Pages - Menu

Tuesday, February 21, 2012

Material Gurl

"Ano bang alam ko sa fashion?", hindi ko rin alam kung bakit noong tumatae ako kanina e bigla ko na lang naitanong sa sarili ko 'to. Ang alam ko lang naman sa fashion ay ang pagsasabi ng maganda at panget, kung bagay o hindi. 'Yung taste ko nga sa mga bagay masyado na ring gasgas at wala namang pinagkaiba sa kung anong meron sa panlasa ng karamihan. Basta kapag pakiramdam ko naman ay maganda 'yung itsura ng babae sa damit na 'yun, patok na 'yun! Patok para sa'ken, kahit ang totoo ay okay lang naman talaga ang katumbas. Huwag na nating isali dito ang opinyon ng mga manyakol na may sinusunod na motto na, ano pa nga bang silbi ng damit kung huhubarin din naman?  Labas ako d'yan!

Noong sabado kasi (Feb. 18, 2012), paglabas ko ng bahay ng mga tito ko na nakalagi sa Pasig ay naglakad ako ng medyo may kalayuan papunta sa sakayan ng jeep. Kapansin-pansin naman kasi talaga na parang usung-uso ata ngayon ang naka-tucked-in sa mga bebot. Kahit 'yung simpleng t-shirt lang, na syempre v-neck, ay naka-tucked-in kapares ng pekpek shorts o kaya pants, na syempre skinny jeans. Ganun din kapag naka-polong pambebot ang suot nila. Oo, 'yung checkered polo na patok din ngayon.

Kulang dalawampung hakbang na lang siguro ay malapit na ako sa tawiran. Kahit medyo pamilyar ako sa lugar ng Pasig dahil dati naman akong tumigil ng higit isang buwan din doon nung first year college ako, hindi ko pa rin mapigilang hindi magbagal at magmasid-masid sa palagid. Hanggang sa makasalubong ko 'tong babaeng 'to. Medyo pansinin din talaga s'ya kasi may katangkaran. Naka-pulang checkered polo na mukhang branded, tapos skinny jeans na swak sa hugis ng mga hita, at sandals na ewan ko kung anong style 'yun. Bobo talaga ako sa fashion na 'yan, pasensya. 'Yung buhok n'ya medyo may bewang, style 'yun sa pagkakaalam ko. Tapos naka-shades kahit hindi naman tirik na tirik ang araw, pandagdag lang siguro sa detalye ng pormahan. Parang cowgirl sa syudad ang datingan, tapos syempre bilang pampakumpleto ay naka-tucked-in ang polo n'ya. Labas tuloy ang belt n'ya na nagmumura rin sa design.

Parang commercial ang tagpo. Pwede na siguro sa commercial ng isang brand ng pantalon at damit. Alam kong hindi lang ako ang lalaking napatingin dun sa bebot na 'yun. Hataw din kasi sa paglakad. Papalapit na kami ng papalapit sa isa't isa. Mabagal ang takbo ng eksena sa isip ko. Lumampas s'ya sa harapan ko ng ganun-ganun na lang, biglang balik sa uno ang bilis ng galaw ng mga eksena. Bilang normal na lalaking medyo stunned sa alindog ng isang eba, pangkaraniwan at sobrang normal lang na lumingon ako pabalik. Huling hirit ba. Konting tingin sa puwet at likod pagkatapos sipatin at suriin ang harap. Mula ulo, batok, pababa sa kurba ng katawan. Hanggang sa matigilan ako, at napahaba ang leeg sa pagpipilit na mabasa ang nakasulat. "Material Gurl", nakaimprenta sa taas na bahagi ng pulang panty n'ya. Pamura nga ng isa, tang ina kasi pasok sa panty ang pagkaka-tucked-in sa likod na bahagi ng polo n'ya.

O baka naman style lang talaga 'yun at bagong pauso? Ewan.

1 comment:

  1. wahaha eww. fashion failure. deym. patok talaga yung ganung style except the panty tuck in thingy..kahit ako trip yung ganun eh haha dainty chic ang datingan. =D

    ReplyDelete