Pages - Menu

Thursday, February 16, 2012

Sa piling ng mga lamok at isang pirasong katol.

Aligaga talaga ang mga tao tuwing darating ang Balentayms. Hindi magkandaugaga ang lahing brusko sa pagbitbit ng bulaklak na ibibigay sa napupusuan. Samantalang ang mga bebot naman ay hindi mapakali sa kahuhula sa inaasahan ng surpresa ng katipan.

Normal na araw lang naman talaga kung tutuusin. Pero para sa mga taong marunong makisakay sa simpleng nakasanayan, kahit papaano'y dagdag pampasaya't ngiti na rin. Ako man ay gusto kong magbigay ng bulaklak sa gelpren ko noong Martes, simpleng bulaklak man kasing maituturing ang pulang bagay na 'yun, may kakaibang ligayang walang katumbas naman ang dala nun. Pero sa kasamaang palad ay hindi umayon sa'ken ang lahat. Wala na ngang laman ang bulsa ko, butas pa. Pilitin ko mang bumili ng kahit isang pirasong rosas, mawawalan naman ako ng pamasahe pauwi. Mas kawawa naman ako nun at mas nakakahiya. Nakapagbigay nga ako ng rosas, uutang naman ako sa kanya, kaya huwag na lang. Nakakalungkot din pala talaga kapag ganun, gusto mo na kahit papaano'y makapagbigay ka ng saya, may hadlang naman. Mareresolbahan ko sana 'tong problema sa bulaklak, kaya lang ay wala naman akong makitang bulaklak ng santan. Extinct na ata ang halaman na 'yun.

Ang plano ko sana'y gagawa na lang ako ng love letter na para sa kanya lang at walang ibang makakabasa ng laman kundi s'ya lang talaga hindi tulad dito sa blog ko. Muli ay nagkaroon na naman ng aberya, kinapos naman ang oras dahil sa tagal matapos ng exam doon sa kumpanyang pinag-applyan ko. Ready na pa naman 'yung mahiwagang sobre't papel. Naging maaga rin kasi ang labas n'ya sa eskwela, kaya nagkita na rin kami agad.

Parang tulad lang ng dating mga pagkikita ang lahat. Pagkatanaw sa isa't isa, isang halik lang sa noo ang naibigay ko at isang ngiti na medyo hindi ko maitodo. S'ya naman ay kaswal lang at mababakas sa mukha ang pagod dahil sa paglalakad. Wala ng masyadong cheche-bureche ang naganap. Lumabas agad kami sa mall at naglakad ng pagkalayu-layo papunta sa sakayan ng bus. Ang byahe ng bus ay papunta naman sa sakayan ng van pauwi dito sa amin sa Rizal. Para walang masyadong gastos at magkasama pa rin kami kahit paano noong araw ng mga nguso, ganun na lang nga ang nangyari. Niyaya ko na lang s'ya na umuwi dito sa bahay namin, na agad naman n'yang sinang-ayunan.

Alam mo 'yung pakiramdam na naglalakad kayo ng sabay pero pareho kayong tahimik at nakakunot ang noo? Ganun ang eksena. Dagdag bwisit at inggit pa ang mga peeps na masayang naglalakad, hawak kamay at bitbit ang mga regalo sa isa't isa. Hindi man kasi aminin nitong gelpren ko, alam ko naman na kahit papaano ay may selos at inggit din s'yang nararamdaman sa mga babaeng nakatanggap ng rosas galing sa mga nobyo nila. Masakit din sa parte ko, kasi kahit 'yung ganung bagay lang ay hindi ko naibigay.

Pagdating sa terminal, agad kaming pumunta sa pilahan. Sa unahan ng van kami pumwesto para medyo maginhawa at hindi masikip sa byahe. Tahimik pa rin kami pareho kahit nag-umpisa nang umandar ang sasakyan. Inihihilig ko ang ulo ko sa kanya pero iritable s'ya. Pinalipas ko na lang ang ilang minuto. Hindi ko na rin sinubukang kausapin muna. Hanggang sa makakuha ng tyempo, konting kalabit sa kamay diretso hawak dito, at inihilig ko na ng tuluyan sa dibdib ko ang ulo naman n'ya, isang pagyakap naman ang isinagot n'ya senyales na okay na ulit ang lahat. Ganung posisyon ay hindi na namin namalayan na nakatulog na pala kami pareho sa byahe.

Pagdating sa Tanay ay naghanap kami ng makakainan para hindi na kami kakain dito sa bahay. Medyo nahihiya pa rin kasi kay nanay 'tong si Yna. Pumunta kami sa Jollibee, na mas okay kainan kaysa sa katapat nitong Chowking. Pagdating sa Jollibee, kitang kita agad ang sangkaterbang tao na kumakain. Sa Mang Inasal na lang sana kami kakain para busog na busog, at muli ay sangkatutak na tao na naman ang nagsisiksikan sa pagkain. Bumalik na lang ulit kami sa Jollibee at tyinaga ang haba ng pila. Nakaraos ang hapunan at nagpasya na kaming sumakay ng jeep pauwi sa bahay. Alas nuebe y medya na ata kami nakarating. Patapos na ang Balentayms ng iba, magsisimula pa lang ang sa'min.

Nagpahinga lang saglit sa kwarto, nag-ayos ng mga gamit at nagbihis. Pagkatapos ay naglabas ako ng dalawang silya sa gilid ng bahay malapit sa ilalim ng puno ng santol. Naglabas din ako ng maliit na lamesang papatungan ng mga gamit, pinalusot ang isang extension sa binata, at viola! okay na ang lahat! Pagkatapos nun ay tumakbo agad ako sa tindahan para bumili ng mga kakailanganin. Pagbalik ay inaya ko na si Yna na lumabas ng bahay.

Habang inihahanda ni Yna ang laptop sa ibabaw ng lamesa, ako naman ay kumuha ng panindi at stand para sa katol na gagamitin panlaban sa mga lamok sa labas ng bahay. Sakto ang pagkulo ng tubig at agad na tinimpla ang kape. Inihain sa lamesa, bukas ng laptop at play ng isang pelikula. Parang scented candle ang halimuyak ng katol, parang violin naman ang ingay kapag umiihip ang hangin sa sobrang tahimik na lugar. Animo'y artipisyal na mga ilaw sa loob ng isang mamahaling restawran ang mga bituin sa langit. At butong kalabasa naman ang main course para sa munting Valentine Date. Madilim ang paligid, at parang kami lang ang tanging tao sa buong Jalajala na nakaalala na magdiwang ng araw ng mga puso.

Higit isang oras na pelikulang may temang pag-ibig ang pinagsaluhan. Ilang supot ng biskwit at masarap na butong kalabasa. Dalawang tasang kape. Isang katol at ilang daang lamok. Malamig na gabi. Paminsang pagdaan ng mga taong hindi namin kilala sa kalsada. Kahol ng mga aso. At syempre, ang konting pag-aaway at hindi pagkakaunawaan na laging present sa kahit anong tagpo sa buhay namin ang kumumpleto sa gabi.

Bago matulog ay pumunta ako sa kwartong tutulugan n'ya. Goodnight kiss, konting sorry, at ang gasgas ng "I love you" ang pinabaon sa isa't isa. Pagkagising kinaumagahan ay sabay nag-agahan, pagkatapos ay walang humpay na lambingan.

Sabay ulit na nananghalian, pagkatapos ay walang sawa ulit na lambingan. Sa meryenda naman ay sangkatutak na street foods, burger, isang boteng tubig at isang supot na mani. Hanggang sa hindi na lang mamalayan, naihatid ko na pala s'ya pa-Maynila.

Natapos ang Balentayms namin na solb. At sa awa naman ni Kupido ay nagmamahalan pa rin.

5 comments:

  1. di naman kailangan makipagsabayan sa mga regalo at kung ano anong pakulo tulad ng iba. basta naipapakitang mahal mo siya ok na ang mga babae sa ganun =D

    ReplyDelete
  2. wagas na wagas. habang binabasa ko 'to, damang-dama ko 'yung bigat at lalim ng emosyong hinugot para maitipa 'yung mga salita. gasgas na pero totoo, it's the thought that counts. ang mahalaga naman kasi eh 'yung nagkakaintindihan kayo at nagmamahalan. saka na ang roses pag nagkaron na ng pagkakataong makabili. pibalemtayms pre! sana manalo ko sa san marino shit mo para bawing-bawi kay yna. \m/

    ReplyDelete
  3. tama , ang mahalaga ay nagmamahalan kayo at nagkakaintindihan.

    sige sige bubuto kita dun sa marino marino ..hehe

    belated happy balentayms sayo.

    ReplyDelete
  4. better than any other romantic dates...

    ikaw na talaga goyo!

    ReplyDelete
  5. Hindi naman kailangang magarbo ang Valentines. May nakita nga ako sa food court nag-date, kumain ng sisig LOL. Mukhang masaya naman sila.

    ReplyDelete