Pages - Menu

Saturday, February 25, 2012

Maselang Bahaghari

Wala namang bago sa hindi ko pagligo. Kumbaga, e lumang tugtugin na. At tulad ng dati, gwapo pa rin akong lumabas ng bahay kanina para bumili sa tindahan. Sapat na naman sigurong patunay 'yung ngiti sa mga labi ng mga bata at matatanda sa tuwing makakasalubong ako. Wala akong sariling pera para bayaran ang mga ngiti nila. At dahil dun, pagkakataon na ‘yun para samantalahin ang utos ni nanay na bumili ako sa tindahan. Kumupit ako ng tatlong piso sa sukli, dos sa yosi at piso naman para sa kendi. Pagkasindi ko sa yosi, dun ako pumwesto sa madalas tambayan ng mga kalugar kong barako. Nagbabakasakali na may maaabutan sa kanila at makakakwentuhan na rin. Nakakaburyo na kasi masyado sa bahay. Pamalit timpla lang sa nakakasawang mga mukhang paulit-ulit kong nakikita sa harap ng monitor.

Pagdating sa pwestong tambayan, walang tao. Nag-iisa ako. Hindi naman ako malungkot, pero mukha akong malungkot sa pagkakaupo at salampak ko habang hinihithit ang sigarilyo sa nakausling gutter sa gilid ng kalsada. Para bang eksena sa isang pelikula, 'yung tipong nag-eemo 'yung bida kasi lagi s'yang tinutukso na maliit daw ang etits n'ya. Hindi ko pa man nauubos ang sigarilyo, walang pagdadalawang isip ay tumayo na rin ako at nagpasyang umuwi pagkatapos kong maisip ang hitsura ko sa malayo: naka-boxer shorts at nakasando, may bigote’t balbas, hindi naman masyadong mukhang mabaho kahit hindi paligo, magulo ang buhok pero gwapo sobra, malakas ang dating pero halatang walang pera, at may hawak na plastik labong may laman na dalawang itlog na nakatapat sa sarili kong mga betlog. Okay lang sana, kaya lang dalawa lang 'yung itlog na binili ko, mapagkamalan pang apat 'pag nainip at dumungaw 'yung dalawang tunay at buhay na itlog sa loob ng boxers ko. Ika nga ng mga peeps dito sa internet, awkward moment.

3 comments: