Pages - Menu

Thursday, April 26, 2012

Ang Mahalaga, Busog Ako!

Trip na trip ko lang talagang mag-bus noong gabing 'yun. Tipong kapag hindi ako sumakay ng bus, hindi makukumpleto ang araw ko kasi simula pa lang ay 'yun na ang nabuong plano sa isip ko. Isa pa, mas komportable talaga sa bus kaysa mag-jeep ako ng kung ilang ulit, may aircon pa. Hindi naman din kasi ako nagmamadali kaya swak talaga. Tamang muni-muni na rin at kung anu-ano pang ka-emohan na pwedeng dumapo sa'ken oras na mapatulala na ako sa bintana.

Pinipilit ko pa nga 'yung kaklase ko na magbus na lang kami pero ayaw n'ya talaga. Mas gusto raw n'yang mag-LRT kahit na noong unang beses kaming sabay na umuwi eh, tumirik 'yung tren hindi pa man nakakalampas sa unang istasyon. Pagdating naman sa istasyon, napilitan din kaming isuko na lang ang kinse pesos na pamasahe dahil sa aberyang nangyari. Tapos makikita na lang namin na umaandar na ulit 'yung tren at balik operasyon kung kailan naman nakalabas na kami at pasakay na ng jeep. Kaya tamang desisyon talagang magbus na lang. Pero matigas 'yung kaklase ko, LRT daw talaga. Nahihilo raw kasi s'ya kapag sumasakay sa bus. May naholdap din daw kasing bus noong isang araw at pinagbabaril daw 'yung mga sakay, dagdag n'ya pang palusot. Hindi ko na pinilit ang mokong. Gusto ko lang naman sanang may makahuntahan habang kinakain ko 'yung maluto ko sa loob ng bus para hindi masyadong nakakahiya sa mga pasahero oras na mangamoy ang ulam kong maling na pinaliguan ko ng kaunting toyo.

Mga kinse minutos din siguro akong nakatunganga sa kahabaan ng Morayta bago ko mapagtanto na hindi na pala doon dumadaan ang mga bus pa-Junction. Rekta sa Recto na pala pagkagaling ng Quiapo kaya lumakad pa ako ng kaunti bago makasakay. Pagsakay sa bus, alanganin ang mga upuan at masyadong mabababa. Hindi sapat pang-kober sa'ken kapag uupakan ko na 'yung maluto ko. Hindi ko na lang kinain 'yung maluto ko, nagmeryenda na lang ako ng sipol pampalipas gutom habang nagmamasid-masid sa paligid. Trapik, pero ayos lang. Hindi nga kasi ako nagmamadaling makauwi. Hawak ko ang oras ko. Ako ang boss.

Sa gitnang bahagi ang pwesto ko, mga limang upuan pa bago ang pinaka-dulo. Sa tuwing may bababang pasahero sa bandang unahan, lumilipat agad ako hanggang sa mapaupo na ako sa pinaka-unang pwesto sa kanang bahagi. Ayos 'yung upuan, parang ako 'yung drayber. Single seater lang kasi. Ginawa siguro 'yung ganun para hindi masyadong makasagabal sa mga papasok na pasahero. Relax and comfy ang pakiramdam ko, ika nga ng ilang patalastas tungkol sa mga kutson. Tamang soundtrip lang sa Sugarfree, pasilip-silip din sa PBA Finals na ata 'yun na palabas naman sa telebisyon sa loob ng bus. Si James Yap pa nga 'yung nakita kong nag-free throw.

Mabagal ang usad ng bus. Rush hour kasi, tapos iniispalto pa ang kahabaan ng kalsada sa bandang Sta. Mesa. Pero okay lang. Tulad nga ng sabi ko kanina, hindi naman ako nagmamadali. Paglampas sa SM Center Point, medyo bumilis na ang takbo. Pagdating naman sa gawing Green Hills, lintik ang dami ng pasahero. Myerkules ng gabi pero sangkatutak talaga ang tao. Parang may zombie apocalypse sa labas, tapos hayuk na hayok sila sa mga sariwang laman. Punung-puno na ang loob ng bus. Buti pa nga ang mga sardinas sa loob ng lata medyo nakakagalaw eh.

Dahil nga nasa unahan ako at kadikit ko lang ang pintuan, kitang-kita ko ang mga pasaherong papasok. May pumasok na apat, isang MILF, dalawang fresh bebot na sa tantya ko ay edad disi-otso at disi-siete, tapos 'yung isa naman ay lalaki na syota nung disi-otso. May itsura 'yung dalawang bata pero wala akong balak na paupuin sila. Binayaran ko 'tong upuan, isa pa, hindi naman sila nagrereklamo.

Pagdating ng bus sa POEA, sangkatutak lalo ang tao. Nagbaba lang ng pasahero ang bus na sinasakyan ko, tapos sarado agad ng pinto. Kung ilang minuto pa ang inabot bago makalampas sa stop light. Sa bungad pa lang ng Edsa Shrine, parang mga langgam silang nag-aabang ng babagsak na asukal. Ganun kakapal. Inisnab lang ng tsuper, iwas huli na rin dahil hindi naman doon ang sakayan. Mas makapal ang bilang ng tao pagdating sa sakayan sa gilid ng Robinsons Galleria. Nagsisik-sikan, nagtutulakan, nag-aamuyan ng hininga't nagsusundutan ng puwet. Hindi ko maipaliwanag 'yung pakiramdam ko na kahit noong sandali lang na 'yun, nasabi ko bigla sa sarili ko na napaka-swerte kong tao. Habang naka-upo lang ako't pinakikinggan ang "Your body is a wonderland" ni Mayer, eto sila nagpapatayan makasampa lang sa bus. Laging present ang talak ng isang matabang babae na nagrereklamong s'ya muna ang paunahin. Parang karakter sa mga pelikula, isang matabang nanay na may kasamang maganda at sexy na anak. Tagaktak ang pawis ng mga survivor, hindi sapat ang lamig ng aircon para pawiin ang hingal at pagod nila sa pakikipagbuno sa mga kapwa pasahero.

Unti-unti ng nagagamay ng mga pasahero ang katiting na espasyo sa bus. Nakapwesto na ang mga paang pambalanse, nakahawak na sa pwedeng hawakan, at nakatutok na rin ang kepyas ni ate sa siko ko na hindi ko naman maibago ng pwesto. At kung ibabago ko naman ng pwesto, kinakabahan ako na baka mapaigtad bigla 'tong si ate dahil sa kiliting mararamdaman n'ya. Nagpatay malisya na lang ako't yumuko. Konting dasal na rin na sana mawala na ang trapiko para makababa't makauwi na rin. Kung kanina hindi ako nagmamadali, ngayon iba na.

Bumago ng pwesto si ateng ipinaubaya na ang kepyas sa siko ko, kasabay ng biglang preno ng bus. Noon ko lang din naramdaman na namamanhid na pala ang pisngi ko dahil sa nakadikit na bag sa mukha ko. Tinanggal ko ang earphone sa kaliwang tenga ko at nagsalita, "Ate, ipatong n'yo na lang po dito ang bag n'yo.", sabay turo sa ibabaw ng bag ko na nakakandong sa mga hita ko. Napatawa lang si ate at ipinatong na nga ang bag n'ya sa bag ko. Akala siguro n'ya ay pauupuin ko s'ya. Pagkapatong ng bag ni ate, baling ulit ako ng lingon sa bintana. Pagkaminsa'y sinisilip-silip ko rin ang mga pasahero sa gilid ko. Dito ako natigilan. Ngayon ko lang kasi napansin ang suot nitong si ate. Parang pambuntis na damit pero pwedeng ipampasok sa opisina. Hindi ako mapakali. Para akong nakukunsensya na ewan. Inisip ko na lang na baka style lang talaga ng damit n'ya 'yun. Isa pa, wala naman akong narinig na reklamo galing sa kanya. O hindi ko lang talaga narinig kasi masyadong malakas ang volume ng pinakikinggan ko? Na kaya pala s'ya napatawa kasi hindi ko s'ya pinaupo kahit buntis s'ya tapos 'yung bag lang n'ya ang inintindi ko? Na tiyan n'ya palang malaki 'yung nararamdaman kong malambot at hindi ang kepyas n'ya? Hinayaan ko na lang na lamunin ako ng kunsesya ko, Kamikazee na ang tumutugtog sa tenga ko.

Pagdating sa Rosario, Pasig ay unti-unti ng nagbabaan ang mga pasahero. Lumuwag na ng bahagya ang bus. Bumaba na rin si ate. Todo silip ako sa bintana para kumpirmahin kung buntis nga s'ya. Hindi naman pala ata. Style lang nga siguro ng damit n'ya 'yun. Hindi ko na lang inisip at pumwesto na lang ako ng sandal paidlip.

Hindi pa man ako naiidlip ay may umistorbo agad sa pagkakasandal ko. Parang may humahampas sa upuang kinalalagakan ng puwet at malaki kong likod. Lumuwag nga ng bahagya ang bus pero may mga tao pa rin na nakatayo. Noong maisip ko 'yun, dito na ako lumingon ng bahagya sa pinang-gagalingan ng parang maliliit na hampas sa upuan ko. May nakita akong matanda na parang medyo naiirita siguro kasi hindi ko man lang s'ya ino-offeran ng upuan. Hindi ko naman kasi s'ya nakikita. At hindi na rin ako nag-abala na silipin pa ang mukha n'ya. Natatakot kasi ako na baka kanina pa masama ang tingin n'ya sa'kin at ayokong magtama ang mga mata namin. Umusod ng bahagya ang matanda na malakas pa naman, may dala nga lang isang bag na medyo malaki. Tumapat s'ya sa gilid ko. Medyo tumatapik tapik pa rin sa upuan. Pakiramdam ko pa nga'y nagsasalita rin s'ya ng kung anu-ano, pero dahil rakers ako at abala sa pakikinig ng maiingay na tugtugin, hindi ko ito naririnig. Para tuloy sinisilihan ang puwet ko dahil sa kunsensya. Hindi ko pa rin maiangat ang ulo ko para tumingin sa direksyon n'ya, tapos ngingiti ako at magsasabing, "Ale, upo na ho kayo". Imbes na ganun ang mangyari, ipinikit ko na lang ang mga mata ko at humingi na lang ng tawad sa nasa itaas. Nakahinga lang ako ng maluwag nung bumaba na 'yung ale.

Paglampas sa stop light, bumaba na agad ako. Inabot din pala ng dalawang oras at kalahati ang byahe ko mula Morayta hanggang Junction sakay ng G-Liner na 'yun. Nawala na 'yung sili sa puwet na pakiramdam ko. Pero namamawis pa rin ang paa ko. Ang totoo, tanghali pa lang ay nararamdaman ko na 'yun. Bulok na bulok na kasi ang sapatos ko. 'Yung medyo bigat na lang sa dibdib ko ang hindi nawawala dahil sa mga nangyari sa bus na 'yun. Hindi pala talaga ako maginoong tao. Nung ma-realize ko 'yun, naglakad-lakad na lang ako at naghanap ng pwesto kung saan pwede kong upakan ang maluto ko.

Sa gilid may upuan. Upo agad ako. Hindi ko na pinansin ang mga mokong na tambay at nagku-kwentuhan tungkol sa picture nila sa Facebook. Kuha ng kutsara, labas ng ulam at kanin, lamon! Inom ng tubig. Dighay. At finally, nakumbinsi ko rin ang sarili ko na nangyari lang 'yun kasi nahihiya akong tumulong minsan sa kapwa ko. Napa-yosi tuloy ako.

5 comments:

  1. ang mahalaga nga naman eh busog ka adre.. hehehe.. patas lang yung ginawa mo.. hayaan mong mamatay na lang konsensya mo.. pagtanda mo, sa dami ng kupal na mga kabataan ngayon, sigurado akong hindi ka rin nila o-offer-an ng upuan kung sakali.. hehehe

    ReplyDelete
  2. May biyahe palang Tanay yung RRCG. Hindi ko lang alam kung galing din ba siyang Quiapo. Pero madalas gabi lang bumibiyahe.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Oo, meron na ulit! Kagabi pagka-bus ko from Morayta to Junction, bus din ang sinakyan ko pa-Tanay. Bagung-bago ang mga bus nila, sarap sakyan. Hehe. Meron din yun sa umaga.

      Delete
  3. okay lang yon, may kalayaan ka namang gawin kung anong gusto mo. mas okay yon kesa gawin mo ang isang bagay na napilitan ka lang. pero pamatay talaga ang pagko-commute saten!

    ReplyDelete
  4. di ko alam ikocomment ko kasi may mga pagkakataon na badtrip ako kapag nakatayo ako sa bus pero naisip ko din na kahit naman ako di nagapapupo kapag may nangangailangan eh

    ReplyDelete