

    ReplyDelete