Pages - Menu

Monday, March 26, 2012

Si Manong na Magaling Sumalat ng Mani

Nangyari 'to higit kumulang dalawang linggo na ang nakakalipas. Sabado, eksaktong isang linggo na ako sa una kong trabaho. Half day ang opisina. Nagmamadali akong makarating agad sa Starmall sa Edsa para tagpuin ang ubod ng ganda, walang kasing sexy, walang kasing lakas ng dating at angas, 'yun nga lang medyo pango pero mahal ko pa rin na gelpren. Walang basehan, pero mukhang tama ang ang pakiramdam ko na ang sinakyan kong bus ang isa sa pinakamabilis sa Pinas. Nakisama pati ang lansangan sa pagbibigay ng maluwag na daraanan. Makikita ko na si Yna, samantalang s'ya naman ay makakasilay na naman sa kagwapuhan ko. Double purpose ang pagkikita namin, bukod sa miss na namin ang isa't isa, nakaplano rin noong araw na 'yun ang paghahanap namin ng boarding house na tutuluyan ko.

Bago pa man kami magkatagpo at magkaasaran na hindi na talaga maaalis sa relasyon namin, ay may nangyaring isang maliit lang naman na bagay, masyado ko lang pinalala at binigyan ng medyo makabuluhang kahulugan. Pagbaba ko kasi sa bus ay agad akong bumili ng limampisong mani. Bukod kasi sa hindi pa ako kumakain ng tanghalian, pakiramdam ko rin namiss ko ang mani noong mga oras na nakasakay ako sa bus. May kalinawan kasi ang karatula sa pintuan ng bus na may nakasulat na: "Bawal na po ang mani at itlog sa bus!". Hindi ko rin alam kung bakit nila ipinagbawal ang mani at itlog sa loob ng bus, samantalang araw-araw libu-libong de-mani at de-itlog na mga nilalang ang sumasakay sa kanila.

Pagkatapos kong maubos ang binili kong mani at ang walang kwentang segway istoryahan tungkol dito, sa wakas ay naitapak ko na ang isang paa ko sa unang baitang ng over pass. Malayo pa lang dinig ko na ang tunog ng karaoke't gitara. Malamang ay may nakapwesto na namang isang matandang bulag, umaawit sa gitna ng over pass at hindi inaalintana ang init ng araw kasama ang mas nakakapasong tingin ng pagkaawa galing sa mga taong lumalampas lang sa kanya, na sa kasamaang palad ay hindi n'ya nakikita pero lumalatay. Wala akong planong ipagngudnguran sa mga mukha n'yo na tinulungan ko 'yung matanda, na ako ay isang hulog ng langit daig pa si Superman at Erap na hilig ang tumulong sa mahihirap, dahil putang ina, nakakahiya mang sabihin ay pilit na pilit at labag pa nga sa loob ko ang ginawa kong pagdukot ng piso sa bulsa ng maong ko at paghulog nito sa donation box sa tabi n'ya.

Pagkatapos ng isang good deed na nagawa ko na mukhang counted naman sa listahan ni Santaklaws, aakalain mo bang bigla-bigla ay maniniwala ako sa good karma? E pa'no, wala pa akong limang hakbang na nakakalayo sa pwesto nung matandang singer, aba, kapag bibiyayaan ka nga naman ng langit, nakapulot din agad ako ng pisong makintab at kumikinang-kinang pa kapalit dun sa pisong inilimos ko sa matanda. Hep! At may sukli pa. Ano pa nga ba? E di 'yung mga sandali na kasama ko si Bebegurl. Baduy.

2 comments: