Pages - Menu

Friday, February 3, 2012

Fast food Moment

May ilang bagay na madalas kong gawin o mangyari sa akin sa tuwing kumakain ako sa mga fast food chain. Hindi naman sa madalas akong kumain sa mga lugar na de-aircon, ang totoo nga sobrang minsan lang, tapos sa Jollibee pa. Kung ano 'yung mga bagay na 'yun, heto:

1. Lagi na lang 'to, kahit saang fast food chain ganito, mapa-KFC man, McDo, lalo sa Jollibee o kaya dun sa fishbulan ni Ka Intong, na hindi ko alam kung may fishbulan nga bang ganun. Pagdating ko sa unahan ng pila sa counter, babati 'yung crew ng good morning/afternoon/evening sa'ken. Lahat naman binabati nila ng ganun alam ko. Pero kasi kapag sa'ken, iba 'yung ngiti nila na may halo pang blush, sobrang gwapo ko kasi at wala kang kapangyarihan para tumutol dun. Pagkatapos nilang bumati, kukunin na nila 'yung order ko. Ako naman syempre ibibigay ko, kaya nga pumila ako. Ang problema, kapag may idadagdag ako o kaya babaguhin sa order ko, madalas kapag sumagot 'yung kaharap ko sa counter, nagiging sobrang bilis ang pagsasalita n'ya na parang natataeng alien at kailangang kailangan ng tumakbo sa kubeta para ilabas ang taeng galing sa burger na palihim na kinain habang hindi nakatingin 'yung store manager. Naiintindihan ko naman na kailangan nilang magmadali, bukod kasi sa maraming bumibili, sayang naman 'yung salitang "fast" na kadikit nung food chain, kaya lang kasi minsan ay nauuwi lang kami lalo sa hindi pagkakaintindihan na nagiging dahilan para lalong tumagal. Mga apat na segundo siguro ang late sa target time sa pagkuha ng orders. Medyo may pagkabingi pa naman ako. Over sex daw kapag ganun, totoo kaya 'yun?

2. Pagkatapos namang magkaintindihan sa order sa wakas, iaabot ko naman ang bayad. At syempre, "I received 100, sir." ang isasagot ni ate. Ipapasok sa lagayan ng pera, tapos kukuha ng sukli at iaabot sa'ken. Lagi ring nangyayari 'to at hindi ko alam kung bakit! Para akong biglang mabo-bobo pagkakuha ko ng sukli. Mabilis akong magko-compute sa utak ko, magdu-duda sa computation ko, tapos kapag okay na ang lahat, mag-iisip ulit ako ng mabilis, sisilipin ko pa ulit 'yung resibo, tapos, "miss, sobra 'yung sukli, oh." ang lalabas sa bunganga ko. Hindi ko alam kung bakit madalas ay sobra ang isinusukli sa akin. Mabuti na lang talaga at hindi naman sa mabait, mapaghinala ako. Iniisip ko kasi na patibong lang 'yun, at oras na hindi ko pansinin ang sobrang sukling ibinigay sa akin, ay bigla na lang may lalabas na camera man at host sa isang hindi kilalang show. Ipapahiya ako sa mga tao, tatawanan at pagkatapos ay tatanungin kung bakit hindi ako nagbabalik ng sobrang sukli. Salamat na lang talaga at alerto ako.

3. Pagkatapos kong magmukhang mabait sa mga tao sa likod ko na nakapila rin para umorder,  isang ngiti lang madalas o kaya naman ay mahinang tawa ang iginagawad ko kapag nag-thank you na 'yung kahera dahil sa ginawa kong pagbabalik ng sobrang sukli. Pupunta na ako ngayon sa upuan ko at kakain ng tahimik. Nanamnamin ang sarap ng burger, fries o kaya chicken. Syempre kakamayin ko 'yung manok, na once in a blue moon lang mangyari. Pagkatapos kumain, may libreng tissue na kasama alam ko, pero ang gagawin ko ay isusubo ko pa rin ang dalawang daliring ginamit ko sa pagkain tapos ay sisipsipin hanggang sa mawala ang bakas ng pagkain at tsaka pupunasan ng tissue. Hindi ko ginagawa 'yun dahil sa sobrang sarap ng kinain ko, madalas ko lang ginagawa 'yun kapag tinatamad akong maghugas ng kamay sa gripo!

'Yung kahera na mabilis magsalita, sobrang sukli at katamaran sa paghuhugas ng kamay, madalas 'yan na fast food moment ko. Buti na lang kamo at hindi ko trip 'yung galawan ng kaklase ko dati na masasagi 'yung inumin n'ya, hahalo sa pagkain, maaawa 'yung crew, pero inumin lang ang papalitan. Masaklap 'yun! Sabagay, masarap naman ang coke sa kanin.

3 comments:

  1. oo nga ambibilis nila magsalita . parang tunog ng typewriter na tinitipa ng expert at tutunog ng *ting* pag umabot na sa dulo.

    ayoko ng coke sa kanin.

    mas masarap ang coke sa french fries.hahaha

    ReplyDelete
  2. baka kinikilig lge sau,kaya pamali mali sukli...

    edi ikaw na!hahaha

    ReplyDelete
  3. pareho tayo sa katamaran maghugas ng kamay kaya didilaan na lang ang daliri hihihi

    ReplyDelete