Pages - Menu

Saturday, March 3, 2012

Chuvachuchu like Marvs and Jolens

From: +639228088*** | Date: 02-29-2012

Subject: Sana kay Goyo pa din ang number na 'to. Iba ka na magblog ngayon, hindi na patweetums! Blog 'n roll! (:

'Yan 'yung eksaktong nakasulat sa text message na natanggap ko noong Myerkules habang nakapila ako kasama ng iba pang aplikante sa isang kompanya sa liblib na bahagi ng Makati. Isang daang porsyento, sigurado akong magkakilala kami ng taong nagpadala ng mensahe na 'to. Sigurado rin ako na dati ng naka-save sa phonebook ko ang numero n'ya. Naalala ko na naman tuloy ang pagkamatay ng Sony Ericson ko, na s'yang nag-iisang dahilan kung bakit naubos lahat ng mga nakatalang number sa phonebook ko. Kaya kung kanino man po ang numerong 'to, pasensya na ho kung hindi na ako nakapag-reply. 1) Nahihiya akong mag-hu-u. Baka kasi isipin ng nagpadala ng mensahe ay binura ko s'ya sa contact list ko. 2) Wala akong load. Isa lang akong hamak na amoy lupa. 3) Kasalukuyan akong kinakabahan nung natanggap ko ang mensahe dahil nag-aapply nga ako sa trabaho noong mga sandaling 'yun.

Tungkol naman sa laman ng mensahe: Pagkatapos ng mga cheche-bureche sa unang bahagi ng mga pagsusulit para makapasok sa trabahong wala akong masyadong ideya pero in-applyan ko pa rin, tsaka ko lang dinibdib, sinimsim at pinag-isipan ng husto ang nakasaad sa text. Bigla akong bumalik sa lumang panahon kung saan gray ang paligid at pogi pa ang lahat ng lalake, masisikip naman ang mga babae. Noong unang beses kong binulatlat kung ano ba talaga ang matatagpuan sa loob ng Blogger.com. Kung saan para sa una kong post ay ibinuyangyan ko ang pagmumukha ng tatay at lolo ko na s'yang puno't ugat kung bakit Goyo ang palayaw ko.

Nagsimula kasi akong magkalat sa blog site na 'to na ang tanging mambabasa ay ang mga nabitin kong kaibigan sa Friendster blog ko, na kasabay nalaos ng mismong Friendster site pagsulpot at pagiging patok ng Facebook. Sa tuwing may bago akong post noon, 'matik na rin ang paglabas ng link sa Facebook wall ko. Sa madaling sabi, lahat ng mga nakasulat sa blog ko noon ay nababasa ng nanay at tatay ko. Kahit papaano naman ay medyo umelibs din sa'ken si tatay sa mga iba't ibang istroya na hindi n'ya pa malalaman kung hindi s'ya magbabasa sa blog ko. Muntik pa ngang gumawa 'yun ng sariling blog e, makasabay lang sa pagiging matikas ko. At dahil nga nababasa ng mga magulang ko lahat ng ipinuputok ng butse ko noon sa internet, hindi maiwasan na magkumento sila sa mga isinusulat ko. Hindi tulad ng mga comment na walang boses dito sa mismong blog, ang mga puna nila ay sinasabi nila sa akin gamit ang mga sarili nilang boses. Harapan kapag galing kay nanay, sa telepono naman kapag kay tatay, nasa Saudi kasi si erpat. Kapag may mura o di kaya naman ay may bastos na salita akong ginamit, mabilis pa sa responde ng pulis, may tumataginting na payo at pangaral agad ang dalawang 'yun sa'ken. So bale, ganun nga ang istorya kung bakit patweetums mala Kuya Marvin Agustin ako noon sa mga post ko.

Pagkatuklas ko naman sa microblogging site na Tumblr, doon naman nagsimula ang pagbaba ng bilang ng mga post ko dito sa site na 'to. Madalas kasi puro mura at kabalastugang kwento ang laman ng isip ko, kaya mas madalas ay sa Tumblr ako nagsusulat. Pero simula noong pinalitan ko ang URL ng blog na 'to kama-kailan lang, kasabay ng pagtatago rin nito sa mababait kong magulang na sobrang epektibo dahil lagi nila akong tinatanong kung bakit hindi na raw ako nagba-blog, hudyat na 'yun ng pagpilas sa kasulatang ginawa ni Marvin Agustin ukol sa pagiging patweetums. Simula ng mas marahas at walang takot na pagsusulat mala-Erwin Tulfo at Mike Enriquez. Mas hubad ang katotohanan sa mga letra parang Jay Manalo at Gardo Versoza noong 90's. Mas ako, mas Goyo, mas maraming kwento at mas lalong gumwapo.

Kumbaga, wasak na ang balat ng itlog. Hello serious bogging kuno ang banatan natin ngayon para tuluy-tuloy na rin ang blog 'n roll! \m/

Salamat nga pala ng marami sa nagpadala ng text message! Naka-Sun ka kasi, 'yun lang naman talaga ang dahilan kung bakit hindi ako nakapag-reply.

6 comments:

  1. ang galing mo magsulat mapahumore, seryoso etc. ang blog mo ang isa sa mga blogs na di ko pinapalampas basahin kahit di ako nagcocomment

    ReplyDelete
  2. minsan balikan mo din ang pagpapatweetums ah .. di ko nbasa yung sa tmbler mo eh XD

    serious blogging goyo is coming :)

    ReplyDelete
  3. sampol ng mga patweetums post o mananalig akong sa pag-aalangang numero ng nanay mo ang sun txt na naligaw sa selepono mo.

    ReplyDelete
  4. ako tinago ko talaga tong blog ko noon pero nalaman na rin ng kapatid at ilan sa mga kaibigan ko. nakakailang sa umpisa pero dahil sa comment lang lumalabas ang kabulastugan ko di wala pa rin akong naririnig sa kanila hahaha

    ReplyDelete
  5. bago lang ako sa site mo pero natutuwa ako sa paraan mong ilahad ang saloobin mo, marami rin akong natutunan lalo na sa takbo ng isip ng mga kabataang tulad mo sa henerasyong ito!

    ReplyDelete
  6. ganun talaga siguro mga bloggers nag-eevolve rin. ako nga magpapalit na ng genre. ayoko na ng humor. livelihood naman LOL

    ReplyDelete