Pages - Menu

Tuesday, January 31, 2012

Umm, logic?

Nabanggit ko kay nanay noong isang araw nung magluto s'ya ng tinola na mas masarap ang lutong tinola ng kapatid ko. Mas may alat kasi 'yung luto ni Ineng kahit medyo matigas ang papaya. Masyado ko raw kasing minadali kaya nagkaganun ang luto n'ya, sabi ni Ineng. Hindi naman talaga ako 'yung nagmadali, 'yung tiyan ko. Hindi s'ya nagpapa-humble, matigas naman kasi talaga 'yung papaya pero masarap talaga 'yung luto ni utol, 'yun ang tinanghalian namin nung maggamas kami ng tropa kong si Halmax dito sa bakuran namin noong, dalawang linggo na ata ang nakakaraan. Sabi pa nga ni Halmax, ang sarap daw ng tanghalian at sulit talaga, tanggal pagod pa.

Paliwanag naman ni nanay tungkol sa tinola n'ya, umiiwas lang s'ya sa maalat kaya naman ganun ang timpla. Masarap pa rin naman ang luto ni nanay, wala naman kasing luto 'yun na hindi masarap. Idol ko sa kusina 'yun, lalo na't may perang pambili ng mas maraming sangkap. Madalas nga kapag nagluluto si nanay, tinatanong ko lagi kung paano ang mga dapat gawin at ilang mga teknik para matuto rin ako kahit papaano. Minsan nga hindi na rin ako nagtataka kung bakit ganito ang katawan ko lalo't nandito ako sa Rizal. Sa sobrang sarap kasi ng mga luto, kasalanan talaga ang hindi mag-extra rice! Wala atang tanghalian na hindi ako nagpataob ng kaldero dito sa bahay. Kung sapat na ang mga salitang 'yan para ilarawan kung gaano kasarap, mabuti naman at na-imagine mo. O baka naman matakaw lang talaga ako kaya laging taob ang baby kaldero?

Kanina, gamit naman ang natirang manok nung isang araw, nagluto ulit si nanay ng tinola. Hindi naman sa parang may gusto s'yang patunayan na mas masarap talaga ang luto n'ya kay Ineng, mga sangkap lang kasi talagang pang-tinola ang meron. At tulad ng dati, ako lang mag-isa ang naiwan sa bahay para kumain ng tinola. Muling tumaob ang baby kaldero, pero seryoso na konti lang naman ang laman nun. Ayoko ng ikapit sa sarili ko ang salitang matakaw kahit mahilig talaga akong kumain, dahil nagjo-jogging ako at nasa proseso ng pagpapapayat at pagkakaroon ng pinakamimithing abs. Pambulaga sa summer kung sakali mang mapasama sa kahit saang swimming, lalo sa beach!

Tutal puro tinola na lang din naman ang laman ng kwento, pag-usapan ulit natin ang mahiwagang tinola. Sa pagkakaalam ko kasi sa tinola, hindi naman 'yun maasim. Ang ipinagtataka ko lang ngayon, bakit kaya umasim ang kilikili ko? Ngayon lang ulit nangyari 'to! O baka naman siguro kasi, nung isang araw lang din ulit ako nakakain ng sinigang sa bayabas na luto naman ni lola. Sige na, tang ina isama na ang hindi araw-araw na pagligo.

Yeah, boy baboy, nasa lahi ata talaga namin, hindi ang pagiging matakaw at baboy, kundi ang pagiging masarap magluto. Ehem. Pero ang asim talaga ng kilikili ko, tinamaan ata ako ng putok. Kaninong baril ba 'to?

2 comments:

  1. deo lang katapat nyan at ligo syempre. hihihi anyway kapag nasa bahay ako di ako nagluluto hinahayaan ko si mama kasi mas masarap kumain kapag siya ang nagluto hehehe at tama kasalanan ang di magextra rice =D

    ReplyDelete