Pages - Menu

Friday, February 10, 2012

Special Exam

Noong isang beses na mapasakay ako ng jeep pauwi dito sa'men sa Jalajala, ay may tatlong istudyante na sobrang lakas kung magkwentuhan. Naiintindihan ko naman na magkakalayo sila ng upuan kaya medyo malakas ang mga boses nila. Dahil nga sa kapansin-pansin ang presensya nila sa loob ng jeep, minarapat ko na rin na kilatisin ang tatlo. 'Yung isa, bulok ang ngipin sa unahan. 'Yung dalawa naman, normal lang ang hitsura. Bakla nga pala 'yung isa, tapos dalawang babae. Sa tantya ko sa mga pagmumukha nila, siguro ay nasa ikalawang taon lang 'yung mga 'yon sa college. Matutulog sana ako, naudlot lang nung mag-open na naman ng bagong topic 'yung bakla. Pinag-usapan nila 'yung nakaraang exam nila, na hindi ko alam kung saang subject. Tinatanong nung bakla dun sa dalawa n'yang kasama kung nakuha ba nila ang tamang sagot dun sa last part ng exam nila. "Paano magluto ng sinigang na baboy? Step by step.", 'yan 'yung tanong sa huling exam nung tatlo base na rin sa kwento nung bakla.

Hindi naman siguro engineering ang kinukuhang kurso nung tatlo. Hindi ko alam at wala akong ideya sa pangalan ng mga subject kapag HRM ang kurso mo, pero malamang medyo malapit sa HRM ang kurso nila. O pwede ring engineering nga talaga kung may sahog na t-square at calculator 'yung sinigang na 'yun.


Noong unang beses kong marinig na ganun ang tanong, medyo napaisip din ako. Paano nga kaya kung isa sa mga subject ko noon ang may ganung tanong? Tipong kapag hindi ko nakuha ang sagot ay babagsak ako sa finals. Habang patuloy na nagkukwentuhan 'yung tatlong ugok, ako naman ay malalim na nag-iisip kung paano nga ba magluto ng sinigang na baboy, step by step! At narito ang posibleng isagot ko sa mahiwagang tanong na 'yun, take note, step by step.


1. Manghuli ng baboy. Kung wala naman kayong alagang baboy, mas okay kung pumunta ka na lang sa palengke at bumili depende sa dami ng lulutuin mo. Gusto ko kasi isang kilo lang, kaya isang kilo lang ang bibilhin ko. 'Yung tips kung paano ang tamang pagpili ng karne ng baboy, bahala na kayo!


2. Tutal naman nasa palengke ka na, isabay mo na rin ang pagbili ng iba pang sangkap. Ummm, siguro kailangan natin ng sibuyas, kamatis, gabe ('yung bunga mismo hindi 'yung dahon), dahon ng talbos o kaya kangkong. Pero para mas maganda, kangkong na lang ang bilhin natin. Pwede ring bumili ng sampaloc o kaya naman ay sinigang mix na lang. Pagkatapos bumili ng mga sangkap na gagamitin, syempre bayaran mo.


3. Pagdating sa bahay ay ihanda na ang mga sangkap. Ang una mong gawin, hugasan ang karne ng baboy. Sa kaso ko, nagdagdag nga pala ako ng konting taba taba, masarap kasi 'yun. Hiwain sa tamang laki. Huwag masyadong maliliit, huwag din naman masyadong malalaki.


4. Kumuha ng medyo may kalakihan na kawali o kaserola, depende sa'yo kung sa'n mo trip magluto. Pwede ring sa palayok. Ipatong ito sa ibabaw ng kalan. Kung wala kayong kalan, bahala ka na sa buhay mo. Buksan ang tangke at buksan ang kalan. Painitin ng bahagya para swabe.


5. Ilagay ang hiniwang mga karne, taba at butu-buto kung meron, sa kawali. Halu-haluin para cute. Basta haluin n'yo. Pagkatapos ay lagyan ng tubig na magsisilbing sabaw. Tantyahin mong mabuti, kung trip mo na marami ang sabaw, na mas maganda, e di sige. Kapag kasi kakaunti ang sabaw, baka mapagkamalan pa 'yang adobo.


6. Hinaan ang apoy para mas lumambot, para maluto rin ng husto ang tubig. Maniwala ka sa'ken na naluluto ang tubig, 'tol. Habang hinihintay lumambot ang karne, hiwain na ang mga dapat hiwain, balatan na ang dapat balatan at hugasan ang dapat hugasan.


7. Siguro mga sampu o hanggang kinse minutos ay malambot na malambot na ang karne. Pero bago pa man mangyari 'yun, lagyan na natin ng sibuyas at kamatis. Maghintay lang ng kaunti bago ilagay ang gabe. Isunod mo na ngayon ang kangkong. Medyo halo-haluin mo. Tapos ilagay mo naman ang sili na kulay green at sampalok, para medyo may hagod ng asim at anghang.


8. Huwag mo nga palang kakalimutan na damhin ang ginagawa mong pagluluto. Sabi nga ng magagaling na food critic, parang may kulang. 'Yun ang iiwasan natin. 'Yung x-factor dapat nandyan 'yan. Cook like a real chef. Cook with feelings.


9. Pagkatapos ng cheche-bureche, ilagay mo na ngayon ang sinigang mix na bubuhay sa dapat buhayin. Kapag pakiramdam mo mukha ng sinigang na baboy 'yang niluluto mo, pwede ka na ngayong tumigil. Tapos na! May sinigang na baboy ka na!


At para sa pinakahuling bahagi at pinaka-importante sa lahat, tikman mo na ngayon ang niluto mo. Kung masarap, e di ayos pwede ka ng mag-asawa! Kung hindi naman, huwag n'yo naman sana akong sisihin, kasi nagsagot lang naman ako ng exam.


Ganun nga ba ang tamang pagluluto ng sinigang, chef?


1 comment:

  1. tip lang kahit gagamit ka ng sinigang mix igisa pa rin ang baboy sa bawang at sibuyas, enhancer lang kasi ang mga ginisa mix eh. kumbaga mababawasan lang yung dami ng bawang at sibiyas pati na rin yung dami ng gagamiting sampalok.

    ReplyDelete